2011
Ang Pansariling Pag-unlad ng Aming Pamilya
Setyembre 2011


Espesyal na Bahagi tungkol sa Pansariling Pag-unlad

Ang Pansariling Pag-unlad ng aming Pamilya

Nakatulong ang Pansariling Pag-unlad sa dalawang dalagita sa Kyiv, Ukraine, na gumawa ng magagandang pagbabago sa buhay nila at ng kanilang mga pamilya.

“Kung minsan ay mababago ng isang tao ang lahat sa kanyang paligid. Kung magsisimula ka sa sarili mo—kung magkakaroon ka ng tapang na magsimula sa sarili mo—magiging maayos ang lahat sa paligid mo pagdating ng panahon,” sabi ni Katya Kalashnikova mula sa Kyiv, Ukraine.

Sa pamamagitan ng pananampalataya at Pansariling Pag-unlad, natamo nina Katya Kalashnikova at Ivanna Rubanchiuk ng Voskresens’kyi Ward ang katapangang iyon, na nagbigay sa kanila ng pagkakataong mapalakas ang kanilang mga pamilya at maghanda para sa templo.

Paggawa ng Isang Pagbabago

Kapwa sumapi ang mga pamilya nina Katya at Ivanna sa Simbahan matapos lang maorganisa ang Kyiv Ukraine Mission noong 1992. Ngunit kapwa naging di-aktibo sa Simbahan ang mga pamilya bago sumapat ang edad ng dalawang bata para mabinyagan.

Lumipat ang pamilya ni Ivanna noong siya ay edad 13 sa isang tahanang malapit sa isang kapilya ng Simbahan. Nang maraanan nila ito ng kanyang ina, naalala ng kanyang ina ang kabutihang naidulot ng Simbahan sa kanyang buhay. Hinikayat nito si Ivanna na magsimba. “Alam ng aking ina na tanging mabubuting bagay ang ituturo nila sa akin sa Simbahan kumpara sa ituturo ng mundo,” sabi ni Ivanna. Sinimulan niyang magsimba at dumalo sa mga aktibidad at magpaturo sa mga misyonero, at nang tanungin siya ng mga misyonero kung magpapabinyag siya, pumayag siya.

Kuwento ni Katya

Sa edad na 15 pabalik noon si Katya mula sa paglalakbay na kasama ang grupo ng mga kabataan sa komunidad. Nagulat siya nang sabihin sa kanya ng kanyang ama na inanyayahan nito ang mga misyonero para paturuan siya. Nilinaw niya na bagama’t maaaring makinig si Katya, hindi siya interesadong makinig.

Nagtakda ng oras si Katya na makausap ang mga misyonero. “Habang nakikinig ako, nadama ko na ito ang tamang daan. Naalala ko ang mga nadama ko nang nagsisimba pa ako noong bata ako. At hindi nagtagal, nagpasiya akong magpabinyag,” wika niya.

Personal na Pag-unlad

Kinailangang gumawa ng mga pagbabago ang dalawang dalagitang ito para maging miyembro ng Simbahan, at nakatulong sa kanila ang Pansariling Pag-unlad para magbago. “Natututo pa lang ako. May sarili pa akong mga gawi. Pati pananamit ko ay kinailangang baguhin,” pag-alaala ni Katya. “Paunti-unti akong tinulungang magbago ng Pansariling Pag-unlad. Binigyan ako nito ng lakas na maging anak ng Diyos, hindi lang sa simbahan kundi araw-araw.”

Sa pamamagitan ng Pansariling Pag-unlad, nagkaroon ng mga gawi sina Ivanna at Katya na espirituwal na magpapalakas sa kanila, tulad ng panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, at panonood ng angkop na media. Natutuhan din nilang magturo ng mga aralin at maglingkod sa kapwa. Sa kabuuan, tinulungan sila nitong mapalapit sa Diyos at maging mas mabubuting halimbawa sa kanilang pamilya.

“Tinulungan ako ng Pansariling Pag-unlad. Bawat natapos na atas ay nagpaunlad sa akin; nagdagdag ito ng kaalaman at katapangan,” sabi ni Ivanna. “Mas mabuti ito para sa akin dahil karamihan sa mga kapamilya ko ay hindi aktibong mga miyembro ng Simbahan.”

