Pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan
‘Ikaw ay Isang Hinirang na Babae’


“‘Ikaw ay Isang Hinirang na Babae’” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Ikaw ay Isang Hinirang na Babae,” Konteksto ng mga Paghahayag

“Ikaw ay Isang Hinirang na Babae”

D&T 24, 25, 26, 27

larawan ni Emma Smith

Sa mga sumunod na buwan matapos ang pagkakatatag noong Abril 1830 ng Simbahan ni Cristo (tulad ng pagkakakilala noon sa Simbahan), nagsimulang maunawaan nang lubusan ni Emma Hale Smith kung ano ang magiging kahulugan ng tungkulin ng kanyang asawa bilang propeta para sa kanya at sa kanilang nagsisimulang pamilya. Si Emma, na 26 na taong gulang noong Hulyo 10, 1830, ay ikinasal kay Joseph tatlong taon na ang nakakaraan sa kabila ng pagtutol ng kanyang mga magulang na sina Isaac at Elizabeth Hale. Naniwala siya sa mga pangitain at paghahayag na natanggap ng kanyang asawa, at ang tatlong taong iyon na puno ng kaganapan ay nagpatunay sa kanya na siya [si Joseph] ay isang tunay na propeta.

Sa panahon ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa, nakipagkita si Joseph kay anghel Moroni minsan sa isang taon sa loob ng tatlong magkakasunod na taon sa isang burol malapit sa Palmyra, New York, upang talakayin ang mga laminang ginto kung saan mula sa mga ito ay isasalin niya ang Aklat ni Mormon. Noong taglagas ng 1827, sumama si Emma kay Joseph at naghintay sa bagon habang tinatanggap nito ang mga laminang ginto. Hindi nagtagal ay nagsimula siyang tumulong bilang tagasulat sa proseso ng pagsasalin. “Madalas akong magsulat araw-araw,” naalala niya kalaunan, “madalas na nakaupo sa mesa malapit sa kanya, nakaupo siya [si Joseph] na ang mukha ay nakasubsob sa kanyang sombrero, na may bato sa loob nito, at nagdidikta oras-oras na walang harang sa pagitan namin. … Walang manuskrito o aklat [si Joseph] na mapagbabasahan. … Kung mayroon man siyang kahit anong tulad nito, hindi niya ito maitatago mula sa akin. … Ang mga lamina ay kadalasang nakapatong sa mesa nang walang anumang pagtatangkang itago ang mga ito, nakabalot sa maliit na mantel na lino … Kinapa ko minsan ang mga lamina, habang nakapatong ang mga ito sa ibabaw ng mesa, kinakapa ang mga gilid at hugis nito.”

Makalipas ang ilang dekada, namangha siya sa nangyari. Naalala niya na sa panahon ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa, si Joseph ay “hindi makasulat ni makadikta ng malinaw at maayos na liham; lalo na ang makadikta ng isang aklat na gaya ng Aklat ni Mormon.”

Mga Pagsubok ni Emma

Ngunit ang mga espirituwal na karanasan na ito ay may kasamang hirap at pasakit. Sina Joseph at Emma ay unang nanirahan sa pamilya Smith sa Manchester, New York, at pagkatapos ay lumipat sa mga Hale sa Harmony, Pennsylvania, kung saan lumaki si Emma. Sa unang mga taon ng kanilang pagsasama, lumipat ang mag-asawa nang hindi bababa sa apat na beses sa pagitan ng Harmony at upstate New York, na humigit-kumulang 300 milya ang layo sa bawat paglipat. Noong Hunyo 1828, isinilang ni Emma ang isang anak na lalaki, na “namatay sa mismong oras” na ipanganak ito. Ang kanilang mga unang taon ng pagsasama ay puno ng kahirapan. Isinulat ni Joseph na noong 1829, naging napakahirap nila—“naubos ang ari-arian,” paglalarawan niya rito—at ang ama ni Emma ay “halos ipagtulakan ako palabas ng pintuan & wala akong mapuntahan at nagsumamo ako sa Panginoon na maglaan siya para sa akin upang maisakatuparan ko ang gawain na iniutos niya sa akin.” Sa oras ng kanilang pangangailangan, ang matatapat na kaibigan—tulad nina Josiah Stowell, Martin Harris, at Oliver Cowdery—ay madalas magbigay ng tulong pinansyal kina Joseph at Emma.

