Pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan
‘Bigyan ng Natatanging Kalinga ang Iyong Mag-anak’


“‘Bigyan ng Natatanging Kalinga ang Iyong Mag-anak’” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Bigyan ng Natatanging Kalinga ang Iyong Mag-anak,” Konteksto ng mga Paghahayag

“Bigyan ng Natatanging Kalinga ang Iyong Mag-anak”

D&T 118, 126

larawan ni Mary Ann Angell

Nakilala ni Mary Ann Angell si Brigham Young sa Kirtland noong 1833. Nabinyagan noong 1832, si Mary Ann ay isang naunang nagbalik-loob dahil sa patotoo niya sa Aklat ni Mormon. Pinatotohanan niya na “pinagtibay sa kanya ng Espiritu … ang katotohanan ng pinagmulan nito, na napakalakas kaya hindi niya kailanman mapag-aalinlanganan ito.” Kalaunan ay nagtungo siya sa Kirtland, at dumating doon noong tagsibol ng 1833.

Ang unang asawa ni Brigham Young na si Miriam Works ay pumanaw sa sakit na tuberkulosis isang taon na ang nakakaraan, kaya si Vilate Kimball, asawa ng kanyang matalik na kaibigang si Heber C. Kimball, ang nag-alaga sa dalawang anak na babae na naulila sa ina habang wala sina Brigham at Heber upang ipangaral ang kanilang bagong relihiyon. Ngayon, sa taong noong 1833, nagtungo si Brigham sa Kirtland para manirahan.

Sa loob ng ilang buwan, nagkakilala sina Brigham at Mary Ann. Siya [si Mary Ann] ay “naakit sa kanya” nang marinig niya itong magturo; at siya [si Brigham] ay napahanga nang marinig niya itong magpatotoo. Nagpakasal sila sa unang bahagi ng 1834. Kalaunan ay isinulat ni Brigham na si Mary Ann ay “inalaagan ang aking mga anak, inasikaso ang aming bahay, at nagtrabaho nang husto para sa kapakanan ng aking pamilya at ng kaharian.”

“Humayo at Iwanan ang Iyong Mag-anak”

Malaki ang impluwensya ng ipinanumbalik na ebanghelyo kay Brigham, at hindi mapigilan ang kanyang hangaring ipahayag ito. “Nais kong ihiyaw at ipagsigawan ang ebanghelyo sa mga bansa,” paggunita niya kalaunan. “Ito’y tulad ng apoy na nag-aalab sa aking kaluluwa na nais kumawala.” Bagama’t nangailangan ito ng mahirap na paglalakbay, kadalasan habang nararanasan ang hirap, karamdaman, at masamang panahon, si Brigham ay kusang humayo. “Hindi kailanman pumasok sa puso ko na tumutol,” ipinahayag niya kalaunan, “mula sa unang araw na tinawag ako na ipangaral ang Ebanghelyo hanggang sa araw na ito kapag sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Humayo ka at iwanan mo ang iyong mag-anak.’”

Hindi rin tumutol si Mary Ann, kahit wala si Brigham sa kanilang tahanan nang halos kalahati ng unang limang taon ng kanilang pagsasama dahil sa mga misyon at paglilingkod sa Simbahan. Hindi nagtagal pagkatapos ng kanilang kasal, umalis si Brigham na kasama ng Kampo ng Sion nang apat na buwan, at bumalik nang ipapanganak na ang kanilang panganay na anak noong Oktubre. Noong unang bahagi ng 1835, gumugol siya nang limang buwan sa isang misyon bilang bagong tawag na Apostol. Noong 1836, siya ay nasa kanilang tahanan sa mga unang buwan ng taon, ngunit ang kanyang oras ay natuon sa pangangasiwa sa pagpipinta at paglalagay ng bintana para sa bahay ng Panginoon sa Kirtland. Hindi nagtagal matapos ilaan ang templo, umalis si Brigham sa isa pang misyon na nagsimula ng Abril hanggang Setyembre. Noong 1837, dalawang beses siyang nagmisyon, isa noong tagsibol at isa noong tag-init. Ang mga pagkahiwalay na ito ay nangahulugan ng mabigat na gawain para kay Mary Ann, marahil ay sa bukid at sa bahay, bukod pa sa pag-aalaga sa kanilang lumalaking pamilya: ang mga anak na babae ni Brigham na sina Elizabeth at Vilate mula sa kanyang unang asawa; isang anak na lalaki, si Joseph, isinilang noong 1834; at kambal na sina Mary Ann at Brigham Jr., na ipinanganak noong 1836.

