2014
Paglilingkod sa Tag-init
Pebrero 2014


Mga Kabataan

Paglilingkod sa Tag-init

Ang awtor ay naninirahan sa Virginia, USA.

Isang tag-init nag-ukol ako ng panahon sa ibang bansa sa pagtulong sa mga batang may kapansanan. Nang una kong makilala ang mga bata, sobra ang kaba ko. Hindi ako marunong ng wika nila, pero nagtiwala ako na gagabayan ako ng Espiritu sa pakikisalamuha ko sa kanila. Nang makilala ko ang bawat bata, natanto ko na hindi hadlang ang wika sa pagmamahal. Naglaro, tumawa, at gumawa kami ng mga likhang-sining ng mga bata at hindi ko napigilang mahalin sila nang lubusan. Nadama ko ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak, at hindi ko maipaliwanag ang galak sa puso ko.

Tuwing naglilingkod ako sa iba, nakadarama ako ng pagmamahal hindi lamang para sa mga pinaglilingkuran ko kundi maging para sa Ama sa Langit. Talagang nalaman ko na “kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17). Ang layunin ng aking paglilingkod, sa malalaking proyektong pangserbisyo man o sa mumunting mga kabaitan, ay para luwalhatiin ang Diyos (tingnan sa Mateo 5:16). Umaasa ako na habang naglilingkod ako sa iba, makikita ng mga tao ang aking pagmamahal para sa Ama sa Langit at ang Liwanag ni Cristo na nag-aalab sa aking kalooban.