2024
Huling Mensahe ni Moroni para sa Inyo
Disyembre 2024


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Moroni 1–10

Huling Mensahe ni Moroni para sa Inyo

Akala ni Moroni ay natapos na niya ang kanyang talaan. Matuwa na may kaunti pa siyang isinulat.

si Moroni na nagsusulat sa mga lamina

Mahirap isipin na lalong lumala ang sitwasyon sa pagtatapos ng Aklat ni Mormon. Nasaksihan ni Moroni, ang huling propetang Nephita, ang buong pagkalipol ng kanyang mga tao—ng kanyang buong pamilya, lahat ng kanyang kaibigan, lahat.

Tumatakas na siya ngayon.

Sumumpa ang mga Lamanita na papatayin nila ang sinumang hindi magtatatwa kay Jesucristo, kaya kinailangan ni Moroni na magpagala-gala nang mag-isa “para sa kaligtasan ng sarili [niyang] buhay” (Moroni 1:3).

Nakakatakot! Paano ito nalampasan ni Moroni?

Matapang niyang sinabi, “Ako, si Moroni, ay hindi itatatwa ang Cristo” (Moroni 1:3). Alam niya na anuman ang mangyari, makakayanan niya iyon dahil sa kanyang pananampalataya kay Jesucristo. Totoo rin ito sa inyo. Ito ang huling mensahe ni Moroni na iniwan niya para sa inyo.

Alalahanin Kung Ano ang Pinakamahalaga

Nag-iisa at nagtatago, sinikap ni Moroni na tapusin ang talaan ng kanyang amang si Mormon, na napatay sa digmaan. Matapos idagdag ang aklat ni Eter at ang ilang sarili niyang salita (tingnan sa Mormon 8–9), naisip ni Moroni na tapos na siya—hanggang sa mabigyang-inspirasyon siya na “[sumulat] pa ng ilang bagay” na inaasahan niyang “magiging mahalaga … sa mga darating na araw” (Moroni 1:4). Ang araw na iyon ay ang ating panahon, na nakita ni Moroni (tingnan sa Mormon 8:35). Ano ang itinuring ni Moroni na “magiging mahalaga” sa atin?

Nagbahagi si Moroni ng mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo (tingnan sa Moroni 2–6) at nagpatotoo tungkol kay Jesucristo. Kahit sa mahihirap na panahon, naalala ni Moroni kung ano ang pinakamahalaga. Tulad ni Moroni, makasusumpong kayo ng lakas sa pag-alaala kung ano ang pinakamahalaga—ang inyong mga kaugnayan sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa inyong pamilya at mga kaibigan; pamumuhay ng ebanghelyo; at pagbabahagi ng alam ninyong totoo.

Makasumpong ng Pag-asa sa Dalisay na Pag-ibig ni Cristo

Isinama rin ni Moroni ang mga salita ng kanyang ama (tingnan sa Moroni 7–9). Itinuro ni Mormon na ang pananampalataya kay Jesucristo ay humahantong sa “pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli” (Moroni 7:41). At ang pananampalataya at pag-asa ay humahantong sa pag-ibig sa kapwa-tao, na siyang “dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47).

Si Jesucristo ay nabuhay para sa atin, Siya ay nagdusa, nagtigis ng dugo, at namatay para sa atin, dahil mahal Niya tayo. Maaari nating ipagdasal “nang buong lakas ng puso” na mapuspos ng Kanyang pagmamahal, na siyang pag-ibig sa kapwa-tao (Moroni 7:48; tingnan sa Eter 12:33–34). Sa pamamagitan lamang ng Tagapagligtas “tayo … mag[ka]karoon ng ganitong pag-asa” (Moroni 7:48). Alam ito nina Mormon at Moroni nang buong puso nila. Ang walang-maliw na pagmamahal ng Tagapagligtas ang nagbibigay sa atin ng lahat ng dahilan para umasa.

Asamin ang Hinaharap nang May Pananampalataya

Sa kabila ng malaking panganib, tinapos ni Moroni ang talaan at ibinaon ito malapit sa tuktok ng isang burol. Makalipas ang daan-daang taon, isinalin ni Joseph Smith ang talaan at inilathala ito sa mundo bilang Aklat ni Mormon: Isa pang Tipan ni Jesucristo.

Sa kanyang huling mensahe, ibinahagi ni Moroni kung paano natin malalaman na ang Aklat ni Mormon ay totoo (tingnan sa Moroni 10:4–5). Inaanyayahan din niya tayong “lumapit kay Cristo” (Moroni 10:32). Kapag tinanggap natin ang paanyaya ni Moroni, maaari nating asamin ang hinaharap nang may pananampalataya kahit nagawa na natin ang lahat ngunit hindi pa rin nangyayari ang mga bagay-bagay ayon sa inaasahan natin.

Alam ito ni Moroni nang higit kaysa karamihan. Dahil sa kanyang pananampalataya ay napagtanto niya ang pangakong ito ni Jesucristo: “Kung kayo ay may pananampalataya, magagawa ninyo ang lahat ng bagay na kapaki-pakinabang sa akin” (Moroni 10:23). Ang huling mensahe ni Moroni ay nagpapatotoo na ang pangakong ito ay para din sa inyo.

Si Jesucristo ang inyong Tagapagligtas at Manunubos—sa mapayapang panahon o magulong panahon; ngayon at sa tuwina.

Si Jesucristo kasama ang mga batang Nephita

Jesus Stood in the Midst [Si Jesus ay Nakatayo sa Gitna], ni Casey Childs