“Ang Plano ng Kaligtasan: Ang Tagapagligtas ay Sentro sa Plano ng Ama,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Ang Plano ng Kaligtasan: Ang Tagapagligtas ay Sentro sa Plano ng Ama,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Halina’t Basahin ang Lumang Tipan: Lesson 2
Ang Plano ng Kaligtasan
Ang Tagapagligtas ay Sentro sa Plano ng Ama
Sa ating premortal na buhay, tayo ay “nagsigawan sa tuwa” (Job 38:7) nang malaman natin ang plano ng Ama sa Langit para sa ating walang-hanggang pag-unlad. Si Jehova ang piniling maging Tagapagligtas at Manunubos natin, na nagbibigay ng daan para makabalik tayo sa Ama at maging katulad Niya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit at ang mahalagang tungkuling ginagampanan ni Jesucristo.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang nalalaman nila tungkol sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit at ang mahalagang tungkuling ginagampanan ng Tagapagligtas sa ating walang-hanggang pag-unlad. Maaaring isulat ng mga estudyante ang mga bahagi ng plano ng kaligtasan na alam nila at magsanay na ipaliwanag ang mga ito sa isang kapamilya o kaibigan.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang nalalaman nila tungkol sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit at ang mahalagang tungkuling ginagampanan ng Tagapagligtas sa ating walang-hanggang pag-unlad. Maaaring isulat ng mga estudyante ang mga bahagi ng plano ng kaligtasan na alam nila at magsanay na ipaliwanag ang mga ito sa isang kapamilya o kaibigan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagsagot sa mga tanong ng buhay
Para simulan ang klase, maaari mong ipakita at ibahagi ang sumusunod.
Nilapitan ka ng kaibigan mong si Jonathan at nagtanong:
-
Saan tayo nagmula?
-
Ano ang layunin ng buhay?
-
Ano ang mangyayari pagkatapos nating mamatay?
Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang nalalaman na nila tungkol sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit. Ang sumusunod na aktibidad sa study journal ay isang paraan para magawa mo ito. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na magkakaroon sila ng pagkakataong magsanay sa pagsagot sa mga tanong ni Jonathan kalaunan sa lesson.
Sa inyong study journal, sagutin ang mga sumusunod na tanong para matulungan kayong pagnilayan kung ano na ang naunawaan ninyo tungkol sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.
-
Gaano kalaki ang kumpiyansa mo sa iyong kakayahang sagutin ang mga tanong ni Jonathan?
-
Ano ang mga tanong mo tungkol sa plano ng Ama sa Langit?
Sa inyong pag-aaral ngayon, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo para matulungan kayong madagdagan ang inyong pag-unawa sa plano ng Ama sa Langit at sa mahalagang tungkuling ginagampanan ng Tagapagligtas.
Si Jesucristo ay sentro sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit
Ang pagtulong sa mga estudyante na matukoy ang iba’t ibang titulo, tungkuling ginagampanan, at katangian ni Jesucristo ay maaaring magpalakas ng kanilang ugnayan sa Kanya. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mahalagang tungkuling ginagampanan ni Jesucristo sa bawat bahagi ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit, maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga naiisip sa kung ano ang itinuturo ng paglalarawang ito tungkol sa Tagapagligtas.
(Para sa karagdagang training ng titser tungkol sa pagtukoy sa mga titulo, ginagampanang tungkulin, at katangian ni Jesucristo, tingnan ang: “Bigyang-diin ang halimbawa ni Jesucristo” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.)
Matapos ang sapat na oras para talakayin ng mga estudyante ang itinuturo ng larawan, maaari mong ipakita ang pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks.
Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang tungkuling ginagampanan ng Tagapagligtas sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit:
Ano ang nagawa ni Jesucristo para sa bawat isa sa atin? Ginawa Niya ang lahat ng mahalaga para sa ating paglalakbay sa mortalidad patungo sa tadhanang nakabalangkas sa plano ng ating Ama sa Langit. … [A]ng Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo ang nasa sentro. (“Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?,” Liahona, Mayo 2021, 75)
-
Paano ninyo ibubuod ang turo ni Pangulong Oaks bilang pahayag ng katotohanan?
Tulungan ang mga estudyante na tumukoy ng katotohanang tulad ng si Jesucristo ang sentro sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit at sa ating walang-hanggang pag-unlad. Maaaring makatulong na isulat sa pisara ang katotohanang ito.
Ang plano ng Ama sa Langit at ang mahalagang tungkuling ginagampanan ng Tagapagligtas
Layunin ng sumusunod na aktibidad na tulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit at sa tungkuling ginagampanan ng Tagapagligtas dito. Maaaring anyayahan ang mga estudyanteng lubos na pamilyar sa plano ng kaligtasan na gamitin ang kanilang mga tool sa pag-aaral ng banal na kasulatan para maghanap ng mga scripture passage at pahayag mula sa mga lider ng Simbahan para sagutin ang tatlong tanong ni Jonathan sa pisara.
Kung kailangan ng mga estudyante ng karagdagang patnubay, maaari mo silang bigyan ng kopya ng handout na may pamagat na “Plano ng Kaligtasan ng Ama sa Langit.” Maaari silang anyayahang pag-aralan ang handout nang mag-isa o sa maliliit na grupo. Ang isang paraan para magawa ito ay hatiin ang handout sa tatlong bahagi at ilagay ang mga bahagi sa paligid ng silid. Maaaring umikot ang mga estudyante sa bawat lokasyon sa silid nang mag-isa o kasama ang kanilang mga grupo habang pinag-aaralan nila ang plano ng kaligtasan.
Ipakita ang mga sumusunod na tagubilin upang makatulong sa paggabay sa mga estudyante sa kanilang pag-aaral.
Habang pinag-aaralan ninyo ang tungkol sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit, hanapin ang mga sumusunod:
-
Kung paanong may mahalagang tungkuling ginagampanan si Jesucristo sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.
-
Mga katotohanang maibabahagi ninyo kay Jonathan para makatulong sa pagsagot sa kanyang mga tanong.
Isulat ang mga nalaman ninyo sa inyong study journal.
Matapos mag-aral ang mga estudyante, bigyan sila ng pagkakataong ibahagi ang kanilang mga nalaman at naunawaan. Maaaring sanayin ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila sa pamamagitan ng pagsasadula sa kung paano nila sasagutin ang bawat isa sa tatlong tanong ni Jonathan. Maaari mo rin silang anyayahang talakayin ang mga sumusunod na tanong kasama ang kapartner o ang klase.
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa mahalagang tungkuling ginagampanan ni Jesucristo sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit?
-
Anong mga katotohanan o turo ang maibabahagi ninyo kay Jonathan na makatutulong na sagutin ang kanyang mga tanong?
Pag-isipan ang natutuhan ninyo
Maaari mong tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na pagnilayan nang tahimik ang nadama nila tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa plano ng kaligtasan. Sabihin sa kanila na isipin ang anumang pagkilos na nadama nila na dapat nilang gawin. Maaari nilang isulat sa kanilang study journal ang nalaman nila at ang mga espirituwal na impresyon nila.