Sa kabila ng mga hamong ito, ninais ni Emma na mabinyagan noong Hunyo 1830. Naglakbay sina Joseph at Emma sa Colesville, New York, kung saan nabinyagan siya kasama ang ilan pang nagbalik-loob, kabilang ang mga miyembro ng pamilya Knight, na sumuporta rin sa kanila sa pananalapi sa panahon ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Gayunpaman, noong madaling araw ng Linggo, Hunyo 27, sinira ng mga kalaban ng simbahan ang isang dam na itinayo para sa mga pagbibinyag. Kinaumagahan, nakasaad sa kasaysayan ni Joseph Smith, “kami ay naging alerto, at bago pa malaman ng aming mga kaaway ay naayos na namin ang dam, at nagpatuloy sa pagbibinyag.” Bininyagan ni Oliver Cowdery si Emma at ang 12 iba pa. Bago matapos ang pagbibinyag, “nagsimulang magtipon muli ang mga mandurumog, at hindi pa natatagalan pagkaalis namin, ang bilang nila ay umabot sa mga limampung kalalakihan.” Sina Joseph, Emma, at ang iba pang mga miyembro ng Simbahan ay nasa loob na ng bahay ni Joseph Knight Sr., ngunit hindi nagtagal ay napalibutan ito ng mga lalaking “nagngingitngit sa galit at tila gusto kaming saktan.” Nakasaad pa sa kasaysayan ni Joseph Smith: “Ang ilan ay nagtanong sa amin, ang iba pa ay pinagbantaan kami, kaya minabuti na naming umalis at pumunta sa bahay ni Newel Knight.” Gayunpaman, sinundan ang mga Banal, at nagpatuloy ang panggugulo.

Ang mga Banal ay nagplano ng isang pulong para sa gabing iyon, kung saan si Emma at ang iba pang mga bagong binyag ay tatanggap ng kaloob na Espiritu Santo at makukumpirmang mga miyembro ng Simbahan. Gayunpaman, sa kanilang pagtitipon, inaresto ng isang konstabularyo si Joseph Smith “dahil sa salang panggugulo; ginugulo ang bansa sa pamamagitan ng pangangaral ng Aklat ni Mormon.” Ipinaliwanag ng konstabularyo na nais ng mga mandurumog na tambangan si Joseph matapos siyang maaresto; gayunpaman, ang konstabularyo “ay determinadong iligtas ako mula sa kanila, dahil nakita niya na iba ako sa taong inilarawan nila sa kanya.” Hindi nagtagal ay nakasalubong nila ang mga mandurumog, ngunit sa “labis na pagkainis” ng mga vigilante, “hinagupit [ng konstabularyo] ang kabayo kaya mabilis itong tumakbo hanggang sa hindi na nila ako maabutan.” Pagdating sa South Bainbridge sa Chenango County, sinamahan ng konstabularyo si Joseph Smith nang gabing iyon “sa isang silid sa itaas ng isang Taberna.” Upang protektahan si Joseph, ang konstabularyo ay “natulog ng gabing iyon habang ang kanyang mga paa ay nakadiin sa pintuan, at may nakahandang baril sa kanyang tabi.”

Si Joseph Smith ay nilitis at pinawalang-sala sa South Bainbridge ngunit pagdaka’y agad na inaresto muli upang humarap sa paglilitis sa parehong kaso sa karatig na Broome County. Sa simula ay naging malupit ang pakikitungo ng pangalawang konstabularyo kay Joseph. Pagdating nila sa Broome County, itinala ng kasaysayan ni Joseph Smith, “Dinala niya ako sa isang taberna, at tinipon ang ilang kalalakihan, na gumamit ng iba’t ibang paraan para abusuhin, kutyain, at insultuhin ako.” Dinuraan nila si Joseph at inutusan na magpropesiya siya sa kanila. Dahil medyo malapit sila ngayon sa kanilang tahanan, hiniling ni Joseph na siya ay “pahintulutan na magkaroon ng pribilehiyo na makasama sa gabi ang aking asawa sa aming tahanan,” ngunit tinanggihan ng konstabularyo ang kanyang kahilingan.

