“Ang Tawag kay Orson Pratt na Maglingkod,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Ang Tawag kay Orson Pratt na Maglingkod,” Konteksto ng mga Paghahayag
Ang Tawag kay Orson Pratt na Maglingkod
Si Orson Pratt ay matanong at palaging naghahanap ng sagot noong siya ay bata pa. Naalala niya na sa kanyang murang edad “ay marami [siyang] matitinding impresyon hinggil sa Diyos at sa kabilang-buhay.” Bagama’t hindi sila kabilang sa anumang partikular na simbahan, hinikayat ng kanyang mga magulang, na sina Jared at Charity Pratt, ang kanilang anak na basahin ang Biblia para masagot ang marami niyang tanong. Lalo pang dumami ang kanyang tanong sa pagbabasa niya nito.
Ang pamilya, tulad ng sasabihin rito ni Pratt kalaunan, ay “kabilang sa mga maralita sa daigdig na ito.” Sinabi niya, “Ang sunud-sunod na hindi magandang pangyayari ang dahilan ng pagiging maralita nila.” Dahil sa kanilang karukhaan, pinapunta si Pratt ng kanyang mga magulang sa edad na 11 upang magtrabaho sa mga bukid ng iba pang mga magsasaka kapalit ng matitirhan at pagkain. Sa loob ng halos siyam na taon, nagtrabaho si Pratt bilang manggagawa para sa iba’t ibang magsasaka sa malalayong lugar mula Ohio hanggang Long Island. Bagama’t nadama niya na siya ay “itinataboy nang walang permanenteng tirahan,” sinabi niya na ang “natutuhan niya noong bata pa siya tungkol sa moralidad at relihiyon na itinimo sa [kanyang] isipan ng [kanyang] mga magulang, ay nanatili sa [kanya] sa tuwina” at nagsilbing angkla.
Siya ay patuloy na nakadarama ng “labis na pag-aalala na maging handa para sa kabilang-buhay,” ngunit noon lamang taglagas ng 1829 nagsimulang manalangin nang taimtim si Pratt para sa espirituwal na patnubay sa kanyang buhay. Kalaunan ay isinulat niya, “Sa tahimik at madilim na gabi, samantalang natutulog nang mahimbing ang iba, madalas akong magtungo sa isang kubling lugar sa mapanglaw na kaparangan o ilang, at iniyuko ang aking ulo sa harapan ng Panginoon, at nanalangin nang ilang oras.” Ibinuod niya ang kanyang nadama noong panahong iyon: “Ang pinakadakilang hangarin ng puso ko ay ipabatid ng Panginoon ang Kanyang kalooban hinggil sa akin.”
Isang Di-Inaasahang Pagbisita
Siya ay patuloy na nanalangin habang nagtatrabaho sa mga bukid kapalit ng tirahan at pagkain malapit sa tahanan ng kanyang pamilya sa Canaan, New York, hanggang noong Setyembre 1830. Noong buwang iyon, binisita siya ng kanyang kuya na si Parley.
Ilang linggo pa lang ang nakalipas, nalaman ni Parley P. Pratt ang tungkol sa Aklat ni Mormon at naging kasapi ng Simbahan na ipinanumbalik ni Joseph Smith. Bagong binyag at naordenan na mangaral, si Pratt ay naglakbay pasilangan patungo sa Canaan, na may layuning ibahagi sa kanyang pamilya ang kanyang kasiglahan sa kanyang bagong relihiyon. Bagama’t “bahagyang” naniwala ang kanyang mga magulang, sinabi ni Parley, “Ang aking kapatid na si Orson, isang labinsiyam na taong gulang na binata, ay tinanggap ito nang buong puso niya.”
Ang narinig ni Orson Pratt sa mensahe ng kanyang kapatid ay nakatugon sa kanyang mga espirituwal na hangarin, at nabinyagan siya noong ika-19 ng Setyembre, ang kanyang ika-19 na kaarawan. Sa loob ng ilang linggo ng kanyang binyag, siya ay nagsimulang maglakbay patungo sa Fayette, New York, na sabik na makilala si Joseph Smith.
