Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Moises 7


“Moises 7,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan (2025)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Moises 7

Patuloy na nangaral si Enoc ng pagsisisi. Pinrotektahan ng Panginoon ang Kanyang mga tao mula sa kanilang mga kaaway. Itinatag ni Enoc ang lungsod ng Sion ayon sa mga alituntunin ng kabutihan. Nakakita siya ng isang pangitain tungkol sa kasaysayan ng daigdig mula sa kanyang panahon hanggang sa Milenyo. Nakita niya ang impluwensya ng kaaway at nakita ang pagtangis ng Diyos dahil sa pagdurusa ng Kanyang mga anak. Nakita rin ni Enoc ang pagparito ng Tagapagligtas, ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo kalaunan, ang pagtitipon ng Israel, at ang pagbabalik ng lungsod ng Sion sa lupa. Si Enoc at ang kanyang lungsod ay dinala paitaas.

Mga Resource

Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Moises 7:5–8

Ano ang alam natin tungkol sa mga anak ng Canaan at sa sumpa sa kanila?

Kaunti lang ang alam natin tungkol sa mga tao ng Canaan na nabuhay bago ang Baha. Sa kabila ng pagkakatulad ng pangalan, walang katibayan sa banal na kasulatan na nagpapahiwatig na ang mga taong ito ay may kaugnayan kay Cain. Wala ring katibayan na konektado sila sa mabubuting tao ng ”lupain ng Cainan,” na ipinangalan sa lolo sa tuhod ni Enoc. Naiiba rin sila sa apo ni Noe na si Canaan at sa mga Cananita na madalas banggitin sa Lumang Tipan, na dumating kalaunan.

Ipinropesiya ni Enoc na ang mga anak ng Canaan ay isusumpa sa pamamagitan ng tigang at walang bungang lupain, marahil dahil nilipol nila ang mga tao ng Shum. Pagkatapos, isinasaad sa talaan na “may kaitimang pumasalahat ng anak ng Canaan” at sila ay “kinamuhian sa lahat ng tao.” Hindi malinaw ang kahulugan ng “kaitiman” sa talatang ito. Ipinalagay ng ilan na tumutukoy ang “kaitiman” sa maitim na kulay ng balat, ngunit walang anumang teksto na nagbibigay-katwiran sa interpretasyong ito.

Moises 7:15

Ano kaya ang ibig sabihin na may mga higante sa lupain?

Binanggit ang mga higante sa mga salaysay nina Enoc at Noe. Ipinapahiwatig sa dalawang salaysay na ito na ang mga higante ay mga kaaway ng Diyos at ng Kanyang mga propeta. Habang ang salitang higante ay karaniwang tumutukoy sa isang taong malaki ang pangangatawan, ang salitang Hebreo na isinalin bilang “mga higante” sa Genesis 6:4, ang nephilim, ay maaari ding mangahulugang “mga nahulog o makasalanan.” Hindi malinaw kung malaki ang pangangatawan ng mga taong ito, at ang kataga ay maaaring paglalarawan lang ng kanilang makasalanang espirituwal na kalagayan.

Moises 7:16–19

Ano ang Sion?

Binigyang-kahulugan ng paghahayag sa mga huling araw ang Sion bilang “ang may dalisay na puso.” Maaari din itong tumukoy sa isang lugar kung saan nakatira ang mga may dalisay na puso. Ang lungsod ni Enoc ay tinawag na “Sion” at ang “Lungsod ng Kabanalan.” Nanahan ang Panginoon kasama ni Enoc at ng kanyang mga tao dahil sa kanilang pagkakaisa, kabutihan, at pangangalaga sa mga maralita. Sa kalaunan, dinala sa langit ang lungsod ng Sion ni Enoc, kung saan “tinanggap ito ng Diyos sa kanyang sariling sinapupunan.”

Ang iba pang pagbanggit sa Sion sa mga banal na kasulatan ay tinutukoy ito bilang isang sinaunang lungsod ng Jerusalem at ang Bagong Jerusalem sa mga huling araw na itatayo sa Jackson County, Missouri. Ngayon, pinapayuhan ang mga Banal sa mga Huling Araw na itayo ang Sion saanman sila nakatira. Magagawa nila ito sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo ng Tagapagligtas at pagsasabuhay ng mga alituntunin ng pagkakaisa, kabanalan, at pag-ibig sa kapwa-tao na ipinakita ni Enoc at ng kanyang mga tao. Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Dapat ay pagtatayo ng Sion ang ating pinakadakilang layunin.”

