Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Malakias


Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Malakias

Sa pamamagitan ng propetang si Malakias, sinaway ng Panginoon ang mga Israelita dahil sa pag-aalay ng mga hayop na may kapintasan para sa kanilang mga sakripisyo. Pinagalitan din ng Panginoon ang mga saserdote dahil sa pagpapakita ng masamang halimbawa na naging dahilan para magkamali ang maraming tao. Inutusan Niya ang mga Judio na bumalik sa Kanya sa pamamagitan ng pagbabayad ng ikapu at mga handog. Tiniyak Niya sa mga matwid na ang kanilang mga pagsisikap na maglingkod sa Kanya ay gagantimpalaan pagbalik Niya sa lupa. Nakita ni Malakias ang kapalaran ng masasama at ng mga matwid sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ipinropesiya niya na isusugo ng Panginoon ang propetang si Elijah bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito upang isagawa ang isang dakilang gawain, ang ibaling “ang puso ng mga magulang sa kanilang mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang” (Malakias 4:6).

Mga Resource

Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Ano ang aklat ni Malakias?

Si Malakias ay isang propeta na nangaral sa mga Judio sa Jerusalem pagkabalik nila mula sa pagkakatapon sa Babilonia. Ang eksaktong panahon ng ministeryo ni Malakias ay hindi tiyak, ngunit ang kanyang aklat ay nagmula sa 500 hanggang 350 BC. Inilagay ito ng ilang iskolar sa kalagitnaan ng 400s BC—mga isang siglo matapos bumalik ang mga unang Judio mula sa pagkakatapon—ibig sabihin, si Malakias ay maaaring kasabayan nina Ezra at Nehemias.

Ang ibig sabihin ng pangalang Malakias ay “aking sugo” sa Hebreo. Bilang sugo ng Panginoon, hinarap ni Malakias ang espirituwal na paghina ng mga Judio. Sa pamamagitan niya ay sinaway ng Panginoon ang mga Judio, at partikular na ang mga saserdote, at hinimok niya sila na bumalik sa Kanya. Nagpropesiya rin si Malakias tungkol sa mga huling araw, at binanggit niya ang mahalagang gawaing sinimulan ng pagbabalik ni Elijah bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ang mga sulatin ni Malakias ay may natatanging anyong pampanitikan: isang serye ng mga palitan ng salita sa isang usapan sa pagitan ng Panginoon at ng mga tao. Ang mga palitang ito ay madalas na may mga retorikang tanong mula sa Panginoon o sa mga tao, pati na ang mga sagot na naghahayag ng maling pagkakaunawa ng mga tao.

Bagama’t maikli ang aklat ni Malakias, madalas itong binabanggit sa ibang mga banal na kasulatan. Si Malakias ay sinipi ng mga manunulat ng Bagong Tipan, madalas upang tukuyin ang misyon ni Juan Bautista. Sinipi rin siya ni Jesucristo sa mga Nephita at Lamanita at ni Moroni noong magpakita siya kay Propetang Joseph Smith. Ang kilalang propesiya ni Malakias na si Elijah ay “ibabaling ang puso ng mga magulang sa kanilang mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang” ay nakikita, na kung minsan ay may pagkakaiba-iba, sa bawat pamantayang mga banal na kasulatan.

Malakias 1:2–5

Ano ang ibig sabihin ng “minahal si Jacob” at “kinapootan si Esau” ng Panginoon?

Sa Biblia, ang salitang isinalin bilang pagkamuhi ay maaaring mangahulugan kung minsan na “hindi pinili” sa halip na pagpapahayag ng paghamak. Tila iyan ang sitwasyon sa sipi na ito. Inihahayag ng talata 2 na pinagdududahan ng mga Judio ang pagmamahal ng Panginoon para sa kanila. Bilang tugon, binanggit ng Panginoon ang pagpili Niya kay Jacob kaysa kay Esau upang ipaalala sa mga tao ang kanilang natatanging katayuan bilang Kanyang mga pinagtipanang tao. Nakipagtipan ang Panginoon kay Jacob at sa kanyang mga inapo na hindi Niya ginawa kay Esau at sa kanyang mga inapo. Maaaring ginamit ng Panginoon ang paghahambing na ito hindi lamang para panatagin ang mga tao sa Kanyang pagmamahal sa kanila kundi ipaalala rin sa kanila ang kanilang responsibilidad na mamuhay nang tapat bilang Kanyang mga pinagtipanang tao.

