2024
Paano Ako Magagabayan ng Espiritu?
Disyembre 2024


Mga Sagot mula sa mga Lider ng Simbahan

Paano Ako Magagabayan ng Espiritu?

Kapag hinangad natin ang Espiritu Santo, Siya ay mapagkakatiwalaan, maaasahan, at pinakamamahal na kasama.

Mula sa isang mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission leader noong Hunyo 23, 2023.

dalagitang nasa landas

Nang tayo ay makumpirmang mga miyembro ng Simbahan matapos mabinyagan, tumanggap tayo ng sertipiko ng binyag at kumpirmasyon. Pero ano ang silbi ng sertipikong iyan na nakasabit sa pader o kaya naman ay ipinapakita sa scrapbook kung hindi natin gagamitin ang ipinagkaloob sa atin?

Kailangan nating masigasig na hangarin ang Espiritu Santo at umasa sa Kanya.

Paano Hahangarin ang Espiritu

Ang paghahangad sa Espiritu Santo ay hindi lamang pagiging nakumpirmang miyembro ng Simbahan. Hindi makatwirang isipin na dahil lamang sa natanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo at kalakip na sertipiko, ang kailangan lang nating gawin ay sabihing, “OK. Handa na ako. Ibigay na ang paghahayag!”

Espirituwal na Gawain

Ang katapatan na personal at pribadong ginagawa ay mahalaga sa ating paghahangad ng Espiritu Santo. Kabilang sa espirituwal na paghahangad sa Espiritu ang:

  • Taimtim na pagdarasal sa Ama nang may pananampalataya kay Jesucristo. Sa ating mga panalangin, kapag nagpapasalamat tayo sa Diyos, mas matutukoy natin ang Kanyang awa sa ating buhay.

  • Patuloy at nakatuon na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang patuloy na pag-aaral sa mga salita ni Cristo, na nasa mga banal na kasulatan, ay nagpapasigla ng personal na paghahayag.

  • Pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, dahil “ang kaloob na Espiritu Santo ay ang karapatang makasama palagi ang Espiritu Santo kapag tayo ay karapat-dapat.”

  • Pagiging karapat-dapat. Ibig sabihin, ginagawa natin ang lahat para sundin ang mga kautusan ng Diyos at hindi pinapangatwiranan ang makasalanang pag-uugali. Kapag nagkakamali tayo, nagsisisi tayo. Kung hindi natin gagawin ito, nililimitahan natin ang kakayahan ng Espiritu Santo na magsalita ng anumang bagay sa atin maliban pa sa, “Kailangan mong magsisi!” Malamang na hindi tayo makatanggap ng iba pang paghahayag hangga’t hindi natin ginagawa ito.

  • Pagtupad sa mga tipang ginawa natin sa Diyos. Ang isang bahagi ng paggalang sa ating mga tipan ay ang masigasig na paghahanda para sa at marapat na pagtanggap ng sakramento bawat linggo.

Matutuhang Matukoy ang Espiritu

Kahit matibay na ang pundasyon natin ng mabubuting gawa, kailangan pa rin nating matutuhang makilala ang tinig ng Espiritu Santo.

Ang Espiritu Santo ay nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang paraan sa iba’t ibang tao sa iba’t ibang panahon. Ang tinig ng Espiritu Santo ay hindi malakas o maingay kundi banayad at tahimik, tulad ng isang bulong. Ito ay maaaring napakasimple at payak. Ito ay maaaring tumatagos o nag-aalab. Naaapektuhan nito ang puso’t isipan. Nagdudulot ito ng kapayapaan, kagalakan, at pag-asa—hindi takot, pagkabalisa, o pag-aalala. Ito ay nakapupukaw at kaaya-aya, hindi masalimuot.

Kadalasan, ang paghahayag sa akin ay dumarating sa pamamagitan ng maiikling utos, tulad ng “Humayo ka,” “Gawin mo!,” o “Magsalita ka!” O maaaring ito ay dumarating bilang mga ideya, karaniwang may kasamang panghihikayat na isagawa na ang mga ideyang iyon. Ang gayong kaalaman at pag-unawa ay maaaring maipabatid nang walang mga salita. Bihira ang paghahayag na may malinaw na paliwanag kung bakit dapat nating gawin ang isang bagay.

Ang paghahangad ng Espiritu ay kinapapalooban ng pag-aalis ng mga nakakagambala. Upang makatanggap ng personal na paghahayag, kailangan nating lumayo sa impluwensya ng mundo. Hindi tayo makakatanggap ng paghahayag kapag tayo ay galit, nababagabag, o nadidismaya, o kahit abala lamang sa maraming gawain. Sa halip, lumilikha tayo ng kapaligiran na naghihikayat na madama at makilala ang Espiritu.

Umasa sa Espiritu

Kapag hinangad na natin at pinagpala na tayo ng Espiritu sa ating buhay, wala na ba tayong gagawin? Siyempre mayroon pa. Ang mithiin ay umasa sa Espiritu habang ginagawa natin ang gawain ng Tagapagligtas.

Ang ibig sabihin talaga ng umasa sa Espiritu ay kumikilos tayo nang may pananampalataya, na nagtitiwala na aakayin at gagabayan tayo ng Diyos at paiigtingin ng Espiritu Santo ang ating mga pagsisikap.

Ang ibig sabihin ng umasa sa Espiritu Santo ay nagtitiwala tayo at nananalig kay Jesucristo. Dapat tayong umasa sa Espiritu sa halip na sa ating sariling mga talento at kakayahan. Palalawakin ng Espiritu Santo ang ating mga pagsisikap nang higit kaysa kaya nating gawin nang mag-isa.

Ang pagkilos nang may pananampalataya at pagtitiwala kay Jesucristo ay hindi nangangahulugang hindi na tayo magpapasiya kapag wala tayong nararamdamang pahiwatig.

Paano Ko Malalaman Kung ang Naiisip ko ay mula sa Espiritu o mula sa Sarili Kong Pag-iisip?

Isa sa mga karaniwang tanong ay, “Paano ko malalaman kung ang naiisip ko ay mula sa akin o kung ito ay mula sa Espiritu Santo?” Ito ay makabuluhang tanong. Pero siguro ang mas magandang itanong sa ating sarili ay ito: “Dapat ba akong kumilos ayon sa partikular na kaisipang ito?”

Nagbigay ang propetang si Mormon ng ilang pamantayan upang malaman kung dapat tayong kumilos ayon sa isang partikular na kaisipan: naghihikayat ito na maniwala tayo sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo; naghihikayat ito na mahalin at paglingkuran natin Sila; at naghihikayat ito na gumawa tayo ng mabuti. Kung natutugunan ng nasasaisip ang mga pamantayang ito, mahalaga ba talaga kung ito ay direktang ikinintal ng Espiritu Santo sa mismong sandaling iyon o kung ang nasasaisip na ito ay dahil sa mga karanasan at mga naunang desisyon sa buhay? Ang totoo, hindi na mahalaga iyon.

Ang matutuhang hangarin at umasa sa Espiritu ay isang kasanayan sa buhay, hindi lamang pansamantalang paraan para makaraos sa misyon o sa krisis. Kapag hinangad natin ang Espiritu Santo, Siya ay mapagkakatiwalaan, maaasahan, at pinakamamahal na kasama.