Moises 7:21

Ano ang ibig sabihin ng ang lungsod ng Sion ay “dinala sa langit”?

Si Enoc at ang mabubuting tagasunod ng Diyos ay nagbagong-kalagayan o dinala sa langit nang hindi nakararanas ng kamatayan. Ang mga taong nagbagong-kalagayan ay ang mga taong “nagbago upang hindi nila maranasan ang sakit o kamatayan hanggang sa kanilang pagkabuhay na muli tungo sa kawalang-kamatayan.” Makararanas pa rin ng kamatayan ang mga taong nagbagong-kalagayan kapag nabago sila sa isang nabuhay na muling kalagayan, ngunit mangyayari sa isang iglap ang pagbabagong ito.

Dinadala sa langit si Enoc at ang kanyang mga tao

City of Zion Translated [Lungsod ng Sion na Nagbagong-Kalagayan], ni Del Parson

Moises 7:22

Ano ang ibig sabihin ng “ang mga binhi ni Cain ay maiitim?”

Katulad ng paglalarawan ng “kaitiman” na pumasalahat ng anak ng Canaan sa Moises 7:8, ang kahulugan ng salitang “maiitim” sa talata 22 ay hindi malinaw. Sa paglalarawan ng mga inapo ni Cain na natagpuan sa aklat ni Moises, binanggit dito na hindi nagministeryo ang Diyos sa kanila dahil “ang kanilang mga gawain ay nasa dilim” at “hindi nila sinunod ang mga kautusan ng Diyos.”

Pagkatapos pumasok si Cain sa karumal-dumal na pakikipagtipan kay Satanas at patayin ang kanyang kapatid na si Abel, pinatawan ng Panginoon ng isang sumpa si Cain. Ang sumpa kay Cain ay hindi na tutubo ang mga pananim sa lupa para sa kanya, magpapagala-gala siya na parang isang takas, at mahihiwalay siya mula sa presensya ng Diyos. Naglagay rin ang Panginoon ng hindi tinukoy na tanda kay Cain upang pigilan ang iba na maghiganti sa kanya.

Walang indikasyon sa mga banal na kasulatan na ang tanda ni Cain ay ipinasa sa kanyang mga inapo. Dapat nating iwasan ang pagbibigay ng haka-haka sa katangian o hitsura ng tanda na inilagay kay Cain o na ang sumpa ay para din sa iba pang tao at hindi lamang sa kanya.

Tingnan din sa “Genesis 4:7–15; Moises 5:23–40. Ano ang alam natin sa sumpa at tandang inilagay kay Cain?

Moises 7:38–39

Ano ang bilangguang inihanda para sa masasama?

Nanangis ang Diyos habang tinitingnan Niya ang Kanyang mga anak na tumangging sumunod sa Kanya at malapit nang malipol sa Baha. Binanggit Niya ang isang bilangguang inihanda Niya para sa kanila, na tumutukoy sa bilangguan ng mga espiritu pagkatapos ng kamatayan. Itinuro ng Diyos kay Enoc na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang mga nasa bilangguan ng mga espiritu ay magkakaroon ng pagkakataong magsisi.

Sa isang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 138, nalaman ni Pangulong Joseph F. Smith na ang mga espiritung nasa bilangguan—kabilang na ang mga nasawi sa Baha—ay binigyan ng pagkakataong maturuan ng ebanghelyo ni Jesucristo ng mabubuting espiritu mula sa paraiso at tumanggap ng mga ordenansa ng ebanghelyo na isinagawa para sa kanila. Nagpatotoo si Pangulong Smith, “Ang mga patay na magsisisi ay matutubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos, at pagkatapos nilang mabayaran ang kaparusahan sa kanilang mga kasalanan, at mahugasang malinis, ay tatanggap ng gantimpala alinsunod sa kanilang mga gawa, sapagkat sila ay mga tagapagmana ng kaligtasan.”

Moises 7:47

Ano ang kahulugan ng “ang Kordero ay pinatay mula sa pagkakatatag ng daigdig”?