Maaaring iniisip ng ilan kung makatarungan bang hindi pinili ng Panginoon si Esau. Mahalagang tandaan na sa Kanyang walang-hanggang plano, ipinaaabot ng Panginoon ang Kanyang pagmamahal at mga pagpapala sa pamamagitan ng tipan sa lahat ng handang gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa Kanya. Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Ang mahirang o mapili ay hindi eksklusibong estadong ibibigay sa atin. Sa halip, maaari ko at ninyong piliin na mapili sa pamamagitan ng tamang paggamit ng ating kalayaang pumili.”

Malakias 1:7–8, 12–14

Paano dinungisan ng mga saserdote ang mga sagradong ordenansa?

Sumisimbolo ang mga pag-aalay ng hayop sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Dahil dito, iniutos ng Panginoon na lahat ng hayop ay kailangang “sakdal upang matanggap; ito ay kailangang walang kapintasan.” Nangangahulugan ito na ang mga hayop ay hindi dapat ialay bilang mga sakripisyo kung sila ay bulag, may sugat, may pinsala, o may sakit. Binalewala ng marami sa mga tao noong panahon ni Malakias, gayundin ng mga saserdote na nangangasiwa sa mga sakripisyo, ang mga kautusang ito at tinanggap ang mga hindi angkop at may kapintasang sakripisyo. Sa pamamagitan ni Malakias, nagbabala ang Panginoon na ang mga gawaing ito ay magbibigay ng sumpa sa halip na pagpapala.

Malakias 3:1

Sino ang ipinangakong sugo na maghahanda ng daan para sa Panginoon?

Nagpropesiya si Malakias tungkol sa isang sugo na darating upang ihanda ang daan para sa Panginoon. Ipinahayag ng Tagapagligtas na tinupad ni Juan Bautista ang propesiyang ito sa pamamagitan ng paghahanda ng daan bago ang mortal na ministeryo ni Cristo. Sa ating dispensasyon, ipinadala si Propetang Joseph Smith bilang sugo upang ihanda ang daan para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Si Juan Bautista na binibinyagan si Jesus

The Baptism [Ang Binyag], ni Greg K. Olsen

Malakias 3:1

Sino ang “sugo ng tipan” na “biglang darating sa kanyang templo”?

Ang “sugo ng tipan” ay isang titulo ni Jesucristo. Ito ay tumutukoy sa Kanyang tungkuling ihatid ang tipan ng Ama sa mga tao sa mundo at gawing posible ang kaligtasan sa pamamagitan ng Kanyang ebanghelyo at Pagbabayad-sala. Ang propesiya ni Malakias na ang sugo ng tipan ay “biglang darating sa kaniyang templo” ay tila maraming katuparan. Halimbawa, noong Abril 3, 1836, biglang nagpakita ang Tagapagligtas kay Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple. Malamang na matutupad din ito bilang bahagi ng mga pangyayaring nauugnay sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Malakias 3:2–3

Ano ang apoy ng tagapagdalisay at sabon ng mga tagapagpaputi?

Gumagamit ng apoy ang isang tagapagdalisay upang painitin ang mahahalagang metal hanggang sa maging likido ang mga ito. Dahil sa matinding init, ang mga dumi o taing-bakal ay umaangat, kung saan maaaring alisin ng tagapagdalisay ang mga ito upang dalisayin ang metal. Ang tagapagpaputi ay isang tao na naglilinis o nagpapaputi ng mga kasuotan gamit ang sabon at pagkuskos. Ginamit ni Malakias ang mga katagang ito upang ituro na “dadalisayin [ng Panginoon] ang mga anak ni Levi” (mga priesthood holder) at lilipulin ang masasama sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

paglalarawan ng dalawang lalaking nagdadalisay ng pilak

Refiner’s Fire and Fullers’ Soap [Apoy ng Tagapagdalisay at Sabon ng mga Tagapagpaputi], ni Dan Burr

Malakias 3:3

Ano ang ibig sabihin na ang mga anak ni Levi ay “mag[ha]handog sa Panginoon ng matutuwid na handog”?

Ang mga katagang “mga anak ni Levi” ay tumutukoy sa mga sinaunang maytaglay ng Levitical priesthood. Sa ilalim ng batas ni Moises, ang mga inapo ni Levi ay itinalaga ng Diyos upang magsagawa ng mga espesyal na tungkulin sa relihiyon, kabilang na ang mga may kaugnayan sa tabernakulo (kalaunan ay sa templo) at hayop na hain. Noong panahon ni Malakias, pinagsabihan ng Panginoon ang mga anak ni Levi dahil sa pag-aalay ng mga hindi angkop na sakripisyo. Ngunit nangako rin Siya na balang-araw ay padadalisayin Niya sila upang muling maging katanggap-tanggap sa Kanya ang kanilang mga handog.

