“Abraham 3: Ang Premortal na Buhay,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Abraham 3: Ang Premortal na Buhay” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Moises 1; Abraham 3: Lesson 3
Abraham 3
Ang Premortal na Buhay
Sa isang pangitain, ipinakita ni Jehova kay Abraham ang Kanyang mga ginawa at nilikha. Ipinakita rin Niya kay Abraham ang premortal na buhay, kabilang ang mga marangal at dakilang espiritu na piniling maging mga pinuno sa mortalidad. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano makatutulong sa kanilang buhay ang kaalaman tungkol sa premortal na buhay sa plano ng Ama sa Langit.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na itanong sa isang kaibigan o kapamilya kung ano ang nalalaman nila tungkol sa premortal na buhay at kung paano makatutulong sa kanila ang kaalaman tungkol sa premortal na buhay.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ilang taon na kayo?
Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung ilang taon na sila.
Ipaliwanag na ang edad na ibinahagi nila ay ang tagal ng pamamalagi nila sa kanilang pisikal na katawan sa buhay nila ngayon. Ang ating espiritu ay napakatagal nang nabubuhay kaysa sa ating pisikal na katawan. Bago isinilang, nabuhay tayo sa piling ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas na si Jesucristo. Tinatawag natin itong ating premortal na buhay.
Sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.
-
Ano ang ilan sa mga bagay na nalalaman mo tungkol sa premortal na buhay?
-
Paano makatutulong sa iyo ngayon ang kaalaman tungkol sa premortal na buhay?
Hikayatin ang mga estudyante na dagdagan ang kanilang mga sagot habang ipinagpapatuloy nila ang lesson na ito. Hikayatin silang humingi ng tulong sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo para malaman kung paano makatutulong sa kanila ang kaalaman tungkol sa premortal na buhay.
Ang natututuhan natin mula kay Abraham
Upang matulungan ang mga estudyante na malaman kung saan nanggaling ang Aklat ni Abraham, maaari mo silang anyayahang ibahagi ang nalalaman nila, o ibahagi ang ilan sa mga sumusunod gamit ang sarili mong mga salita.
Isinulat ni Abraham ang isang karanasan na makatutulong sa atin na mas maunawaan ang tungkol sa premortal na buhay. Isinilang si Abraham nang humigit-kumulang 2,000 taon bago isinilang si Jesucristo. Isinulat niya ang ilang detalye ng kanyang buhay at ang mga pangitain na natanggap niya mula sa Diyos na matatagpuan sa aklat ni Abraham. Nagmula ang talaang ito sa mga scroll ng papyrus na natuklasan sa Egipto at binili ng mga miyembro ng Simbahan. Inihayag ang talaang ito kay Propetang Joseph Smith sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.
Basahin ang Abraham 3:11–12, 21 para malaman kung ano ang itinuro ng Panginoon kay Abraham.
-
Ano ang naging makabuluhan para sa inyo mula sa mga talatang ito?
-
Anong mga katotohanan ang natutuhan ninyo tungkol sa Panginoon?
Habang nagbabahagi ang mga estudyante, sabihin sa kanila na magbanggit ng mga parirala o talata kung saan galing ang mga nalaman nila para mamarkahan ng ibang estudyante ang mga ito kung gusto nila.
-
Paano maaaring makaimpluwensya sa inyo ngayon ang pag-unawa sa mga katotohanang ito tungkol kay Jesucristo?
-
Paano ninyo nasaksihan o naranasan ang mga katotohanang ito tungkol sa Tagapagligtas sa inyong buhay?
Ang ating premortal na buhay
Matapos matutuhan ang kadakilaan ni Jesucristo sa premortal na buhay (tingnan sa Abraham 3:16–21), nalaman din ni Abraham ang ating buhay bago tayo isinilang. Bago basahin kung ano ang ipinakita ng Panginoon kay Abraham, isipin kung ano kaya ang mangyayari kung makikita ninyo ang inyong premortal na buhay sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Pag-isipan kung paano ito maaaring makaapekto sa inyo.
Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na isipin ang epekto kung makikita nila ang kanilang sarili sa kanilang premortal na kalagayan sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Ang Abraham 3:22–23 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan para madali nilang mahanap ang mga ito.
Basahin ang Abraham 3:22–23, at alamin kung ano ang nalaman ni Abraham sa kanyang pangitain tungkol sa premortal na buhay. Maaaring makatulong na malaman na ang “mga katalinuhan” sa mga talatang ito ay tumutukoy sa mga premortal na espiritu.
