Pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan
Ang Word of Wisdom


“Ang Word of Wisdom,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Ang Word of Wisdom,” Konteksto ng mga Paghahayag

Ang Word of Wisdom

D&T 89

Tulad ng maraming iba pang paghahayag sa Simbahan noon, ang Doktrina at mga Tipan 89, na kilala rin ngayon bilang Word of Wisdom, ay dumating bilang tugon sa isang problema. Sa Kirtland, maraming kalalakihan sa Simbahan ang tinawag na mangaral sa iba’t ibang lugar sa Estados Unidos. Sila ay mangangaral ng pagsisisi sa mga tao at titipunin ang mga hinirang ng Panginoon. Upang maihanda ang mga bagong binyag na ito para sa kanilang mahahalagang gawain, sinimulan ni Joseph Smith ang isang training school na tinawag na Paaralan ng mga Propeta, na nagbukas sa Kirtland sa ikalawang palapag ng tindahan ni Newel K. Whitney noong Enero 1833.

Tuwing umaga matapos mag-almusal, ang mga kalalakihan ay nagkikita-kita sa paaralan upang pakinggan ang mga turo ni Joseph Smith. Napakaliit ng silid, at mga 25 elder ang kasya sa loob nito. Ang unang bagay na gagawin nila, matapos maupo, ay “magsindi ng kanilang kuwako [pipe] at habang nagtatabako, ay pinag-uusapan ang mga dakilang bagay tungkol sa kaharian,” sabi ni Brigham Young. Napakakapal ng usok na nagmumula sa tabako kaya’t halos hindi na makita ng kalalakihan si Joseph. Kapag tapos na silang manabako, sila ay “ngunguya naman ng tabako sa isa at marahil sa magkabilang pisngi, at pagkatapos ay idudura ito sa sahig.” Sa maruming kapaligirang ito, sinikap ni Joseph Smith na turuan ang kalalakihan kung paano sila at ang mga napabalik-loob nila ay maaaring maging banal, na “walang bahid-dungis,” at karapat-dapat sa presensya ng Diyos.

Tabako

Ang pangyayaring ito sa tindahan ni Whitney ay naganap sa gitna ng isang napakalaking pagbabago sa kultura ng kanluranin. Noong 1750, tanging mayayaman o aristokratikong mga tao lamang ang nag-aalala tungkol sa kalinisan at pagiging malinis sa sarili. Karamihan sa mga tao ay hindi madalas o hindi gaanong naglilinis ng kanilang sarili. Pagsapit ng 1900, ang regular na pagligo ay nakagawian na ng malaking bahagi ng populasyon, lalo na ng mga taong nakaririwasa sa buhay, na nagsimulang pahalagahan ang katayuan sa lipunan. Ang pagdura ng tabako na ugaling tanggap noon ng karamihan sa populasyon ay itinuring na karumihan at hindi gawain ng mga taong may dignidad. Sa gitna ng pagbabagong ito sa kultura, sa mismong sandali na nagsimulang mag-alala ang mga tao sa kanilang sariling kalinisan at kalusugan ng katawan, dumating ang Word of Wisdom para magbigay ng kaliwanagan.

Ang sitwasyon sa Paaralan ng mga Propeta ay sapat na para mabahala ang sinumang hindi gumagamit ng tabako tulad ni Joseph Smith. Ang asawa ni Joseph, si Emma, ay nagsabi sa kanya na nag-aalala siya sa kapaligiran ng silid. Siya at si Emma ay nakatira sa tindahan ni Whitney, at ang pag-iskoba sa mga nganga sa sahig ay gawaing nakaatang sa kanya. Maaaring nagreklamo siya nang hilingin sa kanya na gawin ang mahirap at hindi napapahalagahang gawaing ito, ngunit may mas praktikal ding inaalala: “Hindi niya gaanong malilinis ang sahig,” paggunita ni Brigham Young. Imposibleng maalis ang mga mantsa. Ang buong lugar ay hindi kaaya-aya para sa mga taong tinawag ng Diyos tulad ng mga elder na ito, lalo na kapag naaalala natin na ang silid na may maruming sahig ay ang “silid na ginagamit sa pagsasalin” ni Joseph, ang silid ring iyon kung saan siya tumanggap ng mga paghahayag sa pangalan ng Diyos. Nagsimulang magtanong si Joseph sa Panginoon kung ano ang maaaring gawin, at noong ika-27 ng Pebrero, halos isang buwan matapos magsimula ang paaralan, natanggap niya ang paghahayag na opisyal na kinilala at tinanggap kalaunan bilang Doktrina at mga Tipan 89. Ang sagot ay malinaw: “Ang tabako ay hindi para sa tao kundi isang halamang gamot para sa mga pasa & lahat ng may sakit na baka; upang gamitin nang may pagpapasiya & kasanayan.”