Ang pangako ng Panginoon sa mga anak ni Levi ay naulit sa ating dispensasyon. Nang magpakita si Juan Bautista kina Joseph Smith at Oliver Cowdery noong Mayo 15, 1829, ipinanumbalik niya ang Aaronic (o Levitical) priesthood sa lupa. Ipinahayag ni Juan na ang priesthood na ito ay “hindi na muling kukunin sa mundo, hanggang ang mga anak na lalaki ni Levi ay mag-alay muli ng handog sa Panginoon sa katwiran.”

Sa Doktrina at mga Tipan, ang ipinangakong “pag-aalay sa Panginoon” ay nauugnay sa gawain sa templo at family history. Bukod pa rito, itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang pag-aalay ng hayop ay ipapanumbalik kahit paano sa panahong malapit na ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas at ito ay isasagawa sa katwiran ng mga anak ni Levi.

Malakias 3:8

Paano isinagawa ang batas ng ikapu noong panahon ng Lumang Tipan?

Inanyayahan ng Panginoon ang mga suwail na Israelita na bumalik sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa batas ng ikapu nang may higit na katapatan. Ang salitang Hebreo para sa “ikapu” ay may kaugnayan sa bilang na 10. Sa panahon ng Lumang Tipan, inaasahan na mag-alay ang mga Israelita ng ikasampung bahagi ng kanilang mga hayop at pananim sa Panginoon. Ang unang nakatalang halimbawa ng ikapu sa Lumang Tipan ay ang pagbabayad ni Abraham ng ikapu kay Melquisedec, ang mataas na saserdote. Sa ilalim ng batas ni Moises, ginamit ang ikapu para suportahan ang templo at ang mga saserdote at Levita. Sa ating panahon, “ang ikapu ay ang pagbibigay sa Simbahan ng Diyos ng ikasampung bahagi ng kita ng isang tao (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 119:3–4; ang kahulugan ng salitang tubo ay kita). Lahat ng miyembrong kumikita ay dapat magbayad ng ikapu.”

Malakias 3:10–11

Anong mga pagpapala ang ipinapangako ng Panginoon sa mga taong sumusunod sa batas ng ikapu?

Nangako ang Panginoon ng malalaking pagpapala sa mga matapat na sinusunod ang batas ng ikapu. Tinutukoy ang pangako na “bubuksan [ng Panginoon] ang mga dungawan ng langit,” ipinaliwanag ni Elder Neil L. Andersen: “Bumubukas ang mga bintana ng langit sa maraming paraan. Ang ilan ay temporal ngunit marami ang espirituwal. Ang ilan ay simple at madaling hindi mapansin.” Itinuro ni Elder David A. Bednar: “May itinuturo ang matalinghagang paggamit ni Malakias ng ‘mga dungawan’ sa langit. Sa mga dungawan ng gusali pumapasok ang natural na liwanag. Sa gayon ding paraan, ang pagkaunawa at kaalamang espirituwal ay ibinubuhos sa ating buhay mula sa mga dungawan sa langit kapag sinunod natin ang batas ng ikapu.”

Ipinangako rin ni Malakias na “sasawayin [ng Panginoon] ang mananakmal” alang-alang sa matatapat. Malamang na tinutukoy nito ang mga peste tulad ng mga balang na maaaring magdulot ng pinsala sa mga pananim. Sa madaling salita, ang pangakong ito ay nagpapahiwatig na ang Panginoon ay magbibigay ng tulong at proteksiyon sa maraming aspekto ng ating buhay kapag sinusunod natin ang Kanyang batas ng ikapu.

Malakias 3:16–17

Ano ang aklat ng alaala?

Ipinaliwanag ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan na ang aklat ng alaala ay “isang aklat na sinimulan ni Adan kung saan natatala ang mga gawain ng kanyang mga inapo; gayon din, anumang kahalintulad na mga talaan na iningatan ng mga propeta at matatapat na kasapi magmula ng panahong iyon. … Ang gayong mga talaan ay maaaring magkaroon ng bahagi sa pag-alam ng ating magiging huling kahatulan.”

