Magbigay
Ang maliliit na pagpapakita ng kabaitan ay nagkakaroon ng malaking epekto kapag pinagsama-sama.
Narito ang isang maliit na math equation para sa iyo: Ano ang 270 x 2? Kung 540 ang sagot mo, tama ka. Pero kung ang sagot mo ay 5,000 mas tama ka pa—kaya lang baka hindi sa susunod na pagsusulit mo sa math.
Ang medyo hindi kapani-paniwalang math na ito ay tumutukoy sa nangyari matapos ipasiya ng mga estranghero sa iba’t ibang panig ng mundo na magpakita ng kaunting kabaitan. Salamat sa Mga Giving Machine sa Light the World campaign, 90 kababaihan mula sa isang maliit na nayon ang tumanggap ng 270 sisiw. Sa loob lamang ng 2 taon (hayan ang 270 x 2 math!) ginawang 5,000 manok ng kababaihang ito ang mga sisiw na iyon—at dumarami pa. Sa katunayan, ang kababaihan ding iyon ngayon ay nagsusuplay ng mga sisiw sa pamamagitan ng Giving Machine program na iyon.
Iyan ang ibinubunga ng kabaitan. Kadalasa’y wala tayong ideya kung gaano karaming kabutihan ang maaaring idulot ng mga simpleng gawa natin. Parang naghahagis ka ng bato sa lawa at pagkatapos ay umalis ka, nang hindi napapansin ang mga alun-alon na palaki nang palaki sa ibabaw ng tubig.
Ngayong Kapaskuhan, paano ka man magpakita ng kabaitan sa iba, dapat mong malaman ito: gumagawa ng kaibhan ang iyong mga pagsisikap.
Malamang ay mas malaki pa kaysa inaakala mo.
Narito ang ilang kuwento lamang mula sa iba’t ibang panig ng mundo para mahikayat kang magpalaganap ng iyong maliit na kabaitan ngayong Kapaskuhan.
Mga Bagong Talento, mga Bagong Kaibigan
Ni Ashton L., 17, State of Mexico, Mexico
Matapos hilingin ng Area Presidency sa aming stake na gumawa ng isang aktibidad sa paglilingkod, naisip kong pumunta sa isang lokal na ospital at mag-donate ng gawang-kamay na mga kumot at sumbrero para sa mga ina at sa kanilang mga sanggol.
Tinuruan ako ng isang sister na gumawa ng mga kumot, kaya tinuruan ko ang iba. Isa pang sister sa ward namin ang natutong mag-knitting at pagkatapos ay tinuruan niya ako at ang lahat ng iba pa. Nagkaroon kami ng aktibidad kung saan tumulong ang mga kabataan sa paggawa ng mga kumot at sumbrero. Kahit ang matatanda sa aming stake, kapwa kalalakihan at kababaihan, ay nasabik na “Maging Ilaw ng Sanlibutan” at tumulong din.
Sa huli, nakagawa ang aming stake ng 200 sumbrero para sa sanggol at 480 kumot! Pagtapos namin, humayo ang isang grupo mula sa aming ward para i-donate ang mga item sa mga nanay na nasa ospital.
Masayang-masaya sila, at palagay ko ay nadama nila ang pagmamahal ni Cristo.
Naisip ko ang paglilingkod at kung paano ito nakatulong sa akin bilang disipulo ni Cristo, at bilang anak ng Diyos. Ang isang bagay na natanto ko ay nakakatulong sa akin ang paglilingkod na mapalapit sa Diyos, lalo na sa mahihirap na panahon sa buhay ko. Paglilingkod ang pinakamainam na paraan para mas mapalapit sa Diyos.
Binigyan tayo ng Diyos ng mga talento at kaloob. Kung gusto mong matuto ng ibang bagay para pagpalain ang iba, tutulungan ka Niya na linangin ang kasanayang iyan. Upang maging pagpapala para sa ibang tao, kailangan Niya na magkusa tayo at maging handa. Kahit pakiramdam mo ay hindi ka espesyal, o wala kang maibibigay sa iba, may maibibigay ka. Kailangan mo lang bumaling sa Diyos at hilingin sa Kanya na buksan ang iyong mga mata. Tutulungan ka Niya na makita kung paano ka tunay na magiging pagpapala sa iba.
