Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Isaias 58–66


Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Isaias 58–66

Nagturo si Isaias tungkol sa uri ng pag-aayuno at pagsamba sa Sabbath na nakalulugod sa Panginoon. Binigyang-diin niya na ang pagmamalasakit sa mga nangangailangan at pamumuhay nang matwid ay mas mahalaga sa Diyos kaysa sa pagsasagawa lang ng mga gawaing panrelihiyon. Ipinropesiya niya na ang misyon ng Mesiyas ay ang ipangaral ang mabuting balita, pagalingin ang mga bagbag na puso, palayain ang mga bihag, at aliwin ang mga nagdadalamhati. Ipinropesiya rin ni Isaias ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas at ang kapayapaan at kabutihang mananaig sa panahon ng Milenyo.

Mga Resource

Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Isaias 58:1–12

Bakit hindi tinanggap ng Panginoon ang pag-aayuno ng mga Israelita?

Ipinahayag ng Panginoon na ang mga motibo at pag-uugali ng mga Israelita habang nag-aayuno sila ay hindi kalugud-lugod sa Kanya. Sa halip na mag-ayuno para magsisi at mas mapalapit sa Diyos, naging abala ang mga Israelita sa mga makasariling pagnanasa at mga makamundong pag-uugali. Sa halip na pagaanin ang mga pasanin ng iba, sapilitan nilang pinagtrabaho ang iba at naging magagalitin at palaaway sila. Ang kanilang pag-aayuno ay naging ritwal na pakitang-tao lamang at hindi pagpapakita ng tunay na pagsamba. Binigyang-diin ng Panginoon na ang isang katanggap-tanggap na pag-aayuno ay may kasamang taos-pusong pagmamalasakit sa iba sa pamamagitan ng pagpapagaan ng kanilang mga pasanin at pagbibigay sa kanila ng pagkain at damit. Nangako Siya ng malalaking pagpapala sa mga taong taos-pusong sumusunod sa batas ng ayuno.

Ang mga pangako ng Panginoon ay angkop din sa ating panahon. Nagpatotoo si Pangulong Jeffrey R. Holland: “Pinatototohanan ko ang mga himala, kapwa espirituwal at temporal, na dumarating sa mga taong sumusunod sa batas ng ayuno. … Tulad ng itinala ni Isaias, tunay ngang hindi lang minsan ako nanalangin habang nag-aayuno, at tunay ngang ang Diyos ay tumugon, ‘Narito ako’ [Isaias 58:9]. Itangi ang sagradong pribilehiyong iyan kahit minsan lang sa isang buwan, at maging bukas-palad sa pagbibigay ng handog-ayuno at iba pang kontribusyon na pangkawanggawa, pang-edukasyon, at para sa mga missionary kung kaya ninyo. Ipinapangako ko na magiging bukas-palad sa inyo ang Diyos, at yaong mga napapaginhawa ninyo ay tatawagin kayong pinagpala magpakailanman.”

Isaias 58:13–14

Anong mga pangako ang ginawa ng Panginoon sa mga tumatawag sa Sabbath na “isang kasiyahan”?

Nangako ang Panginoon na ang mga “[tumatawag sa] sabbath bilang isang kasiyahan” ay “malulugod [sila] sa Panginoon.” Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson na, “Ang pananampalataya sa Diyos ay nagbubunga ng pagmamahal sa Sabbath; ang [pagsampalataya] sa Sabbath ay nagbubunga ng pagmamahal sa Diyos. Ang banal na Sabbath ay tunay na kaluguran.”

Bukod pa rito, ipinahayag ng Panginoon na ang mga gumagalang sa Sabbath ay “pasasakayin [sila] sa mga mataas na dako ng lupa” at pakakainin sila “ng mana ni Jacob.” Ang pariralang “mga mataas na dako ng lupa” ay maaaring simbolo ng mga sagradong lugar kung saan madarama ang presensya ng Diyos. “[A]ng mana ni Jacob” ay tumutukoy sa mga pagpapala ng tipan na ipinangako kay Jacob at sa kanyang mga inapo.

Isaias 59:16–21

Ano ang isang tagapamagitan?

