2016
Gawing Bahagi ng Ating Buhay ang Kumperensya
Mayo 2016


Nagsalita Sila sa Atin

Gawing Bahagi ng Ating Buhay ang Kumperensya

Maaari ninyong gamitin ang ilan sa mga aktibidad at tanong na ito bilang panimula sa talakayan ng pamilya o personal na pagninilay.

Para sa mga Bata

  • Pahina 86: Binanggit ni Pangulong Thomas S. Monson ang tungkol sa isang tagpo mula sa Alice’s Adventures in Wonderland para ipakita na ang mga desisyon ay mahalaga. Hinikayat niya tayo na piliin ang tama, kahit ito ay mas mahirap na landas. Bilang pamilya, pag-usapan ang mahihirap na desisyon na kinakaharap ninyo. Ano ang magagawa ninyo para matulungan ang isa’t isa na piliin ang tama? Para sa aktibidad, magdrowing ng kalasag na PAT sa poster at isulat ang inyong mga ideya tungkol dito. Pagkatapos ay isabit ito sa lugar kung saan madalas itong makikita ng inyong pamilya.

  • Pahina 101: Inilarawan ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang isang lungsod sa Germany na winasak ng digmaan ngunit kalaunan ay naitayo at pinagandang muli. Itinuro ni Pangulong Uchtdorf na kapag nadarama nating nawasak tayo, mabubuong muli ng Tagapagligtas at ng Ama sa Langit ang ating pagkatao. Anong mga halimbawa ng isang bagay na nawasak at naging maganda at malakas muli ang nasaksihan ng inyong pamilya? Maaari ninyong ibahagi sa inyong mga anak ang patotoo ninyo sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

  • Pahina 53: Hinikayat tayo ni Elder Mervyn B. Arnold ng Pitumpu na “magligtas” sa pamamagitan ng pagtulong sa ating mga kaibigang di-gaanong aktibo at hindi miyembro. Bilang pamilya, pag-isipan kung paano ninyo matutulungan ang mga taong matagal nang hindi nagsisimba o hindi mga miyembro. Ano ang magagawa ninyo para maibahagi ang ebanghelyo sa iba? Umisip ng nakatutuwang paraan ng pagbuo ng family missionary plan na may simple at makatotohanang mga mithiin.

  • Pahina 13: Inanyayahan tayo ni Sister Linda K. Burton, Relief Society general president, na mapanalanging pag-isipan kung paano natin matutulungan ang mga refugee sa ating komunidad. Bilang pamilya, bisitahin ang IWasAStranger.lds.org at panoorin ang video na may pamagat na “Ako’y Taga Ibang Bayan: Mahalin ang Isa’t Isa.” Ano ang ilang magagawa ng pamilya ninyo para mapaglingkuran ang mga nangangailangan sa inyong lugar?

Para sa mga Kabataan

  • Pahina 86: Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “Sa maliliit nagmumula ang malalaking kaganapan sa kasaysayan, at gayundin sa buhay ng tao.” Sinabi rin niya, “Ang landas na sinusundan natin sa buhay na ito ay humahantong sa ating destinasyon sa kabilang buhay.” Pag-isipan ang mahahalagang pagpili na darating sa inyong buhay. Isipin kung saan kayo aakayin ng mga pagpiling iyon, at isulat ang mga ideya at opinyon na maiisip ninyo.

  • Pahina 46: Sinabi ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Panunumbalik ng ebanghelyo ay nagsimula sa pagtatanong ng binatilyong si Joseph Smith.” Sinabi ni Elder Rasband na ang mga tanong ay naglalarawan ng hangaring matuto, magdagdag ng katotohanan sa ating mga patotoo, at “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo” (2 Nephi 31:20). Magtanong sa Diyos sa panalangin, saliksikin ang mga banal na kasulatan at ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, at maghintay at pakinggang mabuti ang mga sagot.

  • Pahina 10: Nakadama na ba kayo ng takot o lungkot? Ibinahagi ni Sister Neill F. Marriott, pangalawang tagapayo sa Young Women general presidency ang nangyari bago ang araw ng kanyang kasal. Malayo siya sa kanyang tahanan at makikitira muna sa hindi pa niya nakikilalang kamag-anak ng kanyang magiging asawa. Nang dumating siya sa tahanan ng kamag-anak, sabi ni Sister Marriott, “Bumukas ang pinto … at walang imik na sinalubong ako at niyakap ni Aunt Carol.” Nang sandaling iyon napawi ang kanyang mga pangamba. “Ang pag-ibig ay lumilikha ng puwang sa buhay ninyo para sa iba,” sabi niya. Mayroon ba kayong tao na malugod na tatanggapin sa tahanan ninyo?