Mga Giving Machine at Masayang Balita
Texas, USA
Ibinahagi ng pamilya Howard ang kaloob na musika nang kumanta sila ng mga awitin sa Pasko para sa mga taong bumibisita sa Mga Giving Machine at sa mga taong dumaraan. Pito sa siyam na magkakapatid sa pamilya Howard at kanilang mga magulang ang kumanta habang tumutugtog ang kanilang 19-na-taong-gulang na kapatid na si Emily, isang award-winning na piyanista.
“Ito ang pinakamagandang karanasan sa lahat!” sabi ni Hannah, 17. “Gustung-gusto kong pag-ibayuhin ang masayang kapayapaan sa paligid ng Giving Machine at maghatid ng kagalakan sa lahat ng dumating! Kahit maaaring abala ang mga tao sa kalsada, at maraming bagay na dapat gawin sa Kapaskuhan, gustung-gusto kong ibahagi ang pagmamahal na tulad ng kay Cristo sa maikling panahon. Ang makita ang lahat ng kagalakan habang naglilingkod ay naghatid ng kapayapaan at kagalakan ng Pasko sa puso ko.”
Tennessee, USA
Sina Sam S. at Sofi J., dalawang estudyante sa high school, ay bumuo ng isang bagong school club para makalikom ng pera para sa Mga Giving Machine. Ang una nilang mithiin ay makalikom ng sapat para gawin ang “777 Challenge.” (Kapag pinindot ng mga donor ang 7 nang tatlong beses sa Mga Giving Machine, bumibili sila ng isa sa lahat ng naroon.) Sa bukas-palad na mga donasyon na nakolekta mula sa mga estudyante, nagawa nina Sam at Sofi ang 777 Challenge nang dalawang beses.
Sinabi ni Sofi na itinuro sa kanya ng karanasang ito na maraming iba’t ibang paraan para makapaglingkod, at bawat maliit na donasyon ay nakakatulong kahit paano.
“Nangalap ako ng pondo para makaabot ang Mga Giving Machine sa aming komunidad at high school,” sabi ni Sam. “Gusto ko ring patunayan na ang mga tinedyer ay maaaring makagawa ng kaibhan at maging ilaw ng sanlibutan.”
Western Australia, Australia
Isang gabi bago mag-Pasko, nagpunta si James H. sa Mga Giving Machine kasama ang kanyang pamilya. Pinili niyang mag-donate ng primary school pack dahil gusto niyang tulungan ang isang tao na magkaroon ng mahahalagang bagay na kailangan niya para sa paaralan. “Nagpapasalamat ako sa biyayang makapag-aral,” sabi ni James. “Isang bagay ito na nais kong matanggap ng bawat bata sa mundo, dahil nagbibigay ito ng mga pagkakataon na mapagpala ang kanilang buhay at ang buhay ng iba.”
Quezon, Philippines
Si Princess Jewel V. at ang kanyang kapatid na si Princess Jazmine Miraede N. V. ay nagkaroon ng “pambihirang karanasan” sa Mga Giving Machine sa Pilipinas.
“Ang pagdaan namin nang magkasama sa Mga Giving Machine ay napakahalagang sandali para sa aming dalawa,” sabi ni Princess Jewel. “Nakakatuwang pumili ng mga regalo para sa mga nangangailangan, mula sa mahahalagang bagay hanggang sa mga supply sa pag-aaral at pangangalagang medikal. Ang makasama sa karanasang ito ang aking kapatid ay nagpatibay sa pagsasamahan namin at nagturo sa amin ng kapangyarihan ng habag at kagandahang-loob, kahit sa ganitong edad namin. Isang makabuluhang paalala ito ng epektong magagawa namin sa pamamagitan lamang ng pagbibigay.”
Maging Mabuti Kang Impluwensya
Tulad ng itinuro ng propetang si Alma sa kanyang anak na si Helaman, “Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6).
Kaya magbigay mula sa iyong sarili, iyong oras, mga talento, pagmamahal, o paglilingkod sa kahit anong paraan ngayong Kapaskuhan. Narito ang ilang ideya:
-
Pumila at pumindot ng isa o dalawang button sa isang Giving Machine.
-
Ngumiti at bumati sa isang taong mukhang medyo malungkot.
-
Paglingkuran ang iyong mga kaibigan, kapitbahay, o kahit na mga estranghero.
-
Anyayahan ang iyong mga kaibigan at kapamilya sa mga aktibidad sa Pasko.
-
Anyayahan ang mga kaibigan na sumamba kayo sa araw ng Linggo bago mag-Pasko.
Naalala mo ba ang analohiya ng lawa at mga alun-alon noon? Humayo at maghagis ng ilang bato.
Matutuwa ang mundo sa ginawa mo.