Matatapang na Inumin

Ang tabako ay isa lamang sa maraming sangkap na may kinalaman sa kalusugan at kalinisan ng katawan na ang mga kapakinabangan ay matinding pinagtalunan sa magkabilang panig ng Dagat Atlantiko noong panahong natanggap ang Word of Wisdom. Napakadalas ng diskusyon dahil inabuso ng napakaraming tao ang paggamit ng mga ito. Si Frances Trollope, isang British na nobelista, ay mapanuyang sinabi noong 1832 na sa kamakailang paglalakbay niya sa Estados Unidos, halos walang siyang nakitang lalaki na hindi “ngumunguya ng tabako o umiinom ng alak.”

Ang pag-inom, tulad ng pagnguya ng tabako, ay talagang talamak na. Sa loob ng maraming siglo halos lahat ng mga Amerikano ay nakakakunsumo ng maraming bilang ng mga alak, tulad ng mga tao sa Europa. Tinawag ng mga Puritan ang alak na “Mabuting Likha ng Diyos,” isang pagpapala mula sa langit na dapat inumin nang may katamtaman. Alak ang talagang iniinom sa bawat oras ng pagkain, isa sa dahilan ay hindi ligtas sa kalusugan ang hindi malinis na tubig. Paborito ang serbesa na sariling gawa, at pagkatapos ng 1700, ang mga British-American colonist ay uminom ng fermented peach juice, nakalalasing na apple cider, at rum na inangkat mula sa West Indies o dinalisay mula sa molasses na ginawa roon. Pagsapit ng 1770, ang karaniwang konsumo ng mga inuming nakalalasing ng bawat tao lamang—hindi pa kasali ang beer o cider—ay 3.7 gallons kada taon.

Ang American Revolution ay nagpatindi lamang sa pag-inom ng alak. Matapos ipatigil ang pag-angkat ng mga molasses, naghanap ang mga Amerikano ng ipapalit sa rum sa pamamagitan ng pagbaling sa whiskey. Nalaman ng mga magsasaka ng butil sa kanlurang Pennsylvania at Tennessee na mas mura ang paggawa ng whiskey kaysa sa pagpapadala at pagbebenta ng mga nabubulok na butil. Dahil dito, mabilis na dumami ang distilerya o pagawaan ng alak pagkatapos ng 1780, na pinalakas pa ng pagkakaroon ng taniman ng mais sa Kentucky at Ohio at malalawak na distansya sa mga merkado sa silangan. Sa pagkamangha ng mga tagamasid tulad ni Trollope, ang mga Amerikano sa lahat ng dako—kalalakihan, kababaihan, at mga bata—ay umiinom ng whiskey sa buong maghapon. Ang konsumo ng mga Amerikano sa nakalalasing na inumin ay mabilis na tumaas, mula dalawa at kalahating galon noong 1790 ay naging pitong galon pagsapit ng 1830, ang pinakamataas na bilang sa lahat ng panahon sa kasaysayan ng Amerika at tatlong beses ang dami sa kinukonsumo ngayon.

Ang pagtaas ng bilang ng konsumo sa alak ay hindi ayon sa mga pamantayang moral ng relihiyon. Noong unang bahagi ng 1784, kapwa pinayuhan ng mga Quaker at Methodist ang kanilang mga miyembro na umiwas sa pag-inom ng lahat ng nakalalasing na inumin at huwag makibahagi sa pagbenta at paggawa nito. Isang mas agresibong pagbabawal sa mga inuming nakalalasing ang nanaig sa mga simbahan sa mga unang dekada ng ika-19 na siglo. Ang alak ay mas itinuring na mapanganib na tukso at hindi itinuring na kaloob mula sa Diyos. Noong 1812, inirekomenda ng mga simbahang Congregational at Presbyterian sa Connecticut ang mahigpit na mga batas sa pagbibigay ng lisensya na naglilimita sa pagbebenta ng alak. Si Lyman Beecher, isang lider sa repormang ito, ay nagsulong ng mas mahigpit na mga hakbang, na nag-endorso ng lubos na pagtalikod sa mga inuming nakalalasing. Ang ideya kalaunan ay naging pangunahing mithiin ng American Temperance Society (ATS), na inorganisa sa Boston noong 1826. Ang mga miyembro ng organisasyon ay hinikayat na lumagda sa isang temperance pledge hindi lamang para i-moderate ang pag-inom nila ng alak kundi ang tuluyang talikdan ito. Isang malaking “T” ang isinulat sa tabi ng mga pangalan ng mga lumagda, at mula rito ay nagmula ang salitang “teetotaler.” Sa kalagitnaan ng dekada ng 1830, ang mga miyembro ng ATS ay naging mahigit isang milyon, marami sa kanila ay mga teetotaler.

Dahil nahikayat ng ATS, nagkaroon ng maraming lokal na temperance society sa iba’t ibang kabayanan ng U.S. Ang Kirtland ay may sariling temperance society, gayundin ang maraming maliliit na bayan. Dahil madalas pag-usapan at pagdebatehan ang reporma sa alak, kailangan magpasiya ang mga Banal kung aling mga opinyon ang tama. Bukod sa hindi paggamit ng tabako, ang Word of Wisdom ay tutol din sa mga inuming nakalalasing: “Yayamang ang sinumang tao ay umiinom ng alak o Matapang na inumin sa inyo, masdan ito ay hindi mabuti, ni nararapat sa paningin ng inyong Ama.”

Gayunpaman, mahabang panahon ang kailangan para tuluyang maiwaksi ang mga gawi na matibay na nakaugat sa tradisyon at kultura ng pamilya, lalo na kapag ang lahat ng uri ng fermented na inumin ay madalas gamitin para sa mga layuning medikal. Ang katagang “matapang na inumin” ay tiyak na kinabibilangan ng mga inuming nakalalasing tulad ng whiskey, na mula noon ay tuluyang iwinaksi ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pinili nila ang mas banayad na inumin tulad ng serbesa at “purong alak ng ubas ng sanga, na sarili ninyong gawa.” Sa sumunod na dalawang henerasyon, itinuro ng mga lider ng Simbahan ang Word of Wisdom bilang utos na mula sa Diyos, subalit hinayaan nila ang iba’t ibang pananaw tungkol sa kung gaano kahigpit ipatutupad ang utos na ito. Ang pagpaparayang ito ay nagbigay sa mga Banal ng panahon na buuin ang kanilang sariling tradisyon ng pag-iwas sa nakalululong na mga sangkap. Pagsapit ng unang bahagi ng ika-20 siglo, nang marami nang mga gamot ang mas mabibili at ang pagdalo sa templo ay naging mas regular na bahagi ng pagsamba ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang Simbahan ay mas handa nang tanggapin ang mas mahigpit na pamantayan ng pagsunod na mag-aalis ng mga problema tulad ng pag-inom ng alak mula sa mga masunurin. Noong 1921, binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Pangulong Heber J. Grant na atasan ang lahat ng mga Banal na ipamuhay ang Word of Wisdom ayon sa lahat ng nakasulat sa pamamagitan ng lubos na pagtalikod sa lahat ng alak, tabako, kape, at tsaa. Ang mga miyembro ng Simbahan ngayon ay inaasahang ipamumuhay ang mas mataas na pamantayang ito.

Maiinit na Inumin

Ang mga Amerikanong temperance reformer [mga nagsulong ng pagbabawal sa inuming nakalalasing] ay lubhang nagtagumpay noong dekada ng 1830 sa pamamagitan ng pagtukoy ng kapalit ng alak: ang kape. Noong ika-18 siglo, ang kape ay itinuring na mamahaling bagay, at mas pinipili ang tsaa na gawa ng mga British. Pagkatapos ng Rebolusyon, ang pag-inom ng tsaa ay itinuring na hindi pagiging makabayan at hindi na gaanong popular—ang daan ay nabuksan para sa paglabas ng isang kakumpetensyang stimulant. Noong 1830, hinikayat ng mga repormador ang Kongreso ng Estados Unidos na alisin ang buwis sa inaangkat na kape. Ang estratehiya ay epektibo. Ang kape ay naging 10 sentimo kada isang libra, na ang isang tasa ng kape ay kasing halaga ng isang tasa ng whiskey, na nagpababa sa popularidad ng whiskey. Pagsapit ng 1833, ang kape ay nagsimulang “inumin nang regular sa araw-araw ng halos lahat ng pamilya, mayaman at mahirap.” Tinawag ito ng Baltimore American na “isa sa mga pangangailangan sa buhay.” Bagama’t tinanggap ang kape ng halos lahat noong kalagitnaan ng dekada ng 1830, pati sa larangan ng medisina, ang ilang mga radikal na repormador tulad nina Sylvester Graham at William A. Alcott ay nangaral laban sa paggamit ng anumang uri ng mga stimulant, kabilang ang kape at tsaa.

Tinutulan ng Word of Wisdom ang ideya na may ipalit para sa alak. Ang “maiinit na inumin”—na naunawaan ng mga Banal sa mga Huling Araw na kape at tsaa—“ay hindi para sa katawan o tiyan,” ang paliwanag ng paghahayag. Sa halip, hinikayat ng paghahayag ang paggamit ng mga pangunahing kinakailangang pagkain at inumin na nagtaguyod ng buhay sa loob ng mga libong taon. Bnigyang-diin ng paghahayag ang paggamit ng “bawat halamang gamot” at ipinaliwanag na “lahat ng butil ay inorden na gamitin ng tao & ng mga hayop, upang maging tungkod ng buhay, … gayon din ang prutas ng sanga; yaong namumunga, maging sa lupa o sa ibabaw ng lupa.” Bilang pagsunod sa naunang paghahayag na naghikayat sa pagkain ng karne, ipinaalala ng Word of Wisdom sa mga Banal na ang karne ng mga hayop at ibon ay ibinigay “upang gamitin ng tao nang may pasasalamat,” ngunit idinagdag ang pag-iingat na ang karne ay “nararapat gamitin nang paunti-unti” at hindi nang labis.

“Ibubuhos Ko ang Aking Espiritu sa Lahat ng Laman”

Ang mga Banal sa mga Huling Araw na natututo tungkol sa mga kilusang reporma sa kalusugan ng Amerika noong dekada ng 1820 at 1830 ay maaaring mapaisip kung paano nauugnay ang mga kilusan na ito sa Word of Wisdom. Ginamit lamang ba ni Joseph Smith ang mga ideya na naroon na sa kanyang kapaligiran at inilahad ang mga ito bilang paghahayag?

