Pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan
Sa Loob ng Piitan ng Liberty


“Sa Loob ng Piitan ng Liberty,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Sa Loob ng Piitan ng Liberty,” Konteksto ng mga Paghahayag

Sa Loob ng Piitan ng Liberty

D&T 121, 122, 123

Piitan ng Liberty

Noong ika-1 ng Disyembre 1838, isang Banal sa mga Huling Araw na nagngangalang Caleb Baldwin ang ikinulong sa ibabang bahagi ng Piitan ng Liberty sa Clay County, Missouri, sa kasong “Pagtataksil sa Bansa.” Ang mga kasama niya sa bilangguan ay ang mga miyembro ng Unang Panguluhan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw: sina Joseph Smith, Hyrum Smith, at Sidney Rigdon, gayundin sina Lyman Wight at Alexander McRae. Ang halos apat na buwang pagkakakulong ng anim na bilanggo ay naging huling yugto ng isang malaking kaganapan at kadalasan ay isang masalimuot na kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Missouri.

Sa loob ng piitan ng Liberty, isinulat ni Baldwin ang ilan sa mga pinakamalalim na pagninilay ni Joseph Smith na iniliham sa nagkalat at naghihikahos na mga Banal sa mga Huling Araw—ang mga bahagi nito ay kinilala at tinanggap na banal na kasulatan bilang Doktrina at mga Tipan bahagi 121, 122, at 123. Ang ilan sa mga talatang ito ay naging mga yaman ng banal na kasulatan, na kalimitan ay binabanggit sa mga mensahe ng mga Banal sa mga Huling Araw sa nakalipas na mga taon.

Bagama’t ang kuwento tungkol sa Piitan ng Liberty ay isinalaysay at isinasalaysay muli mula sa pananaw ni Joseph Smith, ang karanasan ng iba pang ikinulong na kalalakihan ay nagbibigay ng karagdagang impormasyon. Si Baldwin, na siyang pinakamatanda sa grupo, ay nahirapan sa pisikal at emosyonal sa pinakaibabang bahagi ng Piitan ng Liberty. Ang mga inspiradong salita na dumating kay Joseph habang idinidikta niya ang kanyang liham ay nagbigay ng kaaliwan at payo kay Baldwin, ang 47 taong gulang na ama na may 10 anak na nananabik makapiling ang kanyang pamilya sa kanyang apat na buwang pagkabilanggo.

Maagang Labanan sa Missouri

Ang makulay na kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Missouri ay nagsimula noong 1831, nang tukuyin sa paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith na ang Jackson County ang lugar ng Sion, ang Bagong Jerusalem (tingnan sa D&T 57:1–3). Pagsapit ng 1833, ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Jackson County ay umabot sa mahigit isang libo—mga isang-katlo ng populasyon ng county—at ang mga pagkakaiba-iba ng relihiyon, pulitika, at kultura ay nagdulot ng hindi maiiwasang tensyon sa pagitan ng mga bago at dating naninirahan doon. Matapos hindi pakinggan ang mga mapayapang kahilingan na ilipat ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang relihiyon at kanilang mga pamilya, isang malaking grupo ng mga organisadong Missourian ang sumalakay sa tahanan ni William W. Phelps, winasak ang palimbagan ng Evening and Morning Star, at binuhusan ng alkitran at balahibo sina Edward Partridge at Charles Allen.

Bagama’t ang mga Banal sa mga Huling Araw ay humingi ng bayad-pinsala sa pamamagitan ng mga nakasulat na petisyon, inorganisa rin nila ang kanilang sarili na parang sa militar upang protektahan ang kanilang mga pamilya kung sakaling magkaroon ng armadong labanan. Kahit nakalipat na ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Caldwell County sa hilagang-kanluran ng Missouri, na eklusibong nilikha ng lehislatura ng estado para lamang sa kanila, ang “mga labanan” ay naganap sa Gallatin, DeWitt, Blue River, Crooked River, at sa Hawn’s Mill na nakilala bilang Missouri—Mormon War [Digmaang Missouri—Mormon].

Noong Oktubre at Nobyembre 1838, ipinakulong ni Heneral Samuel D. Lucas, isang pinuno ng Missouri Militia, ang ilan sa mga kilalang Banal sa mga Huling Araw, kabilang sina Joseph Smith, Hyrum Smith, Sidney Rigdon, Parley P. Pratt, George W. Robinson, at Amasa Lyman. Sina Caleb Baldwin, Lyman Wight, at ang iba pang inakusahan na Banal sa mga Huling Araw ay sumama kay Joseph at sa mga kasamahan nito sa paunang pagdinig sa Richmond, Missouri, kaya umabot sa kabuuang bilang na 64 ang mga isinakdal na Banal sa mga Huling Araw. Sa pagdinig na ito, pinili ni Judge Austin A. King si Baldwin at inalok sa kanya ang kanyang kalayaan kung tatalikuran niya ang kanyang relihiyon at itatakwil si Propetang Joseph—isang alok na tinanggihan ni Baldwin. Ito rin ang inialok sa iba pang mga bilanggo, na lahat ay pawang “sumagot ng katulad ng kay Ginoong Baldwin.”

Sa huli ay nakahanap si Judge King ng sapat na posibleng dahilan upang ikulong ang ilan sa mga lider ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sina Joseph Smith, Hyrum Smith, Sidney Rigdon, Lyman Wight, Alexander McRae, at Caleb Baldwin ay dadalhin sa Piitan ng Liberty sa Clay County, dahil ang mga bilangguan sa mga county na ito kung saan naganap di-umano ang mga krimen ay hindi sapat ang laki para sa napakaraming bilanggo. Noong ika-1 ng Disyembre 1838, pumasok si Joseph Smith sa piitan at “itinaas niya ang kanyang sumbrero, sinabi niya, sa isang malinaw na tinig, ‘Magandang hapon, mga ginoo.’ At sa sumunod na sandali ay hindi na siya nakita. Ang malaki at mabigat na pintuan ay isinara at ang Propeta ay naitago mula sa mga paningin ng mga usiserong tao na sabik na nanonood.”

Piitan ng Liberty

Ang paggugol ng mahigit sa apat na buwan sa maliit na piitan ay talagang isang napakahirap na karanasan. Ang mga batong pader na isang metro ang kapal, kisameng dalawang metro ang taas, at patuloy na panggugulo ng mga guwardiya ang naging dahilan kaya nailarawan ni Joseph at ng kanyang mga kasama ang istruktura bilang “impiyerno na napapalibutan ng mga demonyo.” Ang mga bilanggo ay inilagay sa ibabang bahagi ng piitan, kung saan bumababa ang temperatura, pumupusyaw ang ilaw, umaalingasaw ang mabahong amoy, at tila bumabagal ang oras. Tanging ang “maruming bunton ng mga dayami” ang higaan ng mga bilanggo sa sahig na bato, ngunit kahit ang mga iyon ay nasira rin kalaunan.

Katulad sa sitwasyon ng iba pang mga piitan ng county noong ika-19 na siglo, hindi makain ng mga bilanggo ang pagkain. Inilarawan ni Joseph at ng kanyang mga kasama ang kanilang pagkain araw-araw na “napakasama ng lasa at napakarumi kung kaya’t hindi namin ito makain hanggang sa mapilitan kami dahil sa gutom.” At matapos makain ng mga bilanggo ang pagkaing ito, ang pagkain ay naging sanhi ng kanilang matinding pagsusuka na “halos ikamatay” nila. Naghinala ang ilan sa mga bilanggo na nilagyan ng lason ng mga guwardiya ang kanilang pagkain at tubig o di kaya’y laman ng tao ang ipinapakain sa kanila.

Kumalat ang balita tungkol sa mga bilanggo na mga Banal sa Huling Araw sa Piitan ng Liberty, at “ang lugar ay pinagkaguluhan na parang isang zoo.” Maraming tao ang bumisita sa piitan upang masdan ang mga bilanggo, at ang kanilang mga panunuya at pangungutya ay umalingawngaw sa mga pader na bato. Himutok ni Hyrum Smith, “Madalas kaming titigan ng mga hangal na para bang kami ay mga elepante o kamelyo o baboy-dagat o halimaw na balyena o dambuhalang ahas sa dagat.”

Sa bawat araw ay nanghihina ang mga kalalakihan sa piitan, at ang kirot sa damdamin ay dahan-dahan at patuloy na sumubok sa kanilang pananampalataya. “Ang aming mga kaluluwa ay yumukod at kami ay dumanas ng labis na pagdurusa … at tunay na kailangan naming suungin ang napakaraming problema at pagsubok,” isinulat ni Joseph.

