“Ang Aklat ni John Whitmer,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Ang Aklat ni John Whitmer,” Konteksto ng mga Paghahayag
Ang Aklat ni John Whitmer
Si John Whitmer ay ipinanganak sa Pennsylvania noong 1802. Ang kanyang pamilya ay lumipat kalaunan sa New York, at sa huli ay nanirahang “kasama ng iba pang mga pamilyang Aleman malapit sa Fayette,” isang bayan na may maliit na populasyon na mga 30 milya sa timog-silangan ng Palmyra. Dahil sa kaibigan ng kanyang pamilya si Oliver Cowdery, nalaman ni John Whitmer ang tungkol kay Joseph Smith at ang patuloy na pagsasalin nito ng isang sinaunang talaan ng mga banal na kasulatan, ang Aklat ni Mormon.
Ang mga Whitmer ay naging lubos na interesado sa gawain ni Joseph, at napagkasunduan noong Hunyo 1829 na manirahan ang batang propeta at ang kanyang tagasulat na si Oliver Cowdery sa tahanan ng mga Whitmer habang tinatapos nila ang pagsasalin. Ang kapatid ni John na si David ay naglakbay patungo sa Harmony, Pennsylvania, upang tumulong sa paghatid kina Joseph at Oliver sa tahanan ng mga Whitmer sa Fayette, New York. Ibinoluntaryo din ni David “ang pagtulong ng isa sa kanyang mga kapatid,” si John, bilang tagasulat. Tinanggap ito ni Joseph at tumira siya sa mga Whitmer “hanggang sa matapos ang pagsasalin.” Tulad ng ipinangako, si John ay nakatulong “nang lubos sa pagsulat sa nalalabing bahagi ng pagsasalin.”
Hindi nagtagal pagkarating ni Joseph sa Fayette, ang 26 na taong gulang na si John Whitmer ay bininyagan sa Seneca Lake. Siya ay naging isa sa Walong Saksi, na nakita ang mga lamina ng Aklat ni Mormon, at inihayag niya kalaunan, “Nahawakan ko ang mga laminang iyon, may napakainam na mga ukit sa magkabilang panig ng mga lamina.”
Noong itatag ang Simbahan sa tahanan ng mga Whitmer noong ika-6 ng Abril 1830, iniutos ng Panginoon kay Joseph Smith, “May Talaang iingatan sa inyo.” Upang masunod ang utos na ito, si Oliver Cowdery ay hinirang na unang mananalaysay ng Simbahan.
Ang mga paghahayag ni Joseph ay mahalagang bahagi ng makasaysayang talaan. Isinulat ni John Whitmer na sa unang mga araw ng Simbahan, “pinagpala nang lubos ng Panginoon ang kanyang mga disipulo, at nagbigay siya ng maraming Paghahayag, na naglalaman ng doktrina, mga tagubilin, at mga propesiya.” Noong Hulyo 1830, ang Propeta ay “nagsimula sa pagsasaayos at pagkopya ng mga paghahayag na natanggap na niya,” kasama si Whitmer bilang tagasulat.
Si John Whitmer bilang Mananalaysay at Tagapagtala
Noong taglagas ng 1830, nagsimulang magmisyon si Oliver Cowdery sa mga Lamanita. Bilang kahalili niya, hinirang si John Whitmer “ng tinig ng mga Elder na mag-ingat ng talaan ng Simbahan,” isinulat ni Whitmer. “Sinabi sa akin ni Joseph Smith Jr. na dapat din akong magsulat at mag-ingat ng kasaysayan ng Simbahan.”
Madali para kay Whitmer ang pagsusulat ng mga paghahayag na natanggap ni Joseph Smith ngunit atubiling tanggapin ang hindi pamilyar na tungkulin ng isang mananalaysay. Sinabi niya kay Joseph, “Mas gugustuhin kong hindi ito gawin,” ngunit papayag siya na tanggapin ang tungkulin kung kalooban ito ng Panginoon—kung saan, sinabi pa ni Whitmer, “Ninanais ko na ipabatid niya ito sa pamamagitan ni Joseph ang Tagakita.”
Sa paghahayag na ibinigay hinggil dito (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 47), may petsang ika-8 ng Marso 1831, pinagtibay ng Panginoon ang dalawang tungkulin ni Whitmer na “magsulat & mag-ingat ng isang maayos na kasaysayan, & tumulong sa aking tagapaglingkod na Joseph, sa pagtatala ng lahat ng bagay na ibibigay sa kanya.” Bilang tugon sa pag-aalinlangan ni Whitmer tungkol sa kanyang mga kasanayan sa pagsulat, ipinangako ng Panginoon, “Ibibigay sa kanya ng Mang-aaliw na isulat ang mga bagay na ito.” Makalipas ang tatlong buwan, sinimulan ni Whitmer ang kanyang kasaysayan, “The Book of John Whitmer.”
Ilang buwan pagkaraan niyon, kumilos ang mga lider ng Simbahan upang mailathala ang mga paghahayag ni Joseph Smith, isang himnaryo, isang pahayagan ng Simbahan, at iba pang mga gawain. Sa paghahayag noong Nobyembre 1831 (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 69), iniutos kina Oliver Cowdery at John Whitmer na dalhin ang manuskrito ng mga paghahayag sa Independence, Missouri, upang mailathala ang mga ito kung saan nagtayo si W. W. Phelps ng isang palimbagan. Iniutos din sa paghahayag na ang mga misyonero na “nasa ibang bansa sa mundo ay dapat magpadala ng mga ulat ng kanilang mga pangangasiwa sa lupain ng Sion” at dagdagan ang mga tungkulin ni Whitmer bilang mananalaysay ng Simbahan, sinasabi sa kanya na “maglalakbay nang maraming ulit sa bawat lugar, & sa bawat simbahan, upang siya ay lalong madaling makatamo ng kaalaman Nangangaral & nagpapaliwanag, nagsusulat, nagsisipi, pumipili, & kumukuha ng lahat ng bagay na para sa ikabubuti ng simbahan, & para sa bumabangong salinlahi sa lupain ng Sion.”
Noong Hulyo 1832, hinikayat ni Joseph Smith si Whitmer na “alalahanin ang utos sa kanya na magsulat at mag-ingat ng kasaysayan ng simbahan & ng pagtitipon.” Kalaunan sa taon na iyon, tumanggap ang Propeta ng isa pang paghahayag na nagpalawak sa tungkulin ni John Whitmer hinggil sa pagsulat at pag-iingat ng kasaysayan: “Tungkulin ng klerk ng panginoon, na kanyang itinalaga, na mag-ingat ng kasaysayan, at isang pangkalahatang talaan ng simbahan ng lahat ng bagay na nagaganap sa Sion, … at gayon din [ang] kanilang pamamaraan ng pamumuhay at ang kanilang pananampalataya at mga gawain at gayon din ng mga tao na ganap na tumalikod sa simbahan.”
Kaya nga si Whitmer ay nag-ingat ng talaan tungkol sa bagong tatag na Simbahan sa buong panahon ng pagiging miyembro niya, na nagwakas noong 1838. Ayon sa isang grupo ng mga mananalaysay, ang kasaysayan na ginawa ni John Whitmer ay “naglinaw sa maraming mahahalagang alalahanin ng simbahan sa unang mga taon nito, kabilang ang mga isyu sa ari-arian, pagdidisiplina ng simbahan,” ang Bagong Jerusalem, “ang gagawin sa mga tumiwalag, at ang pagtatatag ng pamunuan ng priesthood. … Ang gawain ni Whitmer ay mahalaga lalo na para sa mga paghahayag, petisyon, at mga liham na bumuo sa malaking bahagi ng kanyang kasaysayan.”
Ano ang Nangyari kay John Whitmer at sa Kanyang Kasaysayan?
Noong 1834, naghirang si Joseph Smith ng panguluhan para sa Simbahan sa Missouri, kasama sina John Whitmer at W. W. Phelps na maglilingkod bilang mga tagapayo kay David Whitmer. Sina John Whitmer at Phelps ay naakusahan kalaunan ng pandaraya sa pananalapi na nauugnay sa kanilang katungkulan doon at itiniwalag sa Simbahan noong Marso 1838.
Isinulat ni Whitmer sa kanyang kasaysayan: “Ang ilang temporal na pagkilos, ay hindi napatunayang kasiya-siya sa lahat ng panig ay tinapos din sa pagtiwalag sa [maraming] miyembro, kabilang sa mga ito si W. W. Phelps at ang aking sarili.
“Kung gayon ay isinasara ko na ang kasaysayan ng simbahan ng mga Banal sa mga Huling Araw, Umaasang mapapatawad ako sa aking mga pagkakamali, at malinis ang aking mga kasalanan at sa huling araw ay maligtas sa kaharian ng Diyos sa kabila ng aking kalagayan sa kasalukuyan.”
Dumating si Joseph Smith sa Far West ilang araw lamang matapos ang mga pagtitiwalag. Kinausap ng bagong itinalagang klerk si Whitmer upang kunin ang kasaysayan, ngunit tumanggi si Whitmer na ibigay ang dokumento. Pansamantala niyang nilisan ang Far West sa panahon ng labanan sa Missouri noong 1838–39, ngunit siya ay nagbalik ilang taon pagkaraan at nanirahan doon nang habambuhay.
Pagkatapos ng kamatayan ni John Whitmer noong 1878, ang kanyang kasaysayan ay ibinigay sa kanyang kapatid na si David, at noong 1903 ay nakuha ng Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints ang kasaysayan mula sa inapo ni David Whitmer. Sa huli, noong 1974, nakuha ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang isang microfilmed copy ng manuskrito kapalit ng mga materyal tungkol sa kasaysayan sa Simbahang RLDS. Noong 2012, ang kasaysayan ni John Whitmer ay inilathala bilang bahagi ng Joseph Smith Papers project.