Seminary
Pambungad sa Lumang Tipan: Ang Lumang Tipan ay Nagpapatotoo sa Isang Mapagmalasakit na Ama sa Langit at kay Jesucristo


“Pambungad sa Lumang Tipan: Ang Lumang Tipan ay Nagpapatotoo sa Isang Mapagmalasakit na Ama sa Langit at kay Jesucristo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Pambungad sa Lumang Tipan: Ang Lumang Tipan ay Nagpapatotoo sa Isang Mapagmalasakit na Ama sa Langit at kay Jesucristo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Halina’t Basahin ang Lumang Tipan: Lesson 1

Pambungad sa Lumang Tipan

Ang Lumang Tipan ay Nagpapatotoo sa Isang Mapagmalasakit na Ama sa Langit at kay Jesucristo

Frontal head and shoulders portrait of Jesus Christ. Christ is depicted wearing a pale red robe with a white and blue shawl over one shoulder. Light emanates from His face.

Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng maraming turo at simbolo tungkol sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang tungkuling ginagampanan bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. Ang mga kuwento mula sa Lumang Tipan ay makatutulong sa mga estudyante na makilala Siya at makita kung paano Siya naging bahagi ng ating buhay. Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na madagdagan ang kanilang hangaring mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng kanilang pag-aaral ng Lumang Tipan.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na basahing muli ang kanilang paboritong kuwento mula sa Lumang Tipan at pag-isipan kung ano ang maaaring ituro ng kuwentong iyon tungkol sa Ama sa Langit o kay Jesucristo.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na basahing muli ang kanilang paboritong kuwento mula sa Lumang Tipan at pag-isipan kung ano ang maaaring ituro ng kuwentong iyon tungkol sa Ama sa Langit o kay Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang pagtutuunan natin

Para simulan ang lesson, isipin kung paano mo matutulungan ang mga estudyante na hanapin nang mas mabuti ang Tagapagligtas sa Lumang Tipan. Ang isang paraan para magawa ito ay maglagay ng ilang larawan ng Tagapagligtas sa paligid ng silid bago magklase. Kapag nagsimula na ang klase, maaari mong itanong sa mga estudyante kung ilang larawan ng Tagapagligtas ang napansin nila at talakayin kung bakit nila napansin o hindi napansin ang mga larawan.

Ang isa pang paraan para magawa ito ay ipaliwanag sa mga estudyante na manonood sila ng video na nagpapakita ng dalawang team: isang nakaputi at isang naka-itim. Magpapasahan ng basketball ang dalawang grupo. Sabihin sa mga estudyante na subukang bilangin nang tama ang bilang ng pasahang magagawa ng team na nakaputi.

Ipanood ang video na “Focus Test,” na makikita sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 0:00 hanggang 0:22. Pagkatapos ay i-pause ang video.

1:2
  • Ilang pasahan ang nabilang ninyo?

  • May napansin ba kayong iba pang bagay na nangyayari sa video? Kung mayroon, ano iyon?

    Ipalabas ang natitirang bahagi ng video (inuulit nito ang parehong drill ng pasahan) at sabihin sa mga estudyante na tingnan mabuti ang anumang bagay na maaaring hindi nila nakita sa unang panonood.

  • Ano ang napansin ninyo na hindi ninyo nakita sa unang panonood?

    Kung kinakailangan, maaari mong banggitin na dumaan ang isang matandang babae, pinalitan ng naka-itim na ninja warrior ang isa sa mga manlalaro, nagsuot ng mga sumbrero ang ilang batang lalaki, at ang ilan ay nagpasahan ng football sa halip na basketball.

  • Bakit hindi ninyo nakita ang ilan sa mga bagay na iyon sa unang panonood ninyo?

  • Paano ito maaaring maihalintulad sa posibleng maranasan ng isang tao kapag nagbabasa ng mga kuwento ng Lumang Tipan?

