“Moises 1:1–11: ‘Ako ay May Gawain para sa Iyo … Aking Anak,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Moises 1:1–11: ‘Ako ay May Gawain para sa Iyo … Aking Anak,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Moises 1; Abraham 3: Lesson 4
Moises 1:1–11
“Ako ay May Gawain Para sa Iyo … Aking Anak”
Sa isang mataas na bundok, “nakita [ni Moises] ang Diyos nang harapan, at siya ay nakipag-usap sa Kanya” (Moises 1:2). Sinabi ng Diyos kay Moises, “Ikaw ay aking anak” (Moises 1:4) at “Ako ay may gawain para sa iyo” (Moises 1:6). Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan ang mga estudyante na madama na mga anak sila ng Diyos at may gawain Siya na ipagagawa sa kanila.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan o isulat ang pinaniniwalaan nilang layunin nila sa buhay.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Isang bagay na gagawin ninyo
Isulat sa pisara, “ (Ang pangalan mo), may gusto akong ipagawa sa iyo.” Itanong sa mga estudyante kung ano ang nadarama nila kapag may nagsasabi sa kanila na may gustong ipagawa sa kanila ang taong iyon. Maaari mong itanong ang mga sumusunod.
-
Nag-iiba ba ang nadarama ninyo depende sa kung sino ang nag-uutos sa inyo? Bakit oo o bakit hindi?
-
Ano ang madarama ninyo kung ang Diyos ang nagsasabi nito sa inyo? Bakit?
Anyayahan ang mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang scripture journal.
-
Naniniwala ka ba na may gawain ang Diyos para sa iyo sa buhay na ito? Bakit oo o bakit hindi?
-
Sa iyong palagay, gaano mo nalalaman kung ano ang nais ipagawa sa iyo ng Diyos?
-
Ano sa palagay mo ang kailangan mong malaman tungkol sa Diyos at sa iyong sarili para maging nakahihikayat ang gawaing iyon?
Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Moises 1 sa lesson na ito, sabihin sa kanila na humingi ng tulong sa pamamagitan ng Espiritu Santo para mas malaman pa ang tungkol sa kanilang sarili, sa Diyos, at ang nais Niya na gawin nila sa buhay na ito.
Ang halimbawa ni Moises
Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang aklat ni Moises sa Mahalagang Perlas. Ipaliwanag na inihayag ng Diyos ang Aklat ni Moises sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith nang gawin niya ang inspiradong pagsasalin ng Genesis 1 hanggang Genesis 6:13. Naglalaman ito ng mga salita na iniutos ng Diyos kay Moises na isulat (Moises 1:40).
Maaari kang magpakita ng larawan ni Moises tulad ng sumusunod.
-
Ano ang nalalaman ninyo tungkol kay Moises at sa kanyang buhay?
Kung kinakailangan, ipaliwanag na bago gumawa ng mga himala ang Panginoon sa pamamagitan ni Moises upang pamunuan ang kanyang mga tao na makaalis sa pang-aalipin, isinilang si Moises na isang Israelita (isang miyembro ng mga pinagtipanang tao ng Diyos) ngunit inampon siya ng isang maharlikang pamilya sa Egipto. Kalaunan ay kinailangan niyang tumakas mula Egipto patungo sa isang bagong lupain upang protektahan ang kanyang buhay, at iniwan niya ang tanging pamilyang kinilala niya.
-
Kung kayo ang nasa sitwasyon ni Moises, ano ang maaaring maisip ninyo tungkol sa layunin ng inyong buhay?
