“Moises 4:5–32; 5; 1–15, Bahagi 2: ‘Nang sa Iyong Pagkahulog Ikaw ay Matubos,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Moises 4:5–32; 5; 1–15, Bahagi 2: ‘Nang sa Iyong Pagkahulog Ikaw ay Matubos,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Genesis 3-4; Moises 4–5; Lesson 12
Moises 4:5–32; 5:1–15, Bahagi 2
“Nang sa Iyong Pagkahulog Ikaw ay Matubos”
Ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay nagpasimula ng mga hamon na hindi nila naranasan sa Halamanan ng Eden. Sila ay nahiwalay sa kinaroroonan ng Diyos at ngayon ay daranas ng kasalanan, pisikal na kamatayan, at iba pang mortal na paghihirap. Gayunman, ang ating mapagmahal na Ama sa Langit ay naglaan ng isang Tagapagligtas upang madaig ang mga epekto ng Pagkahulog. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang kagalakang matubos mula sa Pagkahulog sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga epekto ng Pagkahulog nina Adan at Eva sa buong paligid nila. Maaaring kabilang dito ang pagsilang, kamatayan, pisikal na katawan, kasalanan, gutom, karamdaman, at iba pa. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano makatutulong si Jesucristo sa bawat epektong matutukoy nila.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang pangangailangan natin sa isang Manunubos
Simulan ang klase sa pamamagitan ng pagtulong sa mga estudyante na maunawaan ang pangangailangan natin sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang isang paraan para magawa mo ito ay sa pamamagitan ng paggamit ng sumusunod na ideya, hango sa mensaheng “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo” (Tad R. Callister, Liahona, Mayo 2019, 85). Magpakita ng larawan ng isang taong nahuhulog mula sa isang eroplano, at anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang sumusunod:
Ipagpalagay na nahulog kayo mula sa eroplano, libu-libong talampakan mula sa himpapawid, nang walang parachute o anupamang kagamitan.
-
Ano ang maaari ninyong gawin para subukang pabagalin ang inyong paghulog?
-
Ano ang magiging pag-asa ninyong mabuhay?
Sa kabilang banda, ipagpalagay na bago kayo mahulog mula sa eroplano, isang kaibigan ang nakapaglagay ng parachute sa inyo.
-
Ano ang mag-iiba sa nadarama ninyo tungkol sa inyong pagkahulog?
-
Ano ang madarama ninyo tungkol sa inyong kaibigan?
Upang matulungan ang mga estudyante na maiugnay ang nakaraang talakayan sa pangangailangan natin sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari nilang talakayin ang mga sumusunod na tanong sa isang kapartner. Kung gumawa ang mga estudyante ng mga polyeto tungkol sa mga epekto ng Pagkahulog sa nakaraang lesson, maaari mo munang anyayahan sila na mabilis na basahin ang mga polyetong ito. Kung hindi gumawa ng mga polyeto ang mga estudyante, maaari mong baguhin ang mga aktibidad na gumagamit ng mga ito.
-
Paano natin maihahambing ang analohiyang ito sa Pagkahulog nina Adan at Eva at sa papel na ginagampanan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa plano ng Ama sa Langit?
-
Ano ang ilan sa mga epekto ng Pagkahulog na kung saan kailangan natin ang tulong ni Jesucristo upang madaig ang mga ito?
Kung kinakailangan, ipaalala sa mga estudyante na dahil sa Pagkahulog, lahat tayo ay nakararanas ng kamatayang espirituwal. Ibig sabihin nito ay isinilang tayo sa mundo na nakahiwalay sa kinaroroonan ng Diyos at nagkakasala tayo, na espirituwal ding naglalayo sa atin sa Kanya. Dahil sa Pagkahulog, nahaharap din tayo sa mga paghihirap, karamdaman, kahinaan, at kalaunan ay pisikal na kamatayan.
Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod:
-
Alin sa mga sumusunod na pahayag ang totoo tungkol sa inyo?
-
Hindi ko alam kung bakit ko kailangan ang Tagapagligtas.
-
Nauunawaan ko kung bakit kailangan ko ang Tagapagligtas, pero tingin ko ay hindi ko ito maipapaliwanag sa ibang tao.
-
Maipapaliwanag ko sa ibang tao ang pangangailangan natin sa Tagapagligtas.
-
Nakadarama ako ng pagmamahal at pasasalamat para kay Jesucristo at sa nagawa Niya para sa akin.