Itinuro ni Malakias na ang mga “[may] takot sa Panginoon at nagpahalaga sa kanyang pangalan” ay nakatala sa aklat ng alaala. Tungkol sa matatapat na indibidwal na ito, ipinahayag ng Panginoon, “Sila’y magiging akin, …. isang natatanging kayamanan sa araw na ako’y kumilos. Kaaawaan ko sila.” Ang salitang Hebreo na isinalin bilang “kayamanan” ay segullah, na maaari ding mangahulugan ng “pinahahalagahang ari-arian” o “pinaka-iingat-ingatan.” Madalas gamitin ng Panginoon ang katagang ito sa Lumang Tipan upang tukuyin ang Kanyang mga pinagtipanang tao. Ipinahihiwatig ng mensahe ni Malakias na ang isang layunin ng aklat ng alaala ay maging talaan ng segullah ng Panginoon—ang Kanyang mga taong pinahahalagahan na gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa Kanya.

Malakias 4:1

Ano ang ibig sabihin na ang palalo at masasama ay maiiwan na “walang ugat ni sanga”?

Ipinropesiya ni Malakias na sa panahon ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, ang mundo ay lilinisin at ang masasama ay lilipulin na parang pinaggapasan sa apoy. Ang pinaggapasan ay tumutukoy sa mga maikli at nagupit nang tangkay na naiiwan matapos anihin ang butil. Kadalasang sinusunog ng mga magsasaka ang pinaggapasan upang ihanda ang lupa para sa pagtatanim sa hinaharap. Ipinahayag din ni Malakias na ang mga malilipol ay maiiwan na “walang ugat ni sanga.”

Ang mga ugat at sanga ay maaaring tumutukoy sa ating mga ninuno at inapo. Ang maiwan nang walang alinman sa mga ito ay nangangahulugang aalisan ng pagpapala ng walang-hanggang pamilya. Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson, “Kung wala ang mga pagbubuklod na lumilikha ng mga walang-hanggang pamilya at nag-uugnay sa mga henerasyon dito at sa kabilang buhay, maiiwan tayo sa kawalang-hanggan na walang mga ugat ni mga sanga—ibig sabihin, walang mga ninuno ni inapo.”

mga bukirin ng dayami

Malakias 4:5–6

Paano natupad ang propesiya ni Malakias tungkol kay Elijah?

Si Elijah ay isang propetang nanirahan sa Hilagang Kaharian ng Israel noong ikasiyam na siglo BC. Alam natin mula sa makabagong paghahayag na hawak ni Elijah ang mga susi ng pagbubuklod bago pa nabuhay ang Tagapagligtas sa lupa. Sa pagtatapos ng kanyang buhay, nagbagong-kalagayan si Elijah at dinala siya sa langit nang hindi namamatay.

Ang propesiya ni Malakias na babalik si Elijah sa lupa bago ang Ikalawang Pagparito ay natupad sa ating dispensasyon. Nang magpakita ang anghel na si Moroni sa 17 taong gulang na si Joseph Smith noong gabi ng Setyembre 21, 1823, binanggit niya ang propesiya ni Malakias at sinabing malapit na itong matupad. Makalipas ang labindalawa at kalahating taon, noong Abril 3, 1836, nagpakita si Elijah kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa bagong inilaang Kirtland Temple. Ibinigay niya sa kanila ang mga susi ng kapangyarihang magbuklod at ipinahayag: “Masdan, ang panahon ay ganap nang dumating, na sinabi ng bibig ni Malakias. … Samakatwid, ang mga susi ng dispensasyong ito ay ipinagkakatiwala sa inyong mga kamay; at sa pamamagitan nito ay inyong malalaman na ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon ay nalalapit na, maging nasa mga pintuan na.”

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson na ang kapangyarihang magbuklod na ipinanumbalik ni Elijah ay “nagbigay ng awtoridad kay Joseph Smith—at sa lahat ng sumunod na mga Pangulo ng Simbahan ng Panginoon—na … maglagay ng nagpapatibay na tatak sa mga ordenansa at tipan ng priesthood, at magbuklod ng mga pamilya sa kawalang-hanggan.”

Nagkaroon ng pangitain sina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa loob ng Kirtland Temple

Vision in the Kirtland Temple [Pangitain sa Loob ng Kirtland Temple], ni Gary E. Smith

Malakias 4:5–6

Sino ang “mga ama” na tinutukoy ni Malakias?

Binanggit ng mga modernong propeta ang “mga ama” sa dalawang paraan. Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na maaaring tinutukoy nito ang ating mga ninuno. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na maaari ding tinutukoy nito ang mga sinaunang patriarch na sina Abraham, Isaac, at Jacob.

Malakias 4:5–6

Ano ang ibig sabihin ng ibabaling ni Elijah ang puso ng mga magulang sa kanilang mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang?