Ang paglalarawan ni Enoc kay Jesucristo bilang “ang Kordero [na] pinatay mula sa pagkakatatag ng daigdig” ay nagbibigay ng mabisang paalala ng “walang katapusan at walang hanggang” katangian ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Sa Kapulungan sa buhay bago isilang, si Jehova ang pinili upang isagawa ang nagbabayad-salang sakripisyo para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee: “Ang Anak ng Diyos … ay may kapangyarihang lumikha ng mga daigdig, at pangasiwaan ang mga ito. Pumarito Siya bilang Bugtong na Anak upang isakatuparan ang isang misyon, upang maging Kordero na pinatay bago itinatag ang sanlibutan, upang magdala ng kaligtasan sa buong sangkatauhan. Sa pag-aalay ng Kanyang buhay binuksan Niya ang pinto ng pagkabuhay na muli at nagturo sa paraang matatamo natin ang buhay na walang hanggan, na ang ibig sabihin ay pagbalik sa kinaroroonan ng Ama at ng Anak. Iyan si Jesus sa lahat Niyang kadakilaan.”

Sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao—na nabuhay bago ang ministeryo ng Tagapagligtas sa lupa—na “maniwala na si Cristo ay paparito” upang sila ay “makatanggap ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at magsasaya sa labis na kagalakan, na parang siya ay pumaroon na sa kanila.” Dahil ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ay walang katapusan at walang hanggan, yaong mga nabuhay bago ang Kanyang ministeryo sa lupa ay maaari pa ring pagpalain ng Kanyang kapangyarihang magtubos.

Moises 7:50–52

Paano pinalilinaw ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang ating pag-unawa sa tipan ng Diyos kina Enoc at Noe?

Inilalarawan ng salaysay tungkol sa Baha na nakatala sa Genesis ang tipang ginawa ng Diyos kay Noe na hindi na Niya muling babahain ang mundo. Sa Genesis 9:12–17, itinuro ng Panginoon kay Noe na ang bahaghari ay isang tanda, o paalala, ng tipang iyon.

Ang inspiradong pagsasalin ng Biblia ni Propetang Joseph Smith ay nagbibigay ng mga karagdagang detalye tungkol sa tipang ito na hindi nakatala sa Genesis. Mula sa Moises 7 nalaman natin na unang ginawa ng Diyos ang tipang ito kay Enoc. Bukod pa rito, ipinaliwanag sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Genesis 9 na ang pagbabalik ni Enoc at ng kanyang mga tao sa lupa sa mga huling araw ay bahagi rin ng tipan ng Panginoon.

Ang tanda na bahaghari ay nagbibigay ng makabuluhang simbolismo kapag isinasaalang-alang ang karagdagang aspeto ng tipang ito. Halimbawa, sinabi ng isang iskolar na ang direksyon ng bahaghari ay makapagpapaalala sa atin ng pag-akyat ng Sion sa langit mula sa lupa at ng pagbaba nito pabalik sa lupa sa hinaharap. Maaari ding magpaalala sa atin ang bahaghari tungkol sa koneksyon ng langit at ng lupa na magaganap kapag muling nagsama ang lungsod ni Enoc at ang mga Banal ng Diyos sa lupa.

Moises 7:53

Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jesucristo mula sa Kanyang mga titulo sa talatang ito?

Si Jesucristo ay ang Mesiyas, “ang Pinahiran,” na pinili mula pa sa simula upang maging ating Tagapagligtas. Bilang Hari ng Sion, mamumuno Siya sa Kanyang mabubuting Banal sa Sion sa loob ng 1,000 taon sa Milenyo. Siya “ang Bato ng Langit” at ang matibay na pundasyon kung saan maaari nating itayo ang ating buhay at makamit ang buhay na walang hanggan. Siya lang ang tanging daan kung paano tayo makababalik sa Ama. Ang pasukang inilaan Niya para sa atin upang makapasok sa landas tungo sa buhay na walang hanggan ay “pagsisisi at binyag sa pamamagitan ng tubig.”

larawan ni Jesucristo

Christ’s Image [Larawan ni Cristo], ni Heinrich Hofmann

Moises 7:60–63

Ano ang mga ipinakita kay Enoc tungkol sa mga huling araw?

Sa pagtatapos ng pangitain ni Enoc, ipinaliwanag ng Panginoon na ang mga huling araw ay magiging panahon ng matinding kasamaan at kapighatian. Ipinangako rin ng Panginoon, “Subalit ang aking mga tao ay pangangalagaan ko.” Pagkatapos ay inilarawan ng Panginoon sa talata 62 ang mahahalagang paraan ng pangangalaga Niya sa Kanyang mga tao sa mga huling araw:

“Kabutihan ang aking ipadadala mula sa langit; at ang katotohanan ay aking ipadadala sa lupa”

Tungkol sa propesiyang ito, itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Nakita natin ang kamangha-manghang katuparan ng propesiyang iyon sa ating henerasyon. Ang Aklat ni Mormon ay lumabas mula sa lupa, puno ng katotohanan, nagsisilbing ‘[pinaka]saligang bato ng ating relihiyon’ (tingnan sa Pambungad sa Aklat ni Mormon). Ang Diyos ay nagpadala rin ng kabutihan mula sa langit. Ang Ama kasama ang Kanyang Anak ay nagpakita kay Propetang Joseph Smith. Ang anghel na si Moroni, sina Juan Bautista, Pedro, Santiago, at marami pang ibang mga anghel ay inatasan ng langit na ipanumbalik ang mga kinakailangang kapangyarihan sa kaharian. Bukod pa rito, tumanggap si Propetang Joseph Smith ng patuloy na mga paghahayag mula sa kalangitan sa kritikal na unang mga taon ng pag-unlad ng Simbahan. Ang mga paghahayag na ito ay iningatan para sa atin sa Doktrina at mga Tipan.”

“Tipunin ang aking mga hinirang mula sa apat na sulok ng mundo”

Nangako ang Panginoon na ang katotohanan at kabutihan ay “papapangyarihin kong umabot sa mundo gaya nang isang baha, upang tipunin ang aking mga hinirang mula sa apat na sulok ng mundo.”

Tungkol sa pagtitipon ng Israel, o mga hinirang ng Diyos, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ito na talaga ang mga huling araw, at ang Panginoon ay binibilisan ang Kanyang gawain na tipunin ang Israel. Ang pagtitipon na ito ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon. Walang maikukumpara sa laki, walang maikukumpara sa halaga, at sa kadakilaan nito. At kung pipiliin ninyo, kung gusto ninyo, maaari kayong maging malaking bahagi nito. Maaari kayong maging bahagi ng isang bagay na malaki, maringal, at dakila!

“Kapag pinag-uusapan natin ang pagtitipon, ang sinasabi natin ay ang katotohanang ito: bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit, sa magkabilang panig ng tabing, ay dapat marinig ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sila ang nagdedesisyon sa sarili nila kung nais nilang matuto pa. …

“Sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na ngayon, ibig sabihin ay sa panahon natin, ang ikalabing-isang oras at ang huling pagkakataon na magtatawag Siya ng mga tagagawa sa Kanyang ubasan para matipon ang mga hinirang mula sa apat na sulok ng mundo.”

“Sion, ang Bagong Jerusalem”

Nangako ang Panginoon na sa mga huling araw ay magtatatag Siya ng “isang Banal na Lungsod, … at ito ay tatawaging Sion, ang Bagong Jerusalem.” Mula sa paghahayag sa mga huling araw, nalaman natin na ang banal na lungsod na ito ay itatayo sa lupalop ng Amerika at magiging isang lugar kung saan magtitipon ang mga nawawalang lipi ng Israel.

Inilalarawan ng mga banal na kasulatan ang Bagong Jerusalem bilang “isang lupa ng kapayapaan, isang lunsod ng kanlungan, isang lugar ng kaligtasan para sa mga banal ng Kataas-taasang Diyos.” Ang mga tao mula sa bawat bansa ay magtitipon doon. Itinuro ng Panginoon kay Enoc na ang kanyang lungsod ng Sion ay babalik sa lupa at makakasama ng mga nasa Bagong Jerusalem bago ang Ikalawang Pagparito at paghahari ng Tagapagligtas sa milenyo.

Alamin ang Iba pa

Pagtatatag ng Sion

Pagmamahal ng Diyos

  • Jeffrey R. Holland, “The Grandeur of God,” Liahona, Nob. 2003, 70–73

Ang gawain sa mga huling araw

  • D. Todd Christofferson, “Paghahanda para sa Pagbabalik ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2019, 81–84

  • Russell M. Nelson, “Ang Kinabukasan ng Simbahan: Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas,” Liahona, Abr. 2020, 12–17

Media

Mga Larawan

Ang Lungsod ni Enoc na dinadalang paitaas sa langit

Paglalarawan ni Ben Simonsen

Tinatanggap ni Joseph ang mga Lamina

Joseph Receives the Plates [Tinanggap ni Joseph ang mga Lamina], ni Smith, Gary Ernest Smith

Mga Tala

  1. Bagama’t magkatulad ang tunog ng mga pangalan sa Ingles, ang mga ito ay hindi nagmula sa iisang salitang-ugat na Hebreo. Tingnan sa Tremper Longman III at Mark L. Strauss, mga pat, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), entry 7014, pahina 1014 (para kay Cain); at entry 3667, pahina 971 (para sa Canaan).

  2. Tingnan sa Moises 6:41–42.

  3. Tingnan sa Genesis 9:24–27.

  4. Tingnan sa Mga Hukom 1:1; tingnan din sa Kent P. Jackson, “Canaan, people of,” sa Pearl of Great Price Reference Companion, pat. Dennis L. Largey (2017), 85.

  5. Moises 7:8. Ang “kaitiman” na ito ay hindi bahagi ng sumpa ng Panginoon, na nakatuon sa lupain mismo.

  6. Sa panahon ni Propetang Joseph Smith, kabilang sa mga kahulugan ng mga salitang itim at kaitiman ang “kadiliman,“ “kakulangan sa liwanag,“ at “lubhang masama“ (Noah Webster, An American Dictionary of the English Language [1828], “Black,“ “Blackness“). Sa ibang bahagi ng aklat ni Moises, ang salitang kaitiman ay nauugnay sa kakulangan ng espirituwal na liwanag. Nang unang itala ni Joseph Smith ang mga paghahayag sa aklat ni Moises, ang salitang kadiliman ay ginamit upang ilarawan ang pagharap ni Moises kay Satanas sa Moises 1:15. Tinanong ni Moises si Satanas, “Nasaan ang iyong kaluwalhatian, sapagkat ito ay kadiliman sa akin? At ako ay maaaring humatol sa pagitan mo at ng Diyos” (Visions of Moses, June 1830 [Moses 1], 1, josephsmithpapers.org; ginawang makabago ang pagbabaybay at pagbabantas). Ang salitang kaitiman ay pinalitan ng kadiliman sa mga sumunod na edisyon (tingnan sa Moises 1:15). Ang mga salitang itim at kaitiman ay maaaring may iba’t ibang kahulugan sa ibang mga scripture passage. Halimbawa, “Nakasaad din sa Aklat ni Mormon na ‘ang tanda ng maitim na balat’ [2 Nephi 5:21] ay sumapit sa mga Lamanita matapos humiwalay sa kanila ang mga Nephita. Ang likas na katangian at hitsura ng tandang ito ay hindi ganap na nauunawaan. Ang tandang ito noong una ang ipinagkaiba ng mga Lamanita sa mga Nephita. Kalaunan, nang kapwa dumaan ang mga Nephita at Lamanita sa mga panahon ng kasamaan at kabutihan, nawalan na ng kabuluhan ang tanda” (Topics and Questions, “Race and The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” Gospel Library).

  7. Tingnan sa Moises 7:13–16; 8:18.

  8. Tingnan sa Longman at Strauss, Baker Expository Dictionary, 283.

  9. Tingnan sa Richard D. Draper at iba pa, The Pearl of Great Price: A Verse-by-Verse Commentary (2005), 119, tala 15.

  10. Doktrina at mga Tipan 97:21. Tingnan din sa Mga Paksa at Mga Tanong, “Sion,” Gospel Library.

  11. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sion,” Gospel Library.

  12. Moises 7:19.

  13. Tingnan sa Moises 7:16–18.

  14. Moises 7:69. Tingnan din sa Moises 7:21.

  15. Tingnan sa Mga Paksa at Mga Tanong, “Sion,” Gospel Library.

  16. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sion,” Gospel Library. Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 39:13.

