“Isang Paaralan at Endowment,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Isang Paaralan at Endowment,” Konteksto ng mga Paghahayag
Isang Paaralan at Endowment
Noong tagsibol ng 1834, sa isang pulong ng lahat ng maytaglay ng priesthood sa Kirtland, Ohio, ibinahagi ni Joseph Smith ang pangitain niya tungkol sa tadhana ng Simbahan. Ito ay higit pa sa maaaring maisip ng sinumang naroon; sabi niya, “Ang nalalaman ninyo hinggil sa tadhana ng Simbahang ito ay katulad lamang ng nalalaman ng isang sanggol na nasa kandungan ng kanyang ina.” Pagkatapos ay nagpropesiya siya: “Kakaunti lang ang nakikita ninyong Pagkasaserdote ngayong gabi, subalit pupunuin ng Simbahang ito ang Hilaga at Timog Amerika—pupunuin nito ang daigdig.”
Para sa kalalakihan na naroon sa silid, napakasayang isipin ito ngunit napakahirap. Marami na silang naisakatuparan sa misyon, nagbinyag ng mga miyembro ng Simbahan sa mga lugar sa Estados Unidos at Canada. Gayunman, sa pag-iisip na dalhin ang ebanghelyo sa buong mundo, tiyak na nadama nila ang sarili nilang mga limitasyon. Ano ang kailangang gawin para maipalaganap ng iilang miyembro ng Simbahan ang pananampalataya sa buong mundo? Paano makatutulong ang mga elder ng Simbahan sa pagsasakatuparan ng layunin ng Panginoon?
Isang Pangako na Banal na Tulong
Sa Bagong Tipan, ipinangako ni Jesus sa Kanyang mga Apostol ang tulong mula sa langit nang humayo sila upang “ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha.” Iniutos Niya sa kanila na “manatili … sa lunsod [ng Jerusalem], hanggang sa mabihisan kayo ng kapangyarihang galing sa itaas.” Ipinangako rin ng Panginoon sa mga Banal noong 1831 na matapos magtipon sa Ohio, sila ay “pag[ka]kalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan” at pagkatapos ay isusugo upang ipalaganap ang mensahe ng ebanghelyo. Pagkaraan ng ilang taon, naunawaan na ang endowment na ito ay isang partikular na grupo ng mga seremonya na isinagawa sa Templo ng Nauvoo at sa mga templong itinayo kalaunan, ngunit noong dekada ng 1830, naunawaan ito bilang isang espirituwal na pagbuhos na katulad ng nangyari sa araw ng Pentecostes, isang literal na endowment o pagkakaloob ng mahimalang kapangyarihan sa mga taong humayo upang ipalaganap ang ebanghelyo.
Sa isang paghahayag na natanggap noong huling bahagi ng Disyembre 1832 at sa mga unang araw ng Enero 1833, ngayon ay Doktrina at mga Tipan 88, ipinaliwanag ng Panginoon ang dapat gawin ng mga elder upang “maging handa sa lahat ng bagay kapag kayo ay muli kong isusugo” upang magpatotoo at magbabala sa mga tao sa mundo. Iniutos ng paghahayag sa mga miyembro ng Simbahan na iorganisa ang kanilang sarili at “turuan ang bawat isa” at magtayo ng isang “bahay ng Diyos.” Inulit ang utos ni Jesus sa Bagong Tipan, sinabi ng paghahayag sa mga elder na “manatili” sa Kirtland, kung saan sila tuturuan at bibigyan ng lakas sa paaralan, “upang [sila] ay magawang ganap sa [kanilang] ministeryo na humayo sa mga Gentil sa huling pagkakataon.”
Pagkatuto sa Paaralan ng mga Propeta
Bilang pagsunod sa paghahayag, ang mga Banal ay nagsimulang gumawa upang “magtayo ng isang paaralan para sa mga Propeta” sa Kirtland. Ang konsepto ng isang paaralan ng mga propeta ay hindi na bago sa mga Banal sa mga Huling Araw. Noong ika-17 at ika-18 siglo, ang Harvard at Yale ay mga seminaryo para sa pagsasanay ng mga pari, at parehong tinukoy ang mga ito kung minsan bilang mga paaralan ng mga propeta. Kalaunan, ang mga reform movement o kilusan para sa pagbabago na nauugnay sa Second Great Awakening—isang malawakang pagkilos para sa pagbabagong panrelihiyon sa Estados Unidos noong unang bahagi ng ika-19 na siglo—ay nagtayo ng mga pribadong ministeryal na paaralan sa ilalim ng gayon ding pangalan.