  • Pahina 70: Itinuro ni Brother Stephen W. Owen, Young Men general president, na tayo ay kapwa mga lider at tagasunod. Ibinahagi niya na minsan ay nakasama niya sa miting ang grupo ng mga kabataang lalaki na sinusuportahan at hinihikayat ang bawat isa sa kanilang korum. Sabi niya, “Ang pamumuno ay isang pagpapahayag ng pagkadisipulo—pagtulong lang ito sa iba na lumapit kay Cristo.” Pumili ng isang taong matutulungan ninyo na lumapit kay Cristo sa linggong ito.

Para sa mga Young Adult

  • Pahina 101: Gusto ba ninyong mapigilan ang panghihina ng inyong pananampalataya? Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan na pagsunod ang sagot! “Pagsunod ang nagpapalakas sa pananampalataya,” sabi niya. “Sa pagsunod tayo nagtatamo ng liwanag sa ating kaluluwa.” Isipin ang isang pagkakataon na sinunod ninyo ang salita ng Panginoon kahit mahirap ito. Paano pinalakas ng pagsunod ang inyong pananampalataya at nakatulong na matuklasan ninyo kung ano ang inyong pagkatao?

  • Pahina 23, 59, at 105: Ayon kay Sister Mary R. Durham, ang na-release kamakailan na pangalawang tagapayo sa Primary general presidency, ang Espiritu Santo ang “banal na pinagmumulan ng lakas.” Basahin ang kanyang mensahe at ang mga mensahe nina Elder David A. Bednar at Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol. Pansinin ang maraming gawaing ginagampanan ng Espiritu Santo at ang mga paraan na mapagpapala Niya kayo. Mithiing makagawa ng pagbabago sa inyong buhay upang maging mas karapat-dapat sa Kanyang impluwensya.

  • Pahina 26 at 124: Mag-ukol ng panahon na itanong sa sarili ang mga ibinigay na tanong ni Elder Donald L. Hallstrom ng Panguluhan ng Pitumpu: “Kapag dumaranas tayo ng hirap sa buhay, ano ang kaagad na tugon natin? Pagkalito ba o pagdududa o espirituwal na pagtalikod? Dagok ba ito sa ating pananampalataya? Sinisisi ba natin ang Diyos o ang ibang tao sa ating kalagayan? O ang unang tugon natin ay alalahanin … na tayo ay mga anak ng isang mapagmahal na Diyos?” Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang una at dakilang katotohanan sa kawalang-hanggan ay mahal tayo ng Diyos nang buo Niyang puso, kakayahan, pag-iisip at lakas.” Paano makatutulong ang pagpapalakas ng inyong patotoo sa pagmamahal ng Diyos para matiis ang mga pagsubok?

Para sa Matatanda

  • Pahina 86: Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson na sa pagninilay natin sa mga desisyong ginagawa natin sa buhay araw-araw, “kung pipiliin natin si Cristo, tama ang gagawin nating desisyon.” Anong araw-araw na espirituwal na gawain ang magagawa o mapag-iibayo ninyo sa inyong buhay at sa inyong pamilya upang manatiling nakasentro kay Cristo ang inyong mga desisyon?

  • Pahina 81 at 93: Hinikayat ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, at ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga ama na baguhin ang mga kailangan upang akayin ang kanilang pamilya sa kahariang selestiyal. Bilang ama, ano ang magagawa ninyo, ayon sa mga salita ni Elder Christofferson, upang mas “[m]aipakita ang … katapatan sa Diyos sa araw-araw na pamumuhay”?

  • Pahina 77: Sa pagtanggap sa pag-ibig, maging ang pamilya na may malaking hamon sa buhay ay magtatagumpay, sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan. “Anumang mga problema ang kinakaharap ng inyong pamilya, anuman ang kailangan ninyong gawin para malutas ito,” dagdag pa niya, “ang simula at wakas ng solusyon ay pag-ibig sa kapwa-tao.” Sa inyong pamilya, isipin ang payo ng banal na kasulatan na “manalangin sa Ama … nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig” (Moroni 7:48).

  • Pahina 63: Sinabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng mga Apostol na sa regular na pagdaraos ng family council “malalabanan ang epekto ng modernong teknolohiya na madalas gumambala sa atin mula sa makabuluhang paggugol ng oras sa isa’t isa at nagpapasok din ng kasamaan sa mismong tahanan natin. Maaari ninyong gawin sa inyong pamilya ang apat na uri ng family council na ayon kay Elder Ballard ay “matutulungan tayo … na maging mas matagumpay at masaya sa ating mahahalagang relasyon.”