2014
Pinakamabuting Pamilya Magpakailanman
Pebrero 2014


Pinakamabuting Pamilya Magpakailanman

“Dito ako’y may mag-anak. Kami’y nagmamahalan” (“Mag-Anak ay Magsasamang walang Hanggan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 98).

Hindi na isinasali ng ibang mga batang babae si Olivia sa usapan. Makakatulong ba ang isang balde ng pintura?

Yumuko si Olivia habang nakikinig sa tuwang-tuwang mga bulungan ng mga batang babae na nakaupo sa likuran niya sa bus.

“Ang saya ko kasi sabi ng nanay mo puwede kang pumunta sa amin! Dala mo ba ang mga lalaruin natin?”

“Dala ko. Pinagdala rin ako ni Inay ng isang supot ng popcorn!”

Napasimangot si Olivia habang nagbabasa ng aklat. Hindi ba nila alam na naririnig ko sila? Ayaw niya talagang marinig na nagpaplano ng anuman ang dalawang kaibigan niya nang hindi siya kasama.

Sina Stephanie, Rebecca at Olivia ay matagal nang magkakaibigan. Dati-rati ay magkakasama sila sa lahat ng aktibidad. Pero nang magpasukan ulit sa eskuwela, nalaman nina Stephanie at Rebecca na pareho sila ng guro, samantalang nasa ibang klase naman si Olivia! Naalala ni Olivia ang lungkot na nadama niya habang tuwang-tuwang pinag-uusapan ng dalawa na magtatabi sila ng usupan sa klase at sabay na kakain sa tanghalian. Nadama rin niya ang lungkot na iyon ngayon.

Huminto ang bus sa harap ng bahay ni Rebecca. Malungkot na sinilip ni Olivia sa bintana ang pagbaba ng bus ng mga bata at pagtakbo nila sa papunta sa bakuran sa harapan.

Nang makarating ang bus sa bababaan ni Olivia, halos hindi niya mapigilang lumuha. Nagmamadali siyang pumasok sa bahay.

“Kumusta sa eskuwela?” tanong ni Inay.

Nagsimulang umiyak si Olivia. “Hindi po masaya! Hindi na po ako gaanong kinakausap nina Rebecca at Stephanie, samantalang dapat ay matalik kaming magkakaibigan kailanman!” paghibik niya.

“Nakakalungkot nga iyan, Olivia. Mahirap talaga kapag nagsimulang magbago ang pagkakaibigan,” sabi ni Inay. Tumigil siya sandali. “Naaalala mo ba nang pumunta tayo sa templo para mabuklod?” tanong niya, habang nakaturo sa larawang nakasabit sa dingding. Tumingin si Olivia at nakita ang kanyang pamilya na nakangiti sa harapan ng templo. Mas bata pa siya noon, pero naaalala pa niya na kasama niya ang kanyang mga magulang at Ate Jane sa magandang sealing room.

“Alam mo ba kung bakit tayo nagsikap nang husto na makapaghandang magpunta sa templo?”

“Dahil gusto po nating maging isang pamilya magpakailanman?” sagot ni Olivia.

“Mismo. Kahit hindi na kayo matalik na magkakaibigan nina Rebecca at Stephanie magpakailanman, kaibigan mo pa rin ang pamilya mo magpakailanman.”

“Opo nga,” sabi ni Olivia. “Pero iba po iyon.”

“Alam kong nasasaktan ka,” sabi ni Inay, “pero masaya ako at nakauwi ka na. May ipapagawa ako sa inyo ni Jane.”

Hindi makapaniwala si Olivia sa narinig. Sa halip na paglubagin ang loob niya, binigyan pa siya ni Inay ng gagawin!

“Magsuot ka ng lumang damit at puntahan mo ako sa beranda sa likod. Papuntahin mo rin si Jane.”

Umakyat si Olivia na mas malakas ang dabog kaysa rati, at nagsuot ng damit-pantrabaho.

Nang nakabihis at nakalabas na ang mga bata, nakita nila si Inay na naglalakad mula sa kamalig. May dala itong isang berdeng balde, ilang brotsa, at nakabalumbon na plastik. Pagdating nito sa beranda, inilatag nito ang plastik at binigyan ng tig-isang brotsa ang dalawang bata.

“May papipinturahan po kayo sa amin?” nag-aalinlangang tanong ni Olivia. Karaniwa’y si Itay ang gumagawa ng gayong mga proyekto.

“Oo,” sabi ni Inay. “Gusto ko pinturado na ang pinto sa likuran bago maghapunan.” Pagkatapos ay tumalikod na ito at pumasok sa bahay.

Nagkatinginan nang matagal ang mga batang babae at saka ngumisi. Masaya ito. Isinawsaw nila ang kanilang brotsa sa makinis at berdeng pintura at nagtrabaho na. Nagustuhan ni Olivia ang trabahong ito—parang hindi man lang sila nagtrabaho. Ipinakita sa kanya ni Jane kung paano magpintura nang diretso at pantay. Hindi nagtagal ay nagtatawanan at nagkukuwentuhan na ang dalawa. Naalala ni Olivia ang lahat ng masasayang sandaling pinagsamahan nila ni Jane. Masaya siya na laging nariyan ang kapatid niya bilang kaibigan.

Makalipas ang ilang oras puno na sila ng mga tilamsik ng berdeng pintura at kapwa malaki ang ngiti. Maingat na binuksan ni Olivia ang makintab at berdeng pinto at isinungaw ang kanyang ulo sa loob. “Inay, tapos na po kami sa pinto,” malakas niyang sabi. “Tingnan po ninyo kung gaano kaganda!”