Ang mga naunang Banal sa mga Huling Araw ay walang resources o educational backround tungkol sa halos lahat ng nagtatag ng paaralan, ngunit sumulong sila nang may pananampalataya. Dahil wala pang bahay ng Panginoon na pagtitipunan, ang Paaralan ng mga Propeta ay opisyal na itinatag noong ika-22 at ika-23 ng Enero 1833, sa isang maliit na silid sa itaas ng tindahan ni Newel K. Whitney sa Kirtland. Bagama’t kapwa dumalo ang kalalakihan at kababaihan sa pulong noong ika-22 ng Enero, ang paaralan mismo ay nakalaan para sa kalalakihan na inorden sa priesthood. Ang mga dumalo sa unang pulong ay tumanggap ng “banal na pagpapamalas ng Banal na Espiritu,” kabilang na ang pagsasalita ng mga wika.
Hindi tulad ng isang tradisyunal na paaralan, na mayroong mga semester at nakatakdang iskedyul sa isang partikular na lugar, ang Paaralan ng mga Propeta ay hindi regular na nagpupulong at paiba-iba ng lugar. Sa mga komunidad na pagsasaka ang ikinabubuhay tulad sa Kirtland, ang mga buwan ng taglamig ay nagbigay ng mas maraming oras sa gayong mga gawain tulad ng pagpasok sa paaralan. Ang unang sesyon ay tumagal nang mga tatlong buwan at nagsara sa buwan ng Abril. Ang mga sumunod na sesyon, tinawag sa iba-ibang pangalan, ang “paaralan ng mga propeta,” ang “paaralan ng aking mga apostol,” at “paaralan ng mga Elder,” ay idinaos noong tag-init na iyon sa Missouri at muli sa Kirtland noong taglagas ng 1834 at taglamig ng 1835–36 sa opisina ng palimbagan ng Simbahan o sa attic ng hindi tapos na Templo ng Kirtland.
Ang paghahayag noong Disyembre 1832 ay nagbigay ng mga partikular na tagubilin para sa kurso ng pag-aaral sa paaralan, na kinabibilangan kapwa ng mga paksa tungkol sa relihiyon at sekular. Ang mga estudyante ay magiging mahusay sa “teoriya, alituntunin, doktrina, at batas ng ebanghelyo,” at dapat din nilang matutuhan ang tungkol sa mundo mismo—kung ano ang nasa ibabaw nito, sa loob nito, at sa ilalim nito. Dapat nilang matutuhan ang kasaysayan at ang kasalukuyang mga kaganapan o pangyayari, na may pananaw sa hinaharap sa pamamagitan ng paghahayag ng propeta. Dapat nilang matutuhan ang tungkol sa ibang mga bansa. Ang Paaralan ng mga Propeta ay dapat turuan kapwa ng guro na opisyal na itinalaga at ng mga nakibahagi mismo na natututo sa isa’t isa, at ang bawat isa ay magsasalita upang “ang lahat ay mapasigla ng lahat.”
Isang paghahayag noong ika-8 ng Marso 1833, ngayon ay Doktrina at mga Tipan 90, ang nagbigay sa bagong hinirang na Unang Panguluhan ng Simbahan ng “mga susi” upang pangasiwaan ang Paaralan ng mga Propeta, at malinaw na si Joseph Smith ang namuno sa mga espirituwal na paksa, katuwang si Sidney Rigdon. Ang Paaralan ng mga Propeta ang lugar kung saan ibinigay ang pitong lektura sa teolohiya na kilala ngayon bilang Lectures on Faith. Ang mga lekturang ito ay kasama sa unang mga edisyon ng Doktrina at mga Tipan. Ang mga ito ang unang bahagi ng aklat, itinalagang “Doktrina,” samantalang ang pangalawang bahagi ay ang “Mga Tipan,” o mga paghahayag. Ang Lectures on Faith ay nanatiling mahalagang kontribusyon sa teolohiya sa unang bahagi ng dekada ng 1830.
