Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Daniel 1–7
Si Daniel at ang kanyang mga kaibigang sina Shadrac, Meshac, at Abednego ay dinala sa Babilonia na kasama ng unang grupo ng mga ipinatapon mula sa Jerusalem. Tumanggi silang kainin ang karne ng hari at pinrotektahan at pinagpala sila ng Panginoon. Ipinaliwanag ni Daniel ang kahulugan ng panaginip ni Nebukadnezar at ipinakita sa kanya ang isang pangitain tungkol sa kaharian ng Diyos na itinatatag sa mga huling araw. Tumanggi sina Shadrac, Meshac, at Abednego na sumamba sa rebultong ginto ng hari at itinapon sila sa hurno ng nagniningas na apoy, ngunit sila ay pinrotektahan at iniligtas. Itinapon si Daniel sa yungib ng mga leon dahil nanalangin siya sa Diyos, at iniligtas siya ng Diyos mula sa kapahamakan. Pinakitaan ng Panginoon si Daniel ng sunud-sunod na pangitain tungkol sa pagbangon at pagbagsak ng mga makamundong kapangyarihan, sa awtoridad ng Diyos na ibinigay sa Kanyang mga tao, at sa ganap na kaligtasan ng matatapat na tao ng Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo.
Mga Resource
Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Ano ang aklat ni Daniel?
Ang aklat ni Daniel ay nagsasalaysay ng mga karanasan ni Daniel at ng kanyang mga kaibigang sina Hananias, Mishael, at Azarias, na kalaunan ay binigyan ng mga pangalang Babilonian na Shadrac, Meshac, at Abednego. Noong mga binatilyo sila, dinala sila sa Babilonia sa simula ng ikaanim na siglo BC, matapos kubkubin ni Haring Nebukadnezar ang Jerusalem at dalhin ang isang piling grupo ng mga Israelita sa kanyang kaharian para sanaying magsilbi sa maharlikang hukuman at mangasiwa sa imperyo. Ang ministeryo ni Daniel ay nagpatuloy nang maraming taon, na tumagal hanggang sa paghahari ni Haring Ciro ng Persia, na sumakop sa Babilonia noong 539 BC.
Ang unang kalahati ng aklat (kabanata 1–6) ay nagsasalaysay ng ilang kilalang karanasan ni Daniel at ng kanyang mga kaibigan habang sila ay nasa maharlikang hukuman. Ang ikalawang kalahati (kabanta 7–12) ay nagsasaad ng mga pangitain ni Daniel bilang propeta, kabilang na ang mga propesiya tungkol sa mga huling araw.
Daniel 1:5–16
Bakit tinanggihan ni Daniel at ng kanyang mga kaibigan ang pagkain ng hari?
Tumanggi si Daniel na kainin ang karne ng hari dahil ayaw niyang dungisan ang kanyang sarili, o gawing espirituwal na marumi ang kanyang sarili. Ang isang dahilan kaya maaaring marungisan ng karne at alak ng hari si Daniel at ang kanyang mga kaibigan ay dahil ang pagkaing ito ay maaaring inialay muna sa mga diyos ng Babilonia bilang bahagi ng mga paganong ritwal. Ang pagkain ng gayong mga alay ay posibleng ituring na pakikilahok sa pagsamba sa diyus-diyosan. Dagdag pa rito, maaaring ang pagkain ay labag sa mga batas sa pagkain na ibinigay sa batas ni Moises.
Daniel Refusing the King’s Meat and Wine [Si Daniel na Tinatanggihan ang Karne at Alak ng Hari], ni Del Parson
Daniel 2:1–45
Ano ang kinakatawan ng natibag na bato na “hindi sa pamamagitan ng mga kamay”?
Nagkaroon ng isang nakababahalang panaginip si Haring Nebukadnezar tungkol sa isang malaking rebulto na may ulong yari sa ginto at iba pang mga bahagi ng katawan na yari sa iba’t ibang materyales. Ang rebulto ay nawasak nang tamaan ito ng isang bato na “natibag mula sa bundok, hindi sa pamamagitan ng kamay.” Tinulungan ng Panginoon si Daniel na bigyang-kahulugan ang panaginip ng hari at inihayag na ang ulong yari sa ginto ay kumakatawan kay Nebukadnezar at sa Imperyo ng Babilonia. Ang iba pang mga bahagi ng rebulto ay kumakatawan sa mga kahariang babangon matapos bumagsak ang Babilonia.