Tinawag na Mangaral
Matapos maglakbay nang mahigit 200 milya, dumating si Orson Pratt sa tahanan ni Peter Whitmer Sr., kung saan nakatira noon si Joseph Smith. Doon ay nakilala niya si Joseph at nalaman na ang kanyang kapatid na si Parley ay tinawag sa pamamagitan ng paghahayag na “magtungo sa mga Lamanita, upang ipahayag ang masayang balita ng malaking kagalakan sa kanila.” Si Orson, na nagnais pa ring malaman ang kalooban ng Panginoon para sa kanya, ay nagtanong kay Joseph “kung maaari ba niyang malaman kung ano ang kanyang misyon.” May paghahayag ba para sa kanya tulad ng mayroon para sa kanyang kapatid?
Inanyayahan ni Joseph Smith sina Orson Pratt at John Whitmer sa silid sa itaas kung saan natapos kamakailan ni Joseph ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Sa mas pribadong lugar na ito, tinanong ni Joseph si Orson kung handa siyang isulat ang paghahayag habang sinasabi niya ito. “Dahil bata pa noon at mahiyain at nadama na kulang siya sa kakayahan,” itinanong ni Orson kung maaaring magsilbing tagasulat si John Whitmer bilang kahalili niya. Si Joseph Smith ay sumang-ayon at “kumuha ng isang maliit na bato na tinatawag na bato ng tagakita, at inilagay ito sa isang Sombrero at nagsimula nang magsalita.”
Sa paghahayag, pinuri ng Panginoon si Orson dahil sa kanyang pananampalataya at tinawag siya sa ministeryo: “Pinagpala ka dahil ikaw ay naniwala & at lalo kang pinagpala dahil ikaw ay tinawag ko na Mangaral ng aking Ebanghelyo.” Kalaunan ay inilarawan ni Orson Pratt ang kanyang nadama nang marinig niya ang Panginoon na nangungusap sa kanya sa pamamagitan ni Joseph: “Naisip ko na iyon ay napakadakila at napakahalagang tungkulin, at nadama ko na hindi ko lubos na magagawa iyon maliban kung gawin akong karapat-dapat ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang Espiritu.”
Noong ika-1 ng Disyembre, inordenan siya bilang elder ni Joseph Smith, at agad naghanda si Orson para magpunta sa kanyang misyon. Bagama’t hindi tinukoy sa paghahayag kung saan siya dapat pumunta, nagpasiyahan na dapat siyang mangaral sa Colesville, New York. Nagtiwala si Orson sa pangakong ito sa paghahayag: “Itaas ang iyong tinig & huwag nang manahimik, sapagkat ang Panginoong Diyos ay nangusap; kaya nga magpropesiya, & ibibigay ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.” Kalaunan ay sinabi niya, “Naisip ko sa aking sarili, na maliban kung ibubuhos ng Panginoon ang kanyang Espiritu sa akin nang mas lubusan kaysa anumang bagay na naranasan ko na, hindi ko magagawa kailanman ang mga tungkuling ito nang katanggap-tanggap sa kanyang paningin.”
Dala-dala ang isang liham ng pagpapakilala na nilagdaan ni Joseph Smith, Si Orson ay dumating sa Colesville, kung saan masunurin niyang “sinimulang buksan ang [kanyang] bibig sa mga pampublikong pulong, at itinuro ang mga bagay ng Diyos na ibinigay sa [kanya] ng Espiritu Santo.” Ang maliit na branch ng Simbahan sa Colesville ay malugod siyang tinanggap, at bumalik siya sa Fayette kalaunan sa buwang iyon.
Inamin ni Pratt na “madalas [siyang] manginig at manliit, dahil natatakot [siya] na hindi niya kailanman maisasakatuparan at magagawa ang napakadakilang gawain.” Gayunpaman, nilinaw ng paghahayag ang kalooban ng Panginoon sa kanya, at nagpatuloy siyang maglingkod bilang misyonero at Apostol nang mahigit 60 taon bilang tugon sa tawag na iyon.