2011
Tinawag na Maglingkod: Ikaw
Setyembre 2011


Tinawag na Maglingkod: Ikaw

Hiniling ng Unang Panguluhan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na gunitain ng lahat ng yunit ng Simbahan ang ika-75 anibersaryo ng planong pangkapakanan ng Simbahan sa pag-oorganisa ng sarili nilang araw ng paglilingkod ngayong 2011.

“Maaaring gawin ang paglilingkod kahit kailan sa taong ito, at maaaring iakma ang haba ayon sa paglilingkod na ibinibigay,” sabi sa liham ng Unang Panguluhan.

Ang tawag na maglingkod ay kasunod ng mensahe ni Pangulong Henry B. Eyring sa sesyon sa Sabado ng umaga ng pangkalahatang kumperensya noong Abril.

“Pararamihin ng damdamin ng pagkakaisa ang mabubuting epekto ng inyong paglilingkod,” sabi ni Pangulong Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan. “At ang damdamin ng pagkakaisa sa mga pamilya, sa Simbahan, at sa mga komunidad ay lalago at magiging isang walang-katapusang pamana kahit matagal nang tapos ang proyekto” (“Mga Pagkakataong Gumawa ng Mabuti,” Liahona at Ensign, Mayo 2011, 25).

Nagbigay ng mga patnubay ang Unang Panguluhan sa mga miyembrong nagpaplano ng mga proyektong pangserbisyo, pati na pag-imbita sa mga nasa komunidad at full-time missionary na makisama at magplano ng mga proyekto para makalahok ang mga pamilya at bawat tao. Hinikayat din ang pag-aanunsyo ng mga proyekto para dumami ang makaalam at magkaroon sila ng interes.

Marami nang ward, branch, district, at stake ang tumugon sa panawagan. Nagsuot ng dilaw na kamisetang Mormon Helping Hands ang ilang naglilingkod samantalang ang iba ay basta tumulong na lang, ngunit mula sa pagbibigay ng dugo hanggang sa paglilinis ng mga gusali ng komunidad, nakakatuwa ang tugon ng mga miyembro.

Si Elder Walter F. González ng Panguluhan ng Pitumpu ang nangungulo sa mga gawain ng Simbahan sa North America Southeast Area. Hinamon muna niya ang bawat kongregasyon sa kanyang area na magbigay ng isang araw ng paglilingkod noong 2009.

Taun-taon mula noon ay nag-oorganisa ng taunang araw ng paglilingkod ang mga miyembro sa katimugang Estados Unidos. Sabi ni Elder González, masaya siyang makita na magkakaroon ng gayong pagkakataon ang mga kongregasyon sa buong Simbahan ngayong taon.

“Naglilingkod tayo dahil katangian iyon ni Cristo, at pagkakataon iyon para maging katulad Niya, na magkaroon ng saloobin na maglingkod—isang likas na ugaling maglingkod,” wika niya. “Kapag naglingkod tayo nang hindi nagtatangi ng relihiyon o sekta o lahi, ang ating tumutulong na mga kamay ay magiging mga kamay na nagdurugtong, na naglilinang ng mga ugnayan sa komunidad.”

Sa Jacksonville, Florida, USA, 11 kongregasyon ang tumugon sa panawagang maglingkod sa pagbibigay ng pagkain at dugo noong Abril 16. Ilang LDS meetinghouse ang ginamit na mga bagsakan ng mga donasyong pagkain, samantalang sa ibang mga meetinghouse naman idinaos ang pagbibigay ng dugo.

Ang mga miyembro ng Jonesboro Ward in Georgia, USA, na may dalang mga chainsaw ay nagtipon sa Stately Oaks Plantation, isang bantog na lugar kung saan kinunan ang pelikulang Gone with the Wind, noong Mayo 14 upang hilahin ang mga nabaling sanga.

Noong huling linggo ng Abril, sumama ang mga Banal sa California at Hawaii, USA, sa mga boluntaryo sa komunidad para sa taunang Mormon Helping Hands Day.

Sa San Diego, California, USA, 150 boluntaryo ang tumulong na maglinis ng 3,000 lapida sa Fort Rosecrans Memorial Park, isang sementeryo ng mga beterano.

Nakipagtulungan ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Palos Verdes, California, USA, sa isang samahang tinatawag na Clean San Pedro upang walisin at linisin ang mga kalsada at bangketa sa central area ng San Pedro, at nakakolekta ng mahigit isang tonelada (900 kg) ng basura at kalat.

Sabi ng pinuno ng Clean San Pedro na si Steve Kleinjan, “Gustung-gusto naming makipagtulungan sa simbahang ito. Lagi silang maraming boluntaryo.”

Tumugon ang mga miyembro ng Charlotte North Carolina (USA) South Stake sa panawagan ng Unang Panguluhan na maglaan ng isang araw ng paglilingkod sa taong 2011 sa pakikipagtulungan sa isang lokal na kawanggawa upang mangolekta ng ilalagay sa welcome basket.

Mahigit 2,000 paper bag na may listahan ng kailangang-kailangang mga bagay ang inilagay sa buong komunidad. Isang linggo pagkaraan, halos 130 boluntaryo ang gumugol ng 150 oras sa pagkolekta ng mga bag at pagbibigay ng mga aytem sa mga pamilyang walang bahay na lilipat sa bagong tirahan.

Ang mga batang Primary naman ng ward ay gumawa ng karatulang “Welcome Home” para sa mga pamilya.

Sa Georgia, USA, nagsama-sama ang buong Griffin Ward noong Sabado, Mayo 21, upang linising mabuti ang loob at labas ng isang lokal na bahay-ampunan, ang House of Hope.

Sa Clinton, Missouri, USA, nagkita-kita ang mga Banal sa mga Huling Araw upang linisin ang Jackson Zoo, ayusin ang halamanan, magpintura, at magkumpuni ng mga kagamitan.

Binigyang-diin ni Elder González na ang paglilingkod ng mga miyembro ay magpapala kapwa sa mga miyembro at hindi miyembro ng Simbahan.

“Napakaraming iba’t ibang paraan para maglingkod at makipag-ugnayan sa komunidad,” wika niya. “At kapag naglilingkod tayo sa iba, nakikita rin natin ang kamay ng Panginoon sa buhay ng ating mga miyembro.”

Nililinis ng mga miyembro sa California, USA, ang kanilang lungsod.

© IRI