2016
Refugee Relief: ‘Ako ay Taga Ibang Bayan’
Mayo 2016


Refugee Relief: “Ako’y Taga Ibang Bayan”

Sa pahintulot ng Unang Panguluhan, ang mga general presidency ng Relief Society, Young Women, at Primary ay inaanyayahan ang kababaihan sa lahat ng edad na maglingkod sa mga refugee sa kanilang sambayanan at lokal na komunidad sa pamamagitan ng relief effort na tinaguriang “Ako’y Taga Ibang Bayan” (tingnan sa Levitico 19:34; Mateo 25:35).

“Marami sa atin ang mapagpapala ng pagkakaibigan, pagtuturo, at iba pang pagpapakita ng pagmamahal at paglilingkod na katulad ni Cristo,” sabi ni Sister Linda K. Burton, Relief Society general president. “Ang pagbibigay ng gayong paglilingkod ay mahalagang bahagi ng ebanghelyo.

“Naalala ko ang talata sa banal na kasulatan na nagsasabing huwag nating ‘limutin ang pagpapakita ng pagibig sa mga taga ibang lupa: sapagka’t sa pamamagitan nito ang iba’y walang malay na nakapagpapatuloy ng mga anghel’ [Sa mga Hebreo 13:2],” sabi ni Sister Burton. “Hinihikayat namin ang kababaihan na mapanalanging maghanap ng mga pagkakataong maglingkod at isiping maghanap ng mga paraan para masuportahan ang pinagkakatiwalaang lokal na komunidad at mga organisasyong sibiko. Maaari kayong makakita ng ilang makakatulong na ideya sa IWasAStranger.lds.org, at makapagbabahagi kayo ng mga karanasan sa pagpapadala ng email sa IWasAStranger@ldschurch.org.”

Nagpadala ng liham ang Unang Panguluhan tungkol sa “Ako’y Taga Ibang Bayan” sa mga stake, ward, at branch council sa pagtatapos ng Marso. May kasamang mga gabay para sa mga lider ang liham. “Ang kababaihan ay maaaring makibahagi sa pagsisikap na ito sa tamang panahon at sitwasyon,” ang payo sa liham, “tiyakin na walang sinumang inaasahang ‘tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas’ at na ‘lahat ng bagay ay magawa nang may karunungan at kaayusan’ (Mosias 4:27).” Hinikayat din sa isang liham ng Unang Panguluhan noong Oktubre 27, 2015, ang lahat ng miyembro na maglingkod na katulad ni Cristo sa mga nangangailangan.

Isang liham mula sa mga general president ng Relief Society, Young Women, at Primary na nagbibigay ng iba pang impormasyon tungkol sa “Ako’y Taga Ibang Bayan” ang ipinamahagi rin kamakailan sa mga miting ng mga organisasyong iyon.