Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Si Esther


Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Si Esther

Matapos alisin sa trono ng Hari ng Persia na si Ahasuerus ang kanyang unang asawang si Vasti, pinili niya si Esther bilang reyna. Itinago ni Esther ang kanyang lahing Judio sa mungkahi ng kanyang tagapag-alagang si Mordecai, na isang opisyal sa korte ni Ahasuerus. Nasaktan ni Mordecai ang kalooban ng tagapayo ng hari na si Haman, na nagbalak na ipapatay ang lahat ng Judio sa kaharian. Itinaya ni Esther ang kanyang buhay upang pumunta sa hari nang hindi ipinapatawag at ilantad ang plano ni Haman. Dahil sa pamamagitan ni Esther, naligtas ang kanyang mga tao. Nabaliktad ang pangyayari, si Haman ay pinatay at pinarangalan si Mordecai.

Mga Resource

Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Ano ang aklat ni Esther?

Isinasalaysay ng aklat ni Esther ang kuwento tungkol kay Reyna Esther, na itinaya ang kanyang buhay upang iligtas ang kanyang mga tao mula sa pagkalipol. Ang mga pangyayari sa aklat na ito ay itinakda noong panahon ng paghahari ni Haring Ahasuerus, na karaniwang kinikilala bilang Xerxes I, na namuno sa Persia mula 486 hanggang 465 BC. Bagama’t ang ilang mga Hudyo ay bumalik sa Jerusalem matapos sakupin ni Haring Ciro ang Babilonia noong 539 BC, marami ang nanatili sa pagkatapon, kabilang na si Esther. Ipinapakita sa salaysay ang pag-angat ni Esther bilang reyna ng Persia at pagkatapos ang pagharap niya sa posibilidad na maipapatay kasama ng kanyang mga tao. Nakasaad din dito ang pinagmulan ng pista ng mga Judio na Purim at ipinapakita ang pagdiriwang nito.

Bagaman ang aklat ni Esther ay “hindi naglalaman ng direktang pagbanggit sa Panginoon, … ipinalalagay na tinutukoy Siya sa maraming bahagi nito, habang ipinapahiwatig ng aklat ang isang tadhanang mula sa Diyos … at naglalahad tungkol sa pag-aayuno para sa kaligtasan.”

Ang aklat ni Esther ay maaaring ibalangkas nang ganito:

  1. Esther 1–2: Nagalit si Haring Ahasuerus sa ginawa ni Reyna Vasti at inalis niya ito sa kanyang trono. Pinili ni Ahasuerus si Esther bilang kanyang bagong reyna.

  2. Esther 3–5: Nagplano si Haman na lipulin ang lahat ng Judio sa kaharian matapos hindi yumukod si Mordecai sa kanya. Inilagay ni Esther ang kanyang buhay sa panganib sa pamamagitan ng pagpunta sa hari nang hindi inaanyayahan. Magiliw siyang tinanggap ng hari at pumayag na samahan si Esther sa isang handaan kasama si Haman.

  3. Esther 6–8: Sinabi ni Esther sa hari ang balak ni Haman na patayin ang mga Judio. Ipinabitay ng hari si Haman, pinarangalan niya si Mordecai, at tinulutan sina Mordecai at Esther na baligtarin sa utos na patayin ang mga Judio.

  4. Esther 9–10: Ang mga Judio ay nakatanggap ng awtoridad mula sa hari na patayin ang kanilang mga kaaway sa kaharian. Pinasimulan nila ang Pista ng Purim upang alalahanin ang kanilang mahimalang pagkakaligtas mula sa plano ni Haman.

Esther 1:1–3

Saan matatagpuan ang Susa?

Si Esther ay nakatira sa Susa, na isa sa mga kabisera ng Imperyo ng Persia. Matatagpuan ito ngayon sa kanlurang Iran, mga 200 milya (325 kilometro) sa silangan ng sinaunang Babilonia. Ang Susa rin ang lugar kung saan naglingkod si Nehemias bilang katiwala ng kopa ni Haring Artaxerxes at kung saan nakakita si Daniel ng isang pangitain.

isang mapa ng Imperyo ng Persia

Mga Mapa sa Biblia, blg. 7, “Ang Imperyo ng Persia”

Esther 2:5–7

Bakit tinawag si Esther na Hadassa?

Tulad ng iba pang ipinatapon na Judio sa Persia, si Esther ay may pangalang Hebreo at pangalang Persia. Hadassa ang kanyang Hebreong pangalan, na nangangahulugang “mirto.” Ang ibig sabihin ng pangalan niya sa Persia na Esther ay “bituin.“

Esther 2:19

Bakit nakaupo si Mordecai sa pintuan ng hari?