Kasunod ng pangalawang paglilitis kinabukasan, muling napawalang-sala si Joseph. Ang konstabularyo, ayon sa kasaysayan ni Joseph Smith, ay “humingi ng tawad sa akin.” Nang malaman ang mga plano ng mga mandurumog na buhusan ng alkitran at ng balahibo si Joseph, tinulungan siya ng konstabularyo na makatakas. Ligtas na nakarating si Joseph sa kalapit na bahay ni Elizabeth Hale Wasson, kapatid ni Emma.

Sa panahong wala ang kanyang asawa, si Emma ay “naghihintay nang may labis na pag-aalala sa nangyari sa hindi makatwirang mga paglilitis Nakipagtipon siya sa ibang kababaihan “para sa layuning manalangin na mapalaya” ang kanyang asawa. Nang muling magkasama, umuwi sina Joseph at Emma sa Harmony, Pennsylvania, noong unang bahagi ng Hulyo. Kasama si Oliver Cowdery, hindi naging matagumpay ang isa pang ginawang paglalakbay ni Joseph sa Colesville upang kumpirmahin ang mga bagong binyag na Banal ngunit kaagad ring bumalik sa Harmony dahil sa nararanasang panibagong oposisyon.

Pagbuhos ng Paghahayag

Kasunod ng kanyang pagbabalik sa Harmony, tumanggap si Joseph Smith ng tatlong paghahayag noong Hulyo 1830. Ang unang paghahayag, na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 24, ay nangusap kina Joseph at Oliver Cowdery, “na nagsasabi sa kanila hinggil sa kanilang mga Tungkulin.” Ipinaalala sa kanila ng paghahayag na sila ay tinawag “upang isulat ang Aklat ni Mormon & sa aking gawain.” Marahil ito ay tumutukoy nang bahagya sa naranasan nilang oposisyon kamakailan, sinabi pa ng paghahayag, “Ikaw ay aking iniahon mula sa iyong mga pagdurusa, & pinagpayuhan ka, kaya nga ikaw ay iniligtas mula sa lahat ng iyong mga kaaway.”

Binanggit din sa paghahayag ang tungkol sa temporal na kalagayan ni Joseph Smith, tinatagubilinan siya na bisitahin ang mga miyembro ng Simbahan sa Colesville, Fayette, at Manchester pagkatapos niyang “punlaan ang [kanyang] mga bukid.” Nilinaw ng paghahayag na si Joseph ay dapat suportahan ng mga miyembro ng Simbahan upang “[mai]laan [niya] ang lahat ng [kanyang] paglilingkod sa Sion.” Sinabi kay Joseph, “Sa mga temporal [na gawain] ikaw ay hindi magkakaroon ng lakas, sapagkat ito ay hindi mo tungkulin.” Ang paghahayag na ito ay nagpaunawa kina Joseph at Emma na mahihirapan sila sa pinansiyal at kailangan nilang umasa sa suporta ng mga miyembro ng Simbahan dahil sa kanilang dedikasyon sa ministeryo.

Anuman ang inaasahan ni Emma sa kanyang buhay may-asawa, halos hindi niya inasahan na ang pagsalungat ng mga kalaban ng bagong simbahan ay pisikal at legal na manggugulo sa mga Smith o ang mga pangangailangang mangaral at mangasiwa sa Simbahan ay maglalayo sa kanyang asawa mula sa kanilang bukid at pamilya, na nakagagambala sa kanilang pamumuhay at banta sa kanilang kabuhayan.

