Pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan
Ang Tampok na Lugar


“Ang Tampok na Lugar,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Ang Tampok na Lugar,” Konteksto ng mga Paghahayag

Ang Tampok na Lugar

D&T 52, 57, 58

Independence, Missouri

Sa buong kasaysayan ng Kanluran, lahat ng uri ng Kristiyano ay umasam ng isang bagong langit at bagong lupa. Ang kagila-gilalas na pangitain ni Juan na Tagapaghayag tungkol sa “banal na lunsod, ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos,” na naghahanda ng daan para sa pagbabalik ni Jesucristo bilang Panginoon at Hari, ay pumukaw sa pag-asam at hangarin ng marami. Ano ang Bagong Jerusalem? Ito ba, tulad ng sinabi ni St. Augustine, ay isang metapora para sa pinagpalang “kawalang-kamatayan at kawalang-hanggan ng mga banal”? O ito ba ay isang bagay na mas literal, gaya ng paniniwala ng mga American Puritan noong ika-17 siglo nang ipalagay nila na ang kanilang kolonya ang pagmumulan ng espirituwal na pagpapanibago, isang “Bagong” England?

Ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay katatatag pa lamang—wala pang anim na buwan—nang makinita ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Bagong Jerusalem sa sarili nilang paraan. Inilarawan sa unang mga paghahayag kay Joseph Smith ang lugar na ito hindi bilang isang metapora o kolonya. Sa halip, ito ay isang lunsod na kailangang itayo ng mga Banal. Ang Bagong Jerusalem, na tinawag ding Sion, ay magiging isang kanlungan, isang lugar ng kapayapaan, isang “tampok na lugar.”

Dalawang tanong kaagad ang pumasok sa isipan ng mga Banal. Ang una ay kung saan ipapatayo ng Panginoon ang Bagong Jerusalem. Ang pangalawa ay kung sino ang tatanggapin sa lunsod. Isang paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith noong Agosto 1830 ang nagbigay ng mga paunang kasagutan, na nag-utos kina Oliver Cowdery, Parley P. Pratt, at sa ilan pa na magtungo sa kanluran habang nangangaral sa daan. “Ikaw ay magtungo sa mga Lamanita,” ang utos ng Panginoon, tinutukoy ang pangalang ginamit ng naunang mga Banal para sa mga American Indian, “at mangaral ng aking ebanghelyo sa kanila … [at] ipangyari mong maitatag ang aking simbahan sa kanila.” Ang lugar na pagtatayuan para sa lunsod, ayon sa mga paghahayag, ay “sa mga Lamanita.”

Ang grupo ni Cowdery ay nangaral sa loob at paligid ng Kirtland, Ohio, at marami silang napabalik-loob doon. Pagkatapos ay naglakbay sila nang daan-daang milya patimog at pakanluran, hanggang sa malayong kanlurang hangganan ng Estados Unidos, sa hangganan sa pagitan ng estado ng Missouri at Indian Territory. Nangaral sila sa ilang lipi roon ngunit hindi naglaon ay pinaalis rin sila mula sa teritoryo ng mga kinatawan ng gobyerno na namamahala sa ugnayan ng mga puti at mga Indian. Malungkot na balita ito, ngunit hindi natakot si Joseph Smith, dahil suportado siya ng tinig ng Diyos. Sa isang paghahayag na kilala bilang Doktrina at mga Tipan 52, na ibinigay noong Hunyo 1831, iniutos ng Panginoon kay Joseph Smith na magpunta sa Missouri, “sa lupain na aking ilalaan sa aking mga tao.” Doon ipapaalam ang lugar na pagtatayuan ng lunsod ng Sion.

Tulad ng ginawa Niya sa lupain ng Canaan noong unang panahon, tinukoy ng Diyos na sagrado ang lupain bago nanirahan ang Kanyang pinagtipanang mga tao roon, at tulad sa Canaan bago iyon, may mga nakatira na sa Missouri nang dumating ang pinagtipanang mga tao. Ang lugar na itinakdang pagtipunan nila ay may mahaba at kumplikadong kasaysayan ng paninirahan.

Pinag-aagawang mga Hangganan

Pagdating niya sa Missouri, nalaman ni Joseph Smith sa pamamagitan ng paghahayag na ang lugar na pagtatayuan ng lunsod ng Sion ay sa lupain na nasa ibaba ng isang kurbada sa Missouri River, mga 10 milya sa silangan ng hangganan ng teritoryo ng Missouri-Indian (hangganan ng Missouri-Kansas sa kasalukuyan). Sa loob ng maraming henerasyon ang lugar na ito ng kanlurang Missouri ay tirahan ng mga lipi ng Central Siouan. Noong huling bahagi ng dekada ng 1600, ang mga Indian mula sa grupong ito ay nandayuhan sa timog mula sa Lambak ng Ilog Ohio, pababa sa Ilog Mississippi, at pakanluran sa kabilang ibabang bahagi ng Missouri, at nanirahan sa mayaman at matabang lupa sa mga dalisdis ng burol sa pagitan ng kagubatan sa silangan at ng Great Plains sa kanluran.

Kasunod ng isang siglo ng kaguluhan kung saan maraming katutubo ang namatay sa mga karamdamang nagmula sa Europa, ang mga mamamayan ng Central Siouan ay naggrupu-grupo sa iba’t ibang lipi. Ang Wah-haz-he (“ang mga tao sa itaas ng ilog”)—na tinawag ng mga Pranses na Osage—ang naging pangunahing mga mamamayan sa ibabang bahagi ng Ilog Missouri. Inilarawan na “matatangkad, matitipuno, at malalapad ang balikat na gaya ng mga higante,” ang Osage ay nagtayo ng mga permanenteng tirahan sa pagitan ng Ilog Osage sa hilagang bahagi ng gitnang Missouri at ng Ilog Missouri malapit sa kasalukuyang Independence. Ang kanilang mga tirahan, na nasa matataas na dalisdis na tanaw ang kapatagan, ay itinayo sa pamamagitan ng pagbaluktot sa mga batang puno sa ibabaw ng mga haligi ng palupo para makagawa ng arko ng isang bubong at kung minsan ay may sukat na 100 talampakan ang taas. Ang mga taong ito na pangangaso at pangingisda ang ikinabubuhay na may kumplikadong istrukturang sosyo-politikal at maraming organisasyon ng pagkakamag-anak ang naghari sa ibabang bahagi ng Ilog Missouri sa loob ng maraming siglo.

Ang lugar malapit sa Independence, Missouri, ay hindi ang “tampok na lugar” ng lipunang Osage, tulad ng nangyari sa mga Banal sa mga Huling Araw. Noong huling bahagi ng 1800, kontrolado ng Osage ang marahil ay kalahati ng makabagong Missouri, Oklahoma, Arkansas, at Kansas. Ang sentro ng kanilang imperyo ay nasa timog ng gitnang Missouri, hindi sa kanlurang hangganan ng estado.

Nakipag-agawan sa Osage ang iba pang mga grupo para sa lupain na kalaunan ay tatawagin ng mga Banal sa mga Huling Araw na Bagong Jerusalem. Ang malawak na kaparangan ng North America ay lalo pang nagpaibayo sa matatayog na pangarap ng ilang bansa sa Europa na magtayo ng imperyo. Nagpahayag ng pag-angkin ang mga Kastila sa buong looban ng North America noong 1539, at dahil ayaw padaig, inangkin naman ng mga Pranses noong 1682 ang buong North America sa pagitan ng Appalachian Mountains sa silangan at ng Rocky Mountains sa kanluran. Ang mga pag-angking ito ay hindi nagsaalang-alang sa mga liping Indian gaya ng Osage, at di-gaanong pinansin ang mga liblib na lupain sa tabi ng Ilog Missouri malapit sa Independence. Ang malaking interes ng Europa ay nasa mga hangganan ng kanilang mga imperyo, sa mga lugar na may industriyang mapakikinabangan at malapit sa daungan ng mga sasakyang-dagat—sa tabi ng Ilog Saint Lawrence, na siyang magiging Canada, at sa mga isla ng Caribbean.

Tinawag ng mga Pranses ang malawak na kontinenteng inangkin nila para sa kanilang sarili na Louisiana, na isinunod sa pangalan ng hari ng mga Pranses. Kalaunan ay napunta ang lupain sa pag-aari ng mga Kastila at pagkatapos ay nabalik sa mga Pranses, na ibinenta naman ito sa Estados Unidos sa Louisiana Purchase ng 1803. Dahil sa pagbebentang iyon ay nagkaroon ng lugar na pagtatayuan ang lunsod ng Sion.

Ang Louisiana Purchase ay naghatid ng mga bagong maninirahan nang lumipat ang mga mamamayan ng U.S. sa Missouri, na naging estado noong 1821. Ang gayon ding mga uri ng pamahalaan na nasa iba pang mga estado ay dinala sa Missouri. Nagpetisyon sa lehislatura ng Missouri ang mga mamamayang nasa kanlurang hangganan para sa organisasyon ng lalawigan, at noong 1827, nilikha ng lehislatura ang Jackson County. Ang katatatag na bayan ng Independence, na nasa timog lamang ng Missouri River sa tabi ng ruta sa pangangalakal na tinatawag na Santa Fe Trail, ang naging sentro ng pamahalaang panlalawigan.

Ang Doktrina at mga Tipan 57, na ibinigay kaagad pagdating ni Joseph Smith sa kanlurang Missouri, ay naglarawan sa posisyon ng mga Banal sa loob ng sosyo-politikal na lugar na ito. Ang “tampok na lugar” para sa Sion, sabi sa paghahayag, ay itatayo sa “lugar na ngayon ay tinatawag na Independence,” na noong panahong iyon ay may ilang daan pa lamang ang naninirahan. Ang mga nanirahan sa panahong ito ay madalas basta tumitira sa lupain, na naniniwalang walang nagmamay-ari nito at kalaunan ay ipaparehistro ito sa bahay-hukuman ng county. Binanggit sa paghahayag ang bahay-hukumang ito—isang templo, sabi sa paghahayag, ang dapat itayo sa gawing kanluran nito. Noong panahong ibinigay ang paghahayag, halos buong lupain ay pag-aari na ng mga naninirahan, kaya kinailangang makipag-usap at makipag-ayos ng mga Banal sa mga legal na may-ari ng lupain. Ipinahiwatig sa paghahayag na hindi kukunin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang banal na lupain nang pwersahan na tulad ng ginawa ng mga Israelita sa Canaan noong unang panahon. “Karunungan na ang lupain ay bilhin ng mga banal,” sabi ng Panginoon.

Sagradong mga Lahi

Sa loob ng ilang henerasyon, isang maliit na grupo ng mga taga Europa—na karamihan ay mga mangangalakal na Kastila at Pranses—ang nanirahan kasama ng mga Indian sa tabi ng Ilog Missouri, nagsipag-asawa, at nakipagkalakalan sa kanila. Ngunit nang ang mga pamilyang puti ay patuloy na nagsitungo sa kanluran, nanirahan sa mga lupaing sakop ng mga Indian, talagang tinanggihan nila ang pakikipag-ugnayang ito sa ibang kultura. Hiniling ng mga puti na paalisin ang lahat ng lipi ng mga Indian mula sa estado. Sa pagitan ng 1824 at 1830, isinuko ng mga liping nakatira sa loob ng mga hangganan ng Missouri nang maraming siglo ang halos lahat ng kanilang teritoryo. Ibinenta ng makapangyarihang Osage ang kanilang mga lupain noong 1825 at nandayuhan sa malayong kanluran sa Kansas at Oklahoma. Nang dumating ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Jackson County noong 1831, nakaalis na ang mga Indian sa kanilang mga tirahan at nagtungo sa kabila ng bagong katatatag na hangganan na humahati sa teritoryo ng mga Indian at sa teritoryo ng mga puti.

Nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 57 ang pagkakaroon ng hangganang ito ng teritoryo nang hindi ito ine-endorso. Sinabi sa paghahayag na ang Sion ay dapat itayo sa “hangganan na bumabaybay sa pagitan ng Judio at Gentil,” o sa hangganan na naghihiwalay sa estado ng Missouri mula sa Teritoryong Indian sa kanluran. Gayunpaman, hindi gumamit ang paghahayag ng karaniwang mga kategorya, kundi sa pamamagitan ng hindi karaniwang ginagamit na mga katagang Judio at Gentil. Ang karaniwang mga katagang ginamit noon ng mga Amerikano—puti at Indian o puti at pula—ay nagpahiwatig ng pagkahati ng lahi at kultura. Magkaibang-magkaiba ang dalawang grupo, at kadalasan ay gamit ng mga puti ang katagang iyon para bigyang-diin ang hindi pagkakatugmang ito.

Gayunman, ang mga kategoryang Judio at Gentil ay nagpahiwatig ng pagkakaiba ng dalawang grupo ngunit hindi ng isang hindi pagkakatugma sa pagitan nila. Ayon sa Aklat ni Mormon, kapwa mahalaga ang papel na ginagampanan ng Judio at Gentil sa unti-unting paghahayag ng plano ng Diyos. Inanyayahan sila ng Diyos na magtulungan. Ang ebanghelyo noong mga unang panahon ay magmumula sa mga Judio, ang sinaunang pinagtipanang mga tao ng Diyos, patungo sa mga Gentil, na ihuhugpong sa tipan. Sa mga huling araw, mababaligtad ang pangyayari—ang ebanghelyo ay magmumula sa mga Gentil patungo sa mga Judio, na makikilala si Jesus bilang Mesiyas. Muling inulit sa Doktrina at mga Tipan 57 ang istrukturang ito ng tipan sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga Indian bilang mga Judio, kinikilala sa ganitong paraan ang grupo bilang bahagi ng mga pinagtipang tao ng Diyos. Ang mga Indian ay mula sa sambahayan ni Israel, pinili, minamahal, at naaalala ng Diyos.

Noong panahong ang pagpapaalis sa mga Indian—ang paghihiwalay ng isang lahi mula sa ibang lahi—ay naging patakaran sa gobyerno ng Estados Unidos, ang mga paghahayag kay Joseph Smith ay nakagawa ng kaibhan. Sa halip na tratuhing hindi mahalaga ang mga Indian, at itulak sila sa mga hangganan ng sibilisasyon, dinala ng mga paghahayag ang Sion sa kanila, inilalagay ang banal na lunsod ng Diyos sa kanilang kalipunan. Ang Sion ay kailangang matagpuan sa pagitan ng Judio at Gentil, sa pagitan ng mga lahi. Sa kaayusang ito, ang mga tao ng iba’t ibang lahi ay maaaring gumanap ng mahalagang papel sa gawain ng Diyos. Ang mga tao, saanman sila naroon mula sa gitna, kung nais nila, ay maaaring maging mga tao na “may malinis na puso” at manahan sa Sion nang ligtas at payapa.

Ang Doktrina at mga Tipan 58, na ibinigay noong nasa Missouri pa si Joseph Smith, ang nagpabatid ng lawak ng pangitaing ito. Walang binanggit sa paghahayag ng anuman tungkol sa mga Indian at mga puti. Hindi rin binanggit ang mga Judio at mga Gentil sa pagkakataong ito. Sa halip, nangusap ang paghahayag tungkol sa “mga naninirahan sa mundo,” na pinagsama-sama ang lahat ng anak ng Diyos. Ang Sion, ipinaliwanag sa paghahayag, ay isang lugar kung saan ang “lahat ng bansa ay aanyayahan.”

Ang salitang [mga] bansa ay maaaring nakaapekto sa mga mambabasa noong dekada ng 1830, sapagkat ang salitang ito ang ginamit kapwa ng mga Indian at mga puti para ilarawan ang pinakamalaking yunit ng kanilang organisasyong pampulitika. Binanggit pa sa paghahayag ang tungkol sa Sion na kabilang “ang mayayaman at ang may mga pinag-aralan, ang marurunong at ang mararangal”—mga taong may kapangyarihan sa pulitika at lipunan. Ngunit kabilang din dito ang mga taong walang gayong kapangyarihan, yaong mga kinalimutan at inihiwalay noon pa man: “ang mga maralita, ang mga lumpo, at ang mga bulag, at ang mga bingi.” Sa huli, lahat ng anak ng Diyos ay magkakaroon ng puwang sa iisang hapag-kainan. Nakabigkis sa tipan, lahat ay makikibahagi sa sagradong lugar ng Diyos.

Katapusan

Sa loob ng dalawang taon ng mga paghahayag na ito sa Jackson County, sinira ang Sion, at ang mga naninirahan dito ay nagsitakas mula sa mga mang-uusig. Umatras ang mga Banal mula sa Jackson County, ngunit hindi mula sa paglikha ng Sion sa mga hangganan sa pagitan ng Judio at Gentil, una sa Nauvoo at pagkatapos, kalaunan, sa mga disyerto ng Great Basin. Saanman manirahan ang mga Banal, inaanyayahan nila ang mga tao sa lahat ng dako na sumama sa kanila. Kahit ngayon ang pangitain tungkol sa lipunan ng Sion kung saan “ang lahat ng bansa ay aanyayahan” na manirahan nang ligtas at payapa ay nagpapasigla sa mga Banal sa mga Huling Araw. Ang hangarin, pangako, at pag-asa ng mga naunang paghahayag sa Missouri ay nagpapatuloy pa rin.

  1. Apocalipsis 21:2–5, 7.

  2. Para dito at sa iba pang mga konsepto, tingnan sa David Lyle Jeffrey, pat., A Dictionary of Biblical Tradition in English Literature (Grand Rapids, MI: William B. Eerdmans, 1992), “New Jerusalem,” 546–48.

  3. John Winthrop, “Model of Christian Charity” [1630], Collections of the Massachusetts Historical Society, tomo 7 (1838), 47; ginawang makabago ang pagbabaybay; Francis J. Bremer, Building a New Jerusalem: John Davenport, a Puritan in Three Worlds (New Haven, CT: Yale University Press, 2012), 174–79.

  4. Ang Bagong Jerusalem ay nabanggit sa Aklat ni Mormon, at nagsimulang mangusap ang mga paghahayag tungkol sa isang partikular na lokasyon noon pang Pebrero 1831 (tingnan sa 3 Nephi 21:23–24; Eter 13:3–6; Doktrina at mga Tipan 42:35, 62).

  5. Doktrina at mga Tipan 45:66–71; 57:3.

  6. Doktrina at mga Tipan 28:8; tingnan din sa Ronald E. Romig, “The Lamanite Mission,” John Whitmer Historical Association Journal, tomo 14 (1994), 25–33.

  7. “Revelation, September 1830–B [D&C 28],” sa Revelation Book 1, 41, josephsmithpapers.org. Kalaunan ay binago ang talata at mababasa na “sa mga hangganan ng mga Lamanita” (tingnan sa Book of Commandments [1833] 30:9 [Doktrina at mga Tipan 28:9]).

  8. Kabilang sa mga liping ito ang Shawnee at ang Delaware, na pinaalis sa silangan. Tingnan sa Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, tomo 1 ng serye na Documents ng The Joseph Smith Papers, mga pat. Dean C. Jessee, Ronald K. Esplin, at Richard Lyman Bushman (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2013), 288–94.

  9. Doktrina at mga Tipan 52:2–3.

  10. Mga Bilang 33:53; 34:2.

  11. Tanis C. Thorne, The Many Hands of My Relations: French and Indians on the Lower Missouri (Columbia: University of Missouri Press, 1996), 13–14, 16–17, 20; Louis F. Burns, A History of the Osage People (Tuscaloosa: University of Alabama Press, 2004), 3, 22.

  12. William E. Parrish, Charles T. Jones, at Lawrence O. Christensen, Missouri: The Heart of the Nation, ika-3 ed. (Wheeling, IL: Harlan Davidson, 2004), 13.

  13. Willard H. Rollings, The Osage: An Ethnohistorical Study of Hegemony on the Prairie-Plains (Columbia: University of Missouri Press, 1992), 23–26, 45–66; Gilbert C. Din at A. P. Nasatir, The Imperial Osages: Spanish-Indian Diplomacy in the Mississippi Valley (Norman: University of Oklahoma Press, 1983), 11–14.

  14. Burns, History of the Osage People, 25–28, 30, 46.

  15. Ang lugar ng Independence ay hindi pinangalanan ni inilagay sa mapa noong ika-18 siglo. Tingnan sa Din at Nasatir, The Imperial Osages, 40–41, 64, 288–89, 338–39.

  16. Ang pangalang Missouri ay noon pang dekada ng 1670, nang ang French missionary na si Jacques Marquette ay gumawa ng isang mapa na may pangalang Ou-Missouri malapit sa ilog na nagtataglay ng pangalan nito, ang transliterasyon niya sa pangalan ng liping nanirahan sa tabi ng ilog. Kinuha ng Osage ang lupain sa gawing timog ng ilog, kinuha naman ng Missouri ang mga lupain sa gawing hilaga.

  17. Doktrina at mga Tipan 57:3.

  18. Doktrina at mga Tipan 57:4. Ang bahay-hukuman ay nakatayo sa pinakamataas na lugar doon. Sa paghahanap sa kalapit na lugar para sa templo, ikinumpara sa paghahayag ang templo ng Bagong Jerusalem sa templo ng Jerusalem, na matatagpuan din sa mataas na lugar. Mark Roscoe Ashurst-McGee, “Zion Rising: Joseph Smith’s Early Social and Political Thought” (PhD diss., Arizona State University, 2008), 233.

  19. Thorne, Many Hands, 76–86, 96–97, 135–76.

  20. Kabilang sa mga liping ito, bukod pa sa Osage, ang Missouri, Sac, Fox, Ioway, Delaware, at Shawnee. Hindi isinuko ng Missouri ang huli sa kanilang mga lupain sa estado hanggang noong 1854. Tingnan sa Billy J. McMahon, “‘Humane and Considerate Attention’: Indian Removal from Missouri, 1803–1838” (master’s thesis, Northwest Missouri State University, 2013), 7–8, 75–83; John P. Bowes, Exiles and Pioneers: Eastern Indians in the Trans-Mississippi West (New York: Cambridge University Press, 2007); Charles J. Kappler, tagatipon, Indian Affairs: Laws and Treaties (Washington, D.C.: Government Printing Office, 1904), 217–21.

  21. Doktrina at mga Tipan 57:4.

  22. Tingnan, halimbawa, sa Nancy Shoemaker, A Strange Likeness: Becoming Red and White in Eighteenth-Century North America (New York: Oxford University Press, 2004).

  23. 1 Nephi 15:13–17; 22:8–9; 3 Nephi 21:2–5.

  24. Ang iba pang mga paghahayag ay nangusap tungkol sa “Judio, na kung kanino ang mga Lamanita ay labi” (Doktrina at mga Tipan 19:27). Para sa maraming kahulugan ng salitang Judio sa makabagong banal na kasulatan, tingnan sa Victor L. Ludlow, “Jew(s),” sa Dennis L. Largey, pat., Book of Mormon Reference Companion (Salt Lake City: Deseret Book, 2003), 463–64; Thomas R. Valetta, “Jew(s),” sa Dennis L. Largey at Larry E. Dahl, mga pat., Doctrine and Covenants Reference Companion (Salt Lake City: Deseret Book, 2012), 315–16.

  25. Noon panahon ng Jewes in America (1650), ni Thomas Thorowgood, sinabi ng mga English at American Puritan na ang mga Indian ay nagmula sa nawawalang mga lipi ni Israel. Ang gayong konsepto ay agad naglaho. Binago ng mga paghahayag kay Joseph Smith ang karaniwang salaysay noong ika-19 na siglo tungkol sa mga katutubo bilang “naglahong” mga tao sa pamamagitan ng pagbibigay sa “labi ni Jacob” ng tungkuling magligtas sa mga huling araw ng kasaysayan ng daigdig. Tingnan sa Jared Hickman, “The Book of Mormon as Amerindian Apocalypse,” American Literature, tomo 86, blg. 3 (Set. 2014), 429–61; tingnan din sa Andrew Delbanco, The Puritan Ordeal (Cambridge, MA: Harvard University Press, 1989), 110.

  26. Sa ilalim ng Indian Removal Act, ang pagpapaalis sa mga Indian ay naging patakarang pederal noong 1830. Tingnan sa Ronald N. Satz, American Indian Policy in the Jacksonian Era (Norman: University of Oklahoma Press, 2002).

  27. Doktrina at mga Tipan 57:4.

  28. Doktrina at mga Tipan 97:21.

  29. Doktrina at mga Tipan 58:48.

  30. Doktrina at mga Tipan 58:9.

  31. Doktrina at mga Tipan 58:8, 10–11. Muling binigyang-kahulugan ng talata ang talinghaga ni Jesus tungkol sa kasal ng anak ng hari (tingnan sa Mateo 22:1–14) sa makabagong konteksto.

  32. Bagama’t ang mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi palaging namumuhay ayon sa kanilang mga pamantayan sa pakikitungo nila sa mga Indian, ang natatanging tungkulin na ibinigay sa mga katutubo sa mga paghahayag ay kadalasang naghihikayat ng mabuting pagtrato ng puting mga Banal sa mga Huling Araw sa mga Indian. Tingnan sa Ronald W. Walker, “Seeking the ‘Remnant’: The Native American During the Joseph Smith Period,” Journal of Mormon History, tomo 19, blg. 1 (1993), 1–33; “Peace and Violence among 19th-Century Latter-day Saints,” Gospel Topics, topics.churchofjesuschrist.org.