  17. Tingnan sa D. Todd Christofferson, “Sa Sion ay Magsitungo,” Liahona, Nob. 2008, 37–38; “Paghahanda para sa Pagbabalik ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2019, 82–83.

  18. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 216.

  19. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Taong Nagbagong-kalagayan, Mga,” Gospel Library.

  20. Tingnan sa 3 Nephi 28:8, 40; Doktrina at mga Tipan 101:31.

  21. Bagama’t magkatulad ang tunog ng mga pangalang Canaan at Cain sa Ingles, walang kilalang kaugnayan ang mga inapo ni Cain sa mga tao ng Canaan (Tingnan sa “Moises 7:5–8. Ano ang alam natin tungkol sa mga anak ng Canaan at sa kanilang sumpa?”).

  22. Moises 5:51.

  23. Moises 5:52. Tingnan din sa Moises 5:42–56.

  24. Tingnan sa Moises 5:29–37.

  25. Tingnan sa Genesis 4:11–14; Moises 5:36–39.

  26. Tingnan sa Genesis 4:15; Moises 5:40.

  27. Tingnan sa Topics and Questions, “Race and The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” Gospel Library.

  28. Tingnan sa Moises 7:28–38.

  29. Tingnan sa Moises 7:38–39.

  30. Tingnan sa 1 Pedro 3:18–20.

  31. Tingnan sa Moises 7:39.

  32. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:28–34. Pinagninilayan ni Pangulong Smith ang mga turo ni Pedro na ang Tagapagligtas ay “nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan,” na kinabibilangan ng mga nasawi “noong mga araw ni Noe” (1 Pedro 3:18–20).

  33. Doktrina at mga Tipan 138:58–59. Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Magtiwala sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2019, 26–29.

  34. Moises 7:47.

  35. Alma 34:10.

  36. Tingnan sa Moises 4:2; Abraham 3:27; 1 Pedro 1:19–20.

  37. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee (2011), 22.

  38. Mosias 3:13.

  39. Para sa mga halimbawa, tingnan sa Mosias 4:1–3; Moises 6:53–54.

  40. Tingnan sa Genesis 9:11.

  41. Tingnan sa Moises 7:50–52. Nilinaw rin ng Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 9:15, Gospel Library, na ang tipan ay unang ginawa kay Enoc.

  42. Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 9:21–24, Gospel Library.

  43. Tingnan sa Aaron P. Schade, “The Rainbow as a Token in Genesis: Covenants and Promises in the Flood Story,” sa From Creation to Sinai: The Old Testament through the Lens of the Restoration, pat. Daniel L. Belnap at Aaron P. Schade (2021), 147–53.

  44. Tingnan sa Joseph Smith Translation, Genesis 22–23; Schade, ”Rainbow as a Token,” 147–53.

  45. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pinahiran, Ang,“ Gospel Library.

  46. Tingnan sa Moises 4:2; Abraham 3:27.

  47. Tingnan sa Moises 7:62–64; Apocalipsis 20:4; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10.

  48. Ang “Bato ng Langit” ay isang natatanging titulo ni Jesucristo na matatagpuan lang sa Moises 7. Ang iba pang natatanging mga titulo ng Tagapagligtas sa Moises 7 ay “[ang] Mabuti” (Moises 7:45, 47) at “Hari ng Sion” (Moises 7:53).

  49. Tingnan sa Mateo 7:24–25; Helaman 5:12. Tingnan din sa David A. Bednar, “Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos,” Liahona, Mayo 2024, 28–30.

  50. Tingnan sa Juan 14:6.

  51. 2 Nephi 31:17.

  52. Tingnan sa Moises 7:60–61.

  53. Moises 7:61.

  54. Ezra Taft Benson, “The Gift of Modern Revelation,“ Ensign, Nob. 1986, 79–80. Tingnan din sa Quentin L. Cook, “Ang Pagpapala ng Patuloy na Paghahayag sa mga Propeta at Personal na Paghahayag Upang Gabayan ang Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2020, 97–98.

  55. Moises 7:62.

  56. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:7–8.

  57. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), Gospel Library.

  58. Moises 7:62.

  59. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sion,” Gospel Library. Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 103:11–22; 133:18; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10.

  60. Doktrina at mga Tipan 45:66.

  61. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:69.

  62. Tingnan sa Moises 7:62–64.