2014
Mga Pagpapala ng Templo
Pebrero 2014


Mga Pagpapala ng Templo

Mula sa isang mensahe sa debosyonal, “Temple Blessings,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Nobyembre 15, 2005. Para sa buong teksto sa Ingles, magpunta sa speeches.byu.edu.

Larawan
Elder Robert D. Hales

Ang mga nakapagliligtas na ordenansa sa templo ay mahalaga para sa—at sentro din ng—walang hanggang plano ng kaligayahan.

Larawan
A child's hand touching the Salt Lake Temple.

Paglalarawan ni Craig Dimond

Ang mga pagpapala ng endowment sa templo ay mahalaga sa bawat isa sa atin tulad ng ating binyag. Dahil dito dapat nating ihanda ang ating sarili na maging malinis para makapasok sa templo ng Diyos. Ang gawain sa templo ay oportunidad na maisagawa ang sariling endowment at mga tipan para sa mga buhay at maisagawa rin ang gayong mga ordenansa para matubos ang mga patay. Ito ang dahilan kaya tayo tinagubilinan sa mga banal na kasulatan na magtayo ng mga templo at ihanda ang ating buhay upang maging karapat-dapat na makibahagi sa mga sagradong ordenansa at tipan sa templo.

Itinuro sa atin ng mga banal na kasulatan na ang personal na pagkamarapat na hinihingi sa atin ng Panginoon para makapasok sa templo at gumawa ng mga sagradong tipan doon ay isa sa mga pinakadakilang pagpapalang matatamasa natin sa buhay na ito. Sa gayon, matapos pumasok sa mga tipan sa templo, ang pagtupad natin araw-araw sa mga tipan ay nagpapakita ng ating pananampalataya, pagmamahal, debosyon, at espirituwal na pangakong susundin ang ating Ama sa Langit at Kanyang Anak na si Jesucristo, at naghahanda sa atin upang makasama Sila sa kawalang-hanggan. Ang mga nakapagliligtas na ordenansa sa templo ay mahalaga para sa—at sentro din ng—walang hanggang plano ng kaligayahan.

Ang Banal na Templo

Kailangang magkaroon tayo ng patotoo at pagpipitagan sa templo bilang bahay ng Panginoon. Ang templo ay tunay na isang lugar kung saan kayo ay “nasa mundo ngunit hindi naiimpluwensyahan ng mga bagay na makamundo.” Kapag may problema at mahalagang desisyon kayong gagawin na bumabagabag sa inyong isipan at kaluluwa, maaari ninyong idulog ang inyong mga alalahanin sa templo at tatanggap kayo ng espirituwal na paggabay.

Upang mapanatili ang kasagraduhan ng templo para mapanatili itong dalisay at maanyayahan ang Espiritu na pagpalain ang mga pumapasok sa banal na templo para sa kanilang mga ordenansa at tipan, itinuro sa atin na walang maruming bagay ang makakapasok sa templo. Ang pagpipitagan sa templo ay mahalaga sa pag-anyaya sa Espiritu na manahan sa loob niyon oras-oras sa araw-araw.

Noong bata pa ako, isinama ako ng tatay ko mula sa Long Island, New York, para libutin ang bakuran ng Salt Lake Temple, mahipo ang templo, at pag-usapan ang kahalagahan ng templo sa buhay ko. Sa pagkakataong iyon nagpasiya ako na balang-araw ay babalik ako para makapasok sa templo at tumanggap ng mga ordenansa roon.

Ang templo ay isang sagradong gusali, isang banal na lugar kung saan isinasagawa ang mahalaga at nakapagliligtas na mga seremonya at ordenansang maghahanda sa atin para sa kadakilaan. Mahalagang magtamo tayo ng totoong kaalaman na ang ating paghahanda na makapasok sa banal na bahay at pakikibahagi sa mga seremonya at tipang ito ay ilan sa pinakamahahalagang pangyayaring mararanasan natin sa buhay.

