2016
Elder Mark A. Bragg
Mayo 2016


Elder Mark A. Bragg

General Authority Seventy

Noong 14 anyos si Mark Bragg, ipinakilala ng mga kaibigan niya sa baseball team sa kanyang pamilya ang Simbahan. Nabinyagan si Mark, at naging aktibo ang kanyang ina.

“Binago nito ang buhay namin,” sabi ni Elder Bragg.

Si Mark Allyn Bragg ay isinilang noong Abril 16, 1962, sa Santa Monica, California, USA, kina Donald E. at Diane Bragg.

Habang nag-aaral sa University of Utah, tinawag si Elder Bragg na maglingkod sa Mexico Monterrey Mission, sa ilalim ng pamamahala ng mission president na si Roy H. King at ng asawa nitong si Darlene O. King.

Nang matapos ni Elder Bragg ang kanyang misyon, sinimulan niyang ideyt ang bunsong anak ng kanyang mission president na si Yvonne. Ikinasal sila sa Los Angeles California Temple noong Marso 17, 1984.

Nang mamatay nang hindi inaasahan ang ama ni Elder Bragg, nagbalik ang mag-asawa sa California para simulan ang kanyang propesyon sa industriya ng bangko (natapos niya ang kanyang trabaho bilang senior vice president ng Bank of America) at para mapalapit sa ina ni Elder Bragg.

Magpipitong taon bago nagkaanak ang mga Bragg. “Kung minsan pakiramdam namin ay hindi kami kabilang, kahit sa pamilya namin,” paggunita ni Elder Bragg.

Pagkatapos—“sa pinakamagandang araw sa mundo”—isinilang ni Sister Bragg ang panganay sa apat na anak. “Naaalala ko na … inisip ko na wala nang mas masayang tao kaysa sa akin sa sandaling iyon,” sabi ni Elder Bragg.

Gayunman, hindi palaging madali ang naging buhay ng pamilya. Kinabukasan matapos sang-ayunan si Elder Bragg bilang bishop sa ward na kinalakhan niya, nakapanlulumong namatay ang kanyang ina sa isang car hijacking. Ang kanyang libing ang unang pinamunuan niya bilang bishop. “Naroon ang Relief Society para sa pamilya namin araw-araw,” paggunita niya.

Ang mga aral na iyon ng pagmamahal, paglilingkod, at pagdamay ang gagabay kay Elder Bragg sa kanyang paglilingkod sa Simbahan sa hinaharap—bilang stake president, Area Seventy, at temple ordinance worker.