Ang mga liham ni Brigham sa kanyang pamilya ay nagpahayag ng kanyang pagmamahal at pagkabatid sa kanilang mga paghihirap. “Mary, palagi kitang ipinagdarasal,” isinulat niya mula sa Massachusetts noong Marso 1837. “Nakikinita ko ang aking pamilya sa aking isipan at nais ko na makasama sila kapag natapos na ang aking gawain.” Noong Hulyo, ipinahayag niya ang kanyang inaasam na kapag nakabalik siya sa panahon ng taglagas, “mababayaran [niya sa wakas ang kanyang] bahay” at pagagandahin ito “para mapanatag ako kapag iniwan ko ang aking pamilya.” Hiniling niya kay Mary Ann na “kumuha ka ng ilang kahoy o bato at kung may pagkakataon ka bumili ka ng kahit ano na magagamit para sa pagtatayo.”

Gayunman, nang bumalik si Brigham noong taglagas na iyon, natagpuan niya ang Kirtland na nagkakagulo, nahati dahil sa hindi pagkakaunawaan at pagtatalo. Dahil sa kanyang katapatan kay Joseph Smith, siya ang pinuntirya ng mga kaaway ng Simbahan, at noong Disyembre ay tumakas siya para makaligtas, at napilitang iwanan ang kanyang pamilya. Si Mary Ann at ang mga bata ay pinagmalupitan ng mga nag-apostasiyang mga mandurumog, na madalas na pumunta roon para maghalughog sa kanilang ari-arian at pagsalitaan siya ng “mga pagbabanta at kasuklam-suklam na pananalita,” tinatakot siya na naging dahilan ng paghina ng kanyang kalusugan. Nang sa wakas ay nakasama na ni Mary Ann si Brigham sa Far West, Missouri, noong tagsibol ng 1838, nagulat siya sa hitsura nito. “Parang bangkay na ang hitsura mo,” ang sabi niya sa kanya.

Dalawang Paghahayag

Hindi nagtagal matapos dumating ang pamilya Young, tumanggap si Joseph Smith ng isang hindi nailathalang paghahayag na nagtatagubilin kay Brigham na hindi niya dapat iwanan muli ang kanyang pamilya “hangga’t hindi sila sapat na natutustusan [ng kanilang mga pangangailangan].” Ngunit isang paghahayag sa Korum ng Labindalawa noong Hulyo 1838—ngayon ay nasa Doktrina at mga Tipan 118—ang nagsabi kung gaano kaikli ang pahingang iyon. Sa siyam na buwan, ang Labindalawa ay aalis patungo sa isang misyon sa Great Britain, lumisan sa Far West noong ika-26 ng Abril 1839.

Ang siyam na buwang iyon ay hindi pahinga. Ang mga Banal sa Missouri ay pinalayas sa kanilang mga tahanan, at muling nanganib si Brigham Young bilang isa sa mga pinaka-tinutugis na lider ng Simbahan. Magkasamang tumakas ang pamilya Young, ngunit pahintu-hinto sila sa paglalakbay at pagkatapos ay naghintay habang si Brigham ay bumalik para tulungan ang iba pang naghihikahos na mga Banal. Naalala ni Mary Ann na noong makarating sila sa ligtas na lugar sa kabilang pampang ng Ilog Mississippi sa Illinois, siya ay nagtayo ng kanilang bahay sa 11 iba’t ibang lugar sa loob ng tatlong buwan. Siya rin ay nagdadalang-tao.

Isang Misyon sa Kabilang Ibayo ng mga Tubig

Nang muling magtipon ang mga Banal sa lugar ng Commerce, na hindi magtatagal ay papalitan ng pangalang Nauvoo, Illinois, ang pamilya Young ay nakahanap ng tirahan sa kabilang ibayo ng Ilog Mississippi sa Montrose, Iowa, kung saan maraming Banal ang nakatira sa mga abandonadong kuwartel ng militar. Sa kabila ng kanilang sapilitang paglipat at ang pangangailangang magtayo ng bagong komunidad, determinado pa rin ang Labindalawa na sundin ang utos na magmisyon sa Great Britain.