Mga Pagpapala ng Templo sa Buong Kasaysayan

Sa buong kasaysayan, sa bawat dispensasyon, iniutos ng Panginoon sa mga propeta na dapat magtayo ng mga templo upang matanggap ng Kanyang mga tao ang mga ordenansa sa templo.

Ang Kirtland Temple ang unang templo sa mga huling araw na ito, at mahalaga ang ginagampanan nito sa panunumbalik ng mga susi ng priesthood. Nagpakita ang Tagapagligtas sa kaluwalhatian at tinanggap ang Kirtland Temple bilang Kanyang bahay. Sa pagkakataong iyon nagpakita sina Moises, Elias, at Elijah upang ibigay kay Joseph Smith ang mga susing hawak nila sa kani-kanyang dispensasyon. Ipinanumbalik ni Elijah ang mga susi ng kanyang dispensasyon gaya ng pangako ni Malakias para matamasa natin ang mga pagpapala ng templo sa ating buhay. (Tingnan sa D at T 110.)

Larawan
The Lord Appears in the Kirtland Temple

Ang Panginoon ay Nagpakita sa Kirtland Temple, ni Del Parson

Ang Nauvoo Temple ang unang templo kung saan isinagawa ang mga endowment at pagbubuklod, na napatunayang lalong nagpatatag sa mga pioneer nang makayanan nila ang hirap sa pagtawid sa kapatagan papuntang Sion sa Salt Lake Valley.

Nang ikulong si Joseph Smith sa Carthage, naging malinaw kung bakit napakahalaga sa kanya na matapos ang templo. Alam niya kung ano ang hihingin sa mga Banal at upang magkaroon ng lakas na pagtiisan ang mangyayari sa kanila sa hinaharap kailangan nilang mapagkalooban ng kapangyarihan—ang kapangyarihan ng priesthood.

Ang ating mga ninunong pioneer ay magkakasamang nabuklod bilang mga pamilya sa Nauvoo. Ang kanilang mga tipan sa Panginoon sa Nauvoo Temple ay naging proteksyon sa kanila sa paglalakbay nila pakanluran, gaya rin sa bawat isa sa atin ngayon at habang tayo ay nabubuhay. Ang mga ordenansa at tipan ng templo ay proteksyon para sa atin sa mga pagsubok at paghihirap sa ating panahon at sa anumang mangyayari sa atin sa hinaharap. Ito ay ating pamana. Ito ang nagsasabi kung sino tayo.

Larawan
LDS pioneer Thomas E. Ricks depicted as a teenage boy leaving Nauvoo, Illinois with his family. The pioneers are depicted crossing the frozen Mississippi river. The Nauvoo Temple is depicted in the background.

Paglisan sa Nauvoo, ni Glen S. Hopkinson, hindi maaaring kopyahin

Para sa mga Banal noong araw, ang kanilang pakikibahagi sa mga ordenansa ng templo ay naging mahalaga sa kanilang patotoo nang maharap sila sa mga paghihirap, sa galit na mga mandurumog, nang paalisin sila sa kanilang komportableng mga tahanan sa Nauvoo, at sa mahaba at mahirap na paglalakbay nila kalaunan. Pinagkalooban sila ng kapangyarihan sa banal na templo. Ang mag-asawa ay ibinuklod sa isa’t isa. Ang mga anak ay ibinuklod sa kanilang mga magulang. Marami ang namatayan ng mga kapamilya habang naglalakbay, ngunit alam nila na hindi iyon ang wakas nila. Sila ay ibinuklod sa templo para sa buong kawalang-hanggan.

Mga Ordenansa sa Templo—mga Endowment at Pagbubuklod

Ang mga templo ang pinakamagandang lugar sa pagkatuto sa lahat ng iba pang mga lugar na alam ng tao, nagbibigay sa atin ng kaalaman at karunungan tungkol sa Paglikha ng mundo. Ang mga paghuhugas at pagpapahid ng langis ang nagsasabi sa atin kung sino tayo. Ang mga tagubilin sa endowment ay nagbibigay ng patnubay kung paano tayo dapat mamuhay sa mundong ito (tingnan sa D at T 97:13–14).

