Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Amos; Obadias; Jonas
Binalaan ni Amos ang mga Israelita at ang mga karatig bansa na sila ay malilipol kung hindi sila magsisisi. Ipinropesiya niya na dahil tinanggihan ng mga Israelita ang mga propeta, aalisin ng Panginoon ang Kanyang mga propeta sa kanila. Ipinropesiya ni Obadias na ang Edom ay mawawasak dahil sa kanilang pagtataksil noong sinalakay ng Babilonia ang Jerusalem. Ipinropesiya rin niya ang pagpapanumbalik ng Israel at ng mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion. Tinawag ng Panginoon si Jonas upang mangaral sa mga tao ng Ninive. Ngunit tumakas at nilunok si Jonas ng isang malaking isda. Matapos siyang iligtas ng Diyos, pumunta si Jonas sa Ninive at nagsisi ang mga tao. Pagkatapos ay itinuro ng Panginoon kay Jonas ang tungkol sa Kanyang pagmamahal at awa.
Mga Resource
Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Ano ang aklat ni Amos?
Ang aklat ni Amos ay naglalaman ng mga turo at propesiya ni Amos, na orihinal na pastol at magsasaka mula sa isang munting bayan na malapit sa Jerusalem. Nabuhay siya noong ikawalong siglo BC sa panahon ng paghahari ni Haring Uzzias ng Juda at ni Haring Jeroboam II ng Israel. Bagama’t si Amos ay mula sa Katimugang Kaharian ng Juda, ang kanyang misyon bilang propeta ay pangunahing nakatuon sa Hilagang Kaharian ng Israel.
Nagbabala si Amos na ang paghahatol ay malapit nang sumapit sa Israel dahil hindi tinanggap ng mga tao ang mga propeta, at pinagmalupitan ng mayayaman ang mga dukha at mahina. Hindi tinanggap ng marami sa mga tao ng Israel ang mga babala ni Amos at ng iba pang mga propeta, at sila ay sinakop ng mga taga-Asiria noong 722 BC.
Maaaring hatiin ang aklat ni Amos nang ganito:
-
Amos 1–2: Mga propesiya ng paghahatol sa iba’t ibang bansa, kabilang na ang Juda at Israel, dahil sa kanilang kasamaan.
-
Amos 3–6: Mga babala sa Hilagang Kaharian at ang pagsamo ni Amos na magsisi ang mga tao.
-
Amos 7–9: Mga pangitain ni Amos tungkol sa paparating na paghahatol at mensahe ng pag-asa na balang-araw ay ipanunumbalik at pagpapalain ng Diyos ang Kanyang mga tao.
Amos 2:11–12
Ano ang isang Nazirita?
Ang katagang Nazirita (binabaybay ring Nazarita) ay nagmula sa salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay “itinalaga” o “inilaan.” Ang mga Nazirita ay mga indibidwal na gumawa ng espesyal na panata na lubos na ilaan ang kanilang sarili sa paglilingkod sa Diyos sa isang panahon ng kanilang buhay. Pinagalitan ng Panginoon ang mga Israelita dahil sa pagbibigay ng alak sa mga Nazirita na siyang naging dahilan upang masira ang kanilang panata na umiwas sa gayong inumin.
Tingnan din sa “Mga Hukom 13:2–5. Ano ang isang Nazirita?”
Amos 3:1–8
Ano ang itinuro ni Amos tungkol sa mga propeta ng Panginoon?
Sa pamamagitan ng propetang si Amos, pinagsabihan ng Panginoon ang Israel, na hindi tumanggap sa Kanyang mga sugo sa pamamagitan ng pagsasabi sa mga propeta na “huwag kayong magsalita ng propesiya.” Pagkatapos ay sunud-sunod na retorikang nagtanong ang Panginoon sa Amos 3:2–8 upang bigyang-diin na hindi maililigtas ang Israel mula sa paghahatol ng pagpapatahimik sa mga propeta.
Nagpatotoo rin si Amos, “Tunay na ang Panginoong Diyos ay walang gagawin, malibang kanyang ihayag ang kanyang lihim sa kanyang mga lingkod na mga propeta.” Binago ng Pagsasalin ni Joseph Smith ng talatang ito ang salitang “maliban” at ginawang “hanggang.” Ang salitang Hebreo para sa “lihim” sa Amos 3:7 ay maaari ding maging “kapulungan,” “payo,” o “plano.” Malamang na binigyang-diin ni Amos na hindi hahayaan ng Panginoon na mawasak ang Israel nang hindi muna inihahayag ang Kanyang mga hangarin sa Kanyang mga propeta at binabalaan ang mga tao na magsisi.
Itinuro ni Propetang Joseph Smith ang katulad na alituntunin: “Sa tuwing malapit nang magbigay ng hatol sa mundo o magsagawa ng anumang dakilang gawain ang Diyos, ang unang bagay na ginagawa niya ay ang magbangon ng isang Propeta, at ihayag sa kanya ang lihim, at ipadala siya upang balaan ang mga tao nang sila ay maiwang walang maidadahilan. Ito ang nangyari sa mga araw ni Noe, at ni Lot: Ang Diyos ay magbibigay na ng mga kahatulan sa mga tao, at ibinangon niya ang mga propetang yaon na nagbabala sa mga tao tungkol dito; subalit hindi sila nagsitalima, kundi tinanggihan ang kanilang patotoo; at ang mga kahatulan ay sumapit sa mga tao kaya nga’t sila ay nalipol, samantalang ang mga propeta ay naligtas sa pamamagitan ng pagtahak sa daan na minarkahan ng Panginoon.”
Amos 5:18–20
Ano ang ibig sabihin ng pariralang “Kahabag-habag kayong nagnanais ng araw ng Panginoon”?
Ang “araw ng Panginoon” ay tumutukoy sa mga panahon na magbibigay ang Panginoon ng paghahatol sa masasama at kaligtasan sa mabubuti. Maraming Israelita noong panahon ni Amos ang nagpalagay na ang araw ng Panginoon ay magbibigay sa kanila ng tagumpay laban sa kanilang mga kaaway. Gayunpaman, nagbabala ang Panginoon na dahil sa mga kasalanan ng mga Israelita, para sa kanila, “kadiliman ang araw ng Panginoon, at hindi kaliwanagan.” Sa halip na tumanggap ng proteksiyon, makararanas sila ng paghahatol maliban kung sila ay magsisisi.
Amos 7:1–6
Nagbago ba ang isip ng Panginoon nang magmakaawa si Amos para sa Israel?
(Ihambing ang Jonas 3:9–10; 4:2)
Sa King James Version ng Amos 7, nakasaad sa talata 3 at 6 na “ang Panginoon ay nagbago ng isip” matapos magsumamo si Amos ng awa para sa mga tao. Ang salitang Hebreo na isinalin bilang “nagbago ng isip” sa mga talatang ito ay may iba’t ibang pagpapakahulugan, kabilang na ang “nanghinayang,” “namighati o naawa,” “nang-aliw,” o “nalubag o nahabag.” Binago ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang mga talatang ito upang linawin na hindi nagbago ng isip ang Panginoon; sa halip, ipinagpaliban Niya ang paghahatol dahil “si Jacob ay magsisisi.”
Tingnan din sa “Genesis 6:6. Ano ang dapat nating maunawaan mula sa pariralang ‘nalungkot ang Panginoon’?”
Amos 7:7–8
Ano ang “panghulog”?
Ang panghulog ay isang tali na may pabigat na metal o bato na nakatali sa isang dulo. Ang kagamitang ito ay ginagamit ng mga nagtatayo ng istruktura upang matiyak na nakatayo nang tuwid ang mga pader. Sa mga talatang ito, ginamit ang panghulog sa matalinhagang paraan upang kumatawan sa pagsukat ng Diyos sa pagkamatwid ng mga Israelita. Sa pamamagitan ng simbolikong paglapit ng panghulog, inihayag ng Panginoon kung gaano kalayo na nalihis ng mga tao sa Kanyang mga kautusan.
Amos 8:11–14
Ano ang espirituwal na taggutom na ipinangakong ipapadala ng Panginoon?
Noong unang panahon, nagpadala ang Diyos ng mga pisikal na taggutom upang tulungan ang mga tao na bumalik sa Kanya, ngunit ayaw pa rin nilang magsisi. Sa kabanata 8, ipinropesiya ni Amos ang ibang uri ng taggutom—isang espirituwal na taggutom kung saan babawiin ng Panginoon ang Kanyang salita sa mga tao.