-
Ano sa palagay ninyo ang mga katotohanang mas natutuhan o mas naunawaan ni Abraham dahil sa karanasang ito?
Isulat sa pisara ang iba’t ibang katotohanan na ibabahagi ng mga estudyante. Kung hindi ito babanggitin ng mga estudyante, idagdag ang sumusunod: Pinili ng Diyos ang Kanyang mga marangal at dakilang espiritung anak upang maging mga pinuno bago sila isinilang. Ito ay kadalasang tinutukoy bilang pag-oorden noon pa man.
-
Sa palagay ninyo, paano naiiba ang pagpapakahulugan ng mundo sa “marangal at dakila” sa pagpapakahulugan ng Panginoon?
Kabilang ba tayo sa mga marangal at dakila?
Sa isang pandaigdigang debosyonal, nagsalita si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa isang paraan kung paano nauugnay sa inyo ang katotohanang itinuro sa Abraham 3.
Inireserba ng Ama sa Langit ang marami sa Kanyang pinakamagigiting na mga anak—masasabi kong, ang pinakamahusay na pangkat—para sa huling yugtong ito. Ang magigiting na mga espiritu—ang pinakamahuhusay na manlalaro—ay kayo! … Kayo ay kabilang sa mga pinakamahusay na ipinadala ng Panginoon sa mundong ito. Mayroon kayong kapasidad na maging mas matalino at mahusay at magkaroon ng epekto sa mundo kaysa naunang mga henerasyon! (“Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], 8, 16)
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang kanilang mga banal na kasulatan sa paraang makatutulong sa kanila na maalala ang itinuro ni Pangulong Nelson. Pagkatapos ng talata 22, maaari nilang isulat ang pariralang “kabilang ako,” o maaari nilang isulat ang kanilang pangalan sa itaas ng pangalan ni Abraham sa talata 23, o maaari nilang iugnay ang Abraham 3:22–23 sa pahayag ni Pangulong Nelson sa Gospel Library sa itaas.
Kung kapaki-pakinabang, bigyan ng kaunting oras ang mga estudyante na malaman ang iba pa tungkol sa premortal na buhay. Maaari nilang pag-aralan ang “buhay bago pa ang buhay na ito” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. O maaaring gumawa ang mga estudyante ng isang scripture chain, na pinag-uugnay ang mga talata tungkol sa premortal na buhay tulad ng Jeremias 1:4–5; Alma 13:3–4; at Doktrina at mga Tipan 138:55–56. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila at kung bakit ito makabuluhan sa kanila.
Gawin ang sumusunod sa maliliit na grupo at pagkatapos ay ilahad sa klase ang ilan sa kanilang mga naisip.
Kunwari ay may isang tao sa klase ninyo na hindi sigurado kung paano naaangkop sa kanya ang Abraham 3:22–23.
Ihanda ang sumusunod:
-
Buod ng itinuro ng Abraham 3:22–23 at ni Pangulong Nelson.
-
Mga ideya para sa magagawa ninyo o ng iba pang kabataan para maimpluwensyahan sa kabutihan ang iba o mas mapalapit sila kay Jesucristo.
-
Kung paano sa palagay ninyo maaaring makatulong sa inyong buhay ang inyong naunawaan tungkol sa premortal na buhay.
Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maghanap ng mga angkop na paraan para mabigyang-diin na isinugo sila rito ng Ama sa Langit sa panahong ito upang tulungan ang iba na mas mapalapit sa Kanya. Gayundin, magbigay ng taos-pusong mga papuri at purihin ang mga estudyante sa kanilang kahandaang makibahagi. Makatutulong ang paggawa nito para malaman ng mga estudyante na pinahahalagahan mo ang kanilang kontribusyon. Ang iyong mga pagsisikap ay makatutulong na madagdagan ang kanilang motibasyon na ibahaging muli sa klase ang kanilang mga naiisip.
Para sa karagdagang training, tingnan ang “Lumikha ng ligtas na kapaligiran kung saan iginagalang ang lahat at alam nilang pinahahalagahan ang kanilang kontribusyon” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.
Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga katotohanan sa lesson na ito.
Isaulo
Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at balikan ang mga ito sa mga susunod na lesson. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan ay “Bilang mga espiritu, tayo ay ‘binuo bago pa ang mundo.’” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”