Ang Isaias 59 ay nagsisimula sa isang paglalarawan ng kasamaan sa mga tao ng Juda. Ang isa sa kanilang mga kasalanan ay ang kanilang di-makatwirang pagtrato sa mga taong naghangad na mamuhay nang matwid. Sa talata 16, ipinahayag ng Panginoon na dahil walang sinumang nag-alok ng tulong sa matwid, Siya mismo ang kanilang magiging tagapamagitan. Ang tagapamagitan ay isang taong namamagitan para tumulong sa paglutas ng mga di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga tao o grupo. Sa mga talatang ito, ipinahayag ng Panginoon na ang Kanyang pamamagitan ay may kasamang pagkilos laban sa mga taong nang-api sa iba.

Si Jesucristo ay walang-hanggang Tagapamagitan, o Tagapagtanggol din natin. Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie: “Pumarito si [Jesucristo] sa mundo upang tubusin ang mga tao mula sa temporal at espirituwal na kamatayan na dulot ng pagkahulog ni Adan. Naparito Siya upang tugunin ang mga hinihingi ng katarungan ng Diyos at upang magdala ng awa sa mga nagsisisi. Dumating Siya bilang Tagapagtanggol, bilang Tagapamagitan, upang isamo ang kapakanan ng lahat ng yaong naniniwala sa kanya.”

Isaias 60

Paano matutupad ang mga propesiya ni Isaias tungkol sa Sion sa mga huling araw?

Ang Isaias 60 ay naglalaman ng isang propesiya tungkol sa kaluwalhatian at pagtubos ng Israel sa hinaharap. Inilarawan ni Isaias ang Sion (Jerusalem) bilang isang tanglaw na liwanag na nagniningning sa isang madilim na mundo. Ang liwanag na ito ay aakit sa mga tao mula sa ibang mga bansa, na magdadala ng kanilang kayamanan sa Sion at magdaragdag sa kaluwalhatian nito. Ipinropesiya rin ni Isaias na ang Sion ay magiging isang lugar ng kaligtasan kung saan mananahan nang mapayapa ang mga matwid.

Ang propesiya ni Isaias ay malamang na maraming katuparan, kabilang na ang pagbabalik ng mga Judio matapos silang dalhing-bihag sa Babilonia. Gayunman, ang pinakadakilang katuparan nito ay mangyayari sa mga huling araw. Inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na ang Sion sa mga huling araw, na kilala bilang Bagong Jerusalem, ay itatatag sa lupalop ng Amerika. Sa Doktrina at mga Tipan 45, inilarawan ng Panginoon ang Bagong Jerusalem sa mga katagang inuulit ang propesiya ni Isaias sa Isaias 60. Itinuro ng Panginoon na ito ay magiging “isang lupa ng kapayapaan, isang lungsod ng kanlungan, isang lugar ng kaligtasan para sa mga banal ng Kataas-taasang Diyos.” Dahil “ang kaluwalhatian ng Panginoon ay paroroon, … ang masasama ay hindi paroroon.” Itinuro din ng Panginoon na ang mga naninirahan sa Bagong Jerusalem ay mga matwid na Banal na “matitipon mula sa lahat ng bansa.”

Isaias 61:1–2

Ano ang kalugud-lugod na taon ng Panginoon?

Ang “kalugud-lugod na taon ng Panginoon” ay madalas na nauugnay sa taon ng Jubilee na ipinagdiriwang kada 50 taon bilang bahagi ng batas ni Moises. Ang katagang “jubilee” ay mula sa isang salitang Hebreo na ibig sabihin ay “trumpeta” o “sungay ng tupang lalaki.” Ang pagsisimula ng taon ng jubilee ay ibinabalita sa pamamagitan ng pagpapatunog ng trumpetang sungay ng tupa sa Araw ng Pagbabayad-sala. Sa taon ng jubilee, inutos sa mga Israelita na “[ipahayag] ang kalayaan sa buong lupain.” Kasama rito ang pagpapalaya sa mga nabilanggo o inalipin at pagpapanumbalik ng lupain na ibinenta para bayaran ang mga utang.

Ang propesiya ni Isaias tungkol sa isang Hinirang para “ipangaral ang mabuting balita sa inaapi,” “magpagaling ng mga bagbag na puso,” “magpahayag ng kalayaan sa mga bihag,” at buksan ang “bilangguan sa mga bilanggo” ay tumutukoy sa huli kay Jesucristo at sa Kanyang gawaing magligtas. Sa Kanyang mortal na ministeryo, binasa nang malakas ng Tagapagligtas ang Isaias 61:1–2 sa sinagoga sa Nazaret at sinabing, “Ngayo’y naganap ang kasulatang ito sa inyong pandinig.” Sa pahayag na ito, inihayag ni Jesus ang Kanyang sarili bilang ang ipinangakong Mesiyas.

Tingnan din sa “Lucas 4:18–19. Paano tinupad ng ministeryo ni Jesus ang propesiya sa Isaias 61:1–2?”

Si Jesus sa sinagoga sa Nazaret

Jesus in the Synagogue at Nazareth [Si Jesus sa Sinagoga sa Nazaret], ni Greg K. Olsen

Isaias 61:3

Ano ang ibig sabihin ng pariralang “putong na bulaklak sa halip na mga abo”?

Sa sinaunang Israel, kaugalian ang magbuhos ng mga abo sa ulo ng isang tao bilang tanda ng matinding kalungkutan o pagkabalisa. Ang salitang Hebreo na isinalin bilang “putong na bulaklak” ay tumutukoy sa isang pandekorasyong takip sa ulo. Sa talatang ito, ipinangako ng Panginoon sa matatapat na papalitan Niya ng putong na bulaklak ang kanilang mga abo ng kalungkutan at gagawing kagalakan ang kanilang pagtangis.

Isaias 63:1–9

Ano ang mahalaga tungkol sa tanong na “Bakit pula ang iyong kasuotan”?

Ang Isaias 63 ay nagbibigay ng simbolikong paglalarawan kay Jehova na nagliligtas sa Kanyang mga pinagtipanang tao mula sa kanilang mga kaaway. Ang Panginoon ay inilalarawan bilang isang mandirigmang nagbalik mula sa Edom na mapula ang Kanyang damit, tulad ng isang taong yumayapak sa pisaan ng alak. Ang kulay ng damit ng Tagapagligtas ay kumakatawan sa dugo ng Kanyang mga kaaway na natalo Niya. Isang mahalagang katuparan ng propesiya ni Isaias ang mangyayari sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, kapag bumalik Siya sa mundo sa kaluwalhatian at nagpataw ng katarungan sa masasama. Sa araw na iyon, “ang Panginoon ay pula sa kanyang kasuotan.”

Ang pulang kasuotan ng Tagapagligtas ay maaari ding magpaalala sa atin ng dugong ibinuhos Niya para sa atin. Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell: “Hindi nakapagtataka na kapag dumating si Cristo sa kapangyarihan at kaluwalhatian, Siya ay darating na nakasuot ng pulang damit na nagpapaalala, hindi lamang ng pisaan ng poot, kundi maging ng Kanyang pagdurusa para sa bawat isa sa atin sa Getsemani at sa Kalbaryo!”

Si Jesucristo habang bumababa sa lupa sa Kanyang Ikalawang Pagparito

He Comes Again to Rule and Reign [Paparito Siyang Muli upang Mamuno at Maghari], ni Mary R. Sauer

Isaias 64:4–5

Ano ang ibig sabihin ng maghintay sa Panginoon?

Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard:

“[Ang] paghihintay sa Panginoon [ay] nangangahulugan ng patuloy na pagsunod at espirituwal na pag-unlad palapit sa Kanya. Ang paghihintay sa Panginoon ay hindi pag-aaksaya ng inyong oras. Hindi ninyo dapat maramdaman kahit kailan na para kayong naghihintay sa loob ng isang silid.

“Ang paghihintay sa Panginoon ay nangangailangan ng pagkilos. …

“Ang personal na pag-unlad na mararating ng isang tao ngayon habang naghihintay sa Panginoon at sa Kanyang mga pangako ay walang kasinghalaga at sagradong bahagi ng Kanyang plano para sa bawat isa sa atin. … Ikinararangal ng Panginoon ang mga naglilingkod at naghihintay sa Kanya nang may pagtitiyaga at pananampalataya.”

Isaias 65:17–25

Ano ang nalalaman natin tungkol sa Milenyo?