Ilang panahon matapos tumakas si Moises sa Egipto, nagpakita ang Tagapagligtas kay Moises “nang harapan” (Moises 1:2). Si Jesucristo, na kaisa ng Ama sa Langit, ay nakipag-usap kay Moises na para bang Siya ang Diyos Ama. Samakatwid, maaari nating basahin ang mga talatang ito upang mas maunawaan ang Ama at ang Anak. Maraming natutuhan si Moises tungkol sa Ama sa Langit at sa kanyang ugnayan sa Kanya na humantong sa paggawa niya ng isang mahalagang gawain. Upang matulungan ang mga estudyante na matuklasan ang natutuhan ni Moises, idrowing sa pisara ang sumusunod na chart. Sa aktibidad na ito, maaaring kopyahin ng mga estudyante ang chart sa kanilang study journal o kumpletuhin ito sa pisara bilang isang klase.
|
Ang Ama sa Langit at si Jesucristo |
Moises |
|---|---|
Basahin ang Moises 1:1–11, at isipin kung ano ang pakiramdam na maranasan ito. Sa chart, isulat kung ano ang itinuturo ng mga talata tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at kay Moises.
Ang isang alternatibong paraan para pag-aralan ang mga talatang ito ay ipanood ang video na “I Am a Son of God” mula sa time code na 0:00 hanggang 2:49. Pagkatapos ng video, maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang mga talata, at ipahanap sa kanila ang mahahalagang pahayag o detalye na wala sa video.
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila sa mga banal na kasulatan nang kumpletuhin nila ang chart at kung bakit maaari itong maging mahalaga o makabuluhan sa kanila. Kung kinakailangan, itanong ang mga sumusunod.
-
Ano ang pinakamahalagang napansin ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Bakit?
Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maghanap ng mga paraan para mabigyang-diin ang kadakilaan ng Diyos. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na magbanggit ng mga parirala na nagtatampok sa Kanyang kapangyarihan.
-
Ano ang sinabi ng Diyos kay Moises sa talata 4, 6–7 na naaangkop din sa inyo?
Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng: Tayo ay mga anak ng Diyos at may gawain Siya na ipagagawa sa atin. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan o markahan ang mga pariralang nagtuturo nito.
-
Paano nagiging mas makabuluhan ang pagiging anak ng Diyos dahil sa kaalaman tungkol sa kadakilaan Niya?
-
Paano maaaring makatulong sa atin ang pagkaunawa na mga anak tayo ng Diyos para maunawaan natin ang ating layunin o mga layunin sa buhay na ito?
Paalala: Maaaring makatulong na malaman na, sa susunod na lesson sa Moises 1:12–26, pag-aaralan ng mga estudyante kung paano nagbigay kay Moises ng lakas para mapaglabanan ang tukso ni Satanas ang pag-unawa niya sa kanyang pagkatao bilang anak ng Diyos. Gayundin, ang lesson sa Genesis 1:26–27 sa susunod na linggo ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang kahalagahan ng kanilang identidad at potensyal bilang mga anak na lalaki at babae ng mga magulang sa langit.
Ang gawaing ipagagawa ng Diyos sa atin
Upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano nagkaroon ng mahalagang gawain ang Diyos para sa bawat isa sa Kanyang mga anak, maaari mong gawin ang sumusunod na aktibidad.
Magdrowing ng tatlong stick figure sa inyong study journal. Alamin ang tungkol sa gawain ng Diyos para sa mga indibiduwal sa mga sumusunod na halimbawa at lagyan ng label ang mga stick figure. Pagkatapos ay isulat ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa tabi o sa ibaba ng bawat figure.
-
Moises. Hanapin ang “Moises” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
-
Girish (isang lalaking isinilang at lumaki sa Nepal na nalaman ang ebanghelyo at lumipat kalaunan sa Utah). Basahin ang sumusunod o panoorin ang “Ako ay May Gawain Para sa Iyo” (10:25) mula sa time code na 0:18 hanggang 1:12.
10:25
Makalipas ang ilang taon, noong ililipat sa Utah ang mahigit 1,500 refugee mula sa mga kampo sa Nepal, nainspirasyunan si Girish na tumulong. Gamit ang katutubong wika at kaalaman sa kultura, nagsilbing interpreter, titser, at mentor si Girish. … Isang Nepali-speaking branch ang naorganisa, at kalaunan ay naglingkod si Girish bilang branch president nito. Siya ay nakibahagi rin sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa wikang Nepali. (John C. Pingree Jr., “Ako ay May Gawain Para sa Iyo,” Liahona, Nob. 2017, 32)
-
Isang malungkot na babae. Basahin ang sumusunod.