Ang apat na buwang pagkabilanggo sa Piitan ng Liberty ay pisikal na mahirap sa mga bilanggo. Halos hindi makapasok ang sinag ng araw sa pagitan ng dalawang maliit at nahaharangan ng bakal na bintana na masyadong mataas upang madungawan, at ang mahahabang oras sa dilim ay nakapinsala sa mga mata ng mga kalalakihan, ayon sa naalala ng isa sa mga bantay sa piitan kalaunan. Bagama’t pinayagan ang maliit na siga, dahil walang tsimenea na paglalabasan ng usok, lalo pang nairita ang mga mata ng mga bilanggo. Sumakit ang kanilang mga tainga, nanginig ang kanilang mga ugat, at nahimatay pa nga si Hyrum Smith sa isang pagkakataon. Lubos na nanghina ang kalusugan ni Sidney Rigdon, ang pangalawang pinakamatandang miyembro ng grupo kasunod ni Baldwin, kaya, nakahiga sa pahilig na higaan, siya ay nagpetisyon upang mapalaya nang maaga. Ang kanyang mahusay na pananalita at malubhang kalagayan ay naging dahilan upang palayain ng hukom si Rigdon nang mas maaga sa iskedyul.

Marahil ang pinakamasakit sa mga natirang bilanggo ay ang kalagayan ng mga pamilya ng mga Banal sa mga Huling Araw, kabilang na ang mga pamilya nila, na nagkalat, naghihirap, at pinalayas sa buong estado ng Missouri. Si Baldwin at ang kanyang mga kapwa bilanggo ay nakadama ng kalungkutan at pagkahiwalay sa Piitan ng Liberty, ngunit habang ang iba pang mga bilanggo ay regular na nakatitiyak na nasa mabuting kalagayan ang kanilang mga kaibigan at pamilya sa pamamagitan ng mga pagbisita at mga liham, si Baldwin ay nakatanggap lamang ng isang maikling pagbisita mula sa kanyang asawang si Nancy, bago ang Pasko noong 1838, at walang tala ng karagdagang komunikasyon sa kanya o sa kanilang 10 anak sa loob ng sumunod na tatlong buwan.

Tila wala nang pag-asa, dalawang beses na nagtangkang tumakas ang mga bilanggo sa piitan, noong ika-6 ng Pebrero at ika-3 ng Marso 1839, ngunit napigilan ng mga alistong bantay ang kanilang matapang na pagtakas. Pagkaraan ng dalawang linggo, noong ika-15 ng Marso, nagpetisyon ang limang lalaki na palayain sila dahil labag sa batas ang kanilang pagkabilanggo. Ang dalawang pahinang apela ni Baldwin ay nagpatunay ng kanyang desperadong pagnanais na makapiling muli ang kanyang pamilya, na “itinaboy palabas sa Estado mula pa noong siya ay mabilanggo nang walang anumang suporta para sa kanila.” Bukod dito, nalaman ni Baldwin na ang kanyang anak na lalaki, na nagngangalang Caleb, ay “hinampas ng mga taga Missouri gamit ang mga patpat ng hickory na halos ikamatay nito.” Kaya, dahil nakulong “nang walang anumang testigo laban sa kanya,” hiniling ni Baldwin na itigil na ang “walang humpay na pang-aapi” at pawalang-sala siya sa lahat ng mga paratang. Sa kabila ng mga petisyon ng mga bilanggo, sa wari ay may sapat na ebidensya upang sila ay mapanatiling nakakulong.

Pagkaraan ng dalawang araw, noong ika-17 ng Marso, si Samuel Tillery, isa sa mga bantay sa piitan, ay nag-inspeksyon sa ibabang bahagi ng piitan at natagpuan niya ang isang auger handle o pambutas, na pinaniwalaan niya na ginamit ng mga bilanggo upang butasin ang makapal na pader upang makatakas. Inutusan ni Tillery ang 25 lalaki na bumaba upang tapusin ang pagsisiyasat, pagkatapos ay inutusan niya ang kanyang grupo na ikadena si Joseph Smith at ang iba pang mga bilanggo sa sahig. Dahil puno na ng pag-aalala, dalamhati, at hinanakit sa loob ng tatlo’t kalahating buwan, si Baldwin ay tumayo na galit na galit, tumitig sa mata ng bantay sa piitan, at mariing nagwika, “Tillery, kung ilalagay mo sa akin ang mga tanikalang iyan, papatayin kita, patawarin nawa ako ng Diyos!” Sa mga salita ni Hyrum Smith, si Tillery ay “kaagad na kumalma at pumayag na bumisita muli at ayusin ang mga bagay-bagay.” Bagama’t ang galit na pagbabanta ni Baldwin ay pansamantalang nagpahupa sa kaguluhan, ang mga bilanggo ay lalo pang mahigpit na binantayan.