Nakita rin ni Nebukadnezar na “ang bato … ay naging malaking bundok at pinuno ang buong lupa.” Itinuro ni Daniel na ang bato ay kumakatawan sa isang kahariang itatayo ng Diyos, “na hindi magigiba kailanman.” Ang batong natibag mula sa bundok, hindi sa pamamagitan ng kamay ay simbolo na ang kaharian ay itatatag ng Diyos, hindi ng mga tao. Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Ang Simbahan [ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw] ay ang ipinropesiyang kaharian sa mga huling araw, hindi gawa ng tao kundi itinatag ng Diyos ng langit at lalaganap gaya ng batong ‘natibag [mula] sa bundok, hindi sa pamamagitan ng kamay’ para punuin ang mundo [Daniel 2:45].”
Sa ating dispensasyon, inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na “ang mga susi ng kaharian ng Diyos ay ipinagkatiwala sa tao sa mundo, at mula rito ang ebanghelyo ay lalaganap hanggang sa mga dulo ng mundo, gaya ng batong tinibag mula sa bundok, hindi sa pamamagitan ng mga kamay ay lalaganap, hanggang sa mapuno nito ang buong mundo.”
Daniel Interprets Nebuchadnezzar’s Dream [Binibigyang-kahulugan ni Daniel ang Panaginip ni Nebukadnezar], ni Grant Romney Clawson
Daniel 3:16–18
Ano ang mahalaga tungkol sa sagot nina Shadrac, Meshac, at Abednego sa hari?
Matapos bigyan ni Haring Nebukadnezar sina Shadrac, Meshac, at Abednego ng pangalawang pagkakataon para sambahin ang kanyang gintong diyus-diyosan, sumagot sila ng, “Hindi namin kailangang sagutin ka sa bagay na ito.” Ang mga makabagong pagsasalin ay isinasalin ang pariralang ito bilang “Hindi namin kailangang sumunod sa iyo sa bagay na ito.” Sa madaling salita, nanindigan sila sa kanilang desisyon na huwag sumamba sa rebulto.
Buong tapang na sinabi nina Shadrac, Meshac, at Abednego na alam nila na kaya silang iligtas ng Diyos mula sa parusang kamatayan, ngunit kung pipiliin Niya na hindi gawin iyon, hindi pa rin sila yuyukod sa mga diyos ng hari. Itinuro ni Pangulong Joy D. Jones, dating General Primary President: “Ang pagsunod ng tatlong kabataang ito ay hindi nakabatay sa kanilang ikaliligtas. Kahit hindi sila mailigtas, tutupad sila sa kanilang pangako sa Panginoon dahil iyon ang sinabi nila na gagawin nila. Ang pagtupad sa ating mga tipan ay hindi nakasalalay kailanman sa ating sitwasyon.”
Daniel 3:23–25
Ano ang alam natin tungkol sa ikaapat na lalaking nakita sa hurno ng nagniningas na apoy?
Nang tumingin ang hari sa hurno ng nagniningas na apoy, nagulat siyang makakita hindi ng tatlo kundi ng apat na lalaking naglalakad sa apoy nang hindi napapaso. Sinabi niya na ang hitsura ng ikaapat na tao ay “gaya ng [Anak ng Diyos].” Hindi malinaw sa teksto kung ito ba ay si Jehova o isang anghel. Ang ilan ay isinasalin ang parirala bilang “isang banal na nilalang” o “anak ng mga diyos.” Kalaunan sa kabanata 3, ipinahayag ni Nebukadnezar ang kanyang paniniwala na “ang Diyos nina Shadrac, Meshac, at Abednego … [ay] nagsugo ng kanyang anghel” para iligtas sila.
Three Friends in a Fire: Shadrach, Meshach and Abednego [Tatlong Magkakaibigan sa Apoy: Shadrac, Meshac at Abednego], © Lifeway Collection/may lisensya mula sa goodsalt.com
Daniel 5:1–28
Ano ang kahulugan ng nakasulat sa dingding?
Tinatayang dalawang dekada matapos mamatay si Nebukadnezar, nagdaos ng malaking handaan si Haring Belshasar para sa mga pinuno sa kaharian. Ipinadala ni Belshasar sa handaan ang mga sisidlang kinuha mula sa templo sa Jerusalem. Kinutya niya at ng mga tao ang Panginoon sa pamamagitan ng pag-inom ng alak mula sa mga sagradong sisidlang ito habang pinupuri nila ang kanilang mga diyus-diyosan. Sa handaan, lumitaw ang isang kamay at sumulat sa isang pader sa palasyo. Labis na nag-alala si Belshasar, at nang hindi mabigyang-kahulugan ng iba ang nakasulat, ipinatawag niya si Daniel sa kanyang harapan.
Ang interpretasyon ni Daniel sa nakasulat sa dingding ay may dalawang antas ng kahulugan. Una, ang mga salitang mene, tekel, at upharsin ay tumutukoy sa mga sinaunang yunit ng timbang, na nakalista sa ayos na pababa. Maaaring sumisimbolo ito sa lumiliit na kapangyarihan ng Babilonia. Pangalawa, nang bigkasin ang tatlong salitang ito, parang mga pandiwang Aramaic ang mga ito, na ginamit ni Daniel para ilarawan ang nalalapit na paghatol ng Diyos sa kaharian ng Babilonia. Sa kanyang mga tagapakinig, ang mene ay parang “bilangin”—bilang na ng Diyos ang mga araw ng paghahari ni Belshasar, at tapos na ang mga araw na iyon. Ang tekel ay parang “timbangin”—tinimbang o sinukat na ng Diyos si Belshasar at natagpuan na may pagkukulang ang hari. Ang upharsin ay parang “hatiin”—ang kaharian ni Belshasar ay hahatiin at ibibigay sa mga taga-Media at taga-Persia.
Daniel 6
Paano nahahalintulad ang mga karanasan ni Daniel sa mga pangyayari sa buhay ni Jesucristo?
Ang mga sumusunod ay mga halimbawa ng pagkakatulad ng mga karanasan ni Daniel at ng mga pangyayaring naganap sa buhay ng Tagapagligtas:
|
Daniel |
Jesucristo |
|---|---|
Daniel Ang kanyang mga kaaway ay “[nagsikap] … na makakita ng batayan” laban sa kanya, ngunit “hindi sila makakita ng anumang batayan … o anumang pagkukulang … sa kanya” (Daniel 6:4–5). | Jesucristo Ang mga punong saserdote ay “[naghanap] ng patotoo laban kay Jesus upang siya’y ipapatay; ngunit wala silang matagpuan” (Marcos 14:55). |
Daniel Patuloy na nanalangin sa Diyos, kahit nanganib ang kanyang buhay dahil dito (tingnan sa Daniel 6:7–10). | Jesucristo Nanatiling masunurin sa Ama sa Langit, kahit humantong iyon sa pagdurusa at kamatayan (tingnan sa Filipos 2:8). |
Daniel Nais ni Haring Dario na iligtas si Daniel ngunit napilitan siyang ipatupad ang hatol (tingnan sa Daniel 6:14–16). | Jesucristo Walang natagpuang kasalanan si Pilato kay Jesus at hinangad niyang palayain Siya ngunit sa huli ay ibinigay Siya upang ipako sa krus matapos pagbigyan ang mga hinihingi ng iba (tingnan sa Lucas 23:13–24, 33). |
Daniel Itinapon sa yungib ng mga leon, na sinarhan ng bato at tinatakan ng hari (tingnan sa Daniel 6:16–17). | Jesucristo Inihimlay sa isang libingan, na sinarhan ng isang malaking bato at tinatakan ng mga Romano (tingnan sa Mateo 27:59–66). |
Daniel Mahimalang naprotektahan mula sa kapahamakan at lumabas nang buhay mula sa yungib ng mga leon (tingnan sa Daniel 6:19–22). | Jesucristo Mahimalang nagbangon mula sa mga patay at lumabas nang buhay mula sa libingan (tingnan sa 1 Corinto 15:3–4). |
Daniel and the Lion’s Den [Si Daniel at ang Yungib ng mga Leon], ni Clark Kelley Price
Daniel 7:1–8
Ano ang kahulugan ng mga halimaw sa panaginip ni Daniel?
Tulad ng panaginip ni Nebukadnezar sa Daniel 2, ang kabanata 7 ay naglalarawan ng isang simbolikong pangitain tungkol sa kasaysayan. Bawat halimaw sa panaginip ni Daniel ay kumakatawan sa isang makapangyarihang imperyo na babangon at babagsak bago maitatag ang kaharian ng Diyos magpakailanman. Madalas na nauunawaan natin na ang unang halimaw ay kumakatawan sa Imperyo ng Babilonia, ang pangalawang halimaw sa Imperyo ng Medo-Persia, ang pangatlo sa Imperyo ng Griyego sa ilalim ni Alexander the Great, at ang pang-apat sa Imperyo ng Roma. Nauunawaan ng ibang mga iskolar sa Biblia na ang pangalawang halimaw ay ang Imperyo ng Median, ang pangatlo ay ang Imperyo ng Persia, at ang pang-apat ay ang Imperyo ng Griyego. Anuman ang partikular na kahulugan ng mga halimaw, nililinaw ng pangitain ni Daniel na ang mga kaharian sa lupa ay pansamantala lamang at na ang kaharian ng Diyos ang mananaig at mananatili sa huli magpakailanman.
Daniel 7:9–14
Ano ang ibig sabihin ng darating ang Anak ng Tao sa Matanda sa mga Araw?