Ang gayong mga palagay ay hindi makatwiran. Tandaan na maraming Banal sa mga Huling Araw noon na nakibahagi sa mga temperance society ang itinuring ang Word of Wisdom bilang inspiradong payo, “iniangkop sa Kakayahan ng mahihina & ng pinakamahihina sa lahat ng Banal na tinawag o maaaring tawaging mga Banal. Bukod pa rito, ang paghahayag ay walang eksaktong katulad sa literatura sa panahon nito. Ang mga temperance reformer ay kadalasang tinatakot ang kanilang mga tagapakinig sa pamamagitan ng pag-ugnay sa pag-inom ng alak sa maraming nakapangingilabot na karamdaman o nakahahawang sakit. Ang Word of Wisdom ay walang ibinigay na gayong mga dahilan. Ang matatapang na inumin, simpleng sabi ng paghahayag, ay “hindi mabuti.” Ang katulad na maikling paliwanag ay ibinigay para sa mga utos laban sa tabako at maiinit na inumin. Ang paghahayag ay maituturing na paglalahad ng tungkol sa kung ano ang tama sa halip na pagpapahayag ng opinyon.

Sa halip na gumamit ng pananakot para mahikayat ang mga tao na sumunod, ang Word of Wisdom ay naghihikayat nang may kumpiyansa at pagtitiwala. Inaanyayahan ng paghahayag ang mga tagapakinig na magtiwala sa Diyos na may kapangyarihang maghatid ng malalaking gantimpala, espirituwal at pisikal, bilang kapalit ng pagsunod sa utos ng Diyos. Ang mga sumusunod sa Word of Wisdom, sabi sa paghahayag, ay “tatanggap ng kalusugan sa kanilang pusod at kanilang utak-sa-buto & makatatagpo ng karunungan & malaking kayamanan ng kaalaman & maging mga natatagong kayamanan.” Ang mga pangakong ito ay naglalarawan sa kaugnayan ng katawan at ng espiritu, na pinagbubuti ang pangangalaga sa katawan sa antas ng isang espirituwal na alituntunin.

Sa huli, inasahan ang ilang pagkakatulad sa mga ideya ng Word of Wisdom at ng repormang pangkalusugan noong ika-19 na siglo. Ito ang panahon ng “kaginhawahan” (Gawa 3:20), isang sandali sa kasaysayan kung saan ang liwanag at kaalaman ay bumubuhos mula sa langit. Noong gabing dinalaw si Joseph Smith ng anghel na si Moroni sa unang pagkakataon, noong taglagas ng 1823, binanggit ng anghel ang isang linya mula sa aklat ni Joel at sinabing malapit na itong matupad: “Ibubuhos ko ang aking espiritu sa lahat ng laman,” ang mababasa sa talata (Joel 2:28; idinagdag ang pagbibigay-diin). Sa nagawa ng temperance reform na gawing hindi na gaanong umasa ang mga tao sa nakalululong na mga sangkap, na naghikayat ng pagpapakumbaba at matwid na pagkilos, ang kilusan ay tiyak na binigyang-inspirasyon ng Diyos. “Ang yaong sa Diyos ay nag-aanyaya at nanghihimok na patuloy na gumawa ng mabuti,” nakasaad sa Aklat ni Mormon (Moroni 7:13). Sa halip na mag-alala sa ilang pagkakatulad sa kultura, masayang maiisip ng mga Banal sa mga Huling Araw kung paano naantig ng Espiritu ng Diyos ang napakaraming tao, nang napakalawak, at napakalakas.

Hindi nagtagal matapos matanggap ang Word of Wisdom, humarap si Joseph Smith sa mga elder ng Paaralan ng mga Propeta at binasa ang paghahayag sa kanila. Hindi na kailangang sabihin pa sa kalalakihan kung ano ang ibig sabihin ng mga salita. “Agad [nilang] itinapon sa apoy ang kanilang mga pipa at tabako,” paggunita ng isa sa mga dumalo sa paaralan. Mula noon, ang inspirasyon sa Word of Wisdom ay napatunayan nang maraming beses sa buhay ng mga Banal, ang kapangyarihan at kabanalan nito ay nagpatuloy sa lahat ng panahon. Sa ilang mga paraan, ang repormang pangkalusugan ng mga Amerikano ay nawala sa senaryo. Ang Word of Wisdom ay patuloy na nagbibigay ng kaliwanagan sa atin.