Pangunguna sa Pamamagitan ng Halimbawa

Ang mga pagbabagong ginawa ni Ivanna sa pamamagitan ng Pansariling Pag-unlad ay tumulong sa kanya na maging halimbawa sa kanyang pamilya. “Sa buong panahong ito nakita ng mga magulang ko kung paano ako nagbago. Tuwang-tuwa sila na nagsisimba ako,” sabi ni Ivanna. Mag-isa siyang nagsimba at dumalo sa mga aktibidad hanggang isang araw ay nagpasiya ang kanyang ina na sumama sa kanya sa sacrament meeting. Ngayon ay magkasama na silang nagsisimba.

Ang halimbawa ni Katya ay umantig din sa buhay ng kanyang pamilya. Hindi nagtagal matapos sumapi si Katya sa Simbahan, nagsimulang sumama sa kanya ang kanyang ina at sumunod ang kanyang ama. Napansin ng mga pamilya ng dalawang dalagitang ito ang ginawang kaibhan ng Pansariling Pag-unlad at aktibidad ng Simbahan sa buhay nina Katya at Ivanna. Nakita nila kung gaano sila kasaya at ginusto nilang makibahagi sa kagalakang iyon.

Pagpasok sa Bahay ng Panginoon

Patuloy na naragdagan ang kaligayahan ni Katya at ng kanyang pamilya. Sa paggawa ni Katya ng Pansariling Pag-unlad, napansin niya na nakatuon ito sa kahalagahan ng templo. “May isang buong bahagi roon na nakalaan sa pagpunta sa templo, at talagang gusto kong makarating sa templo, pero hindi pa handa ang mga magulang ko,” pag-alaala niya.

Gayunman, nagawang dumalo ni Katya sa templo kasama ang kanyang klase sa seminary. Pag-alaala niya, “Gumawa ako ng gawain sa templo sa unang pagkakataon. Talagang masaya ako, at gusto kong bumalik doon. Talagang gusto kong makapunta roon ang pamilya ko at mabuklod nang walang hanggan.”

Naghanda ang pamilya ni Katya at sa wakas ay nadama nila na handa na silang magpunta sa templo. Dalawang taon matapos ang una niyang pagpunta sa templo, bumalik si Katya, sa pagkakataong ito kasama ang kanyang pamilya. “Naunawaan ko na talagang ito ang lugar kung saan magiging walang hanggan ang mga pamilya,” sabi ni Katya. Ibinuklod sila sa Freiberg Germany Temple.

Patuloy na Sumampalataya

Sina Katya at Ivanna ay nagpapasalamat sa Simbahan, at kapwa sila nakinabang sa mga handog nito, lalo na sa Pansariling Pag-unlad. “Ang aking patotoo tungkol sa Pansariling Pag-unlad ay na mas pinatatatag at tinutulungan tayo nitong maging perpekto sa bawat aspeto ng ating buhay,” sabi ni Katya.

Pakiramdam ni Ivanna ay natulungan siya ng Young Women at mga organisasyon ng Simbahan na maghandang maging misyonera. Maganda ang tingin ni Ivanna tungkol sa gawaing misyonero. Sabi niya, “Huwag kayong masiraan ng loob, kundi laging maging halimbawa ng pagbabagong ginagawa ng Simbahan sa ating buhay. Masaya tayo rito, at bawat tao ay nais maging masaya. At kung dadalhin natin ang mga tao at ipapakita sa kanila ang kasiyahang iyan, susundin nila ang ating halimbawa. Lagi nating matutulungan—nang paunti-unti—ang mga taong iyon, mapaglilingkuran sila, at sa isang kamangha-manghang sandali, magiging handa sila.”

Si Katya Kalashnikova ay nagtamo ng kaalaman sa paggawa ng Pansariling Pag-unlad, na nakaimpluwensya sa kanyang mga magulang na sumama sa kanya sa pagsisimba. Kabilang pahina: Si Katya at ang kanyang kaibigang si Ivanna Rubanchiuk sa harapan ng Kyiv Ukraine Temple.

Mga larawang kuha nina Lucas McGraw at Trevor Mcdonald

Pinasasalamatan ni Ivanna ang Pansariling Pag-unlad sa pagtulong sa kanya na maging mabuting halimbawa sa kanyang pamilya. Si Ivanna at ang kanyang ina ay magkasama na ngayong nagsisimba.