2011
Paninindigan sa Aking Desisyon
Setyembre 2011


Paninindigan sa Aking Desisyon

Elena Ogneva Anderson, Utah, USA

Noong mag-21 anyos ako, nakadama ako ng mga panghihikayat na magmisyon. Hindi ko kailanman ipinlanong magmisyon, kaya’t hindi ko akalaing maisip ko ito. Hinikayat ako ng aking priesthood leader na ipagdasal ito, at ginawa ko iyon.

Napakalinaw ng sagot sa akin: alam kong gusto ng Diyos na magmisyon ako. Noong una ay sabik akong maglingkod, pero mas mahirap palang umalis papuntang misyon kaysa inakala ko.

Hindi naintindihan ng boss ko kung bakit ako mawawala nang 18 buwan, at ayaw niya akong bigyan ng panahong makapaghanda sa pag-alis ko. Binigyan niya ako ng ultimatum: “Magtrabaho ka o huwag na lang. Ikaw ang magpasiya.” Kahit takot akong mawalan ng trabaho sa mga huling linggo bago ako nagmisyon, pinili kong magbitiw sa trabahong iyon.

Kumplikado rin ang pagkumpleto ng mga pangangailangang medikal. Ang doktor ko sa bayan kong Russia ay hindi pa kailanman nakakita ng mga dokumentong medikal ng Simbahan para sa misyonero at tumangging pirmahan ang mga ito.

Dahil sa mga balakid na tulad nito, naisip ko kung talagang tama ang naging pasiya ko. Ilang beses nang muntikang magbago ang isip ko. Ngunit sa mga sandaling iyon ng pag-aalinlangan, naalala ko ang sagot na natanggap ko sa aking dalangin at napanindigan ko ang desisyon kong maglingkod. Kalaunan, nakahanap ako ng mga solusyon dito at sa iba pang mga hamong nakaharap ko.

Tinawag akong maglingkod sa Russia St. Petersburg Mission. Ang unang ilang buwan sa misyon ay hindi naging madali. Ngunit dahil sa natutuhan ko sa pagharap sa mga balakid noong naghahanda akong maglingkod, nagawa kong harapin ang mga hamon sa aking misyon. Ang misyon ko—at ang mga hirap na dinanas ko sa paghahanda para dito—ay nagturo sa akin na magagawa ko ang mahihirap na bagay sa tulong ng Panginoon.