2011
Sarado ang Templo!
Setyembre 2011


Sarado ang Templo!

Chinedu Enwereuzo, Lagos, Nigeria

Ang kasal namin sa templo ay itinakda noong Hulyo 7, 2009—isang petsang sabik naming inasam. Dahil lumaki kami malapit sa Aba Nigeria Temple, nasiyahan kami na kahit lumipat kami, maraming kaibigan at kapamilya na nakatira pa rin sa lugar ang makakasama namin sa templo o kaya’y sa handaan.

Dumating kami sa Aba pagkaraang maglakbay nang mahigit anim na oras mula Lagos at ginawa namin ang huli naming mga paghahanda para sa aming pagbubuklod at handaan. Ngunit tatlong araw bago ang nakatakda naming kasal, sinabihan kami na hindi inaasahang isinara amg templo at ipapaaalam na lang kung kailan ito muling bubuksan. Nalungkot kami at nag-alala. Walang makapagsabi sa amin kung kailan muling bubuksan ang templo, na isinara dahil sa kaguluhan sa lugar. Nanlulumong sinabi namin sa mga kaibigan at pamilya na ipinagpaliban ang aming pagbubuklod, at malungkot kaming nagbalik sa Lagos nang hindi nalalaman kung kailan maaaring itakdang muli ang aming pagbubuklod sa templo.

Pagbalik namin sa Lagos, ipinagdasal namin nang taimtim ang muling pagbubukas ng Aba Nigeria Temple. Isang linggo ang lumipas na walang anumang balita tungkol sa muling pagbubukas nito. Parang isang taon ang isang linggong ito sa amin. Inasam namin ang aming kasal sa templo at pagdiriwang kasama ang mga kaibigan at pamilya sa lalong madaling panahon.

Sa paglipas ng panahon na walang balita tungkol sa muling pagbubukas nito, nadama namin na dapat kaming mag-isip ng ibang paraan. Dahil ang Aba Nigeria Temple lang ang templo sa Nigeria, natanto namin na kakailanganin naming maglakbay patungong Accra Ghana Temple kung gusto naming magpabuklod kaagad. Sa kasamaang-palad, wala kaming panggastos sa paglalakbay. Ngunit noon pa namin planong makasal sa templo, at alam namin na dapat kaming tumuloy.

Nanghiram kami ng pera sa pamilya at mga kaibigan, kumuha ng international passport, tumawag sa Accra Ghana Temple para magtakda ng petsa, at bumili ng mga tiket sa eroplano patungong Ghana.

Dumating kami sa Accra noong Agosto 14, 2009, at nagtungo sa templo kinabukasan. Sa sealing room, tanging ang tagapagbuklod sa templo at dalawang saksi lamang ang kasama namin. Wala kaming kasamang mga kaibigan, kapamilya, at sinumang kilala namin. Ngunit kahit nasa isang bansa kami na hindi pamilyar, sa isang lugar na malayo sa aming tahanan, alam namin na kami ay nasa lugar na dapat naming kalagyan, ginagawa ang dapat naming gawin. Sa sandaling iyon, nadama namin ang mga kapangyarihan ng kawalang-hanggan at naunawaan nang mas malinaw ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa amin at para sa lahat ng Kanyang anak.

Ang malungkot, namatay ang aking asawa noong 2010 matapos isilang ang aming unang anak. Labis akong nangungulila sa kanya ngunit napapanatag ako nang husto dahil alam ko na nabuklod kami sa templo. Walang hanggan ang pasasalamat ko na hindi namin ipinagpaliban ang aming kasal sa templo sa paghihintay kung kailan kami makaluwag. Ang aming kasal ay isang bagay na lagi kong itatangi at kapapalooban ng kuwentong hinding-hindi ko malilimutan.