Sa konteksto ng mga pagkabalisa at pagkadismayang ito, nakatanggap si Joseph ng paghahayag para kay Emma, Doktrina at mga Tipan 25, na muling sinabi, “Katotohanan sinasabi ko sa iyo na iyong isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito & hangarin ang mga bagay na mas mabuti.” Sa pamamagitan ng paghahayag, tumanggap si Emma ng mga salita ng kaaliwan at tagubilin. Sinabi sa kanya, “Huwag bumulung-bulong dahil sa mga bagay na hindi mo nakita sapagkat ang mga ito ay ipinagkait sa iyo & sa Sanlibutan”—marahil tinutukoy ang mga laminang ginto, na kalaunan ay naalala ni Emma na nahawakan niya ito sa isang pagkakataon ngunit hindi niya nakita. Tinawag ng paghahayag si Emma na “isang hinirang na babae” at sinabi sa kanya na ang “tungkulin ng iyong tawag ay maging taga-alo ng aking Tagapaglingkod na si Joseph na iyong asawa sa kanyang mga pagdurusa ng may mga mapang-along salita sa diwa ng kaamuan.” Binanggit din sa paghahayag ang tungkol sa gawain in Emma sa Simbahan, nangangako na siya ay “oordenan” ng kanyang asawa “upang magpaliwanag ng mga Banal na Kasulatan & upang manghikayat sa simbahan.” Bukod pa rito, inutusan si Emma na maglingkod bilang tagasulat sa kanyang asawa at magtipon ng mga himno. Kalaunan ay ipinaliwanag ni Joseph Smith na si Emma “ay naorden noong panahong iyon, na ang Paghahayag ay ibinigay, upang ipaliwanag ang mga banal na kasulatan sa lahat; at turuan ang mga kababaihan ng komunidad; at na hindi lamang siya, kundi ang iba pa, ay makatanggap ng gayon ding mga pagpapala.”

Ang pangatlong paghahayag na natanggap ni Joseph Smith noong Hulyo 1830, na ngayon ay kinikilala at tinatanggap bilang Doktrina at mga Tipan 26, ay nag-utos kay Joseph, kasama sina Oliver Cowdery at John Whitmer, na ilaan ang kanilang oras “sa pag-aaral [ng] mga Banal na Kasulatan & sa pangangaral & sa pagpapatibay ng Simbahan sa Colesville & sa pagganap ng iyong mga gawain sa Lupain.”

Noong unang bahagi ng Agosto, ilang linggo kasunod ng tatlong paghahayag na ito, sina Newel at Sally Knight ay naglakbay mula sa Colesville, New York, upang bisitahin sina Joseph at Emma sa Harmony, Pennsylvania. Si Sally Knight ay nabinyagan kasabay ni Emma sa parehong araw, ngunit hindi pa sila nakumpirma. Dahil dito, isinalaysay ng kasaysayan ni Joseph Smith, “Iminungkahi na dapat naming kumpirmahin sila, at sama-samang tumanggap ng sakramento, bago umalis ang mag-asawa.—Upang maghanda para dito; umalis ako upang bumili ng alak para sa okasyon, subalit bahagya pa lamang akong nakakalayo nang salubungin ako ng isang sugo ng langit, at natanggap ang sumunod na paghahayag.”

Binalaan ng anghel si Joseph Smith na huwag “Bumili ng Alak ni matapang na inumin ng inyong mga kaaway.” Pagkatapos niyon ay umuwi na si Joseph at “naghanda ng alak na sarili naming gawa” para sa pulong ng pagkumpirma, na dinaluhan ng mga Smith, mga Knight, at ni John Whitmer. Nakatala sa kasaysayan ni Joseph Smith, “Kami ay sama-samang tumanggap ng sakramento, pagkatapos nito ay kinumpirma namin ang dalawang babaeng ito sa simbahan, at ginugol ang gabing iyon sa maluwalhating paraan. Ang Espiritu ng Panginoon ay ibinuhos sa amin, pinapurihan namin ang Panginoong Diyos, at labis na nagalak.” Ang apat na paghahayag na ito, na natanggap sa pagitan ng Hulyo at Setyembre 1830, ay nagbigay ng mahahalagang tagubilin kina Joseph at Emma Smith, gayundin sa iba pang mga miyembro ng Simbahan, at sa mga buwan ng paglago at pag-unlad kasunod ng pagtatatag ng Simbahan.

Pinahalagahan ni Emma lalo na ang paghahayag na nauukol sa kanya. Sa tulong ni William W. Phelps, sinunod niya ang mga tagubilin ng Panginoon na magtipon ng mga himno para sa kauna-unahang himnaryo ng Simbahan. Noong 1842, binasa ni Joseph Smith ang paghahayag kay Emma sa pulong ng organisasyon ng Relief Society. Binasa rin niya ang 2 Juan 1, na tumutukoy sa “hinirang na babae,” at ipinaliwanag na siya ay “tinawag na Hinirang na babae” dahil siya ay pinili na mamuno.” Sinabi ni Joseph na “ang paghahayag ay natupad sa pamamagitan ng Paghirang kay Sister Emma sa Panguluhan ng Society.”