Alinmang paraan ang gamitin sa pagsisimula ng lesson, tiyaking malinaw sa mga estudyante na, kung hindi tayo maingat, maaaring ibang bagay ang pagtuunan natin ng pansin at hindi makita kung ano ang dapat ituro sa atin ng Lumang Tipan tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Michael T. Ringwood ng Pitumpu, at alamin ang matututuhan natin tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang binabasa natin ang Lumang Tipan.

Elder Ringwood

Tayo ang pinagtutuunan ng plano ng ating Ama sa Langit at ang dahilan ng misyon ng ating Tagapagligtas.

[Sa bawat] kabanata [ng Lumang Tipan] natutuklasan natin ang mga halimbawa kung paano masidhing nakikibahagi sa ating buhay ang Ama sa Langit at si Jehova [Jesucristo]. (“Sapagkat Gayon na Lamang ang Pagmamahal ng Diyos sa Atin,” Liahona, Mayo 2022, 88–89)

  • Ayon kay Elder Ringwood, ano ang ipinapakita sa atin ng Lumang Tipan tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Maaaring makaisip ang mga estudyante ng mga katotohanan na tulad ng:

Tayo ang pinagtutuunan ng plano ng ating Ama sa Langit at ang dahilan ng misyon ng Tagapagligtas.

Masidhing nakikibahagi sa ating buhay ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang naiisip at nadarama nila tungkol sa mga katotohanang ito at kung bakit maaaring maging makabuluhan ang mga ito sa kanila. Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin nang mag-isa ang sumusunod na pagsusuri sa sarili. Maaari nilang isulat ang kanilang mga sagot sa study journal.

Mag-isip ng anumang karanasan mo sa Lumang Tipan.

  • Ano ang naging karanasan mo sa Lumang Tipan?

  • Kung nagkaroon ka na ng mga karanasan sa Lumang Tipan, natulungan ka ba ng mga ito na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Sa pag-aaral ninyo ng lesson na ito, humingi ng tulong sa pamamagitan ng Espiritu Santo para malaman kung paano mas mapapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng inyong pag-aaral ng Lumang Tipan.

Ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa Lumang Tipan

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga nalalaman na nila tungkol sa Lumang Tipan. Kung kinakailangan, maaari mong ibahagi na ang Lumang Tipan ay nagsisimula sa isang salaysay tungkol sa Paglikha ng daigdig at kina Adan at Eva. Isinasalaysay nito ang mga kuwento ng maraming propeta at tao na nanirahan sa Israel at sa paligid nito at natapos noong mga 400 BC. Pagkatapos, ipaliwanag ang sumusunod gamit ang sarili mong mga salita.

Habang pinag-aaralan ninyo ang Lumang Tipan, tutukuyin nito ang Panginoon o si Jehova. Nakatutulong na malaman na si Jehova ay si Jesucristo. Ginawa ni Jehova ang kalooban ng Ama sa Langit sa lahat ng bagay. Habang natututuhan ninyo ang tungkol kay Jehova, matututuhan din ninyo ang tungkol sa Ama sa Langit, na gumabay at nagbigay sa Kanya ng kapangyarihan.

Magpaskil ng ilang larawan nang nakapabilog na naglalarawan sa mga kuwento sa Lumang Tipan. (Maaaring makatulong na ihanda ang iyong sarili bago ang klase sa pamamagitan ng maikling pagrerebyu ng mga kuwentong inilarawan.) Sa gitna ng mga larawang ito, maglagay ng larawan ni Jesucristo. Maaari mong piliing gumamit ng mga larawang tulad ng sumusunod.

Bilang alternatibo, maaari mong idispley ang larawan ni Jesucristo at sabihin sa mga estudyante na mag-isip ang bawat isa ng mga kuwento na naglalarawan ng Kanyang pakikipag-ugnayan at pagmamahal sa Lumang Tipan. Maaaring magsulat ang mga estudyante ng mga simpleng pamagat para sa mga kuwentong iyon na tungkol sa Tagapagligtas.

Old Testament Lesson 1

Ang mga kuwento ay nakalista sa ibaba, simula sa itaas at paikot sa kanan.

  • Si Jose sa Egipto (Genesis 37:23–28; 39:1–5). Matapos ibahagi ni Jose ang kanyang panaginip sa pamilya niya, nagsabwatan ang mga kapatid ni Jose laban sa kanya.