Ang pag-aaral ng wika ay malaking bahagi ng mas tradisyonal na pag-aaral, simula sa gramatikang Ingles. Kadalasan, ang mga elder na dumadalo ay hindi gaanong nakapag-aral at masasabing tulad ni Joseph Smith na dahil mga anak ng maralitang mga magulang, sila ay “tinuruan lamang ng pagbasa at pagsulat at ng mga pangunahing tuntunin sa Aritmetika.” Bagama’t naulila si Orson Hyde noong bata pa siya at nakatanggap ng kaunting pormal na edukasyon, siya ay may kaloob na matuto at hinirang na guro. Sa ilang pangyayari, sa pag-uwi ni Joseph Smith sa gabi, tinitipon niya ang kanyang pamilya upang ituro sa kanila ang mismong mga aralin sa gramatika na natutuhan niya sa mismong araw na iyon sa Paaralan ng mga Propeta. Isang kurso sa Hebreo, na itinuro ng isang propesor na Judio mula sa isang kalapit na kolehiyo, ang ibinigay noong 1836 at dinaluhan ng maraming estudyante ng Paaralan ng mga Propeta.
Pagiging Malinis at Nagkakaisa
Ang Paaralan ng mga Propeta ay nagtulot sa mga naunang Banal na magsikap na makapag-aral nang higit kaysa noon. Ngunit ito rin ay may mga layunin na higit pa sa pag-aaral lamang ng mga katotohanan at konsepto. Ang unang henerasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw ay lumaki sa isang kultura kung saan mataas ang pagpapahalaga sa personal na reputasyon at normal lang at hinikayat pa nga ang mabalasik na pagkilos sa mga pang-iinsulto. Ang inihayag na kaayusan ng Paaralan ng mga Propeta ay para tulungan, na bahagi ng layunin nito, ang mga miyembro na madaig ang mga kahinaang ito ng kanilang kultura. Binigyang-diin ng mga gawaing pangseremonya ang pangangailangang maging malinis at nagkakaisa.
Upang maging “malinis mula sa dugo ng salinlahing ito” at ihiwalay ang kanilang sarili mula sa sanlibutan, ang mga elder ay nakibahagi sa seremonya ng paghuhugas. Matapos hugasan ng bawat elder ang sarili niyang mukha, mga kamay, at paa, hinugasan ni Joseph Smith ang mga paa ng bawat isa, na sinusunod ang halimbawang ipinakita ni Jesus sa Juan 13:4–17 at ang mga tagubilin sa Doktrina at mga Tipan 88:138–41. Hinugasan ni Joseph ang mga paa ng bawat bagong miyembro ng paaralan at inulit ang seremonya sa iba pang mga pulong ng Paaralan ng mga Propeta. Kalaunan, ang mga paghuhugas at pagpapahid ng langis, kabilang na ang paghuhugas ng paa, ay naging bahagi ng paghahanda para sa kapita-pitagang kapulungan na ginanap sa bagong inilaang Templo ng Kirtland, at ang mga paghuhugas na ito ay isang napakahalagang bahagi ng kapita-pitagang kapulungan.
Ang mas karaniwang alalahanin sa kalinisan ay may papel ding ginampanan sa Paaralan ng mga Propeta. Naalala ng isang dumalo na bago ang bawat araw sa paaralan, “hinuhugasan namin ang aming sarili at nagsusuot ng malinis na damit.” At ang mga hinaing ni Emma Smith tungkol sa duming dulot ng pagnguya ng tabako ng mga miyembro ng paaralan ay humantong sa paghahayag na kilala bilang Word of Wisdom.
Bukod sa sumasagisag ito ng paglilinis, ang paghuhugas ng mga paa ay nilayon ding tumulong na pagkaisahin ang mga elder. Paulit-ulit silang hinikayat ng mga paghahayag na “[mahalin] ang bawat isa;” at “tumigil sa paghanap ng mali sa bawat isa,” nagbabala na, “Kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin.” Itinuro ni Joseph Smith na ang pagkakaisa ay kinakailangan bago ma-endow at bahagi ng kahulugan ng Sion. Ang pagkakaisa ng mga lider ng Simbahan sa Ohio at Missouri ay isang bagay na patuloy na pinagsisikapan ni Joseph Smith, at itinuro niya na bukod pa sa espirituwal na paglilinis, ang paghugas ng mga paa ay “nilayong pagkaisahin ang ating mga puso, upang tayo ay maging isa sa damdamin at pag-iisip.”
