2011
Pagkakaroon ng Kapayapaan sa mga Panahon ng Kaguluhan
Setyembre 2011


Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo

Pagkakaroon ng Kapayapaan sa mga Panahon ng Kaguluhan

Mula sa “Kapahingahan ng Inyong mga Kaluluwa,” Liahona, Nob. 2010, 101–2.

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin” (Mateo 11:28).

Larawan
Elder Per G. Malm

Sa kabayanan ng Gothenburg, Sweden, may isang maluwang na lansangang maraming magagandang puno sa magkabilang tabi. Isang araw nakakita ako ng butas sa isa sa malalaking puno, kaya inusisa ko ang loob at nakita ko na hungkag ito.

Nagulat ako dahil nakakatayo pa ang puno. Kaya tumingala ako at nakita ko ang isang malapad na sinturong bakal na nakatali sa itaas na bahagi ng katawan nito. May mga alambreng nakakabit sa sinturon, at nakatali at nakaangkla naman ang mga ito sa kalapit na mga gusali. Mula sa malayo wala itong ipinagkaiba sa ibang mga puno; sa pagsilip lang sa loob nito malalaman ng isang tao na hungkag ito at hindi buo at matibay ang katawan. Paglaon, hindi na maisalba ang puno at kinailangan nang putulin.

Tulad ng pagtubo nang paunti-unti ng mga batang puno hanggang sa maging matibay na puno, maaari din tayong lumakas nang paunti-unti sa kakayahan nating maging matatag at buo sa loob at labas, kumpara sa hungkag na puno. Sa pamamagitan ng nagpapagaling na Pagbabayad-sala ni Jesucristo magkakaroon tayo ng lakas na tumayo nang tuwid at matatag at mapuspos ang ating kaluluwa—ng liwanag, pag-unawa, kagalakan, at pagmamahal.

Ang pagsampalataya kay Jesucristo at pagsunod sa Kanyang mga turo ay nagbibigay sa atin ng matibay na pag-asa, at ang pag-asang ito ay nagiging matibay na sandigan ng ating kaluluwa. Magiging matatag tayo at di-natitinag. Maaari tayong magkaroon ng walang-hanggang kapayapaan ng kalooban; makakapasok tayo sa kapahingahan ng Panginoon. Kung tatalikod tayo sa liwanag at katotohanan saka lamang natin madarama, gaya ng sa puno, ang kahungkagan ng kalooban sa kaibuturan ng ating kaluluwa.

Magtuon tayo sa mga bagay na magpapanatili ng walang katapusang kapayapaan sa puso’t isipan. Sa gayon ang ating pagtitiwala ay “lalakas sa harapan ng Diyos” (D at T 121:45). Ang pangakong makapasok sa kapahingahan ng Panginoon, na makatanggap ng kaloob na kapayapaan, ay ibang-iba sa pansamantala at makamundong kasiyahan. Tunay ngang ito ay kaloob ng langit: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man” (Juan 14:27). May kapangyarihan Siyang magpagaling at magpatatag ng kaluluwa. Siya si Jesucristo.

“Lumapit sa kaniya ang lubhang maraming tao, na may mga pilay, mga bulag, mga pipi, mga pingkaw, at iba pang marami, at sila’y kanilang inilagay sa kaniyang mga paanan; at sila’y pinagaling niya:

“Ano pa’t nangagtaka ang karamihan, nang mangakita nilang nangagsasalita ang mga pipi, nagsisigaling ang mga pingkaw, at nagsisilakad ang mga pilay, at nangakakakita ang mga bulag: at kanilang niluwalhati ang Dios ng Israel” (Mateo 15:30–31).

Ipinanumbalik ang Paningin, ni J. Kirk Richards