Noong ika-2 ng Hulyo 1839, ang Labindalawa ay nakipagpulong sa Unang Panguluhan sa tahanan ni Brigham Young. “Ipinatong” ng Unang Panguluhan “ang kanilang mga kamay” sa ulo ng ilang naroon, kabilang si Mary Ann Young, “upang basbasan sila & ang kanilang mga pamilya bago sila umalis patungo sa ibang mga Bansa.” Ipinangako sa mga Kapatid na makababalik sila “sa piling ng [kanilang] mga pamilya” at “maraming Tao” ang mapapabalik-loob nila “bilang mga patunay ng [kanilang] ministeryo.”

Pagkaraan ng dalawang buwan, noong ika-14 ng Setyembre 1839, muling nagpaalam si Brigham Young kay Mary Ann at lumisan para sa kanyang misyon sa England. Mahirap ilarawan ang mahirap na mga kalagayan sa kanyang pag-alis. “Kami ay labis na naghihikahos, dahil sa pagpapalayas sa amin sa Missouri, kung saan naiwan namin ang lahat,” paggunita niya. Ang kanyang kasuotan ay hindi gaanong kaaya-aya para sa pagmiministeryo,” dahil ang kanyang sombrero ay yari sa “isang pares ng lumang maluwag na pantalon” at isang maliit na “kubrekama na may kasamang comforter” ang nagsisilbing balabal niya.

Tulad ng marami sa mga Banal noong panahong iyon, siya ay may malaria at nanginginig dahil sa lagnat. Bumagsak ang kanyang kalusugan, tulad ng paggunita niya, “Hindi ako makalakad ng 100 metro nang walang tulong. Inalalayan ako hanggang sa gilid ng ilog ng Mississippi at kinarga patawid sa kabilang ibayo.” Gayunpaman, siya ay “determinadong magtungo sa England kahit ikamatay niya.”

Hindi lamang si Brigham ang nahihirapan. Si Mary Ann ay nanganak 10 araw pa lang ang nakalipas. Ang pamilya ay binubuo na ngayon ng pitong anak, at lahat sila ay “may sakit at inaalagaan ang isa’t isa.” Gayunpaman, tinawid ni Mary Ann ang ilog mula Iowa patungong Illinois upang makapagpaalam siya sa kanyang asawa sa huling pagkakataon. Nang paalis na si Brigham at si Heber C. Kimball, na may sakit din, mula sa tahanan ni Heber sa Nauvoo, tumayo nang nanghihina si Brigham sa bagon kasama ang kanyang kaibigan at sumigaw ng, “Hurrah para sa Israel,” sa pagsisikap na pasayahin ang mga naiwan nila.

Pag-aasikaso sa mga Pangangailangan ng Pamilya

Dalawang buwan pagkatapos umalis ni Brigham, naubusan ng pagkain ang pamilya. Apektado pa rin ng malaria, napilitan si Mary Ann na gumawa ng paraan para maibsan ang kanilang gutom. Sa isang “malamig, mabagyong araw ng Nobyembre,” ibinalot niya ang kanyang sarili at ang kanyang sanggol na si Alice sa isang gula-gulanit na balabal at sumakay sa isang maliit na bangka patawid sa Ilog Mississippi. Habang sila ay naglalakbay sakay ng bangka, siya at ang kanyang sangggol ay basang-basa dahil sa paghampas ng mga alon na dulot ng malakas na hangin. Nang makarating sa Nauvoo, pumunta siya sa bahay ng isang kaibigan, na nagkuwento kalaunan, “Dumating si Sister Young sa bahay ko … karga ang kanyang sanggol na si Alice sa kanyang mga bisig, na halos mawalan ng ulirat dahil sa lamig at gutom, at basang-basa.” Tumanggi si Mary Ann sa alok ng kaibigan na manatili muna sila roon. “Nagugutom din ang mga bata sa bahay,” iginiit niya. Nang mabigyan ng “ilang patatas at kaunting harina,” si Mary Ann “ay umalis patungo sa pampang ng ilog” para magbangka pabalik sa kanilang tahanan. Maraming beses siyang tumawid sa ilog “upang kumuha ng simpleng mga pangangailangan sa buhay,” kung minsan “sa mga panahong may bagyo na matatakot ang mga babaeng may karaniwang tapang.”