Ang huling bahagi ng Isaias 65 ay naglalarawan ng isang panahon na tutubusin ng Panginoon ang Kanyang mga tao, ang Sion, at ang buong mundo. Bagama’t hindi ginamit ni Isaias ang katagang Milenyo, ginagamit natin ang katagang ito ngayon bilang pagtukoy sa 1,000 taon kung kailan “maghahari si Cristo sa mundo” pagkatapos ng Kanyang Ikalawang Pagparito. Sa panahong ito, ang mundo ay magbabagong-anyo, o magbabago, para tanggapin ang “malaparaisong kaluwalhatian” nito.

“Ang Milenyo ay panahon ng kabutihan at kapayapaan sa mundo. Inihayag ng Panginoon na ‘sa araw na yaon ang pag-aalitan ng tao, at ang pag-aalitan ng mga hayop, oo, ang pag-aalitan ng lahat ng laman, ay matitigil’ (Doktrina at mga Tipan 101:26). Si Satanas ay ‘igagapos, upang siya ay mawalan ng puwang sa mga puso ng mga anak ng tao’ (Doktrina at mga Tipan 45:55).”

leon at tupa na payapang nakahiga nang magkatabi

Without Any Ire [Walang Anumang Alitan], ni Nancy Glazier-Koehler

Alamin ang Iba pa

Pag-aayuno

Ang Sabbath

  • Russell M. Nelson, “Ang Sabbath ay Kaluguran,” Liahona, Mayo 2015, 129–32

  • “Isaiah 58:13–14,” New Era, Peb. 2016, 40

Ang Milenyo

  • Mga Paksa at Mga Tanong, “Milenyo,” Gospel Library

Media

Video

“Jesus Declares He Is the Messiah [Ipinapahayag ni Jesus na Siya ang Mesiyas]” (3:24)

3:24

Musika

Larawan

bantay na hinihipan ang trumpeta

Mga Tala

  1. Tingnan sa Isaias 58:3–5.

  2. Tingnan sa Isaias 58:6–7. Tingnan din sa Dana M. Pike, “The Poor and the Needy in the Book of Isaiah,” sa Covenant of Compassion: Caring for the Marginalized and Disadvantaged in the Old Testament, inedit ni Avram R. Shannon at iba pa (2021), 198–99.

  3. Tingnan sa Isaias 58:8–12.

  4. Jeffrey R. Holland, “Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?,” Liahona, Nob. 2014, 42.

  5. Russell M. Nelson, “Ang Sabbath ay Kaluguran,” Liahona, Mayo 2015, 132.

  6. Tingnan sa Donald W. Parry at iba pa, Understanding Isaiah (1998), 517, tala sa Isaias 58:14.

  7. Tingnan sa Isaias 59:1–15.

  8. Tingnan sa Isaias 59:4, 14–15.

  9. Tingnan sa Kerry Muhlestein, Learning to Love Isaiah (2021), 476, 479–81, mga tala sa Isaias 59:3–4; 59:10–11; 59:18–20; Parry at iba pa, Understanding Isaiah, 520–21, 526, mga tala sa Isaias 59:1; 59:2; 59:6; 59:18; 59:19.

  10. Tingnan sa Isaias 59:17–20.

  11. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tagapamagitan,” Gospel Library.

  12. Bruce R. McConkie, “Come, Know the Lord Jesus,” Ensign, Mayo 1977, 14. Tingnan din sa Isaias 53:12; Mga Hebreo 7:25–26; 2 Nephi 9:8–10; Mosias 15:7–8; Doktrina at mga Tipan 45:3–5.

  13. Tingnan sa Isaias 60:1–2.

  14. Tingnan sa Isaias 60:3–13. Noong panahon ni Isaias, tinulutan ng Panginoon ang mga bansang Gentil na pahirapan ang mga Israelita, kunin ang kanilang kayamanan, at ikalat sila. Sa mga huling araw, bibigyan ng Panginoon ng lakas ang mga bansang Gentil na pagpalain ang mga Israelita at gamitin ang kanilang kayamanan sa pagtulong na maibalik sa Diyos ang mga pinagtipanang tao (tingnan sa Michael D. Coogan at iba pa, mga editor, The New Oxford Annotated Bible: New Revised Standard Version, ika-5 edisyon [2018], 1016, tala sa Isaias 60:10–22; tingnan din sa “Isaias 49:22–23. Paano magiging mga tagapag-alaga at tagapag-aruga ang mga Gentil sa Israel?”).