Tatlong araw lamang pagkatapos ng pakikipagtalo kay Samuel Tillery, balisa pa rin si Baldwin at nag-iisip kung muli pa ba niyang makikita ang kanyang pamilya o may mababalitaan pa ba siya mula sa kanyang pamilya. Muling nagsimulang magdikta si Joseph Smith ng isang liham na walang alinlangang nagpasigla sa damdamin ni Baldwin—isang liham na nagdala ng kapanatagan at payo sa milyun-milyong Banal sa mga Huling Araw.

Liham sa mga Banal

Ang karamihan sa mga isinulat ni Alexander McRae sa mga liham ay para sa “simbahan ng mga Banal sa mga huling araw sa Quincy Illinois at sa mga nakakalat sa iba’t ibang dako at partikular para kay Bishop Partridge,” bagama’t tumulong si Baldwin sa pagsulat ng 2 sa 29 na pahina ng liham. Isinulat ng mga mananalaysay na sina Dean Jessee at John Welch na ang mahabang liham ni Joseph Smith ay kahalintulad ng estilo ng liham ni Pablo. Halimbawa, tinawag ni Joseph ang kanyang sarili na “isang bilanggo alang-alang sa Panginoong Jesucristo” at isinulat na “walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos,” pananalita na katulad ng mga isinulat ni Apostol Pablo sa mga taga-Efeso at Roma. Pagkatapos ay idinetalye ni Joseph ang mga pagdurusa ng mga “dukha at labis na napinsala na mga Banal,” kabilang ang mga kaawa-awa at nagdadalamhating pamilya na nagpagala-gala sa pagitan ng Missouri at Illinois, gayundin ang kalunus-lunos na karanasan niya at ng kanyang mga kasama sa Piitan ng Liberty.

Matapos magbigay ng isang nakapanlulumong salaysay tungkol sa mga walang saysay at walang awang ginawa ng ilan sa mga taga-Missouri, binigkas ni Joseph ang mga unang salita ng ngayon ay bahagi 121 ng Doktrina at mga Tipan: “O Diyos, nasaan kayo? At nasaan ang pabilyon na tumatakip sa inyong pinagkukublihang lugar? Hanggang kailan pipigilan ang inyong kamay, at ang inyong mga mata, ay mamasdan mula sa walang hanggang kalangitan ang mga kaapihan ng inyong mga tao at ng inyong mga tagapaglingkod, at marinig ng inyong mga tainga ang kanilang mga iyak? Oo, O Panginoon, hanggang kailan sila magdurusa sa mga kaapihang ito at hindi makatarungang kalupitan, bago ang inyong puso ay lumambot para sa kanila, at ang inyong kalooban ay maantig sa habag para sa kanila?”

Ang pagsamo ni Joseph sa langit ay hindi kaagad nasagot. Patuloy niyang pinagnilayan ang kalupitang ginawa laban sa mga Banal sa mga Huling Araw at napaisip siya kung kailan darating ang kaparusahan sa mga nang-api sa kanya. Sa wakas, pagkatapos magsalaysay ng paghihirap at dalamhati sa pitong pahina, isang nakapapanatag na katiyakan ang dumating kay Propetang Joseph: “Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang. At muli, kung Ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas; Ikaw ay magtatagumpay sa lahat ng iyong mga kaaway.” Tiniyak din ng Panginoon kay Joseph na “kung ang pinakapanga ng impiyerno ay ibubuka nang malaki ang bibig sa iyo, alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti. Ang anak ng tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat. Ikaw ba’y nakahihigit sa kanya?”

Ang mga nakapapanatag na salitang ito ay nagdulot ng pagtitiwala kay Joseph. Sinabi niya na ang Diyos ay “magkakaroon ng subok na mga tao” at ang mga karanasan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Missouri ay “isang pagsubok ng ating pananampalataya na katumbas ng kay Abraham.” Sapagkat si Abraham ay naligtas mula sa pagsasakripisyo sa kanyang anak na si Isaac, gayundin ang mga Banal sa mga Huling Araw ay maliligtas sa kanilang mga pagsubok kung sila ay mananatiling tapat.

