Pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan
Ang mga Pamilya Knight at Whitmer


“Ang mga Pamilya Knight at Whitmer,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Ang mga Pamilya Knight at Whitmer,” Konteksto ng mga Paghahayag

Ang mga Pamilya Knight at Whitmer

D&T 12, 14, 15, 16

Joseph Knight Sr.

Noong taglagas ng 1826, isang kilalang may-ari ng lupa na nagngangalang Joseph Knight Sr. ang tumanggap sa 20 taong gulang na si Joseph Smith bilang manggagawa. Si Knight ay nagmamay-ari ng apat na sakahan, isang gilingan ng butil, at dalawang makinarya (na naghahanda ng wool, cotton, at iba pang mga materyal para sa paggawa ng yarn o lubid). Isinulat kalaunan ng kanyang anak na si Joseph Knight Jr., “Sinabi ng aking ama na si Joseph [Smith] ang pinakamasipag na manggagawa na inupahan niya,” at idinagdag na sinabi ni Joseph sa kanilang mag-ama “na nakakita siya ng isang pangitain, na isang nilalang ang nagpakita sa kanya at sinabi sa kanya kung saan nakabaon ang isang gintong aklat ng sinaunang panahon, at kung susundin niya ang mga tagubilin ng Anghel maaari niyang makuha ito. … Naniwala kami ni Itay sa sinabi niya sa amin, sa tingin ko kami ang unang naniwala sa kanya pagkatapos ng pamilya ng kanyang ama.”

Isang Maaasahang Kaibigan

Pinatunayan ng mga Knight na sila ay tapat na mga kaibigan. Naroon si Joseph Knight Sr. sa bahay ng mga Smith, kasama ang isa pang kaibigan ng mga Smith na si Josiah Stowell, sa Manchester, New York, noong ika-22 ng Setyembre 1827—ang araw na nakuha ni Joseph ang mga laminang ginto at ang Urim at Tummim. Si Knight ay isa sa mga unang nakarinig tungkol sa mga artifact na ito nang personal siyang kinausap ni Joseph at sinabi sa kanya na ang Urim at Tummim ay “kamangha-mangha” at nagagawa niyang “makita ang anumang bagay.” Sinabi rin niya na ang mga lamina, na tila “Ginto,” ay “nakasulat sa Karakters” at nais niyang isalin ang mga ito.

Ang pagsasalin ay nangyari sa Harmony, Pennsylvania, kung saan nakabili si Joseph at ang kanyang asawang si Emma ng isang bahay at lote mula sa mga magulang ni Emma. Ang mga Knight ay nanirahan mga 30 milya sa hilaga, sa Colesville, New York, at mahalaga ang naging bahagi sa pagsasalin. Patungkol kay Joseph Knight Sr., isinulat ni Joseph: “[Siya] ay napakabait at mapagmalasakit na nagdala sa amin, ng maraming pagkain, upang hindi kami magambala sa gawain ng pagsasalin.” Naalala ni Knight na nagbigay siya ng “isang Bariles ng Alumahan at ilang papel na may mga linya para pagsulatan … mga siyam o sampung Lalagyan na puno ng mga butil at mga lima o anim na Lalagyan na puno ng taters [patatas] at isang libra ng tsaa.”

Naalala ni Joseph Knight Jr. na minsan habang nagsasalin ay nangailangan si Joseph ng $50 dolyar (na tila pambayad sa ari-ariang binili nila ni Emma). “Hindi ito [ang pera] makakayang kitain ng aking Ama,” isinulat ni Knight. “Pagkatapos ay bumisita siya sa akin, sa araw ding iyon na ibinenta ko ang lote ng bahay ko at pinadalhan siya [si Joseph Smith] ng isang kabayo na may kasamang bagon.”

Noong panahon ding ito, si Joseph Knight Sr. ay “nagnais na malaman ang kanyang tungkulin” sa gawain ng Panginoon. Nagtanong si Joseph Smith sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 12. Katulad ng mga paghahayag na idinikta para kina Oliver Cowdery (bahagi 6) at Hyrum Smith (bahagi 11), ang paghahayag na ito ay nag-utos kay Knight na sundin ang mga kautusan, na “hangaring ipahayag at itatag ang kapakanan ng Sion,” at “tumalima nang buo [niyang] kakayahan.”

