“Genesis 18–23,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan (2025)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Genesis 18–23
Dinalaw ng mga sugo mula sa Panginoon si Abraham at sinabi sa kanya ang tungkol sa darating na pagkawasak ng Sodoma at Gomorra. Inulit din nila ang pangako na magkakaroon si Sarai ng isang anak na lalaki. Binalaan si Lot at ang kanyang pamilya na lisanin ang lungsod, ngunit hindi nakinig sa babala ang ilang miyembro ng kanyang pamilya. Tanging si Lot at ang kanyang mga anak na babae lang ang nakaligtas. Isinilang si Isaac bilang katuparan ng pangako ng Diyos kay Abraham. Ang pananampalataya ni Abraham sa Panginoon ay nasubukan nang iutos sa kanya na ialay si Isaac. Nang mapatunayan ni Abraham ang kanyang katapatan, iniligtas ng Panginoon si Isaac at naglaan ng kapalit na sakripisyo.
Mga Resource
Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Genesis 18:1–8
Ano ang alam natin tungkol sa mga lalaking bumisita kay Abraham?
Tinukoy sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng salaysay na ito ang tatlong lalaki bilang “mga anghel na mga banal na tao, at isinugo alinsunod sa orden ng Diyos.” Tinatawag ng King James Version ang mga lalaking ito na mga anghel, na maaari ding mangahulugang “mga sugo.” Bagama’t hindi natin alam ang pagkakakilanlan ng mga sugong ito, pinakitunguhan sila ni Abraham nang may pagpipitagan at malaking paggalang.
Genesis 18:23–33
Ano ang natutuhan ni Abraham tungkol sa awa ng Panginoon?
Nang ihayag ng Panginoon kay Abraham ang Kanyang plano na lipulin ang Sodoma at Gomorra, nagsumamo si Abraham sa Panginoon na iligtas ang kanyang mga mahal sa buhay at iba pang mabubuting tao na maaaring naninirahan doon. Pinayuhan ng Diyos si Abraham, at sa pamamagitan ng prosesong iyon naunawaan ni Abraham na handa ang Diyos na magpakita ng awa at iligtas ang masasama sa Sodoma at Gomorra kung may ilang mabubuting tao ang naninirahan doon. Sa iba pang mga salaysay sa banal na kasulatan, ang Diyos ay madalas na nagpapakita ng awa sa pamamagitan ng pagliligtas sa masasama dahil sa mabubuti.
Genesis 19:4–9
Inialay ba ni Lot ang kanyang mga anak na babae sa mga pang-aabuso ng mga mandurumog?
Matapos anyayahan ni Lot at ng kanyang pamilya ang mga sugo ng Panginoon na manatili sa kanilang tahanan, nagtipon ang mga mandurumog sa labas. Hiniling nila na isuko ni Lot ang kanyang mga panauhin upang abusuhin. Inilalarawan sa teksto sa Genesis na inialay ni Lot ang kanyang dalawang anak na babae sa mga mapanganib na mandurumog bilang kapalit ng mga sugo ng Panginoon. Nililinaw sa inspiradong pagsasalin ni Joseph Smith na hindi inialay ni Lot ang kanyang mga anak na babae sa mga galit na mandurumog. Sa halip, hiniling ng mga mandurumog ang mga bisita ni Lot at ang kanyang mga anak na babae. Nang tumanggi si Lot, tinangka ng mga mandurumog na puwersahang pumasok sa bahay at sila ay nabulag ng mga banal na sugo.
Genesis 19:12–13
Bakit nilipol ng Diyos ang Sodoma at Gomorra?
Ang mga naninirahan sa Sodoma at Gomorra ay gumawa ng maraming masasamang gawain na labis na nagpalungkot sa Panginoon. Ipinahayag ng propetang si Ezekiel na ang mga tao ay puno ng kapalaluan at katamaran at bagama’t sila ay may “labis na pagkain” hindi nila tinulungan “ang dukha at nangangailangan.” Ang seksuwal na imoralidad ay malawakang tinanggap at isinagawa sa Sodoma at mga kalapit na lungsod. Sinabi ni Propetang Joseph Smith na ang mga tao sa Sodoma at Gomorra ay “winasak dahil hindi nila tinanggap ang mga Propeta.” Ang sinapit ng Sodoma at Gomorra ay ginamit sa buong banal na kasulatan bilang halimbawa ng mga bunga ng kasamaan.
Genesis 19:15–26
Bakit naging haliging asin ang asawa ni Lot?
Ang salitang Hebreo na naglalarawan sa kung paano lumingon ang asawa ni Lot sa lungsod ay nagpapahiwatig ng hindi lang simpleng sulyap ngunit isang nananabik o mapanuring titig.