  15. Tingnan sa Isaias 60:18–21.

  16. Tingnan sa Parry at iba pa, Understanding Isaiah, 534, tala sa Isaias 60:1. Tingnan din sa Apocalipsis 21.

  17. Tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10.

  18. Doktrina at mga Tipan 45:66.

  19. Doktrina at mga Tipan 45:67.

  20. Doktrina at mga Tipan 45:71.

  21. Tingnan sa Matthew L. Bowen, “‘Thy Will Be Done’: The Savior’s Use of the Divine Passive,” sa The Sermon on the Mount in Latter-day Scripture, inedit ni Gaye Strathearn at iba pa (2010), 233–36.

  22. Tingnan sa Tremper Longman III at Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), “Ram’s Horn,” 646.

  23. Tingnan sa Levitico 25:8–13, 39–46. Tingnan din sa Bible Dictionary, “Jubilee, Year of.”

  24. Levitico 25:10.

  25. Tingnan sa Levitico 25:8–16, 23–55; 27:16–25. Tingnan din sa Muhlestein, Learning to Love Isaiah, 492, tala sa Isaias 61:1–2. Isang mahalagang katuparan ng propesiya ni Isaias ang naganap nang palayain ang mga Judio pagkaraan ng 50 taon ng pagkatapon sa Babilonia. Nangyari ito sa utos ni Haring Ciro ng Persia. Ang katotohanan na pinalaya ang mga Judio pagkaraan ng 50 taon ng pagkatapon ay nagpapakita ng koneksyon sa taon ng jubilee (tingnan sa Adele Berlin at Marc Zvi Brettler, mga editor, The Jewish Study Bible, ika-2 edisyon [2014], 888, tala sa Isaias 61:1).

  26. Tingnan sa Mateo 7:19–22; 11:4–5; Mga Gawa 4:27; 10:38.

  27. Lucas 4:16–21.

  28. Tingnan sa Thomas F. Olmstead, “The Savior’s Use of the Old Testament,” Ensign, Hulyo 2002, 47. Tingnan din sa “Lucas 4:22–30. Bakit hindi tinanggap si Jesus sa Nazaret?”

  29. Tingnan sa Richard Neitzel Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament: An Illustrated Reference for Latter-day Saints (2009), 245. Tingnan din sa “Esther 4:1. Bakit pinunit ni Mordecai ang kanyang damit at nagsuot ng damit-sako at nagbuhos ng abo?”

  30. Tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, entry 6287, pahina 1005. Ang ibang mga salin ng Biblia, tulad ng New International Version at New Living Translation, ay isinasalin ang pariralang ito bilang “putong ng kagandahan.” Tingnan din sa Parry at iba pa, Understanding Isaiah, 543, tala sa Isaias 61:3.

  31. Ang pangako ni Jehova sa Kanyang mga pinagtipanang tao ay malinaw na makikita lalo na sa talata 7, kung saan inilalarawan ni Isaias ang “awa” at “kagandahang-loob” ng Panginoon. Ang salitang Hebreo na ginagamit para sa “kagandahang-loob” sa talatang ito ay hesed, na tumutukoy sa pagmamahal at katapatan ng Tagapagligtas sa Kanyang mga tao (tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, “Loving-Kindness,” 502; tingnan din sa Russell M. Nelson, “Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 5–6, 11).

  32. Sa talatang ito, simbolikong kumakatawan ang Edom sa mga tao mula sa “mga makamundong bansa” (Isaias 63:1) na mga kaaway ng mga pinagtipanang tao ng Panginoon (tingnan sa Muhlestein, Learning to Love Isaiah, 506–7, tala sa Isaias 63:1). Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 1:36, kung saan ang Edom ay tinatawag na “Idumea, o sa sanlibutan.”

  33. Tingnan sa Isaias 63:3.

  34. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 133:41–51, 64.

  35. Doktrina at mga Tipan 133:48.

  36. Neal A. Maxwell, “Overcome … Even As I Also Overcame,” Ensign, Mayo 1987, 72.

  37. M. Russell Ballard, “Umasa kay Cristo,” Liahona, Mayo 2021, 55.

  38. Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10. Tingnan din sa Mga Paksa at Mga Tanong, “Milenyo,” Gospel Library.

  39. Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10. Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 63:20–21.

  40. Mga Paksa at Mga Tanong, “Milenyo,” Gospel Library.