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Dahil sa pagkakaroon ng kapangyarihang magbuklod, ang ating puso ay likas na bumabaling sa mga taong namayapa na. Ang pagtitipon sa tumatanggap sa tipan sa mga huling araw ay sumasakop sa mga nasa kabilang panig ng tabing. Sa perpektong plano ng Diyos, hindi mararanasan ng taong nabubuhay ang buhay na walang-hanggan sa kasakdalan nito nang hindi nagpapanday ng mga kawing na mag-uugnay sa atin sa habang panahon sa ‘mga ama,’ na ating mga ninuno. Gayundin, hindi magiging ganap ang pag-unlad ng mga taong nasa kabilang buhay na, o sila na patawid pa lamang sa tabing ng kamatayan na hindi pa nakikinabang sa mga pagbubuklod, hangga’t hindi naisasagawa ang mga ordenansa na magbibigkis sa kanila sa atin na kanilang mga inapo, at tayo sa kanila ayon sa banal na orden.”

Napansin ni Pangulong Henry B. Eyring na simula nang lumitaw si Elijah, “labis na lumago ang interes na magsaliksik ng family history. Sa patuloy na pagdami ng mga taong interesado, tila hindi lamang pag-uusisa ang nakaengganyo sa kanila na saliksikin ang kanilang mga ninuno. Lumitaw ang mga genealogical library, samahan, at teknolohiya sa buong mundo upang suportahan ang interes na ito. Ang kapangyarihan ng internet na mapahusay ang mga komunikasyon ay nagbigay ng kakayahan sa mga pamilya na magtulungan sa paggawa ng family history sa bilis at pagkadetalyado na hindi naging posible noon.

“Bakit nangyayari ang lahat ng ito? Dahil walang ibang mas magandang kataga, tinatawag natin itong ‘diwa ni Elijah.’ Matatawag din natin itong ‘katuparan ng propesiya.’ Nagpapatotoo ako na dumating nga si Elijah. Ang puso ng mga anak—sa inyo at sa akin—ay bumaling na sa ating mga ama, sa ating mga ninuno.”

Malakias 4:6

Ano ang ibig sabihin ng “sa[sa]ktan [ng Panginoon] ang lupain ng isang sumpa” kung hindi darating si Elijah?

Ipinropesiya ni Malakias na kung hindi isasakatuparan ni Elijah ang kanyang misyon, “sa[sa]ktan [ng Panginoon] ang lupain ng isang sumpa.” Iba ang pagkakasabi ni anghel Moroni sa linyang ito kay Joseph Smith. Sinabi niya na kung hindi dumating si Elijah, “ang buong mundo ay lubos na mawawasak” sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson: “[Dumating] si Elijah … tunay niyang ipinagkaloob ang ipinangakong pagkasaserdote, ang mga susi para sa pagtubos ng mga patay at ang pagsasama ng mga mag-aasawa, at mga pamilya sa lahat ng mga henerasyon ng panahon at sa kabuuan ng kawalang-hanggan. Kung wala nito, ang layunin ng paglikha ay mabibigo, at kaugnay nito, ang mundo ay isusumpa o ‘lubusang mawawasak.’ [Doktrina at mga Tipan 2:3].”

Alamin ang Iba pa

Apoy ng tagapagdalisay at sabon ng mga tagapagpaputi

  • Refiner’s Fire and Fullers’ Soap,” Ensign, Set. 2016, 74–75

Ikapu

Ang kapangyarihang magbuklod at ang pagbabalik ni Elijah

Pagkatapos ni Malakias

  • S. Kent Brown at Richard Neitzel Holzapfel, “Ang Nawawalang 500 Taon: Mula kay Malakias Hanggang kay Juan Bautista,” Liahona, Dis. 2014, 30–34

  • Panahon sa Pagitan ng Luma at Bagong Tipan,” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan

Media

Mga Larawan

chart na nagpapakita ng timeline ng mga propeta sa Lumang Tipan at ng mga Kaharian ng Israel at Juda
paglalarawan kay propetang Malakias

Paglalarawan kay propetang Malakias, ni Mitchell W. Heinze

nagpakita ang anghel na si Moroni kay Joseph Smith

Moroni Appears to Joseph Smith in His Room [Nagpakita si Moroni kay Joseph Smith sa Kanyang Silid], ni Tom Lovell

Binanggit ni Moroni ang mga propesiya ni Malakias tungkol kay Elijah kay Joseph Smith.

Si Elijah na nagpakita kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa loob ng Kirtland Temple

Elijah Appearing in the Kirtland Temple [Nagpakita si Elijah sa Loob ng Kirtland Temple], ni Daniel Lewis