2016
Pagbabago sa Pagkatuto at Pagtuturo ng Ebanghelyo
Mayo 2016


Pagbabago sa Pagkatuto at Pagtuturo ng Ebanghelyo

Ang pag-aaral, pamumuhay, at pagtuturo ng ebanghelyo ay mahalaga sa ating personal na pag-unlad at mahahalagang bahagi ng ating pagsamba sa araw ng Sabbath. Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na tulungan ang mga miyembro na lumakas ang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at paghusayin ang pagsamba sa Sabbath, pinasimulan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga pulong ng mga pinuno sa pangkalahatang kumperensya ang isang bagong pagsisikap na mapagbuti ang pagtuturo at pagkatuto ng ebanghelyo. Ang mga miyembro ay inaanyayahang:

1. Gamitin ang mga alituntunin sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas. Ang bagong manwal na ito ay nakatuon sa simple ngunit mabibisang alituntuning ginamit ng Dalubhasang Guro. Ang mithiin para sa lahat ng guro, ayon sa nakasaad sa manwal, ay “ituro ang dalisay na doktrina ng ebanghelyo, sa pamamagitan ng Espiritu, upang tulungan ang mga anak ng Diyos na mapalakas ang kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas at maging higit na katulad Niya.”

Bagama’t ang manwal ay nilayon para sa mga may tungkuling magturo, makakatulong ito sa sinuman na matutong magturo sa paraan ng Tagapagligtas. Maaaring makinabang ang mga magulang sa paggamit ng mga alituntunin sa buklet sa pagtuturo nila sa tahanan.

2. Lumahok sa mga teacher council meeting. Ang mga teacher council meeting ay hindi kapareho ng dating mga teacher improvement course. Bilang mga council, ang mga miting na ito ay magbibigay ng pagkakataon sa mga guro na magtalakayan at matuto sa isa’t isa tungkol sa mga alituntunin ng Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas. Ang mga miting na ito, na idaraos nang minsan sa isang buwan kasabay ng mga miting sa araw ng Linggo, ay pasisimulan sa buong mundo sa buong taon ng 2016.

3. Maging masigasig na mga mag-aaral ng ebanghelyo. Hinihikayat ang mga miyembro at guro na maging masigasig na mga mag-aaral ng ebanghelyo sa bahay. Inihahanda ng pagkatuto at pamumuhay ng ebanghelyo sa buong linggo ang mga miyembro na lumahok sa mga lesson sa araw ng Linggo, na makakalikha ng mas makabuluhang mga karanasan sa pagkatuto para sa lahat.

Bilang mga anak ng ating Ama sa Langit, lahat tayo ay may potensyal na maging katulad Niya. Lahat ng handang matutuhan at ipamuhay ang ebanghelyo ay maaaring maging higit na katulad ng ating mga magulang sa langit at makabalik sa kanilang piling. Tinutulungan tayo ng pagsamba sa simbahan at sa tahanan na palakasin ang gayong uri ng pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.