Ang pintuan ng hari ay isang lugar ng pagtitipon sa pasukan papunta sa tirahan ng mga maharlika. Ang ibig sabihin ng nakaupo sa pintuan ng hari ay may opisyal na posisyon ang isang tao para protektahan ang hari. Paulit-ulit na binanggit sa salaysay na naglilingkod si Mordecai sa tungkuling ito, pati na na narinig niya ang planong pagpaslang ng mga bantay sa hari.

Esther 3:1–10

Bakit kaya hindi yumukod si Mordecai kay Haman?

Ang pagyukod sa isang nakatataas sa politika ay hindi ipinagbabawal sa ilalim ng batas ni Moises. Gayunman, isang detalye mula sa teksto ang maaaring makatulong sa pagpapaliwanag kung bakit hindi yumukod si Mordecai kay Haman. Tinutukoy sa salaysay na si Haman ay isang Agageo, na malamang na ang ibig sabihin ay inapo siya ni Haring Agag na Amalekita. Ang mga Amalekita ay matagal nang kaaway ng mga Israelita. Ang hindi pagyukod ni Mordecai kay Haman at ang determinasyon ni Haman na patayin ang mga Judio ay maaaring nagmula sa pagkapoot noon pa man sa pagitan ng dalawang grupong ito ng mga tao.

Esther 3:7

Ano ang ibig sabihin ng “pinagpalabunutan ang Pur”?

Upang matukoy kung anong araw papatayin ang lahat ng mga Judio sa Persia, si Haman at ang kanyang mga tagapaglingkod ay “pinagpalabunutan ang Pur.“ Ang palabunutan ay karaniwang kaugalian sa sinaunang Malapit na Silangan, na ginagamit sa paggawa ng mga desisyon o pagtukoy ng kapalaran. Karaniwang kasama rito ang paghahagis ng maliliit na bagay tulad ng mga bato, buto, o ivory. Ang pangalang pista ng Purim ng mga Judio ay nagmula sa pur, ang salita sa Persia para sa “palabunutan.”

Esther 4:1

Bakit pinunit ni Mordecai ang kanyang damit at nagsuot ng damit-sako at naglagay ng abo sa ulo?

Noong panahon ng Biblia, ang pagpunit ng damit, pagsusuot ng damit-sako, at paglalagay ng abo o alikabok sa ulo ay tradisyonal na paraan ng pagpapahayag ng pagkabalisa o kalungkutan. Ang damit-sako ay isang magaspang at maaligasgas na materyal na karaniwang ginagamit sa paggawa ng matitibay na bag.

si Mordecai na nakasuot ng damit-sako

Esther 4:11

Bakit hindi sumubok si Esther ng ibang paraan para ipaalam sa hari ang plano ni Haman?

Alam ni Esther na isasapanganib niya ang kanyang buhay kung pupunta siya sa hari nang hindi ipinapatawag. Dahil sa panganib na ito, kinuwestiyon ng ilan kung bakit hindi sinubukan ni Esther na gumamit ng opisyal para makausap ang hari. Ang isang posibilidad ay iniwasan ni Esther ang opsiyon na ito upang hindi dumaan ang kanyang mensahe kay Haman, na sisira sa kanyang plano.

Esther 4:14

Ano ang ibig sabihin ni Mordecai nang sabihin niya kay Esther na maaaring dumating siya sa kaharian “dahil sa pagkakataong ganito“?

Sinabi ni Mordecai na maaaring inilagay ng Panginoon si Esther sa kanyang katungkulan bilang reyna upang siya ay maging kasangkapan Niya sa pagliligtas sa mga Judio. Ang mga lider ng makabagong Simbahan ay may mga katulad na obserbasyon tungkol sa pakikilahok ng Panginoon sa ating buhay. Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell na ang Panginoon ay “hindi ‘nagkataon’ lang ang paggawa sa mga bagay kundi ayon sa ‘banal na plano.’” Nagpatotoo si Elder Ronald A. Rasband: “Ang kamay ng Panginoon ay gumagabay sa inyo. Sa ‘banal na plano,‘ may [impluwensiya] Siya sa maliliit na detalye ng inyong buhay gayundin sa mahahalagang pangyayari.”

si Reyna Esther

Queen Esther [Reyna Esther], ni Minerva K. Teichert

Esther 6:1

Ano ang “aklat ng mahahalagang mga gawa“?