Sinabi ni Pangulong Jeffrey R. Holland:
“Ano kaya ang maling-maling ginawa ng asawa ni Lot? Bilang mag-aaral ng kasaysayan, naisip ko na ang tungkol doon at magbibigay ng bahagyang sagot. Malinaw na ang kamalian ng asawa ni Lot ay hindi lamang paglingon sa likuran; sa puso niya ay gusto niyang bumalik. Siguro bago pa man siya makalampas sa hangganan ng lungsod, nangungulila na siya sa naibibigay ng Sodoma at Gomorra sa kanya. …
“Maaaring lumingon ang asawa ni Lot nang may galit sa Panginoon dahil sa mga iniutos ng Panginoon na iwan niya.”
Ginamit ng Tagapagligtas ang kuwento tungkol sa pagtakas ng pamilya ni Lot sa Sodoma bilang babala na iwanan kaagad ang masasamang paniniwala at pamumuhay at huwag nang bumalik sa mga ito. Pinayuhan Niya ang Kanyang mga disipulo na “alalahanin ninyo ang asawa ni Lot.”
Fleeing Sodom and Gomorrah [Pagtakas sa Sodoma at Gomorra], ni Julius Schnorr von Carolsfeld
Genesis 19:30–38
Ano ang alam natin sa kuwento tungkol kay Lot at sa kanyang mga anak na babae?
Malinaw na inilalarawan sa Joseph Smith Translation ng Genesis 19 na masama ang ginawa ng mga anak na babae ni Lot. Tila naiintindihan ng dalawang dalaga na mali ang ginagawa nila, dahil pinlano nilang lasingin ang kanilang ama para hindi niya mapagtanto ang nangyayari.
Marami talaga ang napaisip kung bakit ang salaysay na ito ay isinama sa Lumang Tipan. Tulad ng maraming kuwento sa Genesis, ipinapaliwanag nito ang mga pinagmulan. Sinasabing ang mga batang ipinagbuntis sa kuwentong ito ay ang mga ninuno ng mga Moabita at Ammonita. Kalaunan ay makikipag-ugnayan ang mga bansang ito sa Israel, kung minsan ay makikipaglaban. Ang pinagmulan ng salaysay na ito ay hindi maganda sa mga taong ito, na maaaring nagbunsod ng tensyon sa pagitan nila at ng mga Israelita. Ang isang mahalagang Moabita ay si Ruth, ang lola sa tuhod ni David at ninuno ni Jesucristo.
Genesis 21:13
Ano ang ginampanan ni Ismael sa pagtupad ng mga pangako ng Diyos kay Abraham?
Bagama’t ipinahayag ng Panginoon na magpapatuloy ang tipang Abraham sa pamamagitan ni Isaac, may ginampanan din si Ismael sa katuparan ng mga ipinangakong pagpapala kay Abraham—lalo na ang pangako na magiging napakarami at hindi mabibilang ang mga inapo ni Abraham na “parang alabok ng lupa.” Noong si Ismael ay nasa sinapupunan ni Hagar, ipinangako ng Panginoon na “pararamihin [Niya nang] lubos ang binhi [ni Hagar].” Kalaunan, sinabi ng Panginoon kay Abraham na si Ismael ay “gagawin [Niya] ring isang bansa, sapagkat siya’y iyong binhi.”
Genesis 22:1–14
Ano ang matututuhan natin mula sa utos ng Diyos kay Abraham na ialay si Isaac?
Sa kanyang pangitain tungkol sa mundo bago siya isinilang, nalaman ni Abraham na ang isang layunin ng mortalidad ay subukin tayo kung susundin natin ang Diyos sa lahat ng bagay. Marahil nangyari ang pinakamalaking pagsubok kay Abraham nang iutos sa kanya na isakripisyo si Isaac.
Ang teksto ng Genesis 22 ay hindi kailanman nagsaad ng kung ano ang iniisip ni Abraham o Isaac sa panahon ng pagsubok. Ngunit isinasaad sa aklat ng Mga Hebreo na napakalaki ng pananampalataya ni Abraham kaya naniniwala siya na mabubuhay muli ng Diyos si Isaac. Ang sagot ni Abraham sa tanong ni Isaac ay nagbibigay ng pinakamagandang katibayan ng pananampalataya ni Abraham. Sinabi niya kay Isaac, “ang Diyos ang magkakaloob ng kordero.”
Larawan nina Abraham at Isaac ni Harold Copping (1863–1932). Harold Copping / Private Collection / © Look and Learn / Bridgeman Images
Itinuro ng propetang si Jacob sa Aklat ni Mormon na ang pagsunod ni Abraham ay “isang kahalintulad ng Diyos at ng kanyang Bugtong na Anak.” Ang kuwentong ito ay isang makapangyarihang patotoo tungkol sa Ama at Anak na handang isakripisyo ang lahat para sa ating pagtubos.
Sa ating panahon, inihayag ng Panginoon na ang Kanyang mga Banal ay susubukin “maging tulad ni Abraham,” na nagpapahiwatig na lahat tayo ay haharap sa mahihirap na pagsubok sa ating buhay na nangangailangan na lubos tayong umasa sa Diyos. Ipinaliwanag ng Panginoon na ang mga pagsubok ay hahantong sa ating pagpapabanal. Nagpatotoo si Pangulong Russell M. Nelson, “Bawat hamon, pagsubok, at paghihirap na inyong tinitiis ay isang pagkakataon upang lalo pang mapaunlad ang inyong pananampalataya.”
Genesis 22:3–10
Paano naging simbolo ni Cristo ang sakripisyo ni Isaac?
Bagama’t hindi binanggit sa Biblia ang edad ni Isaac, ipinahihiwatig ng mga pangyayari sa salaysay na nasa hustong gulang na siya—at hindi siya napilitan. Bilang komento tungkol sa paggapos ni Abraham kay Isaac, sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Ano ang naisip ni Isaac nang ginawa ni Abraham ang gayong kakaibang bagay? Walang binabanggit ang Biblia na pakikibaka o pagtutol. Ang katahimikan ni Isaac ay maipaliliwanag lamang ng kanyang pagtitiwala at pagsunod sa kanyang ama.”
Ang sakripisyo ni Isaac ay simbolo ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo para sa atin. Itinatampok ng sumusunod na chart ang mga pagkakatulad ng dalawang pangyayari.
|
Isaac |
Jesucristo |
|---|---|
Isaac Si Isaac ang nag-iisang anak nina Abraham at Sarai (tingnan sa Genesis 22:2). | Jesucristo Si Jesus ang Bugtong na Anak ng Ama (tingnan sa Juan 3:16). |
Isaac Iaalay si Isaac sa isang bundok sa lupain ng Moria, na ayon sa tradisyon ay ang bundok ng templo sa Jerusalem (tingnan sa Genesis 22:2; 2 Mga Cronica 3:1). | Jesucristo Si Jesus ay ipinako sa krus sa isang burol sa labas ng Jerusalem (tingnan sa Marcos 15:22). |
Isaac Si Isaac ay magiging handog na susunugin (tingnan sa Genesis 22:2). | Jesucristo Lahat ng sakripisyo ay dapat gawin nang kahalintulad ni Jesucristo (tingnan sa Moises 5:5–7). |
Isaac Dinala ni Isaac ang kahoy para sa sakripisyo (tingnan sa Genesis 22:6). | Jesucristo Pinasan ni Cristo ang Kanyang krus (tingnan sa Juan 19:17). |
Isaac Sinabi ni Abraham na maglalaan ang Diyos ng isang kordero (tingnan sa Genesis 22:8). | Jesucristo Si Jesus ang Korderong inihandog para sa atin (tingnan sa 1 Pedro 1:19). |
Isaac Si Isaac ay iginapos at inilagay sa altar (tingnan sa Genesis 22:9). | Jesucristo Si Jesus ay ipinako sa krus (tingnan sa Lucas 23:33). |
Isaac Si Isaac ay nagpasakop sa kalooban ng kanyang ama (tingnan sa Genesis 22:9). | Jesucristo Si Jesus ay nagpasakop sa kalooban ng Kanyang Ama (tingnan sa Lucas 22:42). |
Isaac Hindi ipinagkait ni Abraham ang kanyang anak (tingnan sa Genesis 22:11). | Jesucristo Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak (tingnan sa Juan 3:16). |
Genesis 22:14
Ano ang kahalagahan ng pangalang “Jehovah-jireh”?
Matapos maglaan ang anghel ng Panginoon ng isang tupang ipapalit kay Isaac bilang sakripisyo, pinangalanan ni Abraham ang lugar sa bundok na Jehovah-jireh. Isinalin ng King James Version ng Biblia ang pariralang ito bilang “sa bundok ng Panginoon ito ay ipagkakaloob.” Iminungkahi ng mga iskolar na ang pariralang ito ay maaari ding isalin bilang “sa bundok na ito makikita ang Panginoon” o “sa bundok, si Jehova ay maglalaan.” Karaniwang pinaniniwalaan na ang bundok kung saan dinala ni Abraham si Isaac upang isakripisyo ay bahagi ng parehong grupo ng mga burol kung saan kalaunan ipinako sa krus si Jesucristo.
Jehovah Jireh, ni Eva Koleva Timothy
Alamin ang Iba pa
Sodoma at Gomorra
-
Quentin L. Cook, “In the World but Not of the World,” Ensign, Peb. 2006, 53–55
Media
Mga Video
Mga Larawan
Ishmael and Hagar Expelled [Pinaalis sina Hagar at Ismael], ni George Soper
Abraham Taking Isaac to Be Sacrificed [Isinama ni Abraham si Isaac para Isakripisyo], ni Del Parson
Abraham and Isaac [Abraham at Isaac], ni Jeff Ward