“Moises 1:12–26: ‘Lumayo Ka, Satanas,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Moises 1:12–26: ‘Lumayo Ka, Satanas,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Moises 1; Abraham 3: Lesson 5
Moises 1:12–26
“Lumayo Ka, Satanas”
Naramdaman na nating lahat ang mga tukso ni Satanas. Gayunpaman, tulad ni Moises, kapag inalala natin kung sino talaga tayo, makatatanggap tayo ng lakas mula sa Diyos para madaig si Satanas at ang kanyang mga tukso sa ating buhay. Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan ang mga estudyante na humugot ng lakas mula sa Diyos upang mapaglabanan ang mga tuksong kinakaharap nila sa kanilang personal na buhay.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang isa sa mga tuksong kinakaharap nila sa kanilang personal na buhay at pumasok sa klase na handang matuto kung paano ito mapaglalabanan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagharap sa tukso
Upang maihanda ang mga estudyante na matuto tungkol sa paglaban sa mga tukso, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag at mga tanong.
Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Hayagan kaming nagsasalita dahil si Satanas ay tunay at gusto niya kayong sirain, at pabata nang pabata ang mga taong tinutukso niya. (“Tayong Lahat ay Kabilang,” Liahona, Nob. 2011, 45)
-
Ano ang nadarama ninyo tungkol sa pahayag na ito ni Pangulong Holland?
-
Ano ang ilan sa mga tuksong kinakaharap ng mga tinedyer na Banal sa mga Huling Araw?
Makatutulong na isulat sa pisara ang mga tuksong babanggitin ng mga estudyante. Sasabihin mo sa mga estudyante na pag-isipan ang mga ito kalaunan sa lesson.
Para sa mga sumusunod na tanong, maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang study journal.
Mag-isip ng tukso na kinaharap mo o maaaring kinakaharap mo. Pag-isipan ang mga sumusunod:
-
Bakit mahirap para sa iyo na labanan ang tuksong iyon?
-
Ano ang ginagawa mo para humingi ng tulong at lakas para mapaglabanan iyon?
-
Sa iyong palagay, gaano kaepektibo mong napaglalabanan ang tukso sa iyo?
Habang pinag-aaralan ninyo ang Moises 1:1–26 ngayon, humingi ng patnubay mula sa Espiritu Santo para matukoy ang mga katotohanang makapagpapalakas sa inyo sa pagharap ninyo sa tukso.
Tinukso ni Satanas si Moises
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang naaalala nila sa nakaraang lesson, o maaari nilang mabilisang basahing muli ang Moises 1:1–10 at pagnilayan ang natutuhan nila. Kung kinakailangan, ipaalala sa kanila na “nakita [ni Moises] ang Diyos nang harapan, at siya ay nakipag-usap sa Kanya” (Moises 1:2) at tatlong beses itinuro ng Diyos kay Moises na siya ay Kanyang anak (tingnan sa talata 4, 6, at 7).
Bagama’t isang dakilang propeta si Moises, naharap din siya sa matinding tukso. Hindi nagtagal matapos ang karanasan ni Moises sa Diyos, nagkaroon siya ng napakahirap na karanasan kung saan “dumating si Satanas na tinutukso siya” (Moises 1:12). Dahil sa nalalaman at ginawa ni Moises, nanaig siya. Basahin ang Moises 1:12–22, at alamin kung ano ang nakatulong kay Moises na mapaglabanan ang mga tukso ni Satanas. Maaari ninyong markahan ang mahahanap ninyo.
Maaari mong ipanood ang video na “I Am a Son of God” mula sa time code na 2:50 hanggang 6:30, o ang buong video kung hindi mo ipinanood sa mga estudyante ang unang bahagi sa nakaraang lesson. Pagkatapos ng video, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na basahin ang mga talata, at alamin kung ano ang nakatulong kay Moises na mapaglabanan ang mga tukso ni Satanas. Pagkatapos ay maaaring talakayin ng mga estudyante ang sumusunod na tanong nang magkakapartner o sa maliliit na grupo:
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa karanasan ni Moises na makatutulong sa atin na mapaglabanan ang mga tukso sa atin?
Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong alituntunin: Makatatanggap tayo ng tulong ng Diyos para mapaglabanan ang mga tukso sa pamamagitan ng … Sabihin sa mga estudyante na pumunta sa pisara at kumpletuhin ang alituntunin gamit ang sarili nilang mga salita. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, maaari mo silang gabayan sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad ng mga sumusunod:
-
Ano ang itinawag ni Satanas kay Moises sa talata 12, at paano tumugon si Moises sa talata 13?
-
Ano ang naalala ni Moises mula sa kanyang espirituwal na karanasan sa Diyos na nakatulong sa kanya nang maharap siya sa tukso?