Ang aklat na binasa ng mga tagapaglingkod ng hari ay isang opisyal na talaan ng mga pangyayari sa imperyo ng Persia. Ang talaang ito ay binanggit din sa ibang bahagi ng Esther at Ezra. Ipinahiwatig nito na ang impluwensiya ng Panginoon ang nagtulak sa hari na basahin ang partikular na bahaging ito ng talaan, na naghikayat sa kanya na alalahanin ang kabayanihan ni Mordecai mula sa ilang taon bago iyon.

Esther 8:3–12

Bakit nakiusap pa rin si Esther para sa mga Judio pagkamatay ni Haman?

Ang mga naitalang teksto sa utos ni Haring Ahasuerus, na nag-uutos sa paglipol sa mga Judio, ay hindi mababawi. Kaya hinikayat ni Esther ang hari na maglabas ng isa pang utos na nagtutulot sa mga Judio na ipagtanggol ang kanilang sarili bago ang nakaplanong araw ng pagpaslang sa kanila.

Esther 9:20–28

Ano ang Pista ng Purim?

Upang ipagdiwang ang kanilang pagkaligtas, ang mga Judio ay nagtatag ng isang bagong kapistahan na tinatawag na Purim. Ang pangalan ay mula sa pur (palabunutan) na ginamit ni Haman para malaman ang petsa ng paglipol sa mga Judio. Ngayon, ipinagdiriwang pa rin ng mga Judio ang Pista ng Purim. Naiiba sa tahimik na pagpipitagan sa maraming iba pang pista ng mga Judio, ang Purim ay ipinagdiriwang nang masigla at maingay. Ito ay ipinagdiriwang sa pamamagitan ng paghahanda ng pagkain, musika, at iba pang kasiyahan, kabilang ang pagpapalitan ng mga regalo at pagbibigay ng mga regalo sa mga mahihirap. Sa Purim, ang mga Judio ay nagbibihis ng tradisyonal na mga kasuotan at nagtitipon sa sinagoga, kung saan binabasa o isinasadula ang buong kuwento tungkol kay Esther. Ang mga nakikinig sa kuwento ay kadalasang malakas na nangungutya, humihiyaw, o nag-iingay kapag nababanggit si Haman. Kapag binasa ang pangalang Mordecai, nagagalak at pumapalakpak ang mga nakikinig.

Alamin ang Iba pa

Ang katapangan ni Esther

Media

Mga Video

“For Such a Time as This [Dahil sa Pagkakataong Ganito]” (13:44)

13:55

“Sackcloth [Damit-sako]” (00:32)

0:33

Mga Larawan

Reyna Esther

Illustration of Esther [Ilustrasyon ni Esther], ni Dilleen Marsh

si Reyna Esther na nakaluhod sa harap ng hari

Queen Esther Saves Jehovah’s People [Iniligtas ni Reyna Esther ang mga Tao ni Jehova], ni Sam Lawlor

si Reyna Esther na nakaluhod na nananalangin

Faith of Queen Esther [Pananampalataya ni Reyna Esther], ni Sandra Rast

si Esther na nakatingala at nagdarasal

Esther, ni James Johnson

si Esther na nakaluhod sa harap ng hari

Esther before the King [Si Esther sa harap ng Hari], ni Minerva K. Teichert.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Harold W. Attridge at iba pa, mga pat., The HarperCollins Study Bible: New Revised Standard Version, Including the Apocryphal/Deuterocanonical Books (2006), 682, tala sa Esther 1:1. Bagaman may iba’t ibang pananaw ang mga iskolar ng Biblia tungkol sa makasaysayang katumpakan ng aklat ng Esther (tingnan sa Earl D. Radmacher at iba pa, mga pat., NKJV Study Bible, 3rd ed. [2018], 712–13; Robert Alter, The Hebrew Bible: A Translation with Commentary [2019], 2:713–16; Adele Berlin at Marc Zvi Brettler, mga pat., The Jewish Study Bible, ika-2 ed. [2014], 1619–20), walang ginawang pagbabago si Propetang Joseph Smith kay Esther noong isinalin niya ang Biblia, at binanggit ng mga makabagong propeta si Esther bilang isang tunay na pigura sa kasaysayan (tingnan sa Thomas S. Monson, “Nawa Magkaroon Kayo ng Lakas ng Loob,” Ensign or Liahona, Mayo 2009, 127; Dallin H. Oaks, “Tutungo Ako Saanman,” Ensign or Liahona, Nob. 2002, 67).