Ang itinakdang pagbati kapag pumasok sa paaralan ay nilayon ding magpatibay ng pagkakaisa, kahit sa isang kulturang may pagtatalu-talo. Ang pangulo o guro ay dapat pumasok muna at batiin ang bawat isa sa dumalo sa pamamagitan ng pagtaas ng kanyang mga kamay sa langit at pagsasabing, “Ikaw ba ay isang kapatid? Binabati kita sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, bilang patunay o pag-alaala ng walang hanggang tipan, na kung aling tipan ay tinatanggap kita upang makipagkapatiran, sa isang determinasyong matibay, hindi matitinag, at hindi mababago, upang iyong maging kaibigan at kapatid sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos sa mga bigkis ng pagmamahal, upang lumakad sa lahat ng kautusan ng Diyos nang walang kasalanan, sa pagbibigay-pasalamat, magpakailanman at walang katapusan. Amen.” Ang estudyanteng naghahangad na pumasok sa paaralan ay uulitin muli ang tipan o sasagot lang ng, “Amen.”
Ang mga nakikibahagi sa Paaralan ng mga Propeta ay sama-sama ring tumatanggap ng sakramento—ngunit marahil sa mga bahagi mas nahahalintulad sa Huling Hapunan kaysa sa piraso ng tinapay at tubig na iniinom ng mga Banal sa mga Huling Araw sa panahong ito. Paggunita ni Zebedee Coltrin, “Ang mainit na tinapay na madaling pagpira-pirasuhin ay inilaan at nahati sa mga piraso na kasinglaki ng aking kamao at bawat tao ay may isang baso ng alak at naupo at kinain ang tinapay at ininom ang alak.”
Pagsisikap na Matamo ang mga Pangako
Sa kabila ng mga ordenansang ito na nagtataguyod ng pagkakaisa, naging mailap ang pagkakaisa. Natapos ang unang sesyon noong Abril 1833 sa panahong tinawag ang ilan na magmisyon, at nilinaw sa isang paghahayag noong Hunyo (Doktrina at mga Tipan 95) na ang termino ay natapos nang may pagtatalu-talo: “Nagkaroon ng mga pagtatalo sa paaralan ng mga propeta,” wika ng Panginoon, “na napakasakit para sa akin.” Sa paghahayag ding iyon, pinagsabihan ang mga Banal dahil hindi pa nila nasisimulan ang pagtatayo ng bahay ng Panginoon at inulit na ito ang lugar para sa “paaralan ng aking mga apostol.” Ipinangako ng paghahayag na ito na ang matagal nang inaasam na “dakilang kaloob” ay darating sa “kapita-pitagang kapulungan” sa loob ng mga pader ng bagong templo.
Simula noong 1834, ang mga lider ng Simbahan mula sa Missouri at Ohio ay nagtipon sa Kirtland upang pumasok sa paaralan at kung hindi naman ay maghanda para sa kapita-pitagang kapulungan kung saan sila ay tatanggap ng dakilang kaloob. Gayunman, ang dalawang pangkat ng mga lider ay hindi na nagkakasundo noon pa man, at karaniwan na ang hindi pagkakaroon ng pagkakaisa sa panahong iyon. Sa panahon ding ito, nagpadala si Orson Hyde ng isang mapanuyang liham kay Joseph Smith tungkol sa pakikipagtalo sa isa pang Apostol, ang kapatid ni Joseph na si William Smith. Tumanggi si Hyde na pumasok sa paaralan hangga’t hindi naaayos ang bagay na iyon. Bagama’t hindi nagtagal ay nalutas ang mga alalahanin ni Hyde, ang iba pang mga pagtatalo ay patuloy na bumagabag sa grupo. “Ginagamit ng kaaway ang lahat ng kanyang katusuhan,” sabi ni Joseph Smith, “upang mahadlangan ang mga Banal na mabigyan ng kaloob sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pagkakahati-hati sa 12, gayon din sa 70, at mga pagtatalo at inggit sa mga Elder.”
Sa kabutihang-palad, nangyari ang matagal nang inaasam na pagkakasundo at pagkakaisa sa Simbahan noong taglamig ng 1835–36. Naayos ni Joseph Smith at ng kanyang kapatid na si William ang nasirang samahan, isa na rito ang pag-aaway na may paminsan-minsang pagsusuntukan. Isang malaking pagtatalo sa pagitan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa ang nagwakas sa nakaaantig na pakikipagkasundo at pakikipagtipan na tulad sa pagbati sa Paaralan ng mga Propeta. Hinggil sa isang pulong ng Simbahan na idinaos pagkatapos niyon kung saan nagsalita ang mga bagong nagkakaisang lider ng Simbahan, nakasaad sa journal ni Joseph Smith, “Ibinuhos ng Panginoon ang kanyang espiritu sa amin, at nagsimulang aminin ng mga kapatid ang kanilang mga pagkakamali sa isa’t isa at ang kongregasyon ay kagyat na napaluha nang lubos at hindi namin maipahayag ang ilan sa nadarama namin, ang kaloob na mga wika, ay napasaamin tulad ng paghagibis ng malakas na hangin, at ang aking kaluluwa ay napuspos ng kaluwalhatian ng Diyos.” Sa gayong pagkakaisa, at sa gayong pagpapakita ng pagsang-ayon ng Diyos, inihahanda na nila ang kanilang sarili na tumanggap ng kaloob.