Ang pangunahing layunin ng templo ay maglaan ng mga kailangang ordenansa para sa ating kadakilaan sa kahariang selestiyal. Ang mga ordenansa sa templo ay gumagabay sa atin patungo sa ating Tagapagligtas at pinagpapala tayo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang kahulugan ng katagang endowment ay “kaloob.” Ang ordenansa ay binubuo ng magkakasunod na mga tagubilin kung paano tayo dapat mamuhay at ng mga tipang ginagawa natin para mamuhay nang matwid sa pamamagitan ng pagsunod sa ating Tagapagligtas.

Larawan
Sealing room in the Kansas City Missouri Temple.

Larawan ng loob ng Kansas City Missouri Temple na kuha ni Matthew Reier

Ang isa pang mahalagang ordenansa ay ang mabuklod nang walang hanggan sa selestiyal na kasal. Ang tipang ito ay nagtutulot sa mga anak na mabuklod sa kanilang mga magulang at sa mga anak na isinilang sa tipan upang maging bahagi ng isang walang hanggang pamilya.

Itinuturo sa atin ng Doktrina at mga Tipan: “Anumang bagay na iyong ibuklod sa lupa ay bubuklurin sa langit; at anumang bagay na iyong itali sa lupa, sa aking pangalan at sa pamamagitan ng aking salita, wika ng Panginoon, ito ay nakataling walang hanggan sa mga kalangitan; at kanino mang mga kasalanan ang iyong patawarin sa lupa ay patatawarin [na]ng walang hanggan sa mga kalangitan; at kanino mang kasalanan ang hindi mo patawarin sa lupa ay hindi patatawarin sa langit” (D at T 132:46).

Kapag nakaluhod sa altar ang isang mag-asawa, bilang tagapagbuklod alam kong gumaganap ako bilang kinatawan ng Panginoon. Alam ko na ang ibinuklod sa lupa ay talagang ibinuklod sa langit—hindi na mapaghihiwalay kailanman kung ang mga ibinuklod ay mananatiling tapat at magtitiis hanggang wakas.

Ang mga salamin sa magkabilang dingding sa silid-bukluran sa templo ay inanggulo upang maipakita ang walang-hanggang mga imahe. Ang pagtingin sa mga salaming ito sa isang panig ng silid ay kumakatawan sa mga kawalang-hanggan ng panahon na nilakbay natin upang pumarito sa mundo. Kapag tumingin tayo sa kabilang panig ng silid, nakatingin tayo sa tila walang-katapusang mga imahe na sumasagisag sa mga kawalang-hanggan kapag nilisan natin ang buhay na ito. Ang silid-bukluran mismo ay kumakatawan sa ating mortal na buhay dito sa lupa. Ang aral na dapat matutuhan sa karanasang ito sa templo ay na nakagawa tayo ng mga tamang desisyon na pumarito sa lupa at maranasan ang mortalidad at na ang paraan ng pamumuhay natin sa maikling panahong ito ang magpapasiya kung paano tayo mamumuhay sa buong kawalang-hanggan na darating.

Kayo ay naghahandang humarap sa mga pagsubok sa mortal na buhay. Boluntaryo tayong pumarito sa mundong ito mula sa kinaroroonan ng Diyos Ama na may kalayaan, batid na tayo ay makararanas ng “pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11). Ang layunin natin (tingnan sa 1 Nephi 15:14) ay isuot ang buong baluti ng Diyos at paglabanan ang “nag-aapoy na sibat ng kaaway” (D at T 3:8) gamit ang ating espada ng Espiritu at kalasag ng pananampalataya (tingnan sa D at T 27:15–18), magtiis hanggang wakas, at maging karapat-dapat na tumayo at mamuhay sa piling ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, sa buong kawalang-hanggan—upang makamtan ang tinatawag na buhay na walang hanggan.

Nagpapatotoo ako na ang Diyos ay buhay; na si Jesus ang Cristo; at na ipinanumbalik ni Joseph Smith, ang Propeta ng ating dispensasyon, ang mga pagpapala ng priesthood na magtutulot sa atin na makibahagi sa mga pagpapala ng templo.