Pagkatapos ay nagbigay si Joseph ng mga tagubilin sa ilang karagdagang mga bagay. Una, itinuro niya kung paano magsagawa ng mga nalalapit na kumperensya at council meeting, na nagbigay ng pag-asa sa kanyang mga kasama sa bilangguan na malapit na silang makipagpulong muli sa mga Banal. Ang isa pang bagay na dapat gawin ay ang pagbili ng lupain sa Teritoryo ng Iowa. Naniwala si Joseph na ang lupain ay dapat na “maging kapaki-pakinabang sa simbahan” at pinayuhan niya si Edward Partridge at ang iba pa kung paano gawing maayos ang pakipagtransaksyon, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng paggawa nito ng walang bahid ng kasakiman o pagpapasasa sa sarili. Pinayuhan din niya ang mga lider ng Simbahan na alalahanin ang mga nangangailangan at “batahin ang kahinaan ng mahihina.”

Pagkatapos ang liham ay nag-iba ng paksa kung bakit marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili, mga salitang ginamit ni Jesus sa Bagong Tipan (tingnan sa Mateo 22:14). Nagdalamhati si Joseph na natutuhan niya at ng mga Banal sa mga Huling Araw sa “pamamagitan ng malungkot na karanasan” ang mapangwasak na kapangyarihan ng kapalaluan. Maaaring inalala ni Joseph ang ilan sa kanyang malalapit na kaibigan, tulad nina William W. Phelps at Frederick G. Williams, na kamakailan ay tumalikod. (Sila ay parehong bumalik sa ganap na pakikipagkapatiran sa Simbahan.) Ipinaliwanag ni Joseph ang mga katangian na dapat hangaring makamit ng mga maytaglay ng priesthood at ng lahat ng Banal sa mga Huling Araw kung umaasa silang magkaroon ng impluwensya sa iba: kahinahunan, kaamuan, paghihikayat, mahabang pagtitiis, kabaitan, pag-ibig sa Diyos, kabutihan, at pagmamahal.

Nang malapit nang matapos ang liham, bumalik si Joseph sa mga pang-uusig na dinanas ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Missouri. Naniniwala si Joseph na ang Konstitusyon ng Estados Unidos ay “isang dakilang pamantayan” na tumitiyak sa kalayaan ng pagsamba, at kanyang hiniling sa mga Banal na lumagda ng mga sinumpaang pahayag na nagdedetalye ng kanilang mga hinaing at kaapihan. Nang walang garantiya na may kasagutang matatanggap, determinado si Joseph at ang mga Banal na “iharap [ang kanilang mga sinumpaang pahayag] sa mga pinuno ng pamahalaan,” na sinusunod ang utos na ibinigay ng Panginoon.

Ang mahabang liham ni Joseph Smith ay nagkaroon ng pangmatagalang epekto. Hindi lamang nito pinayuhan ang kawawang si Baldwin sa bilangguan at ang mga Banal na dumaranas ng kaguluhan sa Missouri ngunit ito ay patuloy na paulit-ulit na inilathala sa loob ng maraming taon sa Times and Seasons, Millennial Star, at Deseret News. Kalaunan, ang mga sinipi ay kinilala at tinanggap na banal na kasulatan bilang Doktrina at mga Tipan, mga bahagi 121, 122, at 123, at ang mga talatang iyon ay patuloy na nagbibigay ng kapanatgan at payo sa sinumang naghahanap ng kahulugan sa mga banal na kasulatan.

Nagawa ng mga kasama sa bilangguan kalaunan na “makatakas” sa mga awtoridad habang inihahatid sa isang pagdinig sa Boone County, Missouri, noong Abril 1839. Nagbulag-bulagan ang mga bantay at hinayaan nilang makatakas ang mga bilanggo mula sa kanilang kustodiya matapos silang mailayo sa mga kaaway ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Clay County. Nahiwalay si Baldwin kay Joseph at sa iba pa sa ilang pagkakataon pagkatapos ng kanilang pagtakas, ngunit ang lahat ng mga bilanggo ay nakarating kalaunan sa Illinois, at sa wakas ay muling nakasama ang kanilang pamilya, mga kaibigan, at iba pang mga Banal sa mga Huling Araw na nakatakas.

  1. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume C-1 [2 November 1838–31 July 1842],” 858, josephsmithpapers.org.

  2. Orson F. Whitney, “An Ensign for the Nations: Sketch of the Rise and Progress of Mormonism,” Latter-day Saints’ Millennial Star, tomo 61, blg. 28 (Hulyo 13, 1899), 434–35.

