“Genesis 1:26–27: ‘Nilalang ng Diyos ang Tao ayon sa Kanyang Sariling Larawan,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Genesis 1:26–27: ‘Nilalang ng Diyos ang Tao ayon sa Kanyang Sariling Larawan,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5: Lesson 8
Genesis 1:26–27
“Nilalang ng Diyos ang Tao ayon sa Kanyang Sariling Larawan”
Sa ikaanim na panahon ng paglikha, nilikha ng Diyos ang lalaki at babae. Ang bawat tao sa mundo ay minamahal na anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang sa langit at may banal na katangian at tadhana. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng kanilang pagkakakilanlan o identidad at potensyal bilang mga anak na lalaki at babae ng mga magulang sa langit.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isaulo o rebyuhin ang mga panimulang linya ng mga tema ng Young Women at Aaronic Priesthood, at pagnilayan ang kahalagahan ng bawat pahayag:
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga pagkakakilanlan at label
Maaaring magdrowing ng isang timeline sa pisara at sabihin sa mga estudyante na gumawa ng sarili nilang timeline sa kanilang study journal. May halimbawang timeline sa ibaba.
Magdrowing ng isang pahalang na linya na kumakatawan sa inyong buhay at isulat dito ang iba’t ibang pagkakakilanlan at titulo ninyo noon, ngayon, o na inaasam ninyong taglayin sa hinaharap. Maaaring kabilang dito ang, “kaibigan,” “estudyante,” o naging posisyon o katungkulan ninyo sa trabaho. Ang sumusunod ay isang halimbawa:
-
Ano ang ilang pagkakakilanlan o titulo na pinili ninyong ilagay sa inyong timeline? Bakit?
-
Sa anong mga paraan nakakaimpluwensya ang mga pagkakakilanlan o titulo na ito sa mga pagpiling ginagawa ninyo?
Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson kung paano tayo maaapektuhan ng kung paano natin nilalagyan ng label ang ating sarili.
Ang mga label o titulo ay maaaring maging masaya at magpahiwatig ng inyong suporta sa kahit ilang positibong bagay. Maraming titulo ang magbabago para sa inyo sa paglipas ng panahon. At hindi lahat ng mga ito ay pare-pareho ang halaga. Ngunit kung pinapalitan ng anumang titulo ang pinakamahahalagang bagay na tumutukoy sa inyo, maaari nito kayong pahinain. (“Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)
-
Sa inyong palagay, paano maaaring magpahina ang ilang label?
Mga anak ng mga magulang sa langit
Basahin ang Genesis 1:26–27 at ang sumusunod na pahayag mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” at hanapin ang mga kaalaman tungkol sa iyong walang-hanggang pagkakakilanlan o identidad.
Ang Genesis 1:26–27 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan para madali nilang mahanap ang mga ito.
Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang [ayon] sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos. Ang kasarian ay mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay niyang mortal, at sa walang hanggan. (“Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org)
-
Ano ang mga natutuhan ninyo tungkol sa inyong walang-hanggang pagkakakilanlan o identidad?
Ang isang katotohanan na maaaring natukoy ng mga estudyante ay tayo ay mga anak na lalaki at babae ng mga magulang sa langit, na nilikha ayon sa kanilang larawan. Kung hindi pa nila ito nagagawa, sabihin sa mga estudyante na isulat ang “Anak ng Diyos” sa tapat ng kanilang timeline.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng nilikha ayon sa larawan ng Diyos?
Ibinahagi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) ang sumusunod na kabatiran tungkol sa paglikha ayon sa larawan ng Diyos.
Ang ating Diyos Ama ay may mga tainga para marinig ang ating mga dalangin. Mayroon Siyang mga mata para makita ang ating mga ginagawa. Mayroon Siyang bibig para makapangusap sa atin. Mayroon Siyang puso para makadama ng awa at pagmamahal. Siya ay tunay. Siya ay buhay. Tayo ay kanyang mga anak na nilikha sa kanyang larawan. Kamukha niya tayo at kamukha natin siya. (“I Know That My Redeemer Lives,” Ensign, Abr. 1990, 6)
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang ituring na mas mahalaga ang inyong identidad bilang anak ng Diyos kaysa sa iba pang identidad ninyo?
Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan kung gaano kahalaga sa kanila sa kasalukuyan ang kanilang identidad bilang mga anak ng Diyos. Kapag ginawa ito, maaanyayahan ang Espiritu Santo na patotohanan ang katotohanan o ihanda ang kaisipan at kalooban ng mga estudyante para maturuan.
-
Anong mga balakid ang maaaring magpahirap na paniwalaan o alalahanin ang inyong identidad bilang anak ng Diyos na nilikha ayon sa Kanyang larawan?
Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa nakaraang tanong. Ang mga posibleng sagot ay maaaring hindi maunawaan ng ilang tao kung bakit mahalaga ang pagiging anak ng Diyos, nahihirapan silang madama ang pagmamahal ng Diyos, o nagagambala sila ng mga di-gaanong mahalagang identidad. Kung may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa kasarian, tularan ang halimbawa ng Tagapagligatas habang itinuturo mo ang Kanyang doktrina sa paraang naghahatid ng pang-unawa, pag-asa, at pagpapagaling. Patotohanan na mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak at tutulungan Niya ang mga estudyante na pag-isipan ang kanilang mga tanong habang ipinamumuhay nila ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.
Para sa ideya sa kung paano matutulungan ang mga estudyante sa mga tanong tungkol sa kasarian, tingnan ang Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral.
Mga salita ng mga banal na kasulatan at mga propeta
Bigyan ang mga estudyante ng handout na pinamagatang “Ako ay Anak ng Diyos.” Sabihin sa mga estudyante na maghangad ng inspirasyon mula sa Diyos habang nag-aaral sila para matulungan silang matukoy ang kahalagahan ng kanilang banal na identidad. Bukod pa sa handout, maaari mong sabihin sa mga estudyante na balikan ang mga turo na matatagpuan sa mga tema ng Young Women at Aaronic Priesthood. Maaaring gawin ito ng mga estudyante nang mag-isa o sa maliliit na grupo.
Kapag natapos nang mag-aral ang mga estudyante, maaari mong sabihin sa kanila na ibahagi sa klase o sa maliliit na grupo ang natutuhan nila. Maaari mo ring itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang nahanap ninyo sa napag-aralan ninyong resources na makabuluhan sa inyo?
-
Paano makakaapekto na alam ninyo ang inyong identidad bilang anak ng Diyos sa pagtingin ninyo sa inyong sarili at sa ibang tao?
-
Paano nakaapekto sa inyong buhay ang kaalaman tungkol sa inyong banal na identidad at potensyal?
Kung makatutulong sa mga estudyante na makakita ng halimbawa ng kung paano makakaapekto sa kanila ang kaalaman sa kanilang walang-hanggang identidad, maaaring ipanood ang “Running Toward the Light” (17:34), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 11:00 hanggang 15:19. Sa video na ito, ibinahagi ni Elder Peter M. Johnson ng Pitumpu ang kanyang karanasan nang malaman niya na siya ay anak ng Diyos at ang impluwensya ng kaalamang iyon sa kanyang buhay. Pagkatapos ng video, maaari mong sabihin sa ilang estudyante na magbahagi ng sang bagay na tumimo sa kanila mula sa mensahe ni Elder Johnson.
Pagnilayan ang iyong identidad
Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan ang natutuhan nila tungkol sa kanilang identidad at potensyal bilang mga anak na babae at lalaki ng mga magulang sa langit. Sabihin sa kanila na isulat sa kanilang study journal ang anumang impresyon o ideyang natanggap nila na gusto nilang tandaan. Maaari mong tapusin ang lesson sa pagkanta ng “Ako ay Anak ng Diyos” ng buong klase, pagkatapos ay ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa pagiging anak ng Diyos.
Isaulo
Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at balikan ang mga ito sa mga susunod na lesson. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Genesis 1:26–27 ay “Nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling larawan.” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”