-
Hikayatin ang mga estudyante na anyayahan ang impluwensya ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng aktibong pakikibahagi sa buong lesson.
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Bilang bahagi ng Pagkahulog, kinailangang lisanin nina Adan at Eva ang Halamanan ng Eden. Patuloy silang pinagpala ng Panginoon sa pamamagitan ng pagbibigay ng kasuotan (tingnan sa Moises 4:27) at pagbibigay ng mga kautusan upang tulungan silang madaig ang Pagkahulog.
Maaari mong ipakita ang larawan sa simula ng lesson na ito at basahin ang mga sumusunod na talata bilang isang klase. Huminto paminsan-minsan para matawag ang mga estudyante na ibahagi ang natututuhan nila. Halimbawa, pagkatapos basahin ang talata 5–7, maaari nilang talakayin kung paano sinimbolo ng pag-aalay ng mga panganay ng kanilang mga kawan ang sakripisyo ni Jesucristo. O maaari mong itanong sa mga estudyante kung ano ang natutuhan nila mula sa halimbawa ng pagsunod ni Adan at kung paano nila maipamumuhay ang halimbawang ito.
Basahin ang Moises 5:5–9, at alamin ang iniutos ng Diyos.
-
Ano ang natutuhan nina Adan at Eva mula sa anghel at sa Espiritu Santo?
Maaaring matukoy ng mga estudyante na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tayo ay matutubos mula sa Pagkahulog. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na markahan ang mga salita o parirala sa talata 7 at 9 na nagtuturo ng katotohanang ito. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng matubos ay masagip o mapalaya.
Upang tulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa sa katotohanang ito, ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at bigyan ang mga estudyante ng handout sa ibaba. Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na may tig-tatatlong miyembro at anyayahan ang bawat estudyante sa grupo na pag-aralan ang isang bahagi ng handout. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga estudyante sa kanilang mga grupo ang natutuhan nila at gawin nang magkakasama ang kasunod na pahina sa kanilang mga polyeto. (Tandaan: Iminumungkahi sa Lesson 21: “I-assess ang Iyong Pagkatuto 1” na sumangguni ang mga estudyante sa mga polyetong ginawa nila sa aktibidad na ito upang makatulong sa pagpapaliwanag nila ng tungkulin ni Jesucristo bilang ating Manunubos.)
-
Sa loob ng inyong polyeto, lagyan ng label na “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo” ang kanang (blangkong) pahina.
-
Pag-aralan ang materyal sa handout para malaman kung paano tayo tinutubos ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo mula sa mga epekto ng Pagkahulog. Maaaring inilista ninyo ang mga epekto ng Pagkahulog sa naunang pahina ng inyong polyeto.
-
Sa bagong pahina ng inyong polyeto, magsulat ng isa o dalawang pangungusap na nagbubuod sa natutuhan ninyo mula sa bawat bahagi ng handout. Humingi ng tulong sa Espiritu Santo para maunawaan kung paano nauugnay ang mga turong ito sa inyo.
Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung ano ang isinulat nila sa kanilang mga polyeto. Maaaring idagdag ng iba pang mga estudyante sa kanilang mga polyeto ang natutuhan nila mula sa kanilang mga kaklase.
Ang kagalakan ng pagtubos
Anyayahan ang mga estudyante na lagyan ng label na “Ang Kagalakan sa Pagtubos sa Akin” ang pabalat sa likod ng kanilang polyeto. Hikayatin sila na kopyahin ang sumusunod na pahayag sa pahinang iyon, at mag-iwan ng espasyo na pagsusulatan sa ilalim nito.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Kapag nadarama natin na may epekto ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa ating buhay, mapupuspos tayo ng kagalakan. (“Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 84)
Basahin ang Moises 5:10–11, at alamin ang ipinahayag nina Adan at Eva tungkol sa mga bunga ng Pagkahulog at ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
-
Ano ang pinakamahalaga para sa inyo sa kanilang mga sinabi?
Bigyan ng oras ang mga estudyante na makumpleto ang huling pahina ng kanilang mga polyeto, na magagawa nila sa pamamagitan ng pagsulat ng sariling bersiyon ng Moises 5:10–11. Tulad nina Adan at Eva, maaari nilang isulat ang mga dahilan kung bakit nakadarama sila ng kagalakan dahil sa kanilang Manunubos.
Maaari mong tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pag-anyaya sa ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila.