Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Isaias 50–57


Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Isaias 50–57

Sa pamamagitan ni Isaias, tiniyak ng Panginoon sa mga Israelita na hindi Niya sila pinabayaan. Inanyayahan niya silang magsisi, at muli Niya silang pagpapalain. Nangako siya na gagawing malinis at maluwalhati ang Jerusalem. Ipinropesiya rin niya ang isang araw kung kailan bibigyan ng kapangyarihan ang mga sugo ng Panginoon na ibahagi ang mabuting balita ng pagtitipon at pagtubos ng Israel. Kikilalanin at sasambahin ng sanlibutan ang Banal ng Israel balang-araw. Itinuro ni Isaias na ang Tagapagligtas ay hahamakin, itatakwil, sasaktan, at pahihirapan. Papasanin Niya ang ating mga kalungkutan at masusugatan dahil sa ating mga paglabag. Ipinangako ng Panginoon sa bihag na Israel na ang kanilang pagkalat ay magiging pansamantala lamang at itinuro Niya na ang Kanyang tipan ng pagmamahal para sa kanila ay walang hanggan. Inanyayahan niya sila na bumalik sa kanilang pakikipagtipan sa Kanya at magtiwala sa Kanyang higit na mataas na mga pamamaraan.

Mga Resource

Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Isaias 50:1

Bakit nagtanong ang Panginoon tungkol sa isang “sulat ng pagkakahiwalay” at “mga nagpapautang”?

Ginamit ng Panginoon ang matalinghagang paglalarawan sa diborsyo at pagbebenta ng isang alipin para ituro na bagama’t humantong sa pagkalat at pagkabihag ang pag-apostasiya ng Israel noon, hindi Niya binalewala ang orihinal na tipang ginawa Niya sa Kanyang mga tao. Sa ilalim ng batas ni Moises, ang isang lalaki na diniborsyo ang kanyang asawa ay kinailangang magbigay ng isang kasulatan ng paghihiwalay para magkaroon ito ng bisa. Gayundin, maaaring ibenta ng mga indibidwal ang kanilang sarili o ang kanilang mga anak noong sinaunang panahon bilang alipin para pambayad sa kanilang mga utang. Ngunit walang inutangan ang Panginoon, ni hindi Siya nagbigay ng kasulatan ng paghihiwalay sa Israel. Sa halip, ang Israel ang humiwalay sa Panginoon sa pamamagitan ng kasalanan.

Isaias 52:1–2

Ano ang ibig sabihin ng magsuot ng “magagandang damit”?

Matapos ilarawan ang pisikal at espirituwal na pagkabihag na mararanasan ng Israel dahil sa kasalanan, nanawagan si Isaias sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon na “gumising,” “kalagin … ang tali” mula sa kanilang leeg, at iwanan ang pagkabihag. Ang isang katuparan ng propesiyang ito ay nangyari nang palayain ni Haring Ciro ang mga Judio mula sa pagkabihag sa Babilonia at pinayagan silang bumalik sa Jerusalem para muling itayo ang templo. Sa ating panahon, ang Israel ay espirituwal na ginigising at tinitipon mula sa mga bansa. Ang paanyaya ni Isaias na magsuot ng “magagandang damit” ay malamang na isang simbolikong panawagan na hubarin ang mga damit ng kasalanan at pagkaalipin at palitan ang mga ito ng mga damit ng kabutihan at awtoridad ng priesthood.

Isaias 52:7–10

Ano ang kahulugan ng pariralang “Napakaganda sa mga bundok ang mga paa niyong nagdadala ng mabuting balita”?

Noong unang panahon, ginamit ang mga mananakbo para maghatid ng mga mensahe. Ginamit ni Isaias ang pamilyar na paglalarawang ito sa mga sugo na naghahatid ng mabuting balita para isimbolo ang kagandahan ng pagtanggap ng mabuting balita—at ang pasasalamat na nadama para sa mga naghahatid ng mensahe. Ang isang halimbawa ng mabuting balita na maaaring ipinropesiya ni Isaias ay ang balita na papayagang bumalik sa Jerusalem ang mga ipinatapong Judio. Sa ating dispensasyon, ginamit ng Panginoon ang ganitong paglalarawan para ilarawan ang mga missionary na tinawag para ibahagi ang mabuting balita ng Kanyang ebanghelyo.

Ang Isaias 52:8–10 ay binanggit nang apat na beses sa Aklat ni Mormon, kabilang na ang dalawang beses na pagbanggit ng Tagapagligtas. Nang hamunin ng masasamang saserdote ni Haring Noe si Abinadi na ipaliwanag ang kahulugan ng mga talatang ito, itinuro ni Abinadi na ang “mga banal na propeta … ang mga yaong nagpahayag ng kapayapaan, na nagdala ng mabubuting balita ng kabutihan.” Nagpatuloy siya sa pagpapatotoo na ang pinakamagandang sugo sa lahat ay si Jesucristo. Ipinahayag ni Abinadi, “Kayganda sa mga bundok ang mga paa niya na nagdadala ng mabuting balita, na tagapagtatag ng kapayapaan, oo, maging ang Panginoon, na tumubos sa kanyang mga tao.”

Si Jesucristo na nakatayo sa tabi ng isang kawan ng mga tupa, na may mga bundok sa background

Larawan sa kagandahang-loob ng Havenlight

All His Majesty [Ang Kanyang Buong Kamahalan], ni Yongsung Kim

Isaias 52:11

Ano ang mga sisidlan ng Panginoon?

Nang salakayin ni Haring Nebukadnezar at ng mga taga-Babilonia ang Jerusalem, kinuha nila ang “lahat ng kayamanan sa bahay ng Panginoon.” Kabilang dito ang anumang yari sa ginto, pilak, o tanso—tulad ng mga kandelero, palanggana, at iba pang sisidlan na ginagamit sa pagsamba sa templo. Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland na ang utos para sa mga nagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon na maging malinis “ay tumutukoy sa pagbawi at pagbabalik sa Jerusalem ng iba’t ibang kasangkapan sa templo na dinala sa Babilonia ni Haring Nebukadnezar. Sa pisikal na pagbabalik ng mga kasangkapang ito, ipinaalala ng Panginoon sa mga miyembro noon ang kabanalan ng anumang may kaugnayan sa templo. Samakatwid, habang ibinabalik nila sa kanilang lupain ang iba’t ibang mangkok, palanggana, baso, at iba pang sisidlang ito, sila mismo ay kinailangang maging malinis gaya ng mga pangseremonyang kasangkapan na kanilang dala-dala.”

Isaias 52:13–15

Sino ang lingkod na magpapamangha sa mga hari at iba pa?

Ang mga talatang ito ay bahagi ng isa sa “mga awit ng lingkod” ni Isaias. Ang lingkod sa awiting ito ay inilarawan bilang maingat, ibig sabihin ay matalino at maimpluwensiya—isang tao na ang mga gawa ay magpapamangha sa marami, kabilang na ang mga hari. Ang pahayag na “ang kanyang anyo ay napinsalang lubha, halos hindi na anyo ng tao” ay nagpapahiwatig na ang lingkod ay magdaranas ng matinding pagdurusa na pipinsala sa kanyang anyo. Sinasabi sa King James Version na ang lingkod na ito ay “magwiwisik sa maraming bansa.” Ginagamit sa iba pang pagsasalin ang mga salitang “gugulat” o “magpapamangha” sa halip na “magwiwisik.” Pinalitan sa Pagsasalin ni Joseph Smith ang “magwiwisik” ng “magtitipon.”

Sa Aklat ni Mormon, itinuro ng Tagapagligtas na ang Isaias 52:13 ay tumutukoy rin sa isang lingkod na kasama sa “dakila at kagila-gilalas na gawa” na isasagawa ng Ama sa mga huling araw. Malamang na tumutukoy ito kay Propetang Joseph Smith. Tulad ng iba pang mga awit ng lingkod, ang ganap na katuparan ng propesiyang ito ay si Jesucristo. Ang nagdurusang Tagapagligtas ng buong sangkatauhan ay hindi ang karaniwang inaasahan ng mga tao sa mundo.

Isaias 53

Paano tinupad ni Jesucristo ang paglalarawan ni Isaias sa nagdurusang lingkod?

Ang Isaias 53 ay isa sa mga pinakamakapangyarihan at pinakakilalang propesiyang tinupad ni Jesucristo. Ito ay pagpapatuloy ng awit ng lingkod na nagsisimula sa bandang dulo ng Isaias 52. Ang bahaging ito ng kanta ni Isaias ay nakatuon sa “nagdurusang lingkod,” na maaaring sumimbolo sa Tagapagligtas. Ang Isaias 53 ay isa sa mga pinakamadalas banggiting propesiya tungkol kay Jesucristo sa Bagong Tipan. Binanggit at ipinaliwanag din ni Abinadi ang propesiyang ito sa Aklat ni Mormon.

Ang sumusunod na talahanayan ay naglalarawan ng mga posibleng paraan kung paano tinupad ni Jesucristo ang ilan sa mga propesiya sa kabanatang ito.

Pahayag mula sa Isaias 53

Posibleng Katuparan

Pahayag mula sa Isaias 53

“Sapagkat siya’y tumubo sa harapan niya na gaya ng sariwang pananim, at gaya ng ugat sa tuyong lupa” (Isaias 53:2)

Posibleng Katuparan

Dumating ang Mesiyas sa paraang hindi inasahan ng sinuman. Ang “tuyong lupa” ay maaari ding sumimbolo sa espirituwal na tagtuyot o apostasiya na nangyari noong panahon ni Jesus.

Pahayag mula sa Isaias 53

“Walang kagandahan na maiibigan natin sa kanya” (Isaias 53:2)

Posibleng Katuparan

Walang anuman sa pisikal na anyo ng Tagapagligtas noong nabubuhay Siya ang nagpatangi sa Kanya o nagbukod sa Kanya sa iba.

Pahayag mula sa Isaias 53

“Siya’y hinamak at itinakuwil ng mga tao” (Isaias 53:3)

Posibleng Katuparan

Si Jesucristo ay itinakwil ng sarili Niyang mga tao at dinuraan, hinampas, hinagupit, at kinutya sa buong paglilitis sa Kanya at Pagpapako sa Krus.

Pahayag mula sa Isaias 53

“Kanyang pinasan ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan” (Isaias 53:4)

Posibleng Katuparan

Bilang bahagi ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, inako ng Tagapagligtas ang ating mga pasakit, paghihirap, karamdaman, at kahinaan.

Pahayag mula sa Isaias 53

“Siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsuway, siya’y binugbog dahil sa ating mga kasamaan; ipinataw sa kanya ang parusa para sa ating kapayapaan, at sa pamamagitan ng kanyang mga latay ay gumaling tayo” (Isaias 53:5)

Posibleng Katuparan

Si Jesucristo ay nagdusa para sa ating mga kasalanan upang tayo ay makatanggap ng kapatawaran, kapayapaan at espirituwal na paggaling.

Pahayag mula sa Isaias 53

“Siya’y inapi, at siya’y sinaktan, gayunma’y hindi niya ibinuka ang kanyang bibig” (Isaias 53:7)

Posibleng Katuparan

Nanatiling walang imik si Jesus noong litisin Siya sa harap ni Herodes. Wala rin Siyang imik kung minsan kapag Siya’y tinatanong ng mga punong saserdote at ni Pilato.

Pahayag mula sa Isaias 53

“Ginawa nila ang kanyang libingan na kasama ng masasama, at kasama ng isang lalaking mayaman sa kanyang kamatayan” (Isaias 53:9)

Posibleng Katuparan

Ipinako si Jesus sa krus sa pagitan ng dalawang magnanakaw at inilibing sa libingan ng isang lalaking mayaman.

Pahayag mula sa Isaias 53

“Kinalugdan ng Panginoon na mabugbog siya” (Isaias 53:10)

Posibleng Katuparan

Maaaring nangangahulugan ito na nalugod ang Ama sa Langit na nagkusa si Jesus na ialay ang Kanyang sarili bilang sakripisyo para sa ating mga kasalanan.

Pahayag mula sa Isaias 53

“Makikita niya ang kanyang supling” (Isaias 53:10)

Posibleng Katuparan

Itinuro ni Abinadi na ang “supling” sa talatang ito ay tumutukoy sa mga naniniwala sa patotoo ng mga propeta tungkol kay Jesucristo.

oil painting ni Jesus na nakayukod habang nagdarasal sa halamanan ng Getsemani

Getsemani, ni J. Kirk Richards

Isaias 54:1–3

Ano ang kahulugan ng “palawakin mo ang lugar ng iyong tolda … at patibayin mo ang iyong mga tulos”?

Inihambing ni Isaias ang Sion sa isang tolda o tabernakulo na pinatibay ng mga istaka o tulos. Ipinropesiya niya ang panahon na napakaraming mabubuting tao ang titipunin sa Sion kaya kakailanganing palawakin at patibayin ang tolda ng karagdagang mas matitibay na istaka o tulos.

Binanggit ng Tagapagligtas ang propesiyang ito sa Aklat ni Mormon at ipinaliwanag na magaganap ang isang katuparan kapag natipon ang Israel sa mga huling araw. Ngayon, ang Simbahan ay inorganisa sa “mga istaka ng Sion,” isang terminong kinuha mula sa analohiya ni Isaias. “Ang bawat istaka ng Sion ay umaalalay at tumutulong sa pagtaguyod sa Simbahan [tulad sa] isang tolda o tabernakulo [na pinatatatag] ng mga tulos nito. Ang istaka ang pook ng pagtitipun-tipon para sa mga labi ng nakakalat na Israelita.”

line drawing ng isang malaking tolda na maraming panel na may mga tulos at tali

Isaias 54:6–10

Ano ang ibig sabihin ng titipunin ng Panginoon ang Kanyang mga tao nang may “awa” at “walang hanggang kagandahang-loob”?

Ipinaliwanag ng Panginoon na ang pagdurusa ng Israel ay magiging pansamantala, at ang Kanyang kagandahang-loob at awa ay magiging walang hanggan. Nangako Siya na ang “tipan ng [Kanyang] kapayapaan” ay mas permanente kaysa sa mga bundok at burol. Ang salitang Hebreo na isinalin bilang “kagandahang-loob” sa talata 8 at 10 ay hesed, na tumutukoy sa kagandahang-loob ng Panginoon sa mga taong nakipagtipan sa Kanya.

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Dahil ang Diyos ay may hesed para sa mga nakipagtipan sa Kanya, mamahalin Niya sila. Siya ay patuloy na makikipagtulungan sa kanila at magbibigay sa kanila ng mga pagkakataong magbago. Patatawarin Niya sila kapag nagsisisi sila. At kung maligaw sila, tutulungan Niya silang mahanap ang daan pabalik sa Kanya.”

Isaias 56:3–8

Anong mga pangako ang ginawa ng Panginoon sa mga dayuhan at eunuko?

Sa King James Version ng Biblia, ang salitang “dayuhan” ay kadalasang tumutukoy sa mga hindi Israelita na naninirahan sa kalipunan ng mga pinagtipanang tao. Bagama’t ang mga dayuhang ito ay pinagkalooban ng ilang legal na proteksyon, hindi sila isinama sa pakikibahagi sa ilang gawaing panrelihiyon, tulad ng pagpasok sa loob ng templo para sa pagsamba. Ang mga eunuko ay isang klase ng mga lalaking kinapon na madalas na mayhawak ng mga pinagkakatiwalaang posisyon sa mga maharlikang hukuman. Pinagbawalan din silang sumamba na kasama ng mga Israelita.

Sa Isaias 56, nilinaw ng Panginoon na kung ang mga eunuko at dayuhan ay “nag-iingat ng [Kanyang] tipan,” magkakaroon sila ng karapatan sa mga pagpapala at pribilehiyo ring iyon tulad ng iba pang mga Israelita. Ang pagpapaabot ng mga pribilehiyo ng tipan sa mga dayuhang ito ay naglalarawan sa isang malaking pagbabago sa umiiral na mga kaugalian noong panahong iyon.

Alamin ang Iba pa

“Magsuot ka ng iyong kalakasan, … ng iyong magagandang damit”

Ang pagdurusa at Pagbabayad-sala ni Jesucristo

“Palawakin mo ang lugar ng iyong tolda, … at patibayin mo ang iyong mga tulos”

  • “Enlarge the Place of Thy Tent,” Ensign, Abr. 2015, 70–71

Media

Video

“The Savior Understands Me [Nauunawaan Ako ng Tagapagligtas]” (3:37)

3:37

Musika

Mga Larawan

mananakbo o runner

isang paglalarawan kay Elijah na tumatakbo, ni Robert T. Barrett

Si Jesucristo na nakatayo sa isang bundok

How Beautiful Upon the Mountains [Napakaganda sa mga Bundok], ni Eva Timothy

Ibinalik ni Ciro ang mga sisidlan ng templo

Cyrus Restores the Vessels of the Temple [Ibinalik ni Ciro ang mga Sisidlan ng Templo], ni Gustave Doré

si Jesucristo na may putong na koronang tinik

The Mocking of Christ [Ang Pangungutya kay Cristo], ni Carl Bloch

Si Cristo na nakatayo at nakatali ang mga kamay at nakasuot ng damit na kulay lila, kasama si Pilato

Christ and Pilate Behold the Man [Si Cristo at si Pilato Narito ang Tao], ni Marcus Vincent

Mga Tala

  1. Tingnan sa Kerry Muhlestein, Learning to Love Isaiah (2021), 412–13, mga tala sa Isaias 50:1; Isaias 50:2–3.

  2. Tingnan sa Deuteronomio 24:1–4.

  3. Tingnan sa Exodo 21:7–8; 2 Mga Hari 4:1; Nehemias 5:1–5. Tingnan din sa “Deuteronomio 15:12–18. Ano ang alam natin tungkol sa pang-aalipin sa panahon ng Lumang Tipan?”

  4. Tingnan sa Isaias 48–51.

  5. Tingnan sa 3 Nephi 20:11–46; Doktrina at mga Tipan 113:7–8.

  6. Tingnan sa Isaias 61:10; Doktrina at mga Tipan 113:7–8. Tingnan din sa 2 Nephi 9:14; Carol F. McConkie, “Lakas-ng-Loob na Piliing Maging Disente,” Liahona, Okt. 2014, 39. Ang pagbabago ng damit ay maaaring kumatawan sa pagbabago ng katayuan at kalagayan (tingnan sa Tremper Longman III at Mark L. Strauss, mga editor, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words [2023], “Clothing, Clothes,” 161).

  7. Tingnan sa Muhlestein, Learning to Love Isaiah, 427–28, tala sa Isaias 52:7.

  8. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:29; 31:3; 79:1.

  9. Tingnan sa Mosias 12:22–24; 15:29–31; 3 Nephi 16:18–20; 20:32–35.

  10. Mosias 15:13–14.

  11. Mosias 15:18.

  12. 2 Mga Hari 24:13.

  13. Tingnan sa Jeremias 52:17–20; Ezra 1:7–11; 5:14–15.

  14. Jeffrey R. Holland, “Magpakabanal Kayo,” Liahona, Ene. 2001, 39.

  15. Para sa iba pa tungkol sa mga awit ng lingkod, tingnan sa “Isaias 42:1. Sino ang lingkod na binabanggit ni Isaias?”

  16. Tingnan sa Donald W. Parry at iba pa, Understanding Isaiah (1998), 469, tala sa Isaias 52:14.

  17. Isaias 52:15.

  18. Halimbawa, tingnan sa New Living Translation, International Standard Version, at New English Translation. Tingnan din sa Robert Alter, The Hebrew Bible: A Translation with Commentary (2019), 2:800, tala sa Isaias 52:15.

  19. Joseph Smith Translation, Isaiah 52:15 (sa Isaiah 52:15, footnote a).

  20. 3 Nephi 21:9. Tingnan din sa 3 Nephi 20:43–46; 21:1–11.

  21. Tingnan sa Bruce R. McConkie, The Mortal Messiah (1981), 4:354.

  22. Tingnan sa Muhlestein, Learning to Love Isaiah, 431, tala sa Isaias 52:13.

  23. Muhlestein, Learning to Love Isaiah, 433. Tingnan din sa Kenneth L. Barker at iba pa, mga editor, NIV Study Bible: Fully Revised Edition (2020), 1234–35, tala sa Isaias 53:5.

  24. Tingnan sa Mateo 8:16–17; Lucas 22:37; Juan 12:37–38; Mga Gawa 8:30–35; Roma 10:16; 1 Pedro 2:22–25.

  25. Tingnan sa Mosias 14–15.

  26. Tingnan sa Terry B. Ball, “Isaiah and the Messiah,” sa Jesus Christ: Son of God, Savior, inedit ni Paul H. Peterson at iba pa (2002), 81–82; Muhlestein, Learning to Love Isaiah, 434, tala sa Isaias 53:2. Tingnan din sa Juan 1:43–46; 6:41–42.

  27. Tingnan sa Parry at iba pa, Understanding Isaiah, 473, tala sa Isaias 53:2. Tingnan din sa 2 Nephi 10:3–5.

  28. Tingnan sa Dennis B. Neuenschwander, “Nag-iisa sa Karamihan,” Liahona, Mayo 2008, 102–3; Monte S. Nyman, “Abinadi’s Commentary on Isaiah,” sa The Book of Mormon: Mosiah, Salvation Only Through Christ, inedit nina Monte S. Nyman at Charles D. Tate Jr. (1991), 167–68.

  29. Tingnan sa Mateo 26:67–68; 27:22–43; Lucas 4:16–30; Juan 1:11; 1 Nephi 19:7–10.

  30. Tingnan sa Alma 7:11–12.

  31. Tingnan sa Alma 7:13; 3 Nephi 9:13; Doktrina at mga Tipan 19:16–19. Tingnan din sa Parry at iba pa, Understanding Isaiah, 474–75, tala sa Isaias 53:5.

  32. Tingnan sa Marcos 15:3–5; Lucas 23:8–9. Tingnan din sa David Rolph Seely at Jo Ann H. Seely, “Behold the Lamb of God,” Ensign, Abr. 2013, 48.

  33. Tingnan sa Mateo 27:38, 57–60. Tingnan din sa Nyman, “Abinadi’s Commentary on Isaiah,” 182.

  34. Tingnan sa Parry at iba pa, Understanding Isaiah, 476, tala sa Isaias 53:10. Tingnan din sa Juan 3:16.

  35. Tingnan sa Mosias 15:10–13. Tingnan din sa Mosias 5:7.

  36. Ang pamilya ni Abraham ay nomadiko at nanirahan sa mga tolda. Habang lumalaki ang mga pamilyang nomadiko, pinalalawak din ang tolda (tingnan sa “Enlarge the Place of Thy Tent,” Ensign, Abr. 2015, 71).

  37. Tingnan sa Muhlestein, Learning to Love Isaiah, 440–41, mga tala sa Isaias 54:2; 54:3.

  38. Tingnan sa 3 Nephi 21:28–29; 22:1–2. Tingnan din sa 3 Nephi 20–22.

  39. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 337. Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 82:14.

  40. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Istaka,” Gospel Library.

  41. Russell M. Nelson, “Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 6.

  42. Tingnan sa Bible Dictionary, “Stranger.”

  43. Tingnan sa Deuteronomio 23:3.

  44. Tingnan sa Bible Dictionary, “Eunuch.”

  45. Tingnan sa Levitico 21:17–23; Deuteronomio 23:1–2. Ang mga restriksiyong ito ay inilagay dahil sa karaniwang paniniwala na ang “kabuuan ng katawan ay naglalarawan ng espirituwal na kabuuan” (Victor L. Ludlow, Isaiah: Prophet, Seer, and Poet [1982], 472).

  46. Tingnan sa Muhlestein, Learning to Love Isaiah, 456, tala sa Isaias 56:3–6.