2011
Nagbago ang Isip Ko
Setyembre 2011


Nagbago ang Isip Ko

Jessica Baksis, Idaho, USA

Ako ay 21 taong gulang noon at kasosyo sa isang beauty salon. Nagturo ako sa klase ng Primary sa simbahan. Maganda ang buhay ko, pero balisa ako. Tila may ibang bagay na kailangan kong gawin—hindi ko lang alam kung ano.

Tinawag ako ng bishop ko sa opisina niya isang araw ng Linggo at tinanong ako kung naisip ko nang magmisyon. Nabigla ako. Dalawang taon pa lang akong miyembro ng Simbahan at hindi ko naisip magmisyon kahit kailan.

Sinabi ko sa bishop na palagay ko ay hindi akma sa akin ang misyon. Habang palabas ako ng kanyang opisina, sinabi niya, “Kung magbago ang isip mo, ipaalam mo sa akin.” Akala ko tapos na ang usapan, ngunit nagpabalik-balik ang mga salita ng bishop sa isip ko.

Tinanong ko sa sarili kung posible akong magmisyon. Ako lang ang miyembro ng Simbahan sa pamilya ko. Ano ang madarama ng pamilya ko? Ano ang gagawin ko sa parte ko sa beauty salon? Kakayanin ko bang maglingkod nang isa’t kalahating taon?

Habang pinag-iisipan ko ang mga tanong na ito, nahikayat akong basahin ang Aklat ni Mormon. Dinampot ko ito at binuklat sa ikawalong kabanata ng Alma. Habang nagbabasa ako tungkol sa paghayo nina Alma at Amulek sa kanilang misyon, nalaman ko na kailangan ko ring “ipahayag ang mga salita ng Diyos” (talata 30). Nang sumunod na Linggo sinabi ko sa bishop ko na nagbago na ang isip ko at nais kong magmisyon.

Sinuportahan ako ng pamilya ko, at naipagbili ko ang parte ko sa beauty salon. Naglingkod ako sa Caracas, Venezuela, at patuloy akong umaani ng mga pagpapala sa paglilingkod nang marangal sa Panginoon.