  2. Tingnan sa Radmacher at iba pa, NKJV Study Bible, 673.

  3. Tingnan sa Bible Dictionary, “Esther, book of”; Adele Berlin at Marc Zvi Brettler, mga pat., The Jewish Study Bible, ika-2 ed. (2014), 1619.

  4. Bible Dictionary, “Esther, book of.”

  5. Tingnan sa Bible Dictionary, “Shushan.”

  6. Tingnan sa Michael D. Coogan at iba pa, mga pat., The New Oxford Annotated Bible: New Revised Standard Version, ika-5 ed. (2018), 717, tala sa Esther 1:2.

  7. Tingnan sa Nehemias 1:1, 11; Daniel 8:1–2.

  8. Tingnan sa Daniel 1:6–7.

  9. Tingnan sa Richard Neitzel Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament: An Illustrated Reference for Latter-day Saints (2009), 356.

  10. Tingnan sa Coogan at iba pa, The New Oxford Annotated Bible, 719, tala sa Esther 2:19.

  11. Tingnan sa Berlin at Brettler, The Jewish Study Bible, 1625, mga tala sa Esther 2:21, 22.

  12. Tingnan sa Esther 2:19–23; 5:13; 6:10.

  13. Tingnan sa Genesis 23:7; 33:3; 44:14; 1 Samuel 24:8; 2 Samuel 14:4; 1 Kings 1:16.

  14. Tingnan sa Bible Dictionary, “Agag.”

  15. Tingnan sa Esther 3:10. Tingnan din sa Bible Dictionary, “Amalek, Amalekites.” Pinatay ng propetang si Samuel si Agag matapos mabigo si Haring Saul na gawin ito (tingnan sa1 Samuel 15:8–9, 32–33). Si Mordecai, tulad ni Saul, ay inapo ni Benjamin. Maaaring isinama ng may-akda ang angkan nina Mordecai at Haman upang ipaliwanag ang ilan sa pagkapoot nila sa isa’t isa at sa determinasyon ni Haman na patayin ang mga Judio (tingnan sa Berlin at Brettler, The Jewish Study Bible, 1625, tala sa Esther 3:1). Para sa iba pa tungkol sa alitan ng mga Israelita at ng mga Amalekita, tingnan sa “Exodo 17:14–16. Bakit iniutos ng Panginoon kay Moises na lipulin ang mga Amalekita?“ at “1 Samuel 15:1–3. Bakit iniutos kay Saul na ’[lubos na] lipulin’ ang mga Amalekita?”

  16. Tingnan sa Kenneth L. Barker at iba pa, mga pat., NIV Study Bible: Fully Revised Edition (2020), 809–10, mga tala sa Esther 3:1; 3:2–6.

  17. Tingnan sa Bible Dictionary, “Lots, casting of.”

  18. Tingnan sa Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament, 157.

  19. Tingnan sa Alter, The Hebrew Bible, 2:725, tala sa Esther 3:7.

  20. Tingnan sa Radmacher at iba pa, NKJV Study Bible, 1044; 1 Mga Hari 21:27; Nehemias 9:1; Job 2:8; 42:6; Isaias 58:5; Daniel 9:3; “Genesis 37:34. Bakit pinunit ni Jacob ang kanyang damit at nagsuot ng damit-sako?”

  21. Tingnan sa John H. Walton at iba pa, The IVP Bible Background Commentary: Old Testament (2000), 488, tala sa Esther 4:11.

  22. Tingnan sa Radmacher at iba pa, NKJV Study Bible, 720, tala sa Esther 4:14.

  23. Neal A. Maxwell, “‘Brim with Joy’ (Alma 26:11)” (debosyonal sa Brigham Young University, Ene. 23, 1996), 2, speeches.byu.edu.

  24. Ronald A. Rasband, “Sa Banal na Plano,” Liahona, Nov. 2017, 57.

  25. Tingnan sa Esther 2:23; 10:2; Ezra 4:15.

  26. Tingnan sa Radmacher at iba pa, NKJV Study Bible, 721, mga tala sa Esther 6:1; 6:2, 3. Tingnan din sa Barker at iba pa, NIV Study Bible, 812, tala sa Esther 6:2.

  27. Tingnan sa Esther 8:8. Ihambing sa Esther 1:19; Daniel 6:7–9.

  28. Tingnan sa Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament, 356.

  29. Tingnan sa Bible Dictionary, “Feasts.” Tingnan din sa Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament, 359; Berlin at Brettler, The Jewish Study Bible, 1619.