2014
Ipinagtanggol Ko ang Aking Pananampalataya
Pebrero 2014


Ipinagtanggol Ko ang Aking Pananampalataya

Karlina Peterson, Idaho, USA

Noong freshman ako sa kolehiyo, namulat ang aking mga mata sa katotohanan na ang buhay ko bilang estudyante ay hindi na protektadong gaya ng dati. Ni hindi na rin tanggap ang mga bagay na pinahahalagahan ko.

Nalaman ko na lalo akong napansin nang tumanggi akong sumama sa mga aktibidad na alam kong makapipinsala sa aking katawan o sa kaugnayan ko sa Ama sa Langit. Gayunman, natakot akong mapintasan sa pagiging miyembro ng Simbahan kaya’t umiwas akong pag-usapan ito.

Isang araw sa isang klase ko sa hapon, tinalakay ng propesor kung paano lumalaki ang mga kabataan sa gitna ng namamayaning diskriminasyon. Isang babae sa likuran ko ang sumagot na naisip niya ang mga Mormon sa talakayang ito. Nabalisa ako dahil kapag pinag-uusapan ang Simbahan sa klase, karaniwan ay kasunod nito ang di-magagandang puna.

Habang inihahanda ko ang sarili ko sa mga pang-iinsulto, nagtanong ang propesor kung may mga Banal sa mga Huling Araw sa klase. Nagulat sa tanong, nilibot ko ng tingin ang buong silid at nakita kong gayon din ang ginagawa ng iba. Bago pa ako nakapagdalawang-isip, nakataas na ang kamay ko sa komportableng posisyon nito sa ibabaw ng mesa. Nakarinig ako ng mga bulungan sa buong silid.

“Isa,” sabi ng guro. Umalingawngaw ang salitang iyon sa aking pandinig. Matapos ang mahabang katahimikan, hinilingan akong sagutin ang debate hinggil sa kung Kristiyano ba ang mga Banal sa mga Huling Araw. Pamilyar na sa akin ang tanong at handa akong sagutin ito.

“‘Nangungusap [kami] tungkol kay Cristo, nagagalak [kami] kay Cristo, [at] nangangaral [kami] tungkol kay Cristo’” (2 Nephi 25:26), buong tiwala kong sagot. “Kami ay tunay na Kristiyano.”

Tumigil ang bulungan, ngunit dama ko na nakatitig ang lahat sa akin. Akala ko madarama ko na nag-iisa ako. Sa halip, nadama ko na parang tinabihan ako ng Tagapagligtas sa upuan at hinawakan Niya ang kamay ko. Hindi na mahalaga ang iba, dahil napuspos ako ng kagalakang nagpalakas sa aking patotoo tungkol sa Kanya. Naipagtanggol ko ang aking pananampalataya.

Nagbahagi pa ako ng iba sa klase kung bakit Kristiyano ang mga Banal sa mga Huling Araw. Pagkatapos ay naisip ko noong magbahagi ng ebanghelyo si Pangulong Thomas S. Monson habang sakay siya ng bus. Mula sa karanasang ito hinikayat niya ang mga miyembro na “maging matapang tayo at handang manindigan sa paniniwala natin.”1 Habang iniisip ko ang kanyang mga salita, natanto ko na nagawa ko ang bagay na lubhang kinatatakutan kong gawin.

Hindi ko alam kung binago ng mga bagay na sinabi ko ang opinyon ng sinuman tungkol sa Simbahan, ngunit hindi tayo kailangang matakot na manindigan at magbahagi ng ebanghelyo—saanman tayo naroon. Kahit hindi natin pinagpapala ang iba, lagi nating mapapalakas ang ating patotoo at kaugnayan sa Ama sa Langit.

Tala

  1. Thomas S. Monson, “Tapang na Manindigang Mag-isa,” Liahona, Nob. 2011, 67.