2016
Bonnie H. Cordon
Mayo 2016


Sister Bonnie H. Cordon

Pangalawang Tagapayo, Primary General Presidency

Buong kabataan Niya sa timog-silangang Idaho, USA, maraming natutuhan si Bonnie Hillam Cordon na mahahalagang aral sa buhay. Ang pagtatrabaho, paglalaro, at pagtira sa isang sakahan ay nagturo sa kanya ng pag-asa sa sarili, kasipagan, at “na huwag matakot na subukan ang mga bagay-bagay,” sabi ng bagong pangalawang tagapayo sa Primary general presidency.

Gayunman, ang pinakamahalagang aral ay mula sa kanyang mga magulang na sina Harold at Carol Rasmussen Hillam, na nagturo sa kanya na sa tulong ng Panginoon, makakaya niyang gawin ang lahat. “Walang limitasyon,” sabi ng kanyang ama.

Umasa si Sister Cordon sa kaalamang iyan bilang bagong tawag na missionary sa Lisbon, Portugal, na nahihirapang matutuhan ang wikang Portuguese. Madalas akong lumuhod noon sa panalangin na humihiling ng isang himala. Ngunit dahil sa aking ama, natutuhan ko na kaya kong gawin ang mahihirap na bagay.”

Matapos ang maraming panalangin, trabaho, at pagtitiis, unti-unti siyang humusay sa pagsasalita ng Portuguese, na nagpala sa kanya makalipas ang maraming taon nang tawagin silang mag-asawa na maglingkod sa Curitiba, Brazil.

“Nakakatuwa kung paano tayo inihahanda at pinatatatag ng Panginoon, nang paunti-unti,” sabi niya. “Laging mas makatuturan kapag sinuri natin ito matapos itong mangyari. Kailangan lang nating manampalataya.”

Si Bonnie Hillam ay isinilang noong Marso 11, 1964, sa Idaho Falls, Idaho. Pagkatapos ng kanyang misyon nag-aral siya ng education sa Brigham Young University, sa Provo, Utah, USA. Habang naroon naging mabuting magkaibigan sila ni Derek Lane Cordon. Nauwi sa pag-iibigan ang kanilang pagkakaibigan, at ikinasal ang dalawa noong Abril 25, 1986, sa Salt Lake Temple. Sila ay may apat na anak—tatlong lalaki at isang babae—at tatlong apo.

Sa nakalipas na mga taon nakapaglingkod sila sa maraming tungkulin sa Simbahan. Naglingkod sila ng kanyang asawa nang mangulo ito sa Brazil Curitiba Mission mula 2010 hanggang 2013, at nakapaglingkod na siya bilang stake Young Women president, nursery leader, at seminary teacher, at sa mga organisasyon ng ward Young Women, Relief Society, at Primary.

Sa kanyang bagong tungkulin, sinabi ni Sister Cordon na inaasam niyang ituro ang isang mahalagang katotohanan sa mga batang Primary ng Simbahan: “Mahal sila ng Ama sa Langit.”