Espirituwal na Pagbuhos
Ang mahimalang espirituwal na pagpapakita ay naganap sa iba’t ibang panahon sa Paaralan ng mga Propeta habang ang mga elder ay nagsisikap na isakatuparan ang layunin ng Diyos para sa kanila at maghanda para sa endowment. Sinabi ni Joseph Smith na ang gayong mga pagpapakita ay “pasimula ng mga kagalakang ibubuhos ng Diyos” sa kapita-pitagang kapulungan.
Nang sa wakas ay handa na ang Templo ng Kirtland para sa paglalaan noong Marso 1836, humingi Joseph Smith ng patnubay sa paghahanda ng panalangin para sa napakahalagang okasyon. Ang panalangin, na ibinigay sa pamamagitan ng paghahayag at ngayon ay nakalathala bilang Doktrina at mga Tipan 109, ay nagsaad ng tungkol sa marami sa mga tema na tinalakay sa Paaralan ng mga Propeta sa matagal na paghahanda para sa pagkakaloob ng kapangyarihan. Nakasaad dito ang tungkol sa pagkatuto, espirituwal na kalinisan, organisasyon at pagkakaisa, at ang tungkol sa gawaing misyonero.
Sa matagal nang inasam na kapita-pitagang kapulungan sa templo, maraming tao ang nakaranas ng matitinding espirituwal na karanasan na pinagtibay nila bilang pagkakaloob ng kapangyarihan. Isinulat ni Joseph Smith, “Ang Tagapagligtas ay nagpakita sa ilan, samantalang ang mga anghel ay nagministeryo sa iba, at ito ay isang pentecostes at talagang kaloob, na hindi malilimutan dahil ang tunog ay hahayo mula sa lugar na ito patungo sa buong daigdig, at ang mga pangyayari sa panahong ito ay ipapasa-pasa sa mga pahina ng sagradong na kasaysayan sa lahat ng salinlahi, tulad ng araw ng Pentecostes.” Karagdagang mga pagpapakita at pangitain ang kasama sa paglalaan ng Templo ng Kirtland noong linggo ring iyon.
Noong Linggo, ika-3 ng Abril 1836, habang nagdarasal sina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa mga pulpito ng templo, dinalaw sila ni Jesucristo at ng maraming sugong anghel. Ipinahayag ni Cristo na malinis sila, tinanggap ang bahay na itinayo nila para sa Kanya, at pinagtibay ang “endowment kung saan ang aking mga tagapaglingkod ay pinagkalooban sa bahay na ito.” Hindi nagtagal pagkatapos nito, natanggap nila mula kay Moises mismo “ang mga susi ng pagtitipon sa Israel mula sa apat na sulok ng Mundo,” natanggap din nila ang iba pang mga susi mula sa sinaunang mga propeta.” Sa kanilang pananaw, natupad na ang mga pangako at hindi na kailangan pang manatili ang mga elder sa Kirtland.
Sa Lahat ng Bansa
Sa mga sumunod na buwan, nilisan ng mga misyonero ang Kirtland upang ipangaral ang ebanghelyo. Noong 1837, sina Orson Hyde at Heber C. Kimball ay nagtungo sa England. Ang misyong ito at ang kasunod na mga misyon sa British Isles ay nagdala ng libu-libong tao sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at binago ang patutunguhan ng kasaysayan nito. Noong 1844, ibinahagi ni Joseph Smith, “Ang mga misyonero ng simbahang ito ay nagtungo sa East Indies, sa Australia, Germany, Constantinople, Egypt, Palestine, ang Islands of the Pacific, at ngayon ay naghahandang magbukas ng pinto sa malawak na lugar na sakop ng Russia.” Ang mga gawaing ito ng mga misyonero, isinagawa halos ng mga yaong nag-aral sa Paaralan ng mga Propeta at pinagkalooban ng kapangyarihan sa Kirtland Temple, ay tanda ng pagsisimula ng paglaganap ng ipinanumbalik na ebanghelyo na pupuno sa buong mundo.