Ang paghahayag hinggil kay Emma Smith, na natanggap sa magugulong buwan ng tag-init noong 1830, ay naisagawa at natalakay sa mga pulong ng Relief Society sa buong ika-19 na siglo. Halimbawa, sa isang pagdiriwang ng jubilee sa ika-50 anibersaryo ng Relief Society noong 1892 na ginanap sa Salt Lake Tabernacle, “binasa ni Zina Y.W. Card … sa napakalinaw na tinig ang Paghahayag na ibinigay kay Emma Smith, sa pamamagitan ni Joseph ang Tagakita …. kung saan tinawag si Sister Emma na isang Hinirang na Babae.” Ang mga pangkalahatang pangulo ng Relief Society noon ay tinatawag kung minsan na “Hinirang na Babae.” Halimbawa, nang maging pangkalahatang pangulo si Zina D. H. Young ng Relief Society, si Emmeline B. Wells (na kalaunan ay naglingkod mismo bilang pangkalahatang pangulo ng Relief Society) ay sumulat sa kanya, “Binabati kita mahal kong kapatid, sa iyong pagkatawag, upang maging, ayon sa mga salita ni Joseph ang Propeta, ‘Ang Hinirang na Babae.’”

  1. Joseph Smith III, “Last Testimony of Sister Emma,” Saints’ Herald, tomo 26, blg. 19 (Okt. 1, 1879), 289.

  2. Joseph Smith III, “Last Testimony of Sister Emma,” 289–90.

  3. Joseph Smith, “History, 1834–1836,” 9, josephsmithpapers.org.

  4. Joseph Smith, “Letter to William Phelps, 27 November 1832,” sa Joseph Smith Letterbook 1, 6, josephsmithpapers.org.

  5. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 43, josephsmithpapers.org.

  6. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1,” 44, josephsmithpapers.org.

  7. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1,” 45, josephsmithpapers.org.

  8. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1,” 47, josephsmithpapers.org.

  9. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1,” 47, josephsmithpapers.org.

  10. “Some of the Remarks of John S. Reed, Esq., as Delivered before the State Convention,” Times and Seasons, tomo 5, blg. 11 (Hunyo 1, 1844), 551.

  11. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1,” 47, josephsmithpapers.org.

  12. “Revelation, July 1830–A [D&C 24],” sa Revelation Book 1, 32, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 24:1.

  13. “Revelation, July 1830–A [D&C 24],” 32–33, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 24:3, 7, 9.

  14. “Revelation, July 1830–C [D&C 25],” sa Revelation Book 1, 34–35, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 25:3–5, 7, 10.

  15. “Nauvoo Relief Society Minute Book,” 8, josephsmithpapers.org; ang salitang “inordenan” tulad ng paggamit dito ay tumutugma sa pariralang “i-set apart” sa makabagong paggamit.

  16. “Revelation, July 1830–B [D&C 26],” sa Revelation Book 1, 34, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 26:1.

  17. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1,” 51, josephsmithpapers.org.

  18. “Revelation, circa August 1830 [D&C 27],” sa Revelation Book 1, 35, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 27:3.

  19. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1,” 51–52, josephsmithpapers.org. Ipinaliwanag din ng kasaysayan ni Joseph Smith na ang unang bahagi lamang ng paghahayag “ang isinulat sa panahong ito, at ang natira [sa paghahayag] ay noong sumunod na Setyembre.” Ang naunang mga bersiyon ng manuskrito lamang ang naglalaman ng unang bahagi, samantalang ang pinakaunang natirang kopya ng huling bahagi ay matatagpuan sa edisyong 1835 ng Doktrina at mga Tipan.

  20. Tingnan sa Emma Smith, tagatipon, “Collection of Sacred Hymns, 1835,” josephsmithpapers.org.

  21. “Nauvoo Relief Society Minute Book,” 9, josephsmithpapers.org.

  22. Joseph Smith, “Journal, December 1841–December 1842,” 91, josephsmithpapers.org.

  23. “Relief Society Jubilee, Exercises at the Tabernacle,” Woman’s Exponent, tomo 20, blg. 18 (Abr. 1,1892), 140.

  24. Emmeline B. Wells letter to Zina D. H. Young, Abr. 24, 1888, Zina Card Brown Family Collection, Church History Library, Salt Lake City.