Noong mga panahong ito, napilitang umalis si Mary Ann sa kanyang silid sa lumang kuwartel ng militar. Siya ay tumira sa isang kuwadra ng mga kabayo sa Montrose at ginugol ang taglamig na nagsisikap na tugunan ang pangangailangan ng pamilya sa kakarampot na kita mula “pagtatahi & paglalaba” para sa iba. Nang sumunod na tagsibol ay binigyan siya ng kapirasong lupa sa Nauvoo, at tinamnan niya ito. Sa buong tag-init na iyon, si Mary Ann ay nagsagwan patawid sa Ilog Mississippi upang alagaan ang kanyang halamanan at pagkatapos ay magsasagwan muli “pabalik sa gabi pagkatapos ng kanyang gawain sa maghapon.”

Bukod pa sa pagtatrabaho sa kanyang halamanan, nagtayo si Mary Ann ng isang dampa na gawa sa troso sa kapirasong lupang iyon. Noong Setyembre 1840, isang taon matapos umalis si Brigham para sa kanyang misyon, inilipat niya ang kanyang pamilya sa kanilang bagong tahanan sa Nauvoo. Sinabi ni Vilate Kimball na ang bahay ay “halos hindi matatawag na tirahan,” ngunit kahit paano ay hindi na siya tatawid pa palagi sa ilog. Kalaunan ay naalala ng kanyang pamangkin na ito ay simpleng “bahay,” lamang na may mga kumot na nakasabit sa mga pinto at bintana na pamprotekta sa klima.

Bagama’t may dahilan si Mary Ann para magreklamo, hindi niya sinabi kay Brigham ang mga hirap na naranasan niya. Matapos malaman mula sa iba ang ilan sa mga paghihirap niya, sumulat sa kanya si Brigham noong Nobyembre 1840: “Marahil ay nadarama mo ang pagmamahal ng puso ko sa iyo, natanto ko ang pagtitiyaga at kahandaan mong magdusa sa kahirapan at gawin ang lahat ng iyong makakaya para sa aking mga anak at sa akin upang makahayo ako at magawa ang iniutos ng Panginoon sa akin.”

Noong Abril 1841, inaasahan ang kanyang pagbabalik mula sa England, ipinaalam ni Mary Ann kay Brigham na bagama’t nais niyang magkaroon ng “mas magandang bahay na sasalubong [sa kanya],” siya ay “nagpapasalamat para sa komportableng tirahan na kanlungan mula sa Bagyo.” Ipinaliwanag niya na “napakahirap humanap ng trabaho kaya ang nagawa ko ay hindi ang siyang nais ko.” Dahil “ginawa [niya] ang lahat ng makakaya” niya, nagpasalamat siya sa kanyang “Ama sa langit para sa lahat ng pagpapalang natanggap ko at nanalangin sa Panginoon na patuloy niya tayong kahabagan.”

Pagbalik sa Nauvoo noong ika-1 ng Hulyo 1841, matapos ang 22 buwang pagkawala, nalaman ni Brigham kung gaano naghirap si Mary Ann at ang mga bata. Nagtrabaho siya agad para mas mapabuti ang kanilang sitwasyon. Kapag hindi “tinatawag ni bro. Joseph, sa paglilingkod sa simbahan,” sabi ni Brigham, “ginugugol ko ang [aking oras] sa paglilimas ng tubig, pagbabakod, at paglinang ng aking lupa, pagtatayo ng pansamantalang kubol para sa aking baka, pagtatapal ng mga butas at pagtapos sa aking bahay.” Kasabay nito, sinimulan niyang gawin ang pulang bahay na yari sa ladrilyo na nakatayo pa rin sa Nauvoo, bagama’t hindi niya nailipat ang kanyang pamilya dito hanggang noong Mayo 1843.