  1. Tingnan sa Milton V. Backman Jr., “School of the Prophets and School of the Elders,” sa Joseph: Exploring the Life and Ministry of the Prophet, mga pat. Susan Easton Black at Andrew C. Skinner (Salt Lake City: Deseret Book, 2005), 165–75.

  2. Si Orson Hyde ang pangunahing tagapagturo sa unang terminong iyon, ngunit palagiang naroon si Joseph Smith. Tingnan sa Steven R. Sorensen, “Schools of the Prophets,” sa Daniel H. Ludlow, pat., Encyclopedia of Mormonism, 5 tomo. (New York: Macmillan, 1992), 3:1269; Lyndon W. Cook, The Revelations of the Prophet Joseph Smith: A Historical and Biographical Commentary on the Doctrine and Covenants (Salt Lake City: Deseret Book, 1985), 191–92.

  3. Brigham Young, Discourse, Disyembre 2, 1867; Pebrero 8, 1868, Papers of George D. Watt, shorthand transcribed by LaJean Purcell Carruth, Church History Library, Salt Lake City. Ang naunang sermon ay hindi nailathala. Para sa nailathalang bersiyon ng huling sermon, tingnan sa Brigham Young, “Remarks,” Deseret News: Semi-Weekly, Peb. 25, 1868, 2.

  4. Tingnan sa “Revelation, 2 January 1831 [D&C 38],” sa Revelation Book 1, 51, josephsmithpapers.org.

  5. Ang proseso sa “pagsasasibilisado” ay tumagal ng ilang siglo ngunit naging popular sa mga tao ng iba’t ibang katayuan sa lipunan noong ika-19 na siglo. Tingnan sa Norbert Elias, The History of Manners, trans. Edmunds Jephcott (New York, 1978); Georges Vigarello, Concepts of Cleanliness: Changing Attitudes in France since the Middle Ages, trans. Jean Birrell (Cambridge: Cambridge University Press and Editions de la Maison des Sciences de l’Homme, 1988); Richard L. Bushman at Claudia L. Bushman, “The Early History of Cleanliness in America,” Journal of American History, tomo 74 (Mar. 1988), 1213–38; Richard L. Bushman, The Refinement of America: Persons, Houses, Cities (New York: Knopf, 1992); Dana C. Elder, “A Rhetoric of Etiquette for the ‘True Man’ of the Gilded Age,” Rhetoric Review, tomo 21, blg. 2 (2002), 155, 159.

  6. Tungkol sa hindi paggamit ni Joseph Smith ng tabako, tingnan sa Brigham Young, Discourse, Peb. 8, 1868, Papers of George D. Watt, transcribed by LaJean Purcell Carruth, Church History Library, Salt Lake City.

  7. Brigham Young, Discourse, Peb. 8, 1868. Binago ng nakalathalang bersiyon ang pananalita upang mas ipakita ang pagrereklamo kaysa sa pag-aalala: “ang mga reklamo ng kanyang asawa sa paglilinis ng napakaruming sahig” (“Remarks,” 2).

  8. Tingnan sa “Revelation, 27 February 1833 [D&C 89],” sa Sidney Gilbert, Notebook, 113, josephsmithpapers.org; iniayon sa pamantayan ang pagbabantas; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 89:8.

  9. Frances Trollope, Domestic Manners of the Americans, 2 tomo. (London, 1832), 2:101. Pagsapit ng 1800, ang tabako ay kilala sa pagpapagaling ng maraming karamdaman: sakit ng tiyan, kagat ng ahas, scurvy, almoranas, “kabaliwan,” at marami pang ibang karamdaman. Ngunit ang paglaganap ng pagiging malinis ng mga nakaririwasa sa buhay sa mga unang dekada ng ika-19 na siglo ay humantong sa pagbatikos ng mga tao sa paggamit ng tabako. Ang tabako ay nakilala bilang “maruming damo,” at ang mga salitang tulad ng “nakakadiri” at “nakakainis” ay lalo pang iniugnay dito. Tingnan sa Lester E. Bush Jr., “The Word of Wisdom in Early Nineteenth-Century Perspective,” Dialogue, tomo 14 (Taglagas 1981), 56; “For the Evening Post,” New York Evening Post, Hunyo 27, 1829, [2].