Isang katuparan ng propesiyang ito ang nangyari matapos ang ministeryo ng propetang si Malakias, kung kailan mahigit 400 taon na ang lumipas nang walang propetang tinawag ng Diyos na naglilingkod sa lupain ng Israel. Ang mga salita ni Amos ay muling natupad matapos itatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan noong Kanyang mortal na ministeryo. Kasunod ng pagkamatay ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga Apostol, nag-apostasiya ang Simbahan at hindi na natanggap ng mga tao ang mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga buhay na propeta. Ang malawakang pagtalikod na ito ay ipinropesiya ng mga propeta ng Panginoon at nagpatuloy hanggang sa ipanumbalik ng Diyos ang Kanyang ebanghelyo sa lupa sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.
Ipinropesiya ni Amos ang taggutom sa salita ng Diyos.
Ano ang aklat ni Obadias?
Ang Obadias ang pinakamaikling aklat sa Lumang Tipan. Ang kanyang propesiya ay isinulat pagkatapos ng isa sa mga pananakop ng Jerusalem—marahil noong nabihag ito ng mga taga-Babilonia noong 586 BC. Ang Obadias ay naglalaman ng propesiya ng paghahatol sa Edom, isang bansang nagmula sa anak ni Isaac na si Esau. Nang masakop ang Jerusalem, tumanggi ang mga tao ng Edom na tulungan ang mga tao ng Juda, ikinalugod ang kanilang kamalasan, ninakaw ang mga gamit na naiwan nila, at ipinagkanulo sila sa kanilang mga kaaway. Ipinropesiya ni Obadias ang pagkawasak na naghihintay sa mga tao ng Edom dahil sa kanilang kalupitan sa mga tao ng Jerusalem. Ipinropesiya rin ni Obadias ang pagpapanumbalik ng Jerusalem sa hinaharap.
Obadias 1:21
Ano ang ibig sabihin na ang mga tagapagligtas ay aahon sa bundok ng Sion?
Bagama’t nasakop ang Jerusalem, ipinropesiya ni Obadias ang isang araw sa hinaharap kung kailan ililigtas ang mga pinagtipanang tao ng Diyos. Itinuro niya na sa panahong ito, magkakaroon ng “mga tagapagligtas” na “aahon sa bundok ng Sion.” Sa Lumang Tipan, ang katagang “Bundok ng Sion” ay karaniwang tumutukoy sa Jerusalem, partikular na sa bundok ng templo.
Inilapat ng mga propeta sa huling araw ang propesiya ni Obadias sa mga huling araw, kung kailan ang Israel ay titipunin, ang Sion ay itatatag, at pagpapalain ng gawain sa templo ang mga anak ng Diyos. Itinuro ni Elder Quentin L. Cook, “… maisasagawa natin ang nakapagliligtas na mga ordenansa at tunay tayong magiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion para sa sarili nating pamilya upang madakila at maligtas tayo na kasama nila.”
Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith: “Paano sila [ang mga Banal] magiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion? Sa pamamagitan ng pagtatayo ng kanilang mga templo, pagtatayo ng bautismuhan, at sa pagtanggap ng lahat ng ordenansa, binyag, kumpirmasyon, paghuhugas, pagpapahid ng langis, ordenasyon at pagbubuklod sa kanilang uluhan, para sa kanilang mga ninuno na namatay, at tubusin sila upang sila ay makabangon sa unang pagkabuhay na muli at madakila sa mga trono ng kaluwalhatian na kasama sila.”
Ano ang aklat ni Jonas?
Hindi tulad ng iba pang aklat ng mga propeta sa Lumang Tipan, ang aklat ni Jonas ay hindi isang koleksiyon ng mga propesiya ni Jonas kundi isang naratibong salaysay ng kanyang mga personal na karanasan. Si Jonas ay isang propeta mula sa hilagang teritoryo ng Zabulon na naglingkod noong paghahari ni Jeroboam II sa kalagitnaan ng ikawalong siglo BC. Nang tangkain ni Jonas na iwasan ang tawag ng Diyos na mangaral ng pagsisisi sa mga tao ng Ninive, natuklasan niya na walang silbi ang pagtatangkang tumakas kay Jehova. Ang mahimalang pagliligtas kay Jonas mula sa isang “malaking isda” at ang pagkakataong ibinigay sa mga tao ng Ninive upang magsisi ay nagpapakita ng pagiging maawain ng Diyos.
Jonah on the Beach at Nineveh [Si Jonas sa Dalampasigan sa Ninive], ni Daniel A. Lewis
Jonas 1:1–3
Ano ang alam natin tungkol sa mga lungsod ng Ninive at Tarsis?
Ang Ninive ay isang malaking lungsod sa Imperyo ng Asiria na kalaunan ay naging kabisera nito sa ilalim ni Haring Sennacherib. Mahigit 500 milya (800 kilometro) iyon mula sa bayang sinilangan ni Jonas na Gath-heper. Bago nangaral sa kanila si Jonas, ang mga tao ng lunsod ay gumagawa ng matinding kasamaan. Hindi alam ang eksaktong lokasyon ng Tarsis, ngunit iniuugnay ito ng maraming iskolar sa Tartessus, na isang sinaunang lungsod sa timog Espanya. Ang Tarsis ay matatagpuan sa kabilang direksiyon ng Ninive at malamang ay tumutukoy ito sa isang malayong lokasyon. Sa pamamagitan ng pagtatangkang tumakas patungong Tarsis, sinubukan ni Jonas na lumayo sa lugar kung saan siya pinapupunta ng Panginoon.
Jonas 2
Ano ang mahalaga sa karanasan ni Jonas sa loob ng isda?
Matapos malunok ng isda, nanalangin si Jonas mula sa loob ng tiyan nito. Ang kanyang panalangin ay nakaayos bilang awit ng pagpapasalamat, at inuulit nito ang maraming tema mula sa aklat ng Mga Awit. Inilarawan ni Jonas ang kanyang paglubog sa dagat bilang simbolikong paglubog sa kamatayan. Sa Bagong Tipan, itinuro ni Jesucristo ang karanasan ni Jonas bilang palatandaan ng Kanyang sariling kamatayan, libing, at Pagkabuhay na Mag-uli.
Jonas 4
Ano ang kahulugan ng karanasan ni Jonas sa halaman?
Bagama’t personal na nakinabang si Jonas mula sa awa at kabaitan ng Panginoon, ikinagalit din niya ang mismong mga katangiang ito nang pinatawad ng Panginoon ang mga tao ng Ninive. Ang reaksiyon ni Jonas sa natuyong halaman ay naglantad ng kanyang mga maling priyoridad—nagpakita siya ng higit na malasakit sa isang halaman na nagbigay sa kanya ng pansamantalang kapanatagan kaysa sa isang buong lungsod ng mga tao. Sa pamamagitan ng halaman, ipinaalala ng Panginoon kay Jonas na may malasakit Siya sa mga tao ng Ninive, kahit na si Jonas ay wala.
Alamin ang Iba pa
Mga Propeta
-
Isaac K. Morrison, “Inaakay Tayo ng Propeta Papunta kay Jesucristo,” Liahona, Set. 2024, 21–24
-
“Amos 3:7,” Liahona, Mar. 2012, 49
Apostasiya at Pagpapanumbalik
-
“Ang Mensahe ng Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ni Jesucristo,” sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2024), 36–53
Jonas
-
Matthew S. Holland, “Huwag Itatakwil ang Iyong Tunay na Katapatan,” Liahona, Nob. 2025, 105–6.
-
Juan Uceda, “Jonah and the Second Chance,” Ensign, Set. 2002, 26–29
Media
Mga Larawan
Detalye tungkol sa propetang si Amos mula sa Old Testament Collage #1 [Collage #1 ng Lumang Tipan], ni Mitchell W. Heinze.
Jehovah Warns Jonah [Binalaan ni Jehova si Jonas], ni Sam Lawlor
Jonah and the Whale [Si Jonas at ang Balyena], ni Kevin Carden
Jonah Calling Nineveh to Repentance [Hinikayat ni Jonas ang Ninive na Magsisi], ni Gustave Doré