2016
Elder Evan A. Schmutz
Mayo 2016


Elder Evan A. Schmutz

General Authority Seventy

Nagpapasalamat si Elder Evan Antone Schmutz para sa mga paghahayag na ipinagkatiwala sa kanya ng Panginoon. Ang kanyang pagbabalik-loob sa ebanghelyo ay lumalim sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, paglilingkod sa kaharian, at pagtupad sa mga pangako niya sa Diyos.

Isinilang noong Hunyo 6, 1954, sa St. George, Utah, USA, kina Richard at Miriam Schmutz, maagang natutuhan ni Elder Schmutz ang kapangyarihan ng panalangin. Noong Cub Scout siya nakapagbenta siya ng halagang US $17 na mga tiket sa isang jamboree ngunit hindi niya makita ang pera noong oras na para ibigay ito. Hinikayat siya ng kanyang ina na magdasal, at inihayag sa kanya ng Panginoon kung nasaan mismo ang pera. Matinding patunay iyon ng pagmamahal at kamalayan ng Diyos sa kanya.

Sa edad na 18, namatay ang ate ni Elder Schmutz sa isang aksidente sa kotse. Napakalaki ng naging epekto nito sa kanya, na naghatid ng mahahalagang espirituwal na karanasan.

Di-nagtagal tinawag siyang magmisyon at nagreport para sa training. Ipinagdasal niyang magkaroon ng personal na patotoo tungkol sa ebanghelyo. Habang pinanonood ang ilang gurong nagtuturo tungkol sa Unang Pangitain, sinabi niya, “Nakatanggap ako ng napakalakas na patotoo na halos ayaw kong manatili sa silid.”

Matapos maglingkod sa North Carolina Greensboro Mission, tiniyak ni Elder Schmutz na patuloy na pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw sa nalalabing panahon ng kanyang buhay. “Nakatagpo ako ng malaking kagalakan, personal na pagkatuto, at pang-unawa sa pag-aaral nang napakaaga sa napakatagal na panahon.”

Pinakasalan ni Elder Schmutz si Cindy Lee Sims noong Pebrero 3, 1978, sa Provo Utah Temple. Si Elder Schmutz ay nagtamo ng degree sa English at ng juris doctorate mula sa Brigham Young University. Nagtrabaho siya sa ilang law firm mula 1984 hanggang 2016.

Habang inaasikaso ang mga pangangailangan ng limang anak, si Elder Schmutz ay naglingkod bilang high councilor, bishop, miyembro ng stake presidency, pangulo ng Philippines Cebu Mission (2011–14), missionary training center branch president, at miyembro ng Panlimang Korum ng Pitumpu.