“Moises 4:5–32; 5; 1–15, Bahagi 1: ‘Namulat Kapwa ang Kanilang mga Mata,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Moises 4:5–32; 5; 1–15, Bahagi 1: ‘Namulat Kapwa ang Kanilang Mga Mata,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Genesis 3–4; Moises 4–5: Lesson 11
Moises 4:5–32; 5:1–15, Bahagi 1
“Namulat Kapwa ang Kanilang mga Mata”
Matanto man natin ito o hindi, ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay direktang nakakaapekto sa ating lahat sa bawat araw. Sa katunayan, kung wala ito, hindi tayo isinilang. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga epekto ng Pagkahulog sa plano ng Ama sa Langit at sa kanilang sariling buhay.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery passage na 2 Nephi 2:25 at itanong sa isang magulang o lider ng Simbahan kung ano ang kahulugan nito para sa kanila.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mabuti o masama?
Para simulan ang lesson, tulungan ang mga estudyante na isipin kung paano nagiging mga pagpapala sa plano ng Diyos ang ilang mahirap na bagay. Ang isang paraan upang magawa ito ay sa pamamagitan ng paggamit ng sumusunod na scale. Maaari mong piliing magpakita ng mga larawan na naglalarawan sa mga salita na ira-rank nila.
-
Sa scale na 1–10 (1 = masama, 10 = mabuti), sa inyong palagay, paano ira-rank ng karamihan sa mga tao ang mga sumusunod na bagay?
Pagsisikap
Mga pagsubok
Kalungkutan
Kamatayan
-
Kung titingnan ang mga ito mula sa walang-hanggang pananaw ng plano ng Ama sa Langit, ira-rank ba ninyo ang alinman sa mga ito sa ibang paraan? Kung oo, bakit?
Maaari kang magpakita ng larawan nina Adan at Eva na tulad ng nasa simula ng lesson. Maaari mo itong iwanang naka-display para sa natitirang bahagi ng lesson.
Marami sa mga paghihirap na nararanasan natin sa buhay ang dumarating dahil sa pagpiling ginawa ng ating mga unang magulang, sina Adan at Eva.
-
Sa inyong palagay, paano ira-rank ng maraming tao ang Pagkahulog nina Adan at Eva sa scale na 1–10? Bakit?
Pag-isipan kung gaano ninyo nauunawaan ang Pagkahulog nina Adan at Eva at ang kahalagahan nito sa inyong buhay. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa inyong study journal:
-
Sa palagay mo, mabuti ba o masama ang Pagkahulog?
-
Paano makakaapekto sa iyong sagot ang pag-unawa mo sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
Habang pinag-aaralan ninyo ngayon ang Moises 4–5, humingi ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo para matulungan kayong mas maunawaan ang Pagkahulog nina Adan at Eva. Matutulungan kayo ng Espiritu Santo na makita na ang Pagkahulog ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit upang tulungan tayong umunlad at maging higit na katulad Niya.
Ang mga epekto ng Pagkahulog
Anyayahan ang mga estudyante na ibuod ang nalalaman nila tungkol sa Halamanan ng Eden at sa Pagkahulog nina Adan at Eva. Kung kailangan nila ng tulong, sabihin sa kanila na basahin ang 2 Nephi 2:22–23; Moises 3:16–17; 4:6–12, at alamin ang mga detalye. Maaari mo itong ibuod sa pamamagitan ng pagpapanood ng Old Testament Scripture Stories video na “Adam at Eve” (1:53), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
Pagkatapos ay tulungan ang mga estudyante na malaman ang mga epekto ng Pagkahulog kina Adan, Eva, at sa kanilang mga inapo. Upang matulungan ang mga estudyante na maisaayos ang natutuhan nila, bigyan sila ng papel at ipakita ang mga sumusunod na tagubilin. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na kumpletuhin ang aktibidad na ito nang magkakapartner. (Paalala: Lesson 21: Iminumungkahi ng “I-assess ang Iyong Pagkatuto 1” na sumangguni ang mga estudyante sa mga polyetong ginawa nila sa aktibidad na ito upang matulungan sila na maipaliwanag ang mga epekto ng Pagkahulog.)
Maaari mong limitahan ang oras na inilalaan ng mga estudyante sa paggawa ng kanilang mga polyeto upang magkaroon sila ng oras na matalakay ang natitirang bahagi ng lesson.
Upang matulungan kayong maisaayos ang natutuhan ninyo tungkol sa Pagkahulog, gumawa ng polyeto gamit ang mga sumusunod na tagubilin. Ipagpalagay na gagamitin ninyo ang polyetong ito para ituro sa iba ang tungkol sa Pagkahulog at kung bakit ito mahalaga sa plano ng Ama sa Langit. Maging malikhain sa paggawa ng inyong sariling polyeto.
-
Tupiin ang papel sa dalawa. Gumawa ng isang pabalat na may pamagat na tulad ng “Ang Pagkahulog sa Plano ng Ama sa Langit.” Magdagdag ng drowing o larawan na nagpapaalala sa iyo tungkol sa Pagkahulog, tulad ng isang punungkahoy o isang prutas.
-
Sa loob ng polyeto, lagyan ng pamagat na “Mga Epekto ng Pagkahulog” ang kaliwang pahina.
-
Pag-aralan ang Moises 4:13–16, 22–25, 28–29; 5:1–4. Ilista o idrowing ang mga epekto ng Pagkahulog sa mga anak ng Diyos. Isama sa iyong polyeto ang mga talata kung saan mo nalaman ang tungkol sa bawat epekto.
Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga polyeto sa klase. Anyayahan ang mga estudyante na idagdag sa kanilang mga polyeto ang anumang bagay na nakaligtaan nila.
Tiyaking inilista ng mga estudyante na sina Adan at Eva at ang kanilang mga inapo ay:
-
Makadarama na hindi sila handang humarap sa Diyos (Moises 4:13–16).
-
Magkakaroon na ng mga anak (Moises 4:22; 5:2–3).
-
Makakaranas na ng kalungkutan, pasakit, at hirap (Moises 4:22–24).
-
Kinakailangan nang magsikap upang mabuhay (Moises 4:25; 5:1–3).
-
Malalaman na ang mabuti sa masama (Moises 4:28).
-
Pisikal na mamamatay (Moises 4:25).
-
Mahihiwalay sa kinaroroonan ng Diyos (kamatayang espirituwal) (Moises 5:4).
Ipaliwanag na ang pagkahiwalay sa Diyos ay tinatawag na “kamatayang espirituwal”—isang bagay na nararanasan nating lahat.
Pagnilayan kung paano makatutulong sa atin ang mga partikular na epekto ng Pagkahulog upang umunlad tayo tungo sa “kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan” (Moises 1:39).
-
Paano ipinapakita ng pagtulot ng Diyos na mahulog sina Adan at Eva ang Kanyang karunungan at pagmamahal sa Kanyang mga anak?
Pag-isipan kung aling mga epekto ng Pagkahulog ang pinakamahirap para sa inyo sa buhay ninyo.
Ipaliwanag sa mga estudyante na tatapusin nila ang kanilang mga polyeto sa susunod na lesson habang pinag-aaralan nila ang tungkol sa tungkulin ng Tagapagligtas sa pagdaig sa mga negatibong epekto ng Pagkahulog.
Ang mahalagang papel na ginagampanan ng Pagkahulog
Ipinaliwanag ng propetang si Lehi sa Aklat ni Mormon ang kahalagahan ng Pagkahulog.
Pag-aralan ang 2 Nephi 2:22–25, at alamin kung bakit mabuting bagay ang Pagkahulog.
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Pagkahulog?
Maaaring mabanggit ng mga estudyante ang ilang katotohanan, ngunit tiyaking nauunawaan nila na ang Pagkahulog ay mahalaga sa ating pag-unlad sa plano ng Ama sa Langit.
Maaari mo ring tulungan ang iyong mga estudyante na maunawaan na binigyan ng pagkakakataon ng Ama sa Langit sina Adan at Eva at ang kanilang mga inapo na makaranas ng kagalakan sa pamamagitan ng Pagkahulog. Sabihin sa kanila na isulat ang “kagalakan“ sa kanilang polyeto sa ilalim ng “Mga Epekto ng Pagkahulog.” Maaari mong itanong kung mayroon sa iyong mga estudyante ang makapagbibigkas ng 2 Nephi 2:25 nang walang kopya.
Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit mahalaga sa ating buhay ang Pagkahulog:
Ang Pagkahulog ay mahalagang bahagi ng banal na plano ng Ama sa Langit. Kung wala ito, wala sanang mortal na mga anak sina Adan at Eva, at wala sanang pamilya ng tao na daranas ng oposisyon at pag-unlad, kalayaang moral, at kagalakan ng pagkabuhay na mag-uli, pagtubos, at buhay na walang hanggan. (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 207)
Balikan ang pahina ng “Mga Epekto ng Pagkahulog” sa inyong polyeto.
-
Paano naimpluwensyahan nang positibo ang inyong walang hanggang pag-unlad dahil sa Pagkahulog?
-
Sa aling mga epekto ng Pagkahulog tayo kailangang masagip?
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na, bukod sa iba pang mga bagay, hindi natin masasagip ang ating sarili mula sa pisikal na kamatayan o espirituwal na kamatayan.
Basahin ang unang pangungusap sa 2 Nephi 2:26, at alamin ang mabuting balita para sa lahat ng anak ng Diyos.
-
Ano ang nalaman ninyo?
Ipaalam sa mga estudyante na ang susunod na lesson ay magtutuon sa tungkulin ng Mesiyas sa pagtubos sa atin mula sa mga negatibong epekto ng Pagkahulog.
Anyayahan ang mga estudyante na alalahanin ang aktibidad sa pagra-rank mula sa simula ng lesson. Itanong sa kanila kung paano na nila ira-rank ang Pagkahulog nina Adan at Eva sa scale na 1–10. Pagkatapos ay maaaring ipaliwanag ng mga estudyante sa kanilang katabi kung bakit mabuting bagay ang Pagkahulog at kung paano nito naaapektuhan ang kanilang buhay at ang pag-unlad nila sa plano ng Ama sa Langit.
Maaari mong tapusin ang talakayan sa pagpapatotoo sa karunungan at pagmamahal ng Ama sa Langit para sa atin, na ipinakita Niya sa pagsugo sa Kanyang Anak upang tubusin tayo mula sa Pagkahulog.
(Ipaalala sa mga estudyante na itago ang kanilang mga polyeto—o ibigay ang mga ito sa iyo—upang matapos nila ang paggawa ng mga ito sa susunod na lesson.)