Seminary
I-assess ang Iyong Pagkatuto 1: Moises 1–Genesis 11


“I-assess ang Iyong Pagkatuto 1: Moises 1–Genesis 11,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“I-assess ang Iyong Pagkatuto 1: Moises 1–Genesis 11,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Genesis 6–11; Moises 8: Lesson 21

I-assess ang Iyong Pagkatuto 1

Moises 1Genesis 11

Payson High School Seminary

Ang pagninilay at pag-assess sa ating espirituwal na pagkatuto ay makatutulong sa atin na mas mapalapit sa Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na pagnilayan ang mga mithiing itinakda nila at ang pag-unlad na naranasan nila sa kanilang pag-aaral ng Moises 1 hanggang Genesis 11.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na pumasok sa klase na handang ibahagi ang natutuhan nila o ang mga paraan kung paano sila umunlad sa espirituwal mula noong pagsisimula ng pag-aaral ng Lumang Tipan at Mahalagang Perlas sa taon na ito. Maaari mong imungkahi na balikan nila ang kanilang study journal o mga tala sa kanilang mga banal na kasulatan upang matulungan sila na makita ang kanilang pag-unlad at pagkatuto.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang pag-aaral ng klase mo ng Moises 1 hanggang Genesis 11 ay maaaring tumuon sa iba’t ibang resulta sa halip na sa mga ina-assess sa lesson na ito. Kung gayon, iakma ang mga aktibidad para masuri ang pag-unlad na naranasan ng mga estudyante mula sa mga resulta na pinagtuunan nila.

Sa lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong i-assess ang kanilang pag-unlad sa:

  1. Pagpapalalim ng kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo at pagiging Kanyang disipulo.

  2. Pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw.

  3. Pagpapaliwanag ng mga epekto ng Pagkahulog at ng tungkulin ni Jesucristo bilang ating Manunubos. (Paalala: Ang aktibidad na ito ay batay sa mga turo mula sa Lesson 11: “Moises 4:5–32; 5:1–15, Bahagi 1” at Lesson 12: “Moises 4:5–32; 5:1–15, Bahagi 2.”)

  4. Pagpapatindi ng kanilang hangaring isakatuparan ang kanilang banal na identidad at layunin. (Paalala: Ang aktibidad na ito ay batay sa Lesson 3: “Abraham 3,” Lesson 4: “Moises 1:1–11,” Lesson 5: “Moises 1:12–26,” at Lesson 8: “Genesis 1:26–27.”)

Pagpapalalim ng pagbabalik-loob kay Jesucristo at pagiging Kanyang disipulo

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang espirituwal na pag-unlad ay nangangailangan ng mahabang panahon, maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan ng mga tao ni Enoc.

Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Moises 7:18–21 upang ipaalala sa kanila ang espirituwal na pag-unlad na ginawa ng mga tao ni Enoc bago sila dinala ng Panginoon sa langit.

The Old Testament prophet Enoch and people from the City of Zion being translated.  The people are depicted kneeling on a cloud.  Enoch has his arms raised in the air.
  • Ano ang hinangaan ninyo sa paglalarawang ito sa mga tao ni Enoc?

Sa talata 21, nakasaad na “sa paglipas ng panahon, [sila] ay dinala sa langit.” Basahin ang Moises 7:68 upang malaman kung gaano katagal ang “paglipas ng panahon” na iyon.

  • Ano ang maituturo nito sa atin tungkol sa espirituwal na pag-unlad bilang mga disipulo ng Tagapagligtas?

    Hikayatin ang mga estudyante na ipagbunyi ang kanilang pag-unlad bilang mga disipulo ni Cristo, kahit na mas matagal ito kaysa sa ninanais nila. Sa paglipas ng panahon, ang mabagal at tuluy-tuloy na pag-unlad ay hahantong sa isang ugnayan sa Tagapagligtas na tulad ng ugnayang nabuo ng mga tao ni Enoc.

    Sabihin sa mga estudyante na gunitain ang sarili nilang espirituwal na pag-unlad at pag-aaral sa nakalipas na ilang buwan. Maaari nilang sikaping kilalanin ang tila maliit na pag-unlad sa kanilang kaalaman, mga hangarin, at mga pagkilos na nakatulong sa kanila na maging mas tapat na mga disipulo ni Jesucristo. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na basahin ang kanilang study journal o ang mga tala sa kanilang banal na kasulatan. Kung matutulungan nito ang iyong mga estudyante na mapansin ang kanilang pag-unlad, maaari mong ipakita o itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na mahalaga sa inyo?

  • Ano ang ilang paraan na mas napalapit kayo sa Kanila?

  • Ano ang isang bagay na ipinamuhay ninyo mula sa inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan na nakatulong sa inyo bilang disipulo ni Cristo?

Pagkatapos ng oras para mag-isip, anyayahan ang mga boluntaryo na magbahagi ng pag-unlad na napansin nila sa kanilang sarili.

Pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw

Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang pagbabasa ng Moises 1–5; Abraham 1–3; at Genesis 37, 39, 41 ay kinakailangan upang makatanggap ng seminary credit ngayong semestre. Ang mga kabanatang ito ay maingat na pinili dahil sa lalim at kasaganaan ng doktrina nito.

Bukod pa rito, hinihikayat ang mga estudyante na gumawa ng mithiin na personal na pag-aaral ng banal na kasulatan. Ang mithiing ito ay hindi kinakailangan para sa credit, ngunit tutulungan sila nito na makahugot ng lakas araw-araw sa salita ng Diyos. Kung hindi pa sila nagtatakda ng mithiin, hikayatin silang gawin ito ngayon. Maaari nilang i-adjust ang mithiing ito anumang oras.

Upang matulungan ang mga estudyante na maisakatuparan ang mga kinakailangan sa kanilang mithiin sa pagbabasa at personal na pag-aaral, maaari mong bigyan ang bawat estudyante ng maliit na piraso ng papel. Ibibigay nila ang papel na ito sa pagtatapos ng klase. Maaari mong gamitin ang impormasyong inilagay nila sa kanilang mga papel upang angkop na mahikayat ang bawat estudyante sa kanilang mga mithiin. Maaari mong ipakita ang sumusunod bilang mga mungkahi kung ano ang isasama sa kanilang mga papel.

  1. Pangalan mo.

  2. Mga kabanata na kinakailangang basahin at pag-aralan na nakumpleto mo na.

Kung pipiliin mong ibahagi sa titser ang iyong personal na mithiin sa pag-aaral, isama rin ang:

  1. Iyong mithiin at kung paano mo ito ginagawa.

  2. Paano nakatutulong sa iyo ang mithiin mong matutuhan ang ebanghelyo at mas makilala si Jesucristo.

Maaari mong hilingin sa mga boluntaryo na ibahagi ang kanilang mga sagot sa huling dalawang pahiwatig sa klase o sabihin sa mga estudyante na magbahagi sa mas maliliit na grupo. Kung gagawin mo ito, tiyakin na alam ng mga estudyante na hindi nila kailangang ibahagi ang kanilang mga mithiin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan kung ayaw nila. Hindi dapat mapilitan ang mga estudyante na magbahagi.

Pagpapaliwanag ng mga epekto ng Pagkahulog at ng tungkulin ni Jesucristo bilang ating Manunubos

Ang pag-unawa sa mga epekto ng Pagkahulog at sa tungkulin ni Jesucristo bilang ating Manunubos mula sa Pagkahulog ay mahalaga sa pag-unawa sa plano ng Ama sa Langit. Subalit ang mahahalagang katotohanang ito ay maaaring mahirap unawain at ipaliwanag sa iba.

Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na balikan ang mga polyeto na ginawa nila sa Lesson 11: “Moises 4:5–32; 5:1–15, Bahagi 1” at Lesson 12: “Moises 4:5–32; 5:1–15, Bahagi 2.” (Kung hindi gumawa ng mga polyeto ang mga estudyante, maaari kang magpakita ng isang prutas at isang larawan ni Jesucristo bilang simpleng paraan upang ipaalala sa mga estudyante ang mga salaysay sa banal na kasulatan na ito. Pagkatapos ay maaaring mabilis na rebyuhin ng mga estudyante ang Moises 4:6–13, 22–25; 5:8–12 upang makapaghanda para sa talakayan sa ibaba.)

