2011
Pagpapalakas sa mga Pamilya sa Pagpapaibayo ng Espirituwalidad
Setyembre 2011


Mensahe sa Visiting Teaching

Pagpapalakas sa mga Pamilya sa Pagpapaibayo ng Espirituwalidad

Pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang binibisita ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang kababaihan sa inyong lugar at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.

Pananampalataya • Pamilya • Kapanatagan

Sabi ni Julie B. Beck, Relief Society general president: “Nagkaroon ako ng matibay na patotoo sa kahalagahan ng mga anak na babae ng Diyos. … Nadama ko na mas kailangan ngayon ang ibayong pananampalataya at personal na kabutihan. Mas kailangan ngayon ang matatatag na pamilya at tahanan.”

Makatutulong ang kababaihan sa paglikha ng matatatag na tahanan at pamilya sa kanilang pagkilos ukol sa personal na paghahayag. “Ang kakayahang maging karapat-dapat sa, tumanggap ng, at kumilos ukol sa personal na paghahayag ang kaisa-isang pinakamahalagang kasanayang matatamo sa buhay na ito,” pagpapatuloy ni Sister Beck. “Ang pagiging marapat sa Espiritu ng Panginoon ay nagsisimula sa paghahangad sa Espiritung iyon at nagpapahiwatig ng tiyak na antas ng pagkamarapat. Ang pagsunod sa mga kautusan, pagsisisi, at pagpapanibago ng mga tipang ginawa sa binyag ay nagpapala na laging mapasaatin ang Espiritu ng Panginoon. Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan sa templo ay nagdaragdag din ng espirituwal na lakas at kapangyarihan sa buhay ng isang babae. Maraming sagot sa mahihirap na tanong ang matatagpuan sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan dahil tumutulong ito sa paghahayag. … Mahalaga [ang] manalangin araw-araw para mapasaatin ang Espiritu ng Panginoon.”1

Espirituwal din nating pinalalakas ang ating mga kapamilya kapag ipinaunawa natin sa kanila ang walang-hanggang plano ng Ama sa Langit. “Ano ang magagawa natin para mas espirituwal nating maihanda ang ating mga anak para sa kanilang mga walang hanggang tungkulin?” tanong ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Marahil ang pinakasapat na sagot diyan ay: Ituro sa kanila kung paano ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo.” Ang turong ito ay nagmumula sa araw-araw na panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, at sama-samang pagkain ng pamilya at gayundin sa family home evening at pagdalo sa Simbahan. Ipinaliwanag ni Elder Ballard: “Tayo ay naghahanda bawat araw, ngayon mismo, para sa buhay na walang hanggan. Kung hindi tayo naghahanda para sa buhay na walang hanggan, naghahanda tayo para sa isang bagay na mas mababa kaysa rito, marahil ay mababang-mababa pa.”2

Mula sa mga Banal na Kasulatan

Mga Kawikaan 22:6; I Ni Juan 3:22; Doktrina at mga Tipan 11:13–14; 19:38; 68:25

Mula sa Ating Kasaysayan

Itinuro ni Propetang Joseph Smith sa kababaihan sa isang pulong ng Relief Society noong Abril 1842 na may matindi silang obligasyon na hangarin ang sarili nilang kaligtasan. Wika niya, “Pagkatapos ng [aking] tagubilin, kayo na ang mananagot para sa sarili ninyong mga kasalanan; kanais-nais na karangalan na dapat kayong mamuhay sa harapan ng ating Ama sa langit upang iligtas ang inyong sarili; responsibilidad nating lahat sa Diyos ang paraan ng pagpapaibayo natin ng liwanag at katalinuhang ibinigay ng ating Panginoon upang mailigtas natin ang ating sarili.”3 Tinuruan niya silang maging mga matwid na tao, maging mga banal na tao, at maghanda para sa mga ordenansa at tipan sa templo.

Mga Tala

  1. Julie B. Beck, “At sa mga Lingkod na … Babae Naman ay Ibubuhos Ko sa mga Araw na Yaon ang Aking Espiritu,” Liahona, Mayo 2010, 10, 11.

  2. M. Russell Ballard, “Spiritual Development,” Ensign, Nob. 1978, 65, 66.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 415–416.

Paglalarawan ni Welden C. Andersen