Mula sa Harmony patungo sa Fayette

Noong Mayo 1829, isa pang pamilya ang naging kaibigan ni Joseph Smith—ang mga Whitmer. Ang pamilya Whitmer ng Fayette Township, New York (mga 100 milya sa hilaga ng Harmony), ay unang narinig ang tungkol sa “gintong Biblia” noong huling bahagi ng 1828, matapos maging kaibigan ng anak ni Peter Whitmer na si David si Oliver Cowdery sa pagbisita sa Palmyra. Nagpasiya sila na alamin ang kuwento tungkol sa mga lamina at balitaan ang isa’t isa.

Dumaan si Oliver sa mga Whitmer noong tagsibol ng 1829 habang papunta siya para makilala si Joseph at sa huli ay naglingkod bilang kanyang tagasulat. Mula noon, sumulat na si Oliver kay David tungkol sa mahimalang pagsasalin. Tulad ng mga Knight, nakumbinsi ang mga Whitmer na dapat silang tumulong sa pagsasalin, at sa mga araw bago matapos ang buwan ng Mayo, naglakbay si David sa Harmony upang dalhin sina Joseph at Oliver sa bahay ng mga Whitmer. “Iminungkahi niya na manirahan kami sa kanilang tahanan nang walang bayad,” isinulat ni Joseph. “Pagdating namin, nadatnan namin ang pamilya ni Mr. Whitmer na interesadong-interesado hinggil sa gawain, at napakabait nila sa amin. Sila ay nanatiling mabait sa amin, at pinatira at pinakain kami tulad ng iminungkahi nila, at tinulungan kami lalo na ni John Whitmer, sa pagsulat sa nalalabing bahagi ng gawain.” Dumating si Emma sa tahanan ng mga Whitmer hindi kalaunan pagkarating nina Joseph at Oliver at siya ay naging tagasulat din.

Ang buwan ng Hunyo 1829 ay isang kamangha-manghang sandali sa kasaysayan ng Simbahan. Hindi lamang nakumpleto ni Joseph Smith at ng kanyang mga tagasulat ang pagsasalin, si Joseph ay nagdikta ng mga limang paghahayag, si Oliver ay nagdikta ng isang paghahayag na tinawag na “Articles of the Church of Christ,” at pareho silang nagkaroon ng nakakaantig na karanasan “sa Silid-tulugan ng bahay ni Mr. Whitmer” kung saan “ang salita ng Panginoon” ay dumating sa kanila at tinagubilinan sila hinggil sa mga sunud-sunod na mahahalagang ordenansa at pulong. Bukod pa rito, nag-apply si Joseph ng copyright para sa Aklat ni Mormon, at nagsimula sila ni Martin Harris na kumausap ng mga manlilimbag tungkol sa paglalathala ng aklat. Sa huli, nagpakita ang isang anghel at ipinakita ang mga lamina sa Tatlong Saksi malapit sa sakahan ng mga Whitmer sa Fayette Township, at nakita at nahawakan ng Walong Saksi ang mga lamina malapit sa sakahan ng mga Smith sa Palmyra Township.

Malaki ang naitulong ng mga Whitmer sa pagsasagawa ng napakahalagang gawaing ito. Ang gayong paglilingkod ay nagdulot ng mga pagsubok at gantimpala sa pamilya. Ibinahagi ng isang apong lalaki ni Mary Musselman Whitmer (asawa ni Peter Whitmer Sr.) na “maraming tao ang nadagdag sa inaasikaso” ni Mary kaya “kadalasan ay tambak na ang gawain” niya. Isang gabi, matapos ang mahabang araw ng pagtatrabaho, nagpunta siya sa kamalig upang gatasan ang mga baka at nakilala ang isang estranghero na “nagpakita sa kanya ng mga lamina” at “binuklat ang mga pahina ng lamina, nang paisa-isa,” ipinapangako kay Mary na “siya ay pagpapalain” kung siya ay “magiging matiyaga at matapat habang ginagawa ang dagdag na trabaho sa kaunti pang panahon.” Siya, sa gayon, ay naging isa pang saksi ng Aklat ni Mormon.