  10. Tingnan sa W. J. Rorabaugh, The Alcoholic Republic: An American Tradition (New York: Oxford University Press, 1979), 25–57; W. J. Rorabaugh, “Alcohol in America,” OAH Magazine of History, tomo 6 (Taglagas 1991), 17–19; Peter C. Mancall, “‘The Art of Getting Drunk’ sa Colonial Massachusetts,” Reviews in American History, tomo 24 (Set. 1996), 383.

  11. Tingnan sa Gordon Wood, Empire of Liberty: A History of the Early Republic, 1789–1815 (New York: Oxford University Press, 2009), 339; Joseph F. Kett, “Temperance and Intemperance as Historical Problems,” Journal of American History, tomo 67 (Mar. 1981), 881; Rorabaugh, “Alcohol in America,” 17.

  12. Tingnan sa Mark Edward Lender at James Kirby Martin, Drinking in America: A History, binago at pinalawak na ed. (New York: Free Press, 1987), 35.

  13. Tingnan sa Ian R. Tyrrell, Sobering Up: From Temperance to Prohibition in Antebellum America, 1800–1860 (Westport, Connecticut: Greenwood Press, 1979); James R. Rohrer, “The Origins of the Temperance Movement: A Reinterpretation,” Journal of American Studies, tomo 24 (Ago. 1990), 230–31; Lyman Beecher, Six Sermons on the Nature, Occasions, Signs, Evils, and Remedy of Intemperance (New York: American Tract Society, 1827), 194; Daniel Walker Howe, What Hath God Wrought: The Transformation of America, 1815–1848 (New York: Oxford University Press, 2007), 166–68. Ginamit ng American Temperance Society ang isang pormal na panata ng pagtalikod sa lahat ng inuming nakalalasing noong 1831. Tingnan sa Robert H. Abzug, Cosmos Crumbling: American Reform and Religious Imagination (New York: Oxford University Press, 1994), 98.

  14. Tingnan sa Christopher G. Crary, Pioneer and Personal Reminiscences (Marshalltown, Iowa: Marshall Printing, 1893), 25. Utang na loob ko kay Andy Hedges na ipinabatid niya sa akin ang tungkol sa source na ito.

  15. Tingnan sa “Revelation, 27 February 1833 [D&C 89],” sa Sidney Gilbert, Notebook, 113; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 89:5. Ang mga salitang “matatapang na inumin” ay isang parirala sa Biblia na tumutukoy sa alak, ngunit ang mga temperance reformer ay madalas magbigay ng mas malawak na kahulugan kasama ang mga nakalalasing na inumin. Tingnan sa Addison Parker, Address Delivered before the Southbridge Temperance Society, on the Evening of Dec. 1, 1830 (Southbridge: Josiah Snow, 1830), 7–8; Fifth Report of the American Temperance Society, Presented at the Meeting in Boston, May 1832 (Boston: Aaron Russell, 1832), 47, 95, 112.

  16. Doktrina at mga Tipan 89:6; tingnan din sa “Revelation, 27 February 1833 [D&C 89],” sa Sidney Gilbert, Notebook, 113.

  17. Ang katamtaman na paggamit sa halip na pag-iwas ay iniangkop sa halos lahat ng “bawal” sa Word of Wisdom hanggang noong unang bahagi ng ika-20 siglo. Hinggil sa opisyal na pagsunod sa Word of Wisdom na naging mas mahigpit at pormal sa Simbahan, tingnan sa Thomas G. Alexander, Mormonism in Transition: A History of the Latter-day Saints, 1890–1930 (Urbana: University of Illinois Press, 1986), 258–71; Paul H. Peterson at Ronald W. Walker, “Brigham Young’s Word of Wisdom Legacy,” BYU Studies, tomo 42, mga blg. 3–4 (2003), 29–64.

