2024
Ang Nativity o Belen
Disyembre 2024


Ang Nativity o Belen

Alamin ang pamilyar na tagpong ito sa Pasko at kung paano tayo nito tinutulungang magtuon ng pansin sa Tagapagligtas.

Betlehem

Mga larawang-guhit ni Caroline Vibbert

Betlehem

Ang kahulugan ng Bethlehem ay “bahay ng tinapay” sa wikang Hebreo. Tinatawag ito kung minsan na bayan ni David, na kung kaninong angkan ay ipinropesiya na pagmumulan ng Mesiyas (tingnan sa Jeremias 23:5; Juan 7:42). Pinahiran ni Samuel ng langis si David bilang hari sa Betlehem (tingnan sa 1 Samuel 16:1–13). Ipinropesiya na isisilang doon ang Mesiyas (tingnan sa Mikas 5:2).

bahay-panuluyan

Bahay-panuluyan

Ang salitang Griyego para sa bahay-panuluyan ay maaaring mangahulugan ng anumang pansamantalang matutuluyan, kabilang na ang silid para sa panauhin. Si Maria ay “inihiga [ang Batang Cristo] sa isang sabsaban sapagkat walang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan” (Lucas 2:7). (Ang sabi sa Joseph Smith Translation ay “mga bahay-panuluyan.”) Ang “walang silid” ay maaaring mangahulugan na sila ay itinaboy o wala nang lugar na maaaring matigilan nila para magsilang ng sanggol. Anuman ang sitwasyon, nagpunta sila sa isang lugar na may sabsaban.

Tagpo ng Nativity

Sabsaban

Ang sabsaban ay isang nakaangat na kahon o labangan na pinaglalagyan ng pagkain para sa mga hayop. Sa sinaunang Judea, karamihan sa mga ito ay gawa sa bato. Ang mga bahay-panuluyan ay may mga patyo sa gitna na may mga sabsaban, at maraming tahanan din ang may mga sabsaban sa malaking pangunahing silid upang doon ilagay ang mga hayop sa magdamag.

Mga Lampin

nilalampinan ng mga ina ang mga bagong silang na sanggol (ibinabalot sila sa isang kumot o tela) sa loob ng libu-libong taon. Pinapakalma at pinapanatag sila nito matapos mabigla sa paglabas sa sinapupunan. Ang telang ginamit ni Maria ay maaaring may espesyal na marka na natatangi sa pamilya.

Maria at Jose

Sila ay mabubuti at mga matwid na tao, at kapwa mga inapo ni David. Ang bawat isa sa kanila ay binisita ng isang anghel bilang paghahanda sa pagsilang ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 1:18–25; Lucas 1:26–38). Naglakbay sila ng 100–140 km (60–90 milya) papuntang Betlehem. Nagdadalang-tao si Maria nang maglakbay.

mga pastol

Mga Pastol

Inaalagaan noon ng mga pastol ang kanilang mga kawan malapit sa Betlehem. Ayon sa ilang iskolar, ang mga tupa lamang na nakalaang ialay na hain sa templo ang pinapayagang palakihin malapit sa isang lungsod. Kaya ang mga pastol na ito ay maaaring nag-aalaga ng mga tupa na kakatawan sa sakripisyo ni Jesucristo para sa atin (tingnan sa Moises 5:6–7). Iniwan nila ang kanilang mga kawan para makita ang Mesiyas, na ang nagbabayad-salang sakripisyo ay mag-aalis sa pag-aalay ng mga hayop.

Ang Batang Cristo

Si Jesucristo ang nasa sentro ng Nativity—at ng ating buhay.

Mga Tala

  1. Joseph Smith Translation, Luke 2:7 (sa Luke 2:7, footnote b).

  2. Tingnan sa Andy Mickelson, “An Improbable Inn: Texts and Tradition Surrounding Luke 2:7,” Studia Antiqua vol. 14, no. 1 (Mayo 2015).

  3. Tingnan sa Andy Mickelson, “An Improbable Inn.”

  4. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Ang Kapayapaan at Kagalakang Malaman na ang Tagapagligtas ay Buhay,” Liahona, Dis. 2011, 19–20.

  5. Tingnan sa Alfred Edersheim, The Life and Times of Jesus the Messiah, 8th ed. (1907), 1:186.