“Ang Iyong Handog ay Tinatanggap”

Isang linggo matapos bumalik si Brigham, noong ika-9 ng Hulyo 1841, binisita siya ni Joseph Smith sa kanyang tahanan. Maaaring naroon si Mary Ann. Walang tala tungkol sa pag-uusap o mga pangyayari noong araw na iyon, ngunit walang alinlangan na nakita mismo ni Joseph ang katibayan ng sakripisyo ng pamilya Young at ang kanilang pangangailangan. Idinikta niya ang isang paghahayag sa mismong oras na iyon na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 126. “Mahal & minamahal kong kapatid, Brigham Young,” mababasa rito, “hindi na hinihingi sa iyong kamay na iwanan ang iyong mag-anak tulad noong mga araw na nakalipas, sapagkat ang iyong handog ay tinatanggap ko.” Siya ay inutusan na “bigyan ng natatanging kalinga ang iyong mag-anak sa mga oras na ito, simula ngayon at magpakailanman.” Bagama’t ang paghahayag ay para kay Brigham, ito ay walang-alinlangang pagpapatunay sa sakripisyo at tapat na suporta ni Mary Ann. “Ngayong gabi nasa tabi ko ang aking asawa sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng maraming taon,” isinulat ni Brigham sa kanyang journal anim na buwan pagkabalik mula sa England, na pinagninilayan ang kapanatagan na nadama nila sa kanilang tahanan sa kanyang pagbabalik. “[Masaya] kami at nais na papurihan ang Panginoon.”

Binago ng paghahayag kung saan naglingkod si Brigham Young, ngunit hindi ang bilang nito. Nilisan niya ang kanyang tahanan para sa tatlong maikling misyon sa mga sumunod na taon, ngunit nakalaan pa rin ang kanyang oras sa paglilingkod sa Panginoon. Si Mary Ann ay nagpatuloy sa pagsuporta sa kanya at nagsakripisyo para sa kanyang pananampalataya, kabilang na ang pagtanggap sa alituntunin ng maramihang pag-aasawa at pagtanggap sa mga bagong asawang babae sa pamilya. At marami pang hirap ang darating. Sa gitna ng sapilitang pag-alis ng mga Banal mula sa Nauvoo, sinasabing si Mary Ann ay “napakabait at lubos na mapagkawanggawa” nagbibigay ng mabuting “payo at tulong” sa mga nangangailangan. Sa buong buhay niya, siya ay naglingkod sa pamilya, mga kaibigan, at kapwa mga Banal at tumulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.

  1. E. B. Wells, “Heroines of the Church: Biography of Mary Ann Angell Young,” Juvenile Instructor, tomo 26, blg. 1 (Ene. 1, 1891), 17.

  2. Leonard J. Arrington, Brigham Young: American Moses (New York: Alfred A. Knopf, 1985), 37.

  3. Wells, “Heroines of the Church,” 17; Arrington, Brigham Young, 37.

  4. “History of Brigham Young,” Latter-day Saints’ Millennial Star, tomo 25, blg. 29 (Hulyo 18, 1863), 454.

  5. Brigham Young, “Discourse,” Deseret News, Ago. 24, 1854, 1.

  6. Arrington, Brigham Young, 54.

  7. Brigham Young letter to Mary Ann Angell Young, Mar. 24, 1837, sinipi sa Dean C. Jessee, “Brigham Young’s Family: Part I, 1824–1845,” BYU Studies, tomo 18, blg. 3 (1978), 316.

  8. Brigham Young letter to Mary Ann Angell Young, Hulyo 21, 1836, sinipi sa Jessee, “Brigham Young’s Family,” 315.

  9. Wells, “Heroines of the Church,” 19. Mali ang petsa ni Wells na 1836–37 sa mga pangyayaring ito, isang taong mas maaga ito kaysa sa aktuwal na pangyayari.

  10. Paghahayag kay Brigham Young, Abr. 17, 1838, sa Joseph Smith, “History, 1838–1856, tomo B-1 [1 Setyembre 1834–2 Nobyembre 1838],” 790, josephsmithpapers.org.