  18. Rorabaugh, Alcoholic Republic, 99–100.

  19. Tingnan sa Bush, “The Word of Wisdom in Early Nineteenth-Century Perspective,” 52.

  20. Tingnan sa Paul H. Peterson, “An Historical Analysis of the Word of Wisdom” (master’s thesis, Brigham Young University, 1972), 32–33; “The Word of Wisdom,” Times and Seasons, tomo 3 (Hunyo 1, 1842), 800.

  21. Tingnan sa “Revelation, 27 February 1833 [D&C 89],” sa Sidney Gilbert, Notebook, 113; “City Marshall’s Department,” City Gazette and Commercial [Charleston, South Carolina], Abr. 18, 1823, 3; “Gaming,” Berks and Schuylkill Journal (Reading, Pennsylvania), Ene. 8, 1825, 3.

  22. “Revelation, 27 February 1833 [D&C 89],” sa Sidney Gilbert, Notebook, 114; tingnan din sa “Revelation, 7 May 1831 [D&C 49],” sa Revelation Book 1, 81, josephsmithpapers.org.

  23. Tingnan sa “Revelation, 27 February 1833 [D&C 89],” sa Sidney Gilbert, Notebook, 113.

  24. Sa mga salita ng isang dalubhasa, ang alak ay “nagpapalito sa kanilang nadarama, nagpapamanhid sa kanilang moral na sensibilidad, nagpapahina sa kanilang panunaw, at sa paglipas ng panahon ay nagdudulot ng dispepsia, kaysa alinmang mas matinding sakit na halos hindi nakakaapekto sa sangkatauhan” (“On Drunkenness,” Connecticut Herald, Peb. 21, 1826, 1). Para sa iba pang gayong mga argumento, tingnan sa “Twenty Dollars Reward,” Daily National Intelligencer, Set. 23, 1823, 4; “Rev. Isaac McCoy,” New Hampshire Repository, tomo 6 (Mayo 3, 1824), 70; “From the Times and Advertiser,” Times and Hartford Advertiser, Ene. 3, 1826, 4.

  25. Hindi ibig sabihin na lahat ng mga mungkahi sa kalusugan sa panahong iyon ay nakabatay sa detalyadong argumento. Tingnan, halimbawa, sa Samuel Underhill’s propositions sa Mark Lyman Staker, Hearken, O Ye People: The Historical Setting for Joseph Smith’s Ohio Revelations (Salt Lake City: Greg Kofford Books, 2009), 110. Para sa ilang paraan kung paano naiiba ang Word of Wisdom mula sa kaalamang tanggap sa panahong iyon, tingnan sa Steven C. Harper, Making Sense of the Doctrine and Covenants: A Guided Tour through Modern Revelations (Salt Lake City: Deseret Book, 2008), 332–33. Noong ika-20 siglo, hinangad ng ilang Banal sa mga Huling Araw na ihiwalay ang mga nakapipinsalang kemikal sa mga sangkap na ipinagbawal sa Word of Wisdom, ngunit ang gayong pagsusuri ay hindi kailanman tinanggap bilang doktrina ng Simbahan at hindi ayon sa dahilan ng paghahayag mismo. Tingnan sa John A. Widtsoe at Leah D. Widtsoe, The Word of Wisdom: A Modern Interpretation (Salt Lake City: Deseret Book, 1950).

  26. “Revelation, 27 February 1833 [D&C 89],” sa Sidney Gilbert, Notebook, 114–15.

  27. Tingnan sa Harper, Making Sense of the Doctrine and Covenants, 328.

  28. Pagsapit ng 1840, ang pagkonsumo ng bawat tao sa Amerika ay bumaba ng mga tatlong galon, ang pinakamalaking pagbaba na nangyari sa loob ng 10-taon sa kasaysayan ng Amerika. Tingnan sa Lender at Martin, Drinking in America, 71–72; Tyrrell, Sobering Up, 225–51.

  29. Zebedee Coltrin reminiscence, sa Salt Lake School of the Prophets, Minutes, Okt. 3 1883, Church History Library, Salt Lake City.