  3. Tingnan sa Alexander L. Baugh, “The Final Episode of Mormonism in Missouri in the 1830s: The Incarceration of the Mormon Prisoners at Richmond and Columbia Jails, 1838–1839,” John Whitmer Historical Association Journal, tomo 28 (2008), 1–34.

  4. Clark V. Johnson, pat., “Mormon Redress Petitions: Documents of the 1833–1838 Missouri Conflict” (Provo, Utah: Religious Studies Center, Brigham Young University, 1992), 685–86.

  5. Lyman Omer Littlefield, Reminiscences of Latter-day Saints: Giving an Account of Much Individual Suffering Endured for Religious Conscience (Logan: Utah Journal Company Printers, 1888), 79–80.

  6. Dean C. Jessee, “‘Walls, Gates and Screeking Iron Doors’: The Prison Experience of Mormon Leaders in Missouri, 1838–1839,” sa Davis Bitton and Maureen Ursenbach Beecher, New Views of Mormon History: A Collection of Essays in Honor of Leonard J. Arrington (Salt Lake City: University of Utah Press, 1987), 25.

  7. Jessee, “Walls, Gates, and Screeking Iron Doors,” 25.

  8. Jessee, “Walls, Gates, and Screeking Iron Doors,” 27.

  9. Jessee, “Walls, Gates, and Screeking Iron Doors,” 27.

  10. Joseph Smith Jr., “Communications,” Times and Seasons, tomo 1, blg. 6 (Abr. 1840), 85.

  11. Richard S. Van Wagoner, Sidney Rigdon: A Portrait of Religious Excess (Salt Lake City: Signature Books, 1994), 254–55.

  12. Tingnan sa Mary Audentia Smith Anderson, pat., Joseph Smith III and the Restoration (Independence, Missouri: Herald House, 1952), 13–14.

  13. Caleb Baldwin petition, Liberty, Missouri, Mar. 15, 1839, Church History Library, Salt Lake City.

  14. “John Gribble, Paragoonah, 1864 July 7,” Church History Library, Salt Lake City.

  15. Petisyon ni Caleb Baldwin.

  16. Tingnan sa Jeffrey N. Walker, “Habeas Corpus in Early Nineteenth-Century Mormonism: Joseph Smith’s Legal Bulwark for Personal Freedom,” BYU Studies, tomo 52, blg. 1 (2013), 27.

  17. Obituary of Caleb Baldwin, sa Journal History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Hunyo 11, 1849, Church History Library, Salt Lake City; tingnan din sa Elden J. Watson, pat., Manuscript History of Brigham Young, 1847–1850 (Salt Lake City: J. Watson, 1971), 211.

  18. Jessee, “Walls, Gates, and Screeking Iron Doors,” 31.

  19. “Letter to the Church and Edward Partridge, 20 March 1839–A,” 1–2, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Dean C. Jessee at John W. Welch, “Revelations in Context: Joseph Smith’s Letter from Liberty Jail, March 20, 1839,” BYU Studies, tomo 39, blg. 3 (2000), 126; Efeso 3:1 at Roma 8:35.

  20. “Letter to the Church and Edward Partridge,” 7; tingnan din sa Jessee at Welch, “Revelations in Context,” 135.

  21. “Letter to the Church and Edward Partridge,” 3–4, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 121:1–3.

  22. “Letter to the Church and Edward Partridge,” 4, 8; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 121:7–8.

  23. “Letter to the Church and Edward Partridge,” 10; tingnan din sa Jessee at Welch, “Revelations in Context,” 136.

  24. “Letter to the Church and Edward Partridge,” 1, 2; tingnan din sa Jessee at Welch, “Revelations in Context,” 140.

  25. Doktrina at mga Tipan 121:39, 41–46.

  26. “Letter to the Church and Edward Partridge, 20 March 1839–B,” 8, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 123:1–6; Jessee at Welch, “Revelations in Context,” 130.

  27. Jessee at Welch, “Revelations in Context,” 144.

  28. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagtakas mula sa Piitan ng Liberty, tingnan sa Alexander L. Baugh, “‘We Took Our Change of Venue to the State of Illinois’: The Gallatin Hearing and the Escape of Joseph Smith and the Mormon Prisoners from Missouri, April 1839,” Mormon Historical Studies, tomo 2, blg. 1 (Tagsibol 2001), 59–82.