2011
Tungkulin sa Diyos Kasama si Itay
Setyembre 2011


Espesyal na Bahagi tungkol sa Tungkulin sa Diyos

Tungkulin sa Diyos Kasama si Itay

Kailangan mo ba ng tulong sa Tungkulin sa Diyos? Nasa loob lang ito ng tahanan.

Matapos malaman ang tungkol sa bagong buklet na Tungkulin sa Diyos sa isang fireside noong nakaraang taon, nasabik si Aleks Miller—deacons quorum president ng North Shore Ward, Vancouver British Columbia Stake—na simulan ito. Itinakda nilang magkitang mag-ama tuwing Linggo para magkasamang gawin ang isang bahagi ng buklet.

“Bawat linggo, nauupo kami ni Itay at binabasa namin ang isang bahagi ng aklat,” sabi ni Aleks. “Nagsisimula kami sa panalangin, at saka namin pinag-aaralan iyon at binabasa ang mga banal na kasulatan. Sinasagutan namin ang mga tanong sa bahagi at saka namin isinusulat kung paano namin magagawa ang natutuhan namin.” Madalas ibahagi ni Aleks sa kanyang ina ang ginagawa nilang mag-ama. “Kinausap ko si Inay tungkol sa sakramento at kahulugan ng mga panalangin sa sakramento at sumulat ako ng ilang ideya kung paano ako makatutulong, bilang deacon, na gawing mas makahulugan ang sakramento para sa kanya.”

Pagkatapos lamang ng ilang linggo ng pagkikitang ito tungkol sa Tungkulin sa Diyos Kasama si Itay, napansin ni Aleks na gumagawa ito ng kaibhan sa kanyang buhay. “Maganda talaga ang pakiramdam ko dahil dito,” wika niya. Hindi laging nangunguna ang pag-uusap nilang mag-ama sa gustong gawin ni Aleks sa Linggo ng hapon, “ngunit kapag sinimulan na naming matuto at magbasa nang magkasama, mas masaya ako at mas maganda ang pakiramdam ko sa paggawa nito.”

Nagtakda ng mga bagong mithiin si Aleks at mas nauunawaaan na niya ang ebanghelyo habang nag-aaral at natututo sila ng kanyang ama. “Isa sa mga bahagi sa Tungkulin sa Diyos ang nagmungkahi na pag-aralan namin ang limang paksa sa Para sa Lakas ng mga Kabataan at saka kami sumulat ng isang mithiin para sa bawat isa para mas maganda ang magawa mo,” paliwanag ni Aleks. “Katapatan ang pinili ko. Kaya isa sa mga mithiin ko ang ipaalam sa mga magulang ko kapag may ginawa akong mali sa halip na ilihim ito.”

Ang isa pang paksang pinili ni Aleks ay edukasyon. “Minithi ko na huwag lumiban nang isang buong buwan sa paaralan at huwag magloko sa klase at tapusin ang lahat ng gawain ko para wala na akong iuwing homework. Maayos ko namang nagagawa ito, at ngayon ay marami akong bakanteng oras.”

Ngayon ay hinihikayat ni Aleks ang lahat ng deacon sa kanyang korum na gawin ang kanilang pagtupad ng tungkulin sa Diyos. At ganoon din ang payo niya sa iba pang binatilyong nag-iisip na buklatin ang kanilang buklet at simulan itong gawin: “Basta gawin lang ninyo ito,” wika niya. “Kung parang hindi kayo makapagsimulang mag-isa, gayahin ninyo ako at magpatulong kayo sa tatay ninyo.”

Larawang kuha ni Paul VanDenBerghe