  11. “Revelation, 8 July 1838–A [D&C 118],” sa Joseph Smith, Journal, March–September 1838, 54–55, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 118:4–5. Ang paghahayag na nagsabing sisimulan ng Labindalawa ang kanilang misyon para sa England sa pook na pagtatayuan ng templo sa Far West noong ika-26 ng Abril 1839 (tingnan sa D&T 118), ay ibinigay sa panahon ng kapayapaan. Pagsapit ng petsang ito, ang mga Banal ay pinalayas mula sa Missouri ng mga armadong mandurumog. Gayunpaman, nadama ni Brigham at ng iba pang mga miyembro ng Labindalawa na kailangan nilang bumalik sa estado para tuparin ang paghahayag. Ang mga kaaway ng Simbahan, dahil alam nilang binanggit sa paghahayag ang isang partikular na araw at petsa, ay sumumpa na hindi nila ito papayagang matupad, umaasa na mapapatunayan nila na hindi propeta si Joseph Smith. Bagama’t may ilan na nagsabing sa mga sitwasyong iyon tatanggapin ng Panginoon “ang mabuting intensyon kahit hindi ito nagawa,” nadama ni Brigham at ng iba pa na kailangan nilang magkaroon ng “pananampalataya na sumulong at isakatuparan ito” (Wilford Woodruff, “Discourse,” Deseret News, Dis. 22, 1869, 543). Bagama’t pinagbantaan ng kamatayan o pagkabilanggo, ang mga lider ng Simbahan ay nagtipon sa pook na pagtatayuan ng templo bago magbukang-liwayway at tinupad ang paghahayag. Dahil sa kanilang mga banta, napaniwala ng mga lider ng mga mandurumog ang kanilang sarili na walang anumang gagawin para maisagawa ang itinakdang pulong at hindi nag-iwan ng bantay sa pook.

  12. Wells, “Heroines of the Church,” 19.

  13. Wilford Woodruff journal, Hulyo 2, 1839, sa Wilford Woodruff’s Journal: 1833–1898, Typescript, pat. Scott G. Kenney, 9 tomo. (Midvale, Utah: Signature Books, 1983–85), 1:342.

  14. Brigham Young, “Discourse,” Deseret News, Ago. 3, 1870, 307.

  15. “History of Brigham Young,” Latter-day Saints’ Millennial Star, tomo 25, blg. 43 (Okt. 24, 1863), 679; Brigham Young, “Sermon,” Deseret News, Set. 17, 1856, 219.

  16. Brigham Young, “Discourse,” Deseret News, Ago. 3, 1870, 307.

  17. “History of Brigham Young,” Latter-day Saints’ Millennial Star, tomo 25, blg. 41 (Okt. 10, 1863), 646.

  18. President Heber C. Kimball’s Journal: The Faith-Promoting Series, blg. 7 (Salt Lake City: Juvenile Instructor Office, 1882), 100.

  19. E. B. Wells, “Heroines of the Church: Biography of Mary Ann Angell Young,” Juvenile Instructor, tomo 26, blg. 2 (Ene. 15, 1891), 56–57. Tinukoy lamang ni Wells ang kaibigan ni Mary Ann sa kuwento bilang “isang matalik na kaibigan ni Sister Young mula pa noong panahon sa Kirtland.”

  20. Historian’s Office journal, Set. 4, 1859, image 211, Church History Library, Salt Lake City.

  21. Joseph Watson Young autobiography [n.d.], 23, Church History Library, Salt Lake City.

  22. Joseph Watson Young autobiography, 23.

  23. Vilate Kimball letter to Heber C. Kimball, Set. 6, 1840, Church History Library, Salt Lake City.

  24. Joseph Watson Young autobiography, 23.

  25. Brigham Young letter to Mary Ann Angell Young, Nob. 12, 1840, sinipi sa Jessee, “Brigham Young’s Family,” 319.

  26. Mary Ann Angell Young letter to Brigham Young, Abr. 15, 17, at 30, 1841, sinipi sa Jessee, “Brigham Young’s Family,” 322.

  27. “History of Brigham Young,” Deseret News, Mar. 10, 1858, 3.

  28. Tingnan sa “History of Brigham Young,” Deseret News, Mar. 17, 1858, sa Jessee, “Brigham Young’s Family,” 324.

  29. “History of Brigham Young,” Latter-day Saints’ Millennial Star, tomo 26, blg. 5 (Ene. 30, 1864), 71.

  30. “Revelation, 9 July 1841 [D&C 126],” sa Book of the Law of the Lord, 26, josephsmithpapers.org; ginawang makabago ang pagbabantas; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 126:1–3.

  31. Brigham Young journal, Ene. 18, 1842, imahe 37, Brigham Young Collection, Church History Library, Salt Lake City.

  32. Wells, “Heroines,” 58.