Ang mga espesyal na pagpapala ay dumating din sa mga anak na lalaki ni Mary. “Sina David, John, at Peter Whitmer Jr ay naging matatapat naming mga kaibigan at katuwang sa gawain,” isinulat ni Joseph. Ganito rin ang masasabi kina Christian at Jacob Whitmer, na kasama nina John at Peter Jr. bilang apat sa Walong Saksi. Nang hilingin nina David, John, at Peter Jr. kay Joseph na magtanong sa Panginoon tungkol sa kanilang mga tungkulin, idinikta ni Joseph ang tatlong paghahayag na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 14, 15, at 16. Si David, isa sa Tatlong Saksi ay pinangakuan na kung hihiling siya sa Diyos nang may pananampalataya ay matatanggap niya ang Espiritu Santo, “na nagbibigay salita, upang ikaw ay makatayo bilang isang saksi sa mga bagay na kapwa mo maririnig at makikita, at upang ikaw rin ay makapagpahayag ng pagsisisi sa salinlahing ito.”

Ang pahayag kapwa kina John at Peter Jr. ay naging isa sa mga pinaka-hindi malilimutang talata sa makabagong banal na kasulatan: “At ngayon, masdan, sinasabi ko sa iyo, na ang bagay na magiging pinakamahalaga para sa iyo ay magpahayag ng pagsisisi sa mga taong ito, upang ikaw ay makapagdala ng mga kaluluwa sa akin, upang ikaw ay makapagpahinga kasama nila sa kaharian ng aking Ama.”

Mga Pangyayari Bago ang Pagkakatatag ng Simbahan

Bagama’t ang Aklat ni Mormon ay nailathala lamang noong Marso 1830, ang mga Banal na ito noon ay nakadama ng malaking kapanatagan at inspirasyon sa pagbabasa ng teksto. Naalala ni Lucy Mack Smith na noong tag-init ng 1829, ang isang gabi sa tahanan ng mga Whitmer “ay ginugol sa pagbabasa ng manuskrito [ng Aklat ni Mormon] at hindi na kailangan pang sabihin ko … na labis ang kagalakan namin.”

Ginamit din ng mga mananampalatayang ito ang Aklat ni Mormon na hindi pa nailalathala noong panahong iyon para ipahayag ang ebanghelyo. Ang mga magiging misyonero tulad nina Thomas B. Marsh at Solomon Chamberlain ay binigyan ng mga proof sheet ng Aklat ni Mormon habang inililimbag ito at napabalik-loob sila ilang buwan bago itatag ang Simbahan. Hindi na nakakagulat pa, kabilang ang mga miyembro ng pamilya Whitmer sa mga taong nagpabatid kay Chamberlain ng tungkol sa bagong aklat ng mga banal na kasulatan.

Sa pagitan nila, ang pamilya Knight at pamilya Whitmer ang bumubuo sa naging dalawa sa unang “mga branch” ng Simbahan—sa Colesville at sa Fayette, ayon sa pagkakabanggit. Kasama ang pamilya Smith sa Palmyra (ang isa pang branch ng Simbahan), ang mga Whitmer at ang mga Knight ay nagbigay ng espirituwal at temporal na suporta na gumanap ng mahalagang papel sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo.

  1. Joseph Knight Jr., “Joseph Knight’s incidents of history from 1827 to 1844[,] Ago. 16, 1862[,] compiled from loose sheets in J[oseph]. K[night].’s possession[,] T[homas]. B[ullock],” Church History Library, Salt Lake City.

  2. Joseph Knight reminiscences, undated, Church History Library, Salt Lake City

  3. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 20, josephsmithpapers.org.

  4. Joseph Knight reminiscences, undated.

  5. Joseph Knight Jr., “Joseph Knight’s incidents of history from 1827 to 1844.”

  6. “Revelation, May 1829–B [D&C 12],” sa Book of Commandments, 31, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 12:6, 9.

  7. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 21–22.

  8. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 27.

  9. Andrew Jenson, “Still Another Witness,” sa Andrew Jenson, pat., Historical Record: A Monthly Periodical, tomo 7, mga blg. 8–10 (Okt. 1888), 621.

  10. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 22.

  11. “Revelation, June 1829–A [D&C 14],” sa Book of Commandments, 32, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 14:8.

  12. “Revelation, June 1829–C [D&C 15],” sa Book of Commandments, 33, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 15:6; 16:6.

  13. Lucy Mack Smith, “Lucy Mack Smith, History, 1845,” 153, josephsmithpapers.org.