Maaaring tapusin ng mga estudyante ang alituntunin sa ilang paraan, na kinabibilangan ng ilan sa mga sumusunod:
… pag-alaala na tayo ay mga anak ng Diyos
… pag-alaala sa mga nakaraang espirituwal na karanasan
… paghingi ng lakas sa Diyos
Matapos matukoy ang maraming alituntunin, maaari mong gamitin ang sumusunod na pahayag at mga tanong para mapalalim ang pang-unawa ng mga estudyante sa mga katotohanang natuklasan nila.
Ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod tungkol sa kapangyarihan ng pag-alaala na tayo ay mga anak ng Diyos:
Mahal kong mga kaibigan, kayo ay literal na mga espiritung anak ng Diyos. Nakanta na ninyo ang katotohanang ito mula nang matutuhan ninyo ang mga titik sa “Ako ay Anak ng Diyos.” Ngunit nakatatak ba sa puso ninyo ang walang-hanggang katotohanang iyan? Nakadaig na ba kayo ng tukso dahil sa katotohanang ito? (“Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022])
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng itatak sa inyong puso ang katotohanang kayo ay anak ng Diyos?
-
Paano tayo mapapalakas ng pag-alaala na tayo ay mga anak ng Diyos kapag nahaharap tayo sa tukso?
-
Sa inyong palagay, bakit kailangan natin ang tulong ng Diyos para mapaglabanan ang tukso?
Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa kung saan pinalakas ng Diyos ang isang tao laban sa tukso. Maaaring ito ay mula sa mga banal na kasulatan, sa mga taong malapit sa kanila, o sa sarili nilang buhay. Dahil personal ang mga tukso, ipaalala sa mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang partikular na tukso.
Paglabanan ang mga tuksong nararanasan nang personal
Upang matulungan ang iyong mga estudyante na maunawaan kung paano nila maisasabuhay ang mga alituntuning tinalakay ngayon, sabihin sa kanila na pumili ng isa o dalawang tukso na nakasulat sa pisara kanina sa lesson. Bilang isang klase o sa maliliit na grupo, sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga praktikal na paraan kung saan magagamit ng isang taong nahaharap sa tukso ang mga alituntuning ito para mapaglabanan ang tuksong iyon.
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang kanilang mga ideya, o maaari kang magpakita ng ilan sa mga sumusunod na ideya.
Mga paraan para maisabuhay ang natutuhan natin sa Moises 1:12–26:
-
Magsulat sa iyong journal ng pagkakataon kung kailan nadama mo ang pagmamahal ng Panginoon at alam mong ikaw ay anak ng Diyos. Maaari mong balikan ito kapag nahaharap ka sa tukso.
-
Isaulo at ulit-ulitin ang mga nagbibigay-inspirasyong banal na kasulatan, himno, o panalangin sa sakramento na sasabihin mo sa iyong sarili kapag natutukso ka. (Ito ang estratehiya na ginamit ng Tagapagligtas sa Mateo 4:1–11.)
-
Manalangin araw-araw para sa lakas at kapangyarihan ng Panginoon na mapaglabanan ang tukso. Manalangin sa Ama sa Langit tuwing gabi para pasalamatan Siya, kilalanin ang anumang kahinaan, humingi ng tawad, at mangakong patuloy na magsisikap (tingnan sa 3 Nephi 18:15, 18).
-
Alalahanin ang mga nakaraan mong espirituwal na karanasan at isulat ang mga ito sa isang journal. Tingnan ang mga ito kapag dumarating ang tukso.
-
Talakayin sa mga magulang o mga mapagkakatiwalaang adult o kaibigan kung paano nakatulong ang mga alituntuning ito sa kanila at ang mga paraang mairerekomenda nila para isabuhay mo ang mga ito.
Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng plano na makatutulong sa kanila na mapaglabanan ang mga tuksong kinakaharap nila. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga sumusunod na tagubilin:
Alalahanin ang tuksong pinag-isipan ninyo sa simula ng lesson o iba pang tukso na kinakaharap ninyo.
Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa naranasan mong kapangyarihan at lakas ng Panginoon sa iyong buhay at sa pagnanais Niya na matulungan ang iyong mga estudyante na mapaglabanan ang kanilang mga tukso. Ipahayag ang iyong tiwala sa kanila at sa kanilang kakayahang mapaglabanan ang mga tukso sa tulong ng Diyos.
Nang humihingi ng patnubay sa Ama sa Langit, kumpletuhin ang sumusunod na pahayag sa inyong study journal o sa inyong isipan: “Upang matulungan akong maghanda laban sa tuksong ito, ako ay .”