  • Paghawi ni Moises sa Dagat na Pula (Exodo 14:10, 13–16, 21–22). Tumatakas ng Egipto ang mga anak ni Israel nang habulin sila ng hukbo ni Faraon para salakayin at alipinin silang muli.

  • Ahas na nakapatong sa tikin (Mga Bilang 21:4–9). Matapos iligtas ng Panginoon ang mga Israelita mula sa Egipto at mahimalang magbigay ng tinapay mula sa langit, nagreklamo ang mga Israelita laban sa Diyos.

  • David at Goliat (1 Samuel 17:43–49). Hinamon ni Goliat na isang mandirigmang Filisteo ang Israel na ipadala ang pinakamahusay nilang mandirigma upang labanan siya. Nagboluntaryo si David na harapin siya.

  • Hurno ng nagniningas na apoy (Daniel 3:4–6, 12–13, 16–25). Nagtayo si Haring Nebukadnezar ng isang ginintuang imahe at ipinatawag niya ang mga pinuno ng kanyang lupain na magsama-sama upang italaga ito.

  • Yungib ng mga leon (Daniel 6:7, 10, 16–23). Itinalaga ni Dario si Daniel bilang pinuno ng Babilonia. Nagsabwatan ang iba pang pinuno laban sa kanya para hindi na siya paboran ng hari.

Maaari mong pagpartner-partnerin o hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante. Maaaring pumili ang mga estudyante ng isa o mahigit pang kuwento, basahin ang mga kaugnay na talata, at talakayin ang mga sumusunod na tanong.

  • Paano ipinapakita ng kuwentong ito ang pagmamahal o pakikipag-ugnayan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?

  • Paano makatutulong sa inyo ang pag-unawa sa kuwento sa ganitong paraan?

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang mga kabatirang natamo mula sa kanilang talakayan.

Kung hindi ito nabanggit ng mga estudyante, ipaliwanag na ang pag-aaral kung paano nakikibahagi ang Panginoon sa buhay ng mga indibiduwal sa Lumang Tipan ay makatutulong sa atin na pagnilayan kung paano Siya nakikibahagi sa ating buhay. Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung paano sila pinagpala at tinulungan ng Panginoon. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga saloobin at karanasan kung hindi masyadong personal ang mga ito.

Pag-aaral ng Lumang Tipan

Maaaring magandang pagkakataon ito para ipaalala sa mga estudyante ang kanilang mga mithiin sa araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na hingin ang patnubay ng Espiritu Santo habang nirerebyu, binabago, o ginagawa nila ang mga mithiin sa pag-aaral. Maaari mong itanong sa mga estudyante kung mayroon sa kanila na gustong magbahagi ng mga mithiin nila sa klase para makatulong sa iba na makaisip ng mga ideya.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na talakayin sa klase o isulat sa kanilang study journal ang mga sagot nila sa mga sumusunod na tanong.

  • Ano ang natutuhan mo ngayon na sa palagay mo ay makatutulong sa iyo sa pag-aaral mo ng Lumang Tipan?

  • Bakit magiging pagpapala sa iyo na maranasan at makilala ang pagmamahal at pakikipag-ugnayan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa iyong buhay?

Upang matulungan ang mga estudyante sa pag-aaral nila ng Lumang Tipan sa taon na ito, maaari mo silang anyayahang markahan sa kanilang banal na kasulatan o isulat sa kanilang study journal sa tuwing makakakita sila ng katibayan ng pagmamahal o pagiging bahagi ng Diyos sa buhay ng Kanyang mga anak. Maaari mong tapusin ang lesson sa pamamagitan ng iyong patotoo kung paano makatutulong sa atin ang pag-aaral ng Lumang Tipan na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at magkaroon ng pananampalataya sa pagiging bahagi Nila sa ating buhay.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa kanilang pamilya ang natutuhan nila ngayon. Makatutulong ito sa kanilang pamilya habang pinag-aaralan nila ang Lumang Tipan.