Maghandang ipaliwanag ang sumusunod gamit ang sarili mong mga salita:

  1. Ang pagpili nina Adan at Eva na naging dahilan ng Pagkahulog

  2. Ang mga resulta ng Pagkahulog kina Adan at Eva, at kung paano nakakaapekto ang mga resultang iyon sa ating lahat ngayon

  3. Kung paanong kinakailangan ang Pagkahulog sa plano ng Ama sa Langit para sa atin

  4. Ang ginawa ng Tagapagligtas upang tubusin tayo mula sa mga partikular na epekto ng Pagkahulog

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng kapartner. Sabihin sa isang estudyante na ipaliwanag ang nakasaad sa 1 at 2 sa kanilang kapartner. Pagkatapos ay sabihin sa isa pang estudyante na ipaliwanag ang nakasaad sa 3 at 4.

Kapag tapos na sila, maaari mo silang anyayahang gawin ang aktibidad nang isa pang beses, at sa pagkakataong ito ay magpalitan sila ng ipapaliwanag.

Pagpapatindi ng ating hangaring isakatuparan ang ating banal na identidad at layunin

Sa kanilang pag-aaral kamakailan ng Lumang Tipan, maaaring nagkaroon ang mga estudyante ng ilang karanasan sa pagkatuto na nakatuon sa kanilang banal na identidad at layunin bilang mga anak ng Diyos. Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na pagnilayan kung paano nakaapekto ang mga katotohanang natutuhan nila sa hangarin nilang isakatuparan ang kanilang banal na potensyal.

Old Testament Lesson 21 - Identity

Magdrowing ng outline ng isang tao na maaaring kumatawan sa inyo. Sa outline na ito, o malapit dito, isulat ang mga katotohanan tungkol sa inyong banal na identidad na natutuhan ninyo kamakailan sa Lumang Tipan. Kung maaari, gawing personal ang mga pahayag na ito gamit ang “akin” o “ako.” Narito ang ilang banal na kasulatan na maaari mong banggitin:

Abraham 3:22–23

Moises 1:1–11

Moises 1:12–24

Genesis 1:26–27

Ang mga sumusunod ay ilan sa mga katotohanan na maaaring isulat ng mga estudyante. Ang mga ito ay hango sa Lesson 3, 4, 5, at 8.

Pinili ako ng Diyos mula sa mga marangal at dakilang espiritu na isinilang ngayon (Abraham 3:22–23).

Bilang anak ng Diyos, may gawain Siya, partikular na para sa akin (Moises 1:6).

Dahil ako ay anak na babae o lalaki ng Diyos, makahuhugot ako ng lakas sa Kanya upang mapaglabanan ang tukso (Moises 1:13, 16).

Dahil ako ay nilikha ayon sa larawan ng Diyos, maaari akong maging katulad Niya (Genesis 1:26–27).

Upang matulungan ang mga estudyante na mapag-isipan kung paano makatutulong sa kanila ang mga katotohanang ito, maaari mong piliin ang isa sa mga sumusunod na aktibidad na gagawin ng mga estudyante sa klase o sa maliliit na grupo. O maaari mong sabihin sa mga estudyante na piliin kung aling aktibidad ang gusto nilang gawin.

Opsiyon A: Ilarawan ang ilang sitwasyon kung saan makatutulong sa iyo ang kaalaman sa mga katotohanang ito. Tukuyin kung paano makatutulong ang mga katotohanang ito sa isang tao sa bawat sitwasyon.

Opsiyon B: Kumpletuhin ang mga sumusunod na parirala:

Makatutulong sa akin ang kaalaman sa mga katotohanang ito kapag

  • Iniisip ko ang aking sarili dahil …

  • Nahaharap ako sa tukso dahil …

  • Nakikipag-ugnayan ako sa iba dahil …

  • Gumagawa ako ng mga desisyon dahil …

Kapag natapos na ang mga estudyante, sabihin sa kanila na isulat sa kanilang study journal ang anumang mga ideya o mga karanasan kung paano nakaimpluwensya ang mga katotohanang ito sa hangarin nilang maisakatuparan ang kanilang banal na potensyal. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na isulat kung paano makaiimpluwensya sa kanila ang mga katotohanang ito sa isang sitwasyon na kakaharapin nila.

Kapag natapos na ang mga estudyante, anyayahan ang sinumang estudyante na handang magbahagi ng isang bagay mula sa isinulat nila.