2014
Mga Tanong at mga Sagot
Pebrero 2014


Mga Tanong at mga Sagot

“Napakalayo ng templo kaya’t hindi ako madalas makapunta roon. Paano magiging mas malaking bahagi ng buhay ko ngayon ang templo?”

Kung gagawin mo ang lahat ng makakaya mo upang makapunta nang madalas sa templo, masisiyahan ang Panginoon sa iyong mga pagsisikap. Kapag hindi ka makapunta sa templo, maraming bagay kang magagawa para maging mas malaking bahagi ng iyong buhay ang templo:

  • Mamuhay nang karapat-dapat upang makapasok sa templo. Ang ibig sabihin ng mamuhay ayon sa mga pamantayang kailangan para makapasok sa bahay ng Panginoon ay lagi tayong handang makapiling Siya.

  • Planuhing matanggap ang sarili mong endowment at makasal sa templo. Ang pagtatakda ng mithiing matanggap ang mahahalagang ordenansang ito ay pananatilihin kang nakatuon sa templo.

  • Manamit nang disente. Tutulong itong maihanda ka sa pagtanggap ng sarili mong endowment.

  • Pag-aralan ang mga talata sa banal na kasulatan tungkol sa templo (halimbawa, Exodo 26–29; Levitico 8; D at T 97; 109; 110; 124:25–42; Moises 2–5). Ang Liahona ng Oktubre 2010 ay tungkol din sa templo.

  • Alamin ang tungkol sa iyong mga ninuno (bisitahin ang FamilySearch.org) at tiyakin na naisagawa ang mga ordenansa sa templo para sa kanila.

  • Tanungin ang iba kung ano ang kahulugan ng templo sa kanila at ibahagi ang iyong patotoo na ang templo ay totoong bahay ng Panginoon.

  • Tumulong na maging tulad ng templo ang iyong tahanan: “Magtayo ng isang bahay, maging isang bahay ng panalangin, isang bahay ng pag-aayuno, isang bahay ng pananampalataya, isang bahay ng pag-aaral, isang bahay ng kaluwalhatian, isang bahay ng kaayusan, isang bahay ng Diyos” (D at T 109:8).

Mapanalangin kang pumili ng isa o dalawa sa mga ideyang ito na susubukan mong gawin sa buwang ito. Tutulungan ka nitong madama ang Espiritu at matuto pa tungkol sa templo.

Isipin Kung Paano Pinagpapala ng mga Templo ang Iyong Buhay

Kung babalewalain natin ang mga templo, malayo ang mga ito sa ating puso. Kailangan nating isipin ang mga pagpapalang maidudulot sa atin ng templo at pumunta roon kung kailan maaari. Kahit ilang beses sa isang taon ka lang makapunta, magagawa mong mas makabuluhan ang mga ito sa pamamagitan ng pagdadala ng mga pangalan ng kapamilya o pag-aayuno. Ang Diwa sa bahay ng Panginoon ay espesyal—nais mong maging makabuluhan ang pagpunta mo roon.

Benjamin S., edad 18, Utah, USA

Manatiling Dalisay at Karapat-dapat

Ang templo ay naghahatid ng kaligayahan sa buhay ko ngayon. Kapag pumupunta ako sa templo, marami pa akong nalalaman tungkol sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang pagpunta ko sa templo ay nagpapalakas at nagpapadalisay sa aking espirituwalidad. Mas nauunawaan ko ang layunin natin sa buhay. Ang templo ay nagbibigay sa akin ng tapang na makayanan ang mga pagsubok at malabanan ang mga tukso at nagbibigay sa akin ng lakas na madaig ang aking mga kahinaan. Ang templo ang tanging lugar kung saan tayo mabubuklod nang sama-sama bilang walang-hanggang pamilya, kaya’t maghahanda ako para makapasok ako sa templo at manatiling dalisay at karapat-dapat.

Mickaella B., edad 16, Pilipinas

Panatilihin ang Diwa ng Templo

Pitong oras ang biyahe papuntang Frankfurt Germany Temple, kaya dalawang beses lang kami nagpupunta ng aking pamilya sa isang taon at lumalagi kami roon nang isang linggo tuwina. Ngunit kapag may iba pang pagkakataong makapunta, sinasamantala ko ito dahil alam ko na magiging malaking pagpapala ito. Pinananatili ko ang diwa ng templo sa pamamagitan ng pagbabasa ng aking mga banal na kasulatan araw-araw. Ginagamit ko ang aking temple recommend bilang bookmark. Tuwing nakikita ko ang aking recommend, tinatanong ko ang aking sarili upang matiyak na karapat-dapat akong dumalo sa templo. Pinalalakas ako nito at tinutulungan akong madama ang Espiritu. Kahit malayo ang templo sa bahay namin, mapagsisikapan ko pa ring mamuhay na parang papasok ako roon araw-araw.

Lise G., edad 17, France

Ihanda ang Iyong Sarili

Ang pagpunta sa templo nang dalawa o tatlong beses sa isang taon ay mainam, basta’t ginagawa natin ito nang may tapat at dalisay na puso. Mahihikayat natin ang ating mga lider ng Simbahan na magplano ng mga temple trip. Kapag hindi tayo makasama, sikapin nating ihanda ang ating sarili para pagdating ng panahon, makapunta tayo nang may labis na kagalakan. Abala tayo sa ating buhay, ngunit nangako ang mga propeta na kung pupunta tayo sa bahay ng Panginoon, pagpapalain tayo.

Krista L., edad 16, Paraguay

Magdispley ng Larawan ng Templo

Subukang ikuwadro ang paborito mong larawan ng templo na may mga salitang “Papasok ako rito balang-araw!” Ilagay ito sa kuwarto mo para makita mo ito araw-araw. Ilista ang mga bagay na gagawin mo at hindi mo gagawin para maging karapat-dapat kang pumasok sa templo. Ilagay ang listahan sa tabi ng larawan.

Christian J., edad 13, Idaho, USA

Basahin sa Journal Mo ang mga Nakaraang Pagpunta Mo sa Templo

Isulat mo sa journal ang pagpunta mo sa templo at saka mo basahin ang mga pahinang ito pag-uwi mo. Tutulungan ka nitong maalala ang nadama mo roon. Lalong mahalaga na isulat ang natanggap na personal na paghahayag. Nang magpunta ako sa templo, sinikap kong pakinggang mabuti ang Espiritu dahil lagi Siyang handang tumulong na matuto tayo. Tuwing nakikinig ako, may natutuklasan akong mga bagong katotohanan tungkol kay Jesucristo at sa Ama sa Langit at maging sa gawain sa templo. Kapag nagtuon ako sa mga bagay na espirituwal habang nasa templo, lalo ko itong pinahahalagahan at nagiging napakamakabuluhan ng templo sa buhay ko.

Ol’ga Z., edad 18, Belarus

Gumawa ng Family History

Palagay ko kapag gumawa ka ng family history, parang nakapunta ka na rin sa templo kahit wala ka sa templo. Maibibigay mo ang mga pangalang nahanap mo sa iyong kapamilya o sa ward para madala sa templo. Kung gagawa ka ng family history at pananatilihin mong banal ang inyong tahanan, magiging malapit ka sa templo kahit ilang milya pa ang layo mo rito.

Katelyn B., edad 13, Utah, USA