Isang araw, isang malungkot na babae ang nagsumamo, “Panginoon, ano po ang ipagagawa Ninyo sa akin?” Sumagot Siya, “Pansinin mo ang iba.” … Mula noon, nakadama siya ng kagalakan sa pagpansin sa iba na madalas makaligtaan, at sa pamamagitan niya ay napagpala ng Diyos ang maraming tao. (John C. Pingree Jr., “Ako ay May Gawain Para sa Iyo,” Liahona, Nob. 2017, 33)
Maaari mong palitan ang kuwento ni Girish o ng malungkot na babae ng ibang makabagong halimbawa na alam mo.
Maaaring makatulong na ipakita sa pisara ang mga sumusunod na tanong.
-
Ano ang ginawa ng indibiduwal para tulungan ang iba at dalhin sila kay Jesucristo?
-
Bakit kaya nais ng isang mapagmahal na Diyos na gawin nila ang gawaing ito?
-
Paano sila naghandang tumulong? O paano sila nakatulong sa natatangi o personal na paraan?
Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, maghanap ng mga paraan para linawin na hindi lahat ng gawain na nais ng Panginoon na gawin natin ay malaki o napakalaki, ngunit palagi itong mahalaga sa Panginoon at sa Kanyang mga anak na pinaglilingkuran natin. Ang mga partikular na gawain at responsibilidad na maaaring ibigay sa atin ng Panginoon ay tutulong sa atin na makibahagi sa Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa Moises 1:39). Maaari ding magkaroon ng mga gawaing nais Niyang pagtuunan natin ngayon, ngunit maaari Niyang hilingin sa atin na tumuon sa ibang bagay sa hinaharap.
Isang gawain para sa inyo
Magdrowing ng karagdagang stick figure at isulat ang inyong pangalan sa ibaba nito.
Pinatotohanan ni Elder John C. Pingree Jr. ng Pitumpu:
Kay Moises, sinabi ng Diyos, “Ako ay may gawain para sa iyo” (Moises 1:6). Naisip na ba ninyo kung may gawain para sa inyo ang Ama sa Langit? May inihanda ba Siyang mahahalagang bagay sa inyo—at sa bawat isa sa inyo—na gagawin? Pinatototohanan ko na ang sagot ay oo! (“Ako ay May Gawain Para sa Iyo,” Liahona, Nob. 2017, 32)
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magdasal nang tahimik at humingi ng paghahayag mula sa Panginoon habang sinasagot nila ang ilan o ang lahat ng sumusunod na tanong sa paligid ng stick figure ng kanilang sarili. Maaaring makatulong na ipaliwanag na maaaring hindi makatanggap ang mga estudyante ng mga kumpletong sagot sa mga tanong na ito sa klase. Anyayahan sila na patuloy na pag-isipan at ipagdasal ang mga ito.
-
Ano na ang ginagawa ko na maaaring bahagi ng gawain ng Diyos para sa akin sa buhay na ito?
-
Ano ang inihayag na ng Diyos sa akin tungkol sa nais Niyang gawin ko? (Maaaring kabilang dito ang mga basbas ng priesthood, calling o tungkulin, patriarchal blessing, at iba pang sandali ng paghahayag.)
-
Paano kaya nais ng Diyos na personal kong gawin ang Kanyang gawain sa aking pamilya? sa aking ward o branch?
-
Paano kaya nais ng Diyos na maghanda ako na tulungan ang iba ngayon o sa hinaharap?
Kung hindi masyadong personal, sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga impresyon o naramdaman nila sa pag-aaral nila ngayon. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo at mga nadama tungkol sa mga alituntunin sa lesson na ito.