2014
Pamamahagi ng mga Home-Return Kit
Pebrero 2014


Pamamahagi ng mga Home-Return Kit

Ang awtor ay naninirahan sa Mindanao, Pilipinas.

Larawan
illustration of table setting

Paglalarawan ni Julie Yellow

Bumuhos ang ulan nang umihip ang malamig na hangin. Nakita kong nabunot ang mga puno at nawala ang lahat ng dahon nito. Nawalan ng kuryente sa ilang lugar dahil sa nasirang mga linya ng kuryente. Ang tagpo sa aking harapan ay parang kinatatakutan na ngayon. Lahat ay natangay ng malakas na hangin. Gutom ang mga tao at naghahanap ng makakanlungan.

Napuspos ng hangaring maglingkod ang puso ko. Nagpunta ang pamilya ko at iba pang mga miyembro ng Simbahan sa isang maralitang komunidad kung saan libu-libong kabahayan ang nawasak at libu-libo ring tao ang namatay. Naroon kami para magbigay ng relief goods sa mga biktima.

Nang una kaming dumating, nakita ko ang lungkot sa mukha ng mga tao. Natanto ko kung gaano kami kapalad na hindi nasira ang mga bahay namin.

Umuulan pa noon nang magsimula kaming mamigay ng mga relief pack sa maputik at walang bubong na gym, ngunit hindi iyon mahalaga sa amin. Ang mga relief pack—mga set ng mga plastic tray, kaldero, pinggan, kutsara, tinidor, baso, at inuminan—ay tinawag naming “mga home-return kit.” Nang iabot namin ng pamilya ko ang mga relief pack sa mga tao, magiliw nila kaming nginitian at pinasalamatan.

Ang walang-katumbas na pasasalamat ng mga tao ay nagpasigla sa akin, at nadama ko ang impluwensya ng Espiritu. Nakita sa kanilang mga ngiti ang pag-asa at na hindi tayo iiwan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kailanman at lagi Nilang pagliliwanagin ang ating madidilim na panahon.

Alam ko na kung paglilingkuran at mamahalin natin ang isa’t isa, magtatamo tayo ng walang-hanggang mga pagpapala at magmamana ng mga katangian ni Cristo. Ang mga pagpapala ng paglilingkod ay hindi laging dumarating kaagad, ngunit darating ang mga ito kung patuloy tayong maglilingkod sa iba nang taos-puso. Alam ko na “kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).