Matapos masaksihan ang nakakatakot na mga halimaw sa kanyang panaginip, nakakita si Daniel ng isang matalinong tao, na tinatawag na “Matanda sa mga Araw,” na nakaupo sa isang trono para sa paghuhukom. Nakita rin niya ang “Anak ng tao” na dumating sakay ng mga ulap ng langit upang magtungo sa harapan ng Matanda sa mga Araw. Ipinropesiya ni Daniel na ang mga halimaw, na kumakatawan sa mga makamundong kaharian, ay mawawalan ng kanilang kapangyarihan at ang Anak ng Tao ay tatanggap ng “walang hanggang kapangyarihan na hindi lilipas,” at isang kahariang “hindi mawawasak.”
Ang Anak ng Tao ay tumutukoy kay Jesucristo, at sinasabi sa atin ng makabagong paghahayag na ang Matanda sa mga Araw ay si Adan. Nang magkomento tungkol sa propesiya ni Daniel, itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Binanggit sa ikapitong kabanata ng Daniel ang tungkol sa Matanda sa mga Araw; ibig niyang sabihin ay ang pinakamatandang lalaki, ang ating Amang si Adan, si Miguel; titipunin niya ang kanyang mga anak at pupulungin sila upang ihanda sa pagdating ng Anak ng Tao [tingnan sa Daniel 7:9–14]. Siya (si Adan) ang ama ng mag-anak ng tao, at namumuno sa mga espiritu ng lahat ng tao, at lahat ng humawak sa mga susi ay dapat tumayo sa kanyang harapan sa malaking pulong na ito. … Nasa kanyang harapan ang Anak ng Tao, at binigyan siya ng kaluwalhatian at kapangyarihan doon. Ibinigay ni Adan ang kanyang pamumuno kay Cristo, yaong ibinigay sa kanya bilang mayhawak ng mga susi ng sanlibutan, ngunit nanatili siya sa kanyang katayuan bilang ama ng mag-anak ng tao.”
Ang sagradong pangyayaring ito ay magaganap sa Adam-ondi-Ahman, isang lugar sa Missouri, USA, at dadaluhan ng mga Banal mula sa lahat ng dispensasyon. Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na sa pagtitipong ito, si Jesucristo ay “darating, at si Adan ay mag-uulat. … Si Cristo ay tatanggapin at kikilalanin bilang karapat-dapat na pinuno ng mundo.”
Alamin ang Iba pa
Pananatiling tapat sa gitna ng pamimilit ng mundo
-
D. Todd Christofferson, “Pagsamba,” Liahona, Mayo 2025, 75–80
-
Dieter F. Uchtdorf, “Huwag Kang Matakot, Manampalataya Ka Lamang,” Liahona, Nob. 2015, 76–79
-
Joy D. Jones, “Isang Henerasyong Kayang Labanan ang mga Kasalanan,” Liahona, Mayo 2017, 87–90
-
Dennis E. Simmons, “Nguni’t Kung Hindi … ,” Liahona, Mayo 2004, 73–75
Ang kaharian ng Diyos sa mga huling araw
-
David A. Bednar, “Mga Panahon ng Pagpapanumbalik ng Lahat ng Bagay,” Liahona, Mayo 2025, 82–84
-
Ronald A. Rasband, “Katuparan ng Propesiya,” Liahona, Mayo 2020, 75–78
-
Neil L. Andersen, “Isang Saksi ng Diyos,” Liahona, Nob. 2016, 35–37
Media
Mga Video
“God Gave Them Knowledge [Binigyan Sila ng Diyos ng Kaalaman]” (13:49)
“The Gospel Shall Roll Forth [Ang Ebanghelyo ay Lalaganap]” (2:47)
Musika
-
“Adam-ondi-Ahman,” Hymns, blg. 49
Mga Larawan
Daniel and the King’s Meat [Si Daniel at ang Pagkain ng Hari], ni Brian Call
Daniel in the King’s Court [Si Daniel sa Hukuman ng Hari], ni Simon Vedder
Old Testament Stories: Daniel and the King’s Dream [Mga Kuwento sa Lumang Tipan: Si Daniel at ang Panaginip ng Hari], ni Bryan David Beach
Three Refuse to Bow [Tumanggi ang Tatlo na Yumukod], ng Review & Herald Publishing
Belshazzar Sees the Finger Writing on the Wall [Nakita ni Belshasar ang Daliring Sumusulat sa Pader], ni Robert Theodore Barrett
Three Men in the Fiery Furnace [Tatlong Lalaki sa Hurno ng Nagniningas na Apoy], ni William Maughan
Daniel Interpreting the Writing on the Wall [Si Daniel na Binibigyang-kahulugan ang Nakasulat sa Pader], ni Gustave Dore
Daniel in the Lion’s Den [Si Daniel sa Yungib ng mga Leon], ni Briton Riviere
As He Did Aforetime [